Naalimpungatan ako sa ingay ng paligid. Nagtataka ko silang tiningnan dahil ang dami nilang nakatingin sa'kin. Anong ginagawa nila rito?
"Yanna, anong nararamdaman mo? Kumusta na ang pakiramdam mo?" alalang tanong ni Onessa.
Lumapit siya sa'kin at hinawakan ang kamay ko. Tumango lang ako bilang sagot sa katanungan niya. Nilibot ko ng tingin ang kabuuan ng silid. Hindi pamilyar sa'kin ang silid na kinaroroonan ko. Kaya napabangon ako sa pagkakahiga at napaupo.
"Si Lorde Kai ang nagdala sa'yo rito matapos kang mawalan ng malay," sabi ni Onessa.
"Ako? Nawalan ng malay?" kunot-noo kong tanong.
"Hindi mo natatandaan? Nagpaalam ka sa akin pagkatapos ay nalaman ko na lang na nawalan ka ng malay. Kasama mo si young Ladynne Precipise," sagot niya.
Nanlaki ang mga mata ko. Si Precipise ano na kayang nangyari sa kaniya. Maayos na kaya ang lagay niya? Agad kong sinuri ang braso ko. Namamaga ito at nanlalamig pa rin.
"Ginamot na 'yang braso mo. Maghihilom na rin 'yan bukas," ani Onessa.
"Si Precipise? Anong nangyari sa kaniya?" usisa ko.
"Nawalan din siya ng malay. Ang sabi ni Lorde Kai natural lang iyon sa kapatid niya dahil isa itong Forther. Nagkaganoon ang kapatid niya dahil may nakita ito sa nakaraan na konektado sa'yo. Pero, mas matindi 'yong nangyari sa kaniya. Marahil ay napakabigat ng nakaraan na iyon at hindi niya nakaya," paliwanag ni Onessa.
Anong nakita niya sa nakaraan na konektado sa'kin? Wala naman akong natatandaan na masyadong mabigat.
"Nasaan siya?" tanong ko.
"Nagpapahinga sa kabilang silid," sagot ni Onessa.
Kakausapin ko si Precipise mamaya. Baka tungkol sa ina ko ang nakita niya.
"Nga pala Yanna, kasama ko ang mga young Ladynne. Nais ka nilang makilala at makausap," ani Onessa.
Tiningnan ko ang mga nilalang na kasama ni Onessa. Hindi sila pamilyar sa akin maliban sa isang nilalang na nakatitig sa'kin. Akala ko ba mga young Ladynne?
"Anong ginagawa mo rito?" tanong ko sa Lorde na nakasandal sa dingding.
"Nakalimutan mo na agad. Ako ang nagdala sa'yo rito," sagot niya kaya napatikom ang bibig ko.
Nginisian niya ako kaya napaiwas na lang ako ng tingin. Bakit ang hilig niyang asarin ako?
"Asya, nalulugod akong makilala ka!" masayang sabi ng babaeng nakasuot ng kulay kayumangging kasuotan.
Mukha siyang masayahin at mabait. Hindi mo siya makikitaan ng pagiging masungit. Hindi katulad ng young Ladynne ng Ferrox.
"Ako si Sheena Sowler young Ladynne ng Quert, Terra Runner ng Terra Racial Forces," pagpapakilala niya at nilahad ang kamay.
Inabot ko naman ito at nakipagkamay.
"Young Ladynne Zefirine Filere ng Tarll young Ladynne Asyanna. Aer Flyer ng Aer Racial Forces. Nalulugod akong makilala ka," nakangiti nitong sabi at nakipagkamay din sa'kin.
"Young Ladynne Serfina Xyspere ng Nassus, Ignis Rider ng Ignis Racial Forces," mahinhin nitong sabi at matamis na ngumiti.
Nginitian ko rin siya pabalik. Mukha siyang inosente. Parang hindi gagawa ng kasalanan.
"Noreem Gemisiu young Ladynne ng Wembrech, Gemium Keeper ng Gemium Racial Forces," pagpapakilala rin ng babaeng nakasuot ng eleganteng kasuotan.
Napapalamutian ito ng ibat-ibang brilyante. Pero, ang nakaagaw ng pansin ko ay ang suot niyang kuwentas na gawa sa dyamante. Pakiramdam ko may enerhiyang nagmumula rito.
"Lescha Xarmont young Ladynne ng Ferrox, Frost Byte ng Frost Racial Forces," pagpapakilala ng babaeng nakasuot ng kulay itim na kasuotan.
May kahawig siya hindi ko nga lang matandaan kung sino. Mukha siyang mabait dahil maamo rin ang mukha gaya ng young Ladynne ng Ferrox.
"Teka, kaano-ano mo 'yong masungit na young Ladynne rin ng Ferrox?" tanong ko.
Napatawa siya sa tanong ko. Bakit siya natatawa? Wala namang nakakatawa sa sinabi ko.
"Kakambal ko, si Xáxa. Paumanhin sa inasta niya sa'yo. Masungit talaga 'yon pero mabait naman 'yon," sagot niya.
Mabait? Mukha ba 'yong mabait? Mas mabait pa nga siya kung titingnan.
"Nagalit siya dahil hindi ko alam ang ngalan niya," kwento ko kaya humagalpak siya ng tawa.
Sa totoo lang, kabaliktaran niya ang kambal niyang masungit. Palatawa siya at mabait talaga.
"Ganoon talaga iyon, Asya. Masasanay ka rin sa kaniya," ani Lescha.
Mukhang hindi ako masasanay. Dahil ayokong makasama ang kambal niya. Maikli lang ang pasensya ko kaya anumang oras maaaring kong masapak ang pagmumukha ni Xáxa.
"Nga pala, nagagalak akong makilala kayong lahat," ngiting sabi ko.
"Maiwan ko na muna kayo. Yanna, pupuntahan ko lang sina ama. Ibabalita ko lang na maayos ka na," paalam ni Onessa bago lumabas ng silid.
"Ikaw, Lorde Kai, maaari ka nang umalis. Kami na ang bahala kay Asya," baling ni Sheena kay Kai.
"Oo na. Mag-iingat kayo kay Yanna, amasona 'yan," sabi ni Kai at nginisian ako.
Nakakainis! Palagi niya akong inaasar.
"At, paano mo nasabi?" tanong ko nang lumitaw ako sa harapan niya habang sakal ang leeg niya.
Napasinghap sila sa ginawa ko kay Kai. Marahil ay nagulat sila sa ginawa ko. Dahil sa bigla kong paglaho at paglitaw sa harapan ni Kai.
"Mag-iingat ka sa pananalita mo, Aqua," banta ko sa kaniya.
Nginisian niya lang ako na parang hindi siya natatakot. Kaya mas diniinan ko ang pagkakasakal ng leeg niya. Napawi ang ngising iyon dahil sa higpit ng pagkakasakal ko.
"Alis," banta ko at binitiwan siya.
Agad siyang lumabas ng silid kaya napatingin ako sa mga Ladynne. Nagkatinginan din silang lima at napahalakhak. Ngumisi rin ako dahil parang natakot sa'kin ang Aqua Sailor Lorde ng Nuclos.
"Iba ka talaga Asya. Natakot sa'yo ang Lorde ng Nuclos," tawang sabi ni Zefirine.
Agad akong naglaho at lumitaw sa higaan. Lumapit sila sa higaan at umupo rin sa tabi ko. Tahimik lang kami at pinakiramdaman ang bawat isa. Parang nagdadalawang isip kami kung sino ang unang magsasalita.
"Asya, saan mo namana ang kakayahan mong maglaho?" tanong ni Lescha.
"Oo nga. Diba hindi 'yon kayang gawin ng isang Magium? Paanong ang isang tulad mo ay may ganoong kakayahan?" dagdag pa ni Serfina.
"Magium ba talaga ang ina mo? O isa ka nga bang Puerre?" tanong ni Noreem.
Nakatikom lang ang bibig ko dahil hindi ko alam kung ano ang isasagot sa kanila.
"Baka hindi ka talaga isang Puerre Asya. Baka kinupkop ka lang nila at pinalabas na isa kang bastarda," sabi rin ni Sheena.
"Kanino bang tanong ang una kong sasagutin?" kabado kong tanong.
"Akin," sagot ni Noreem.
Nginitian ko muna siya bago sinagot ,"Oo, isa akong Magium,"
Bumaling ako kay Lescha at sinagot din ang tanong niya ,"Sa kalikasan. Marahil ay isa itong biyaya. Dahil alam ng kalikasan na magagamit ko ito sa tamang paraan,"
"Nasagot ko na ang katanungan ni Lescha, Serfina. Siguro naman may ideya ka na sa sagot sa katanungan mo?" baling ko kay Noreem kaya napatango siya.
"At, para naman sa katanungan mo Sheena. Bastarda talaga ako. Iyon ang katotohanan," sagot ko rin sa katanungan niya.
"Paumanhin Asya, hindi dapat kita tinawag sa katawagang iyon," ani Sheena.
"Hindi, totoo naman ang iyong winika. Walang makapagpapabago ng katotohanang iyon," tugon ko at nginitian siya.
"May tanong ako Asya. Paano mo nakilala ang nakakatandang kapatid ni Precipise?" usisa ni Zefirine.
Napatawa na lang ako sa kaniya. Hindi sa katanungan niya kun'di sa paraang nakilala ko si Kai.
"Nagkakilala kami sa Eshner Forest," sabi ko kaya napasinghap silang lima.
"Ano?! Pinasok mo ang mapanganib na gubat na iyon?!" 'di makapaniwalang tanong ni Serfina.
"Maraming mababangis na nilalang doon. Paano mo 'yon natalo lahat?" tanong din ni Lescha.
"Isama mo pa ang nanggagalaiting Marcas," ani Sheena.
"Dahil nasa akin ang espada ko," tanging sagot ko lang.
"Ibig mong sabihin, kinalaban mo lahat gamit ang espada mo?" ani Zefirine.
"Oo at nakasagupa ko pa ang mga rebelde," sagot ko.
"Ano?!" reaksyon nilang lahat.
Napatawa na lang ako sa naging reaksyon nila. Hindi ko sila masisisi. Kilala ang mga rebelde sa paggamit ng bawal na mahika at kapangyarihan. Kaya mapanganib silang nilalang.
"Ginamit nila sa'kin ang chaffere," sabi ko kaya nanlaki ang mga mata nila.
"Kaya nilang gumawa ng chaffere?!" 'di makapaniwalang sabi ni Noreem.
"Lumalakas na nga sila. Kailangan itong malaman ng konseho," alalang sabi ni Sheena.
"Naikuwento ko iyon kay Lorde Ornelius. Marahil ay isinangguni na niya ito sa konseho," sabi ko.
Nagkatinginan silang lima at nagtatakang tiningnan ako. Anong problema nila? Wala naman akong nasabing masama.
"Lorde Ornelius? Iyan ang tawag mo sa ama mo Asya?" tanong ni Serfina.
"Oo," ikli kong sagot.
"Bakit?" sabay na tanong ni Sheena at Zefirine.
"Dahil iyon ang nais ko," sagot ko.
"Wala ka naman sigurong problema sa Puerre diba, Asyanna?" usisa ni Lescha.
"Wala, maliban sa panganay na anak ni Lorde Ornelius," sagot ko.
Kunot-noo silang tumingin sa'kin. Palaisipan siguro sa kanila kung bakit ko iyon nasabi.
"Si Onaeus at ako ay mortal na magkaaway," sabi ko.
Napasinghap sila sa isiniwalat ko.
"Kung mortal kayong magkaaway, ibig sabihin palagi kayong naglalabanan sa Gránn?" usisa ni Noreem.
Napangisi na lang ako at sinagot ang tanong niya," Iniiwasan namin ang isa't isa para hindi kami magtuos. Ang huli naming pagtutuos ay nang inanunsyo ni Lorde Ornelius na kasama nila akong pupunta ng Karr at nang payagan akong sumali ng Seeker Game,"
"Anong ginawa niya?" kyuryos na tanong ni Lescha.
"Kinalaban niya ako kung hindi lang dumating si Lorde Ornelius baka napaslang ko na siya," pagmamalaki kong sabi.
"Hindi ka manlang ba natakot na baka ikaw ang mapaslang niya?" tanong ni Serfina.
Napatawa ako at sinagot siya," Hindi. Bakit ako matatakot sa kaniya? Parehas lang kaming magaling sa pakikipaglaban. Saka hawak ko ang pinakamalakas na sandata sa buong Gránn. Kaya hindi ako natatakot sa kaniya. Hinding-hindi ako matatakot sa kaniya,"
"Marami ang ayaw sa'yo dahil sa pagkatao mo. Pero, hindi nila alam ang kaya mong gawin," komento ni Sheena.
Napangiti ako sa binitawang salita ni Sheena. Tama siya. Hindi nila alam ang kaya kong gawin.
"Tama, Asyanna. Kaya, 'wag mo na munang ipakita sa lahat. May tamang panahon para diyan. Kapag nalaman na nila ang kaya mong gawin hindi ka na nila huhusgahan pa sa pagkatao mo," rinig kong bulong sa hangin kaya napangiti ako.
Alam kong nasa tabi ko lang siya. Nararamdaman ko ang enerhiyang bumabalot sa kaniya. Sa tamang panahon makikilala at makikita ko rin ang misteryosong espiritu na palaging nagpaparamdam sa akin.