Chapter 29

2066 Words
Pagkatapos naming maghiwalay ni Sheena agad akong nagtungo sa silid namin ni Onessa. Nagpalit ako ng kasuotan para hindi nila ako makilala. Tinakpan ko rin ng tela ang kalahati ng mukha ko para magmukha akong touchless maiden, mga kababaihang hindi pa nahahawakan ng kahit sinong nilalang simula pagkabata. Nang matiyak kong hindi na ako makikilala agad akong umalis ng silid para hindi nila ako maabutan doon. "Narito lamang siya kanina," sabi ng isang kabalyero na tiyak kong isang Azthic. "Baka nasa silid!" sabi rin ng kabalyero ng Tarll. Yumuko ako para hindi nila makita ang mga mata ko. Nang makalayo na sila doon na ako nakahinga nang maluwag. Nagtuloy-tuloy lang ako sa paglalakad nang matanaw ko sa 'di kalayuan ang paparating na mga Ignis Rider. Mag-iiba sana ako ng daang tatahakin nang tawagin ako ni Lorde Ignacio. "Touchless maiden, sandali lamang," tawag niya kaya napatigil ako. Kumabog nang malakas ang dibdib ko sa ideyang baka nakilala niya ako. "Humarap ka sa Lorde ng Nassus," utos ng isang Ignis Rider. "Bakit ho Lorde Ignacio?" kinakabahang tanong ko. "Humarap ka sa akin touchless maiden," maawtoridad na sabi niya kaya napabuntong hininga ako. "Narinig mo ang sinabi ng Lorde namin, humarap ka," sabi ng isa pang Ignis Rider. Pero, nanatili lang akong nakatalikod sa kanila. "Sinabing humarap ka!" galit na sabi nito at marahas akong pinaharap sa kanila. Tumingin ako sa sahig para hindi kami magkatinginan ng Lorde ng Nassus. Mahirap na at baka nakikilala niya ang mga mata ko. "Touchless maiden, may nakita ka bang kriminal dito?" tanong ni Lorde Ignacio. Umiling lang ako dahil ayoko nang magsalita pa dahil tiyak kong makikilala niya ang boses ko. "Bakit hindi ka nagsasalita?" nagtatakang tanong ng Ignis Rider. Umiling pa rin ako dahil hindi ko alam kung ano ang gagawin. "Kunin ang takip sa mukha niya," utos ni Lorde Ignacio kaya nanlaki ang mga mata ko. Kapag nakuha ang takip sa mukha ko tiyak kong malalaman nila kung sino ako. Kailangan kong makagawa ng paraan! "Anong ginagawa niyo sa touchless maiden? Bakit niyo siya kukuhanan ng takip sa mukha? Hindi niyo ba alam na bawal iyan at labag sa batas?" biglang salita ng pamilyar na boses. Nilingon ko ito at nakahinga nang maluwag nang makilala ang nilalang na nagligtas sa akin. "Young Ladynne Precipise," sambit ng Ignis Rider. "Lorde Ignacio, alam niyo namang ipinagbabawal ang pagkuha ng takip sa mukha ng touchless maiden at inutos mo pa talaga sa kanila. Kasapi ka ng konseho. Hindi ko aakalain na kaya mong lumabag sa batas. Kung hindi pa ako dumating baka natanggalan na nga ng takip ang touchless maiden na ito," saad ni Precipise at binigyan ako nang makahulugang tingin. "Paumanhin young Ladynne," sabi ni Lorde Ignacio. "Hindi ka dapat sa akin humihingi ng paumanhin. Sa kaniya Lorde Ignacio," ani Precipise. Napakagat ako sa ibabang parte ng labi ko sa sinabi ni Precipise. Tila hindi siya natatakot sa Lorde ng Nassus. "Paumanhin touchless maiden," sabi ni Lorde Ignacio kaya tumango lang ako. "Sige Lorde Ignacio maiwan ko na kayo. Halika na touchless maiden," wika ni Precipise kaya agad akong sumunod sa kaniya. "Asya, anong ginagawa mo pa rito? Muntikan ka nang mahuli ni Lorde Ignacio!" bulong ni Precipise. "Aalis na nga ako pero naabutan niya ako. Nga pala salamat sa pagtulong na makaalis ako roon. Kung hindi ka dumating baka nahuli nila ako," bulong ko kay Precipise habang hawak-hawak ang takip sa mukha ko. May nakakasalubong kasi kaming mga miyembro ng Racial Forces kaya kailangan kong mag-ingat. "Wala iyon, Asya. Saan ka ngayon magtatago? Tiyak kong iikutin nila ang buong Azthamen at gagamitin nila ang Argon para matunton ka," ani Precipise. "Bahala na. Pero sa ngayon kailangan ko munang makita si ama. Kailangan ko siyang makausap, Precipise," sagot ko. "Asya, nakita ko si Lorde Ornelius sa silid niya," sabi ni Precipise. "Salamat, Precipise. Maiiwan na kita," paalam ko at pumunta sa gilid para maglaho. Lumitaw ako sa silid ni Lorde Ornelius at sakto na naroon ang asawa niya kaya agad akong nagtago sa ilalim ng mesa. "Ornelius, tingnan mo ang ginawa mo! Nagkakagulo ngayon sa Karr dahil sa bastarda mong anak! Nakita mo na ang ginawa niya. Matapos mo siyang ipakilala sa lahat ito ang iginanti niya. Gulo ang dinala niya!" nanggagalaiting sabi ni Ladynne Alyanna. Napakuyom ako ng mga kamay dahil sa sinabi niya. "Alyanna, hindi iyan totoo. Walang kasalanan si Asyanna," giit ni Lorde Ornelius. "Walang kasalanan! Paano mo maipapaliwanag ang nangyari? Paano maipapaliwanag ni Asyanna na hindi siya ang pumaslang sa Magium Crafter samantalang siya ang malapit dito ng mga oras na iyon? Sabihin mo Ornelius, paano? Dahil kahit ako hindi naniniwala sa kaniya!" saad ni Ladynne Alyanna. Pinigilan ko ang sarili ko na huwag magpadala sa galit dahil matutuklasan nilang nasa malapit lang ako. "Alyanna, ilang ulit ko bang sasabihin na hindi nga si Asyanna ang pumaslang sa Magium!" bulyaw ni Lorde Ornelius sa asawa niya kaya saglit itong natahimik. Iyon ang unang beses na pinagtaasan ng boses ni Lorde Ornelius si Ladynne Alyanna. "Ornelius, bakit ba palagi mong kinakampihan si Asyanna? Kaya nagtatampo sa iyo ang panganay mong anak dahil mas pinapaboran mo ang anak mo sa labas. Iniisip ko tuloy mas mahalaga at mas mahal mo iyang si Asyanna. Bakit ba mahal na mahal mo siya? Anak mo lang naman siya sa labas hindi ba? Bunga siya ng pagkakasala mo sa akin!" panunumbat ni Ladynne Alyanna. Hindi nakasagot si Lorde Ornelius sa sinabi ng asawa niya. Marahil ay natamaan siya sa binitiwan nitong salita. Bakit nga ba ako pinahahalagahan ni Lorde Ornelius? "Dahil nangako ako sa sarili ko. Nangako akong poprotektahan ko ang anak niya kahit anong mangyari. Nangako ako na hindi na mararanasan ni Asyanna ang naranasan ng ina niya. Kahit manlang doon makabawi ako kay Odette. Pero, nabigo ako," sabi ni Lorde Ornelius. "Dapat lang na nangyayari iyan sa kaniya. Karma niyo na iyon ni Odette sa ginawa niyong pagtataksil sa akin," wika ni Ladynne Alyanna kaya nasampal siya ni Lorde Ornelius. Nagulat ako sa ginawa niya. Iyon ang unang beses na pinagbuhatan niya ng kamay ang asawa niya. "Huwag kang magsalita na parang alam mo ang lahat, Alyanna. Wala kang alam! Kaibigan ko si Odette kaya ko iyon ginagawa kay Asyanna. Ayokong pabayaan ang anak niya. Dahil tiyak kong maliligaw ng landas ang bata," giit ni Lorde Ornelius. "Anong ibig mong sabihin?" nagtatakang tanong ni Ladynne Alyanna. "Alyanna, anak ni Odette si Asyanna. Pero, hindi ko siya anak," sagot ni Lorde Ornelius. Nanlaki ang mga mata ko at parang tumigil ang paghinga ko. Tanging ang t***k lang ng puso ko ang naririnig ko. Tama ba ako ng pagkakarinig? "Hindi mo anak si Asyanna?" paglilinaw ni Ladynne Alyanna. "Hindi, Alyanna. Hindi ko magagawang pagtaksilan ka. Mahal na mahal kita Alyanna. Mahal na mahal," pagsusumamo ni Lorde Ornelius. Pumatak ang luha sa pisngi ko at nanginginig ang katawan ko. Sa loob nang mahabang panahon naniwala akong siya ang ama ko. Naniwala akong isa akong Puerre. Lahat pala ng iyon ay palabas lang. "Kung ganoon, hindi bastarda si Asyanna?" tanong ni Ladynne Alyanna. "Ikinalulungkot ko pero anak ni Odette si Asyanna sa ibang lalaki na may pamilya na. Anak pa rin sa labas si Asyanna," sagot ni Lorde Ornelius. Napatawa ako sa isip ko. Kahit na natuklasan ko ang lihim ni Lorde Ornelius hindi pa rin nabago ang pagkatao ko. Bastarda pa rin ako. "Pero, bakit mo inako na anak mo si Asyanna? Puwede mo namang sabihin na anak siya ni Odette," ani Ladynne Alyanna. "Dahil manganganib ang buhay niya. Hinahabol si Odette ng Azthamen dahil sa kasalanan na ginawa niya. Pero, natitiyak kong walang kasalanan si Odette roon. Pinagbintangan din nilang kapanalig siya ng mga rebelde. Kaya, para hindi madamay ang sanggol, kinuha ko ito at inako na anak ko sa labas," paliwanag ni Lorde Ornelius. Napatakip ako ng bibig ko. Hindi ko lubos maisip na ganoon ang naranasan ng ina ko. Kagaya ko hinabol din siya ng Azthamen. "Napakasuwerte ni Odette dahil may kaibigan siya na kagaya mo," sabi ni Ladynne Alyanna. Inayos ko ang sarili ko at aalis na sana nang masagi ko ang kahon sa ilalim ng mesa. "Sinong nariyan?" tanong ni Lorde Ornelius. Lumabas ako sa pinagtataguan ko at humarap sa kanila. Mababakas sa mukha nila ang pagkagulat. "Asya," sambit ni Lorde Ornelius. "Narinig ko lahat ama...Lorde Ornelius nga pala," sabi ko at mapait na ngumiti. "Asya, ama mo pa rin ako. Ako ang tumayong ama sa iyo," saad niya pero umiling lang ako. "Hindi...kita...ama. Kaya siguro hindi ko maramdaman ang lukso ng dugo sa iyo dahil hindi talaga tayo magkadugo," wika ko. "Pero, Asya—" Hindi ko na siya pinatapos sa pagsasalita niya dahil inunahan ko na siya. "Wala ka nang dapat pang ipaliwanag Lorde Ornelius. Narinig ko na ang dapat kong marinig. Salamat sa pagligtas sa akin. Salamat sa pagmamahal. Salamat at kinupkop mo ako. Salamat at nagkaroon ako ng ama," sabi ko kaya napangiti siya. Napangiti rin si Ladynne Alyanna pero napawi rin iyon nang magsalita muli ako. "Pero, kailangan ko nang umalis at magpakalayo sa inyong lahat," wika ko. "Bakit Asya saan ka patutungo?" tanong ni Ladynne Alyanna. "Malayo sa inyo," sagot ko at tumalikod na sa kanila. "Asyanna, sandali lamang," tawag ni Lorde Ornelius kaya napalingon ako sa kaniya. "Huwag kang umalis, pakiusap," pagsusumamo niya pero nginitian ko lang siya at tumingin na sa pintuan. "Patawad Lorde Ornelius pero kailangan kong hanapin ang sarili ko," sabi ko at nilisan ang silid nila. Masakit sa akin na iwan sila. Dahil sa haba ng panahon napamahal na ako sa kaniya, kina Onessa, Aissa, Alisiah at Desinee. Hindi ko inasahan na hahantong ang lahat sa ganito. Pero, nagagalak ako at nalaman kong hindi niya ako tunay na anak. Ibig sabihin malinis na ang pangalan niya. Malinis na muli ang pangalan ng Puerre. "Asilah, tama ba ang gagawin ko?" bulong ko. "Oo, Asya," sang-ayon niya kaya tumango ako. Sa paglayo ko hahanapin ko ang pagkatao ko. Aalamin ko kung sino ako. Kung sino ang ama ko at ano ang tungkol sa ina ko. "Ayon si young Ladynne Asyanna!" rinig kong sigaw sa di kalayuan. "Dakpin ang bastarda!" utos ni Dylenea. Agad akong tumakbo palayo sa kanila. "Asya, maglaho ka na!" utos ni Asilah. Sinubukan kong maglaho pero hindi ko magawa. "Hindi ko magawa Asilah!" hingal kong sabi. "Siguraduhin ninyong hindi iyan makatakas!" sigaw ni Dylenea. "Asilah anong gagawin ko?" taranta kong sabi. "Huwag mo silang isipin Asya. Isipin mo kung paano ka makakatakas sa kanila," paalala ni Asilah. Binilisan ko ang pagtakbo ko para hindi nila ako maabutan. "Asya, lumiko ka sa kanan. May makikita kang mga racial pet doon. Sakyan mo ang isa sa kanila," sabi ni Asilah kaya sinunod ko siya. Tumakbo ako pakanan at hinanap ang sinasabi ni Asilah. Hindi naman ako nabigo dahil nakita ko ito kaagad. Nilapitan ko ang isang puting kabayo at sinakyan ito. Mabuti naman at hindi ito nataranta sa ginawa ko. "Magnanakaw! Kinuha niya ang alaga ko!" sigaw ng may-ari ng kabayo. Dumukot ako ng dracanaries at hinagis ito sa direksyon niya. "Bayad na ako!" sigaw ko at binilisan ang pagpapatakbo ng kabayo. Tinungo ko ang malaking tarangkahan pero unti-unti itong sumara. Napamura na lang ako dahil hindi ako makaraan. "Nakakainis!" sigaw ko at bumaba ng kabayo. Nilapitan ko ang tarangkahan at sinipa ito. "Asya, huminahon ka," puna ni Asilah sa akin. "Paano Asilah? Paano? Hindi ako makalabas ng Karr. Sinara nila ang tarangkahan!" giit ko at napasandal na lang dito. "Nakalimutan mo yata ang espada ko, mahal ko," sabi ni Asilah kaya napatuwid ako ng tayo. Tama siya, ang espada niya. Kaya itong sirain ang tarangkahan. "Salamat, Asilah," sabi ko at inabot ang espada sa likuran ko. "Ayon siya! Runners bilisan ninyo! Flyers! Riders! Abangan ninyo sa labas!" malakas na sigaw ni Dylenea. Tinagpas ko ang tarangkahan kaya nawasak ito. Agad kong sinakyan ang kabayo at pinatakbo nang mabilis. "Flyers! Riders!" galit na sigaw ni Dylenea. Iniwasan ko lang ang mga Flyer at Rider na nakakasalubong ko. Wala akong balak na makipaglaban sa kanila. Ang kailangan ko lang ay makatakas sa kanilang lahat. "Asya, magtungo ka ng Rakaar," utos ni Asilah. "Rakaar? Nagpapatawa ka ba Asilah?" inis kong sabi. "Nasa labas ng Azthamen ang Rakaar, Asya," wika niya kaya nagulat ako. Hindi ko alam na may ibang lupain pa pala bukod sa Azthamen. "Bakit mo alam ang tungkol diyan?" nagtatakang tanong ko. "Dahil napuntahan ko na ito noon," sagot niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD