Chapter Eight

1631 Words
"Asya, maayos na ba talaga ang pakiramdam mo? Iyang braso mo?" alalang tanong ni Sheena. "Oo naman," sagot ko. "Kung ganoon, halina't bumalik sa bulwagan. Tiyak kong marami nang nagkakasiyahan doon," sabi ni Serfina. "Oo nga. Hindi pa naman nagsisimula ang Kazhiar," sang-ayon ni Lescha. "Ikaw Asya, sasama ka ba? Gusto mo bang masaksihan ang Kazhiar?" baling sa'kin ni Zefirine. Umiling lang ako sa kaniya. Ayokong bumalik doon. Ayokong makuha na naman ang atensyon ng lahat. Kapag bumalik pa ako roon baka masira ko lang ang Azthia Ball. Baka masira ko lang ang gabi ng lahat. Hindi naman kasi ang Azthia Ball o Azthia Day ang ipinunta ko rito. Ang sentro mismo ng Azthamen. Ang pinakatanyag na lupain sa walong rehiyon. "Bakit Asya? Pagkakataon mo na ito. Huwag mong sayangin. Minsan lang sa isang taon ito ipinagdiriwang. At, tinitiyak kong ito ang hindi mo malilimutang eksibisyon sa Karr," giit na sabi ni Noreem. "Oo, isa nga sa hindi malilimutang karanasan ang pagdalo sa Azthia Ball at ang makasaksi ng isang pambihirang eksibisyon. Pero, sa totoo lang hindi naman ito ang pinunta ko rito. Ang Karr mismo," sabi ko kaya hindi na nila ako napilit pa. Kaya, umalis silang apat para bumalik sa bulwagan. Nagpaiwan naman si Sheena dahil ayaw niya ring bumalik doon. Hindi niya nais makipaghalubilo sa marami. "Asya, mahirap ba maging ikaw?" biglang tanong ni Sheena. Tumayo ako at lumapit sa bintana. Natatanaw ko mula sa labas ang nagliliwanag na bulwagan ng Qarthen Palace. Mukhang nagsisimula na ang Kazhiar na sinasabi nila. Ang Kazhiar ay isang tradisyunal na sayaw na isinasagawa tuwing Azthia Ball. Nabasa ko iyon sa libro. Isinasagawa raw ito ng dalawang nilalang na malapit ang mga loob. Ang sentro ng nasabing sayaw ay mga magkasintahan. "Mahirap ba maging ako?" ani ko at humarap sa kaniya," Oo, Sheena. Mahirap maging ako. Alam mo 'yong pakiramdam na itinago ka nang mahabang panahon. 'Yong pakiramdam na hindi ka ganap na kabilang sa kanila? Kasi hindi puro ang dugong nananalaytay sa ugat mo," Nakikita ko sa mga mata niya ang pagkaawa sa sitwasyon ko. Kunsabagay, kung ako sa kalagayan niya maawa rin ako sa isang nilalang na dinanas ang lahat ng iyon. Nagpatuloy lang ako sa pagsasalita habang siya matiim lang na nakikinig. "Mahirap maging ako dahil umabot ako sa puntong nagtangka akong tumakas masilayan lang ang rikit ng mundo. Iniba ko ang wangis ko para lang hindi pagsuspetsahan o makilala ng lahat. Sa Eshner lang ako nagpupunta noon dahil iyon lang ang tanging lugar na hindi ko kailangang ilihim ang pagkatao ko. Kapalit ng pansamantalang kalayaan na iyon ay ang peligrong dala nang mapamuksang kagubatan. Mahirap maging ako dahil naiiba ako samantalang ang lahat maganda at hindi kapuna-puna ang pagkatao. Hindi anak sa labas. Hindi isang bastarda. Hindi kasuklam-suklam ang pagkatao," ani ko. Nilapitan ako ni Sheena at hinawakan ang kamay ko. "Ang tapang mo Asya. Nakaya mo lahat," sabi niya. "Kasi kailangan. Kung magpapakain ako sa mga bagay na nagpapahirap sa'kin lalo lang akong lulubog at mahihirapan na akong makaangat pa," sabi ko. "Iyan ang Asya na dapat nang makita ng lahat," ngiting sabi niya at tumanaw sa bintana," Sigurado kang ayaw mo nang bumalik doon?" Umiling ako at sumagot," May nais akong puntahan," "At, saan naman ito? Mukhang mas mahalaga pa ito kaysa sa Kazhiar, ah," sabi niya. "High Castle," sagot ko. "Alam mo kung saan iyon?" 'di makapaniwalang tanong niya. Napakamot na lang ako ng ulo ko dahil wala talaga akong ideya kung saan iyon. "Hindi mo alam, tama?" natatawang tanong niya. Umiling lang ako kasi nahihiya ako. "Halika, sasamahan kita," sabi niya at hinila ako palabas ng silid. Tinahak namin ang mahabang pasilyo ng Healing Wing. Kay Sheena ko nalaman na Healing Wing pala ang tawag sa edipisyong kinaroroonan namin. Ayon din sa kaniya, may kalayuan ang High Castle kaya matatagalan ang pagpunta namin doon kung lalakarin lang namin. "Tatawagin ko ang alaga ko para ihatid tayo sa High Castle," suhestiyon niya pero hindi ako pumayag. "Huwag na, kukunin ko na lang ang woodien ko," sabi ko at naglaho na lang nang walang paalam sa kaniya. Lumitaw ako sa silid namin at kinuha ang espada ko. Nilagay ko ito sa likuran ko at nilapitan ang woodien. Naglaho ako at lumitaw sa tabi ni Sheena. Nagulat siya kaya napalayo siya nang kaunti sa akin. "Paumanhin at nagulat kita," nahihiya kong sabi. "Pabigla-bigla ka kasi," natatawang sabi niya. "Halika na," aya ko at sumakay na siya sa likuran. Pinalipad ko na ang woodien kaya napakapit siya nang mahigpit sa'kin. Hindi ko siya masisisi. Isa siyang Terra hindi siya sanay sa paglipad. "Sabihin mo lang ang direksyon," sabi ko sa kaniya. Dumaan kami sa Qarthen Palace na kinaroroonan ng bulwagan. Nakita kong maraming nanonood ng Kazhiar. May mga magkaparehang sumasayaw sa gitna at natitiyak kong puro ito magkasintahan. "Asya, kumaliwa tayo," utos ni Sheena. Nadaanan namin ang malaking battlefield. Ayon sa libro, dito ginaganap ang Azthia Tournament. "Asya, manood ka ng Azthia Tournament ha? Sasali ako," sabi ni Sheena. "Oo naman. Sino-sino ba ang makakalaban mo?" ani ko. "Hindi pa ako sigurado. Pero, natitiyak kong makakalaban ko sina Zefirine, Lescha, Noreem, Fenix, at Kai," sagot niya. Ang Aqua Sailor Lorde ng Nuclos sasali ng Azthia Tournament? Sayang kung pinahintulutan sana ako ni Lorde Ornelius tiyak kong matatalo ko ang Aqua. "Makakalaban mo rin si Onaeus," ani ko kaya napasinghap siya. "Ang panganay na anak ng mga Puerre? Diba malakas siya Asya?" ani Sheena kaya napahalakhak ako nang malakas. Si Onaeus malakas? Siya lang yata ang nagsabi niyan. "Bakit?" kyuryos niyang tanong. "Malakas lang naman siya kapag babae ang kalaban. Pero, kahit babae kayang-kaya siyang patumbahin. Kung mautak ito," sabi ko. "Pero, ang sabi ng karamihan malakas talaga siya," ani Sheena. "Kung iyan ang nais niyong paniwalaan," ngising sabi ko. Nang makalagpas kami ng Battlefield, natanaw ko sa 'di kalayuan ang nagtataasang mga kakahoyan. Ito na yata ang sinasabi sa libro. Ang Home of the Great Trunk. Tinawag itong Home of the Great Trunk dahil sa laki ng mga puno rito. "Malapit na tayo sa High Castle, Asya," paalala ni Sheena kaya tumango ako. Maya-maya natanaw ko na ang isang malahiganteng kastilyo sa 'di kalayuan. Marahil ito na ang High Castle na sinasabi nila. Marami ang nagbabantay dito dahil sa kastilyong ito nakatago ang makapangyarihang libro sa buong Azthamen, ang Argon. Ang sabi ng karamihan may kakaibang bumabalot na mahika at kapangyarihan sa libro. At, hanggang ngayon palaisipan pa rin sa lahat ang sekreto nito. "Ano bang gagawin mo sa High Castle?" usisa ni Sheena. "May aalamin lang," sagot ko. Bumaba kami sa kakahoyan dahil hindi kami maaaring makita ng mga bantay. Sa pagkakaalam ko kasi, tanging miyembro lang ng konseho ang maaaring pumasok sa loob. Kahit ang mga nagbabantay na kawal ay hindi makakapasok. Hanggang sa labas lang sila at nagbabantay sa paligid. Kapag nakita nila kami tiyak kong huhulihin nila kami. Kahit pa na miyembro kami ng upper class. "Asya, baka mahuli tayo," bulong ni Sheena. "Hindi 'yan kung mag-iingat tayo," bulong ko rin at naunang maglakad. Napatigil din ako kaagad nang maalala ko ang kakayahan kong maglaho. Baka puwede ko iyon magamit para makapasok kami. "Anong pinaplano mo?" tanong ni Sheena. "Manood ka lang at matuto," sabi ko at hinawakan siya sa kamay. Naglaho kami at lumitaw sa puwesto kung saan kami nanggaling. Kaya nagtaka ako. Bakit hindi kami umalis sa puwesto namin? Dapat nakapasok na kami sa loob. "Susubukan ko muli," sabi ko at pumikit pero hindi talaga kami makaalis sa kinaroroonan namin. Parang may pumipigil sa amin na makapasok sa loob. "Sigurado ka bang hindi ka nila pinagdududahan?" rinig kong bulong sa malapitan kaya napatingin ako kay Sheena. Agad niya akong hinila at nagtago kami sa puno. Naririnig ko ang mga yapak na papalapit sa direksyon namin. "Hindi. Nakatitiyak kong wala silang alam tungkol dito. Malaki ang tiwala nila sa'kin," pagmamalaki nitong sabi. "Mabuti naman dahil ayokong masira lahat ng mga plano ko. Mapapasakamay ko muna ang walong kaharian bago nila matuklasan na ang nilalang na pinagkakatiwalaan nila ay hindi pala tunay na tapat sa kanila," sabi nito kaya napasinghap si Sheena. Agad ko namang tinakpan ang bibig niya dahil malalaman nilang may nakikinig pala sa usapan nila. "Sinong pangahas ang nandiyan?" matapang nitong sabi. "Alam kong may nakikinig sa'min. Magpakita ka kung ayaw mong masaktan," banta nito. Papalapit na papalapit ang mga yapak nito sa direksyon namin. Kapag nagpatuloy pa ito makikita nila kami. Maaari ring mapasabak kami ni Sheena sa laban. Inabot ko ang espada ko at pumosisyon. Maging si Sheena rin ay ihinanda ang sarili. "Masasaktan ka talaga kapag hindi ka nagpakita—" Agad kong isinangga ang espada ko sa sandata nito. "At, sino naman kayo? Kayong nangahas na nakinig sa usapan ng iba?" galit nitong sabi. "Kami lang naman ang nangahas na nakinig sa usapan ninyo," sagot ko kaya binuhos niya ang puwersa niya para mapaatras ako. Inayos ko ang sarili ko at hinarap siya. Hindi ko maaninag ang pagmumukha niya dahil sa anino ng nagtataasang mga puno. "Wala pang bumastos sa'kin nang ganito. Sino ka ba at may lakas ka ng loob na kalabanin ako?" asik nito. "Hindi na iyon kailangan," ani ko at inatake siya. Magaling siya sa pakikipaglaban. Aaminin ko medyo nahihirapan ako. Pero hindi ako magpapatalo. Buhay ko ang nakasalalay dito at ni Sheena. Si Sheena kinakalaban din niya ang isa. "Hindi mo ako kakayanin," pagmamayabang niyang sabi. "Huwag kang magsalita ng tapos," sabi ko. Nagkadikit ang mga sandata namin kaya napangisi ako. Maling hakbang para sa kaniya. "Magpaalam ka na," sabi ko at nagsimulang magkislapan ang mga sandata namin. "Anong nangyayari?!" taranta nitong sabi. "Ginalit mo ang espadang ito. Kaya humanda ka sa parusa nito. Tinatanong mo kung sino ako. Ako si Asyanna, ang nag-iisang bastarda," ani ko kaya nanlaki ang mga mata niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD