Chapter 30

3952 Words
"Saan ako dadaan Asilah?" tanong ko. "Isle of Illusions and Truths," sagot niya kaya napakunot ang noo ko. "Bakit doon? Mga ilusyon at katotohanan lang ang naroon," saad ko. "Maniwala ka sa akin. Sundin mo lang ang sasabihin ko—" Hindi pa natatapos ni Asilah ang sinasabi niya nang bumagsak ang kabayong sinasakyan ko. "Asya sa likod mo!" sigaw ni Asilah kaya agad akong naglaho. Sumabog nang malakas sa pinanggalingan ko at napuruhan nito ang racial pet. "Asya, Asya, nasaan ka young Ladynne?" ani Lorde Ignacio. "Bastarda, alam kong nasa paligid ka lang. Huwag mo na kaming pagtaguan pa dahil malalaman at malalaman din namin kung saan ka nagtatago," sabi naman ni Dylenea. "Asya, huwag kang makinig sa kaniya. Mapapahamak ka lang mahal ko," saad ni Asilah pero umiling lang ako. Nasa dimensyon na naman ako ng invisibility kaya hindi nila ako nakikita. "Hindi ako maaaring tumagal sa dimensyon na ito, Asilah. Nakikita mo ba ang hawak ni Lorde Ignacio? Hawak niya ang Argon!" giit ko at tinitigan ang libro. "Huwag mo nang hintayin pang gamitin ko sa iyo ang Argon, Asya. Batid kong alam mo ang kaya nitong gawin. Huwag mo nang pahirapan pa ang sarili mo. Magpakita ka young Ladynne at harapin kami. Kung tunay kang matapang, magpapakita ka sa amin," wika ni Lorde Ignacio. "Asya, pakiusap huwag kang makikinig sa kaniya," pagsusumamo ni Asilah. "Asilah, kailangan ko nang tapusin ang lahat. Hindi na ako tatakbo para lang makatakas sa kanila. Haharapin ko sila nang buong tapang," ani ko. "Mukhang hindi na nga kita mapipigilan sa desisyon mo. Basta mag-iingat ka," malungkot niyang sabi. "Huwag mo akong iiwan, Asilah. Ipangako mong diyan ka lang sa tabi ko. Mangako ka," sabi ko. "Oo, mahal ko. Hindi kita iiwan. Hinding-hindi ako aalis sa tabi mo. Pangako iyan," paninigurado niyang sabi. "Asya—" Hindi pa natatapos ni Lorde Ignacio ang sasabihin niya nang lumitaw ako malapit sa kanila. Napangisi siya at tumingin kay Dylenea na nakangisi na rin. May kasama silang Racial Forces at mga seccu. "Mabuti naman at hindi mo na kami pinahirapan pa young Ladynne," ngising sabi niya sa akin. "Anong kailangan mo?" seryoso kong sabi. "Ikaw," diretsahang sagot ni Lorde Ignacio. "Bakit ba sa lahat ng mga kriminal ako lang ang pinag-aaksayahan ninyong lahat? Ang pagkakasala ko lang ba ang habol ninyo o may iba pa?" pagdududa ko. Hindi siya nakasagot bagkus ay tumingin sa hawak kong sandata. Kaya, napangisi ako nang matukoy kung bakit siya habol nang habol sa akin katulad ni Dylenea. "Hindi mo na pala kailangan pang sagutin ang katanungan ko, Lorde Ignacio. Alam ko na kung bakit? Naiibigan mo ang espada, hindi ba? Kagaya ni Ladynne Dylenea," sarkastikong sabi ko at binaling ang tingin sa espada. Makapangyarihan ang espada ni Asilah kaya hindi na ako magtataka kung marami ang maghahabol dito. Pero, pasensya na lang sa kanila. Hinding-hindi ko bibitiwan o isusuko ang espada kahit anong mangyari. "Matalino ka talaga, Asya. Kaya siguro inggit na inggit sa iyo itong si Dylenea," tila namamanghang sabi ni Lorde Ignacio. Pero, alam ko namang nagpapanggap lang siyang namamangha siya. "Anong pinagsasabi mo Lorde Ignacio? Hindi ako naiinggit sa kaniya. Isa lamang siyang hamak na bastarda," inis na sagot ni Dylenea kaya napataas ako ng kilay. "Hindi nga ba Ladynne? Kasi halata sa mga kilos mo na naiinggit ka," ani Lorde Ignacio kaya sinamaan siya ng tingin ni Dylenea. "Lorde Ignacio, bakit hindi mo na gamitin ang Argon para mahuli ang kriminal? Kaysa sa iba ang inaatupag mo," mariing sabi ni Dylenea. "Huminahon ka, Ladynne. Bakit parang kinakalaban mo ako? Alalahanin mo isa lang ang kalaban natin," wika ni Lorde Ignacio at tumingin sa akin. Kalaban na pala ang turing nila sa akin. Wala naman akong ginawa na masama sa kanilang dalawa para tratuhin nila akong kalaban. "Racial Forces avante!" sigaw ni Dylenea. Sumugod nga sa akin ang halos lahat ng Racial Forces. Kinalaban ko silang lahat. Suntok at sipa lang ang ginagawa ko. Saka sinusugatan ko lang sila dahil ayokong makapaslang. Dahil tiyak kong madadagdagan ang parusa sa akin. "Lorde Ignacio, ano pang ginagawa mo? Gamitin mo na ang Argon!" rinig kong utos ni Ladynne Dylenea. "Ha!" sigaw ko at sinipa ang Azthic Warrior na umatake sa akin. "Ang hihina naman ng mga Azthic Warrior. Ikaw Dylenea hindi mo ba ako kakalabanin muli?" hamon ko. "At, bakit naman kita kakalabanin?" tanong niya. "Para magkaalaman na kung ano at sino ba talaga ang mas magaling. Magium o Azthic. Ako o ikaw," sagot ko. "Pagbigyan mo na Dylenea hindi naman na siya magtatagal pa," kumbinsi ni Lorde Ignacio. Napilitang lumapit sa akin si Dylenea para makipaglaban. "Asya, kahit anong mangyari 'wag mo siyang sasaktan," paalala ni Asilah. "Bakit ba alalang-alala ka sa kaniya Asilah? Nakakalimutan mo ba na siya ang pumaslang sa akin? Nakakalimutan mo ba ang ginawa niya akin?" tanong ko kay Asilah sa isip ko. "Maiintindihan mo rin ang lahat Asya," makahulugang sagot niya. "Naiintindihan ko, Asilah. Dahil anak siya ng lalaking inibig mo kaya ayaw mo siyang masaktan. Nagtataka nga ako kung bakit ka kumampi sa akin. Wala naman tayong koneksyon. Dapat nga sa kaniya ka kumakampi," sagot ko. "Hindi, Asya. Mali iyang iniisip mo!" giit niya pero hindi ko na siya kinausap pa. "Ano Asya handa ka na bang matalo?" ani Dylenea kaya nginisian ko siya. "Handa ka na rin bang mapahiya sa harapan nila? Lalo na kay Lorde Ignacio?" ani ko kaya sumama ang tingin niya sa akin. "Bakit hindi na natin simulan? Nang malaman natin kung sino ang mapapahiya sa harapan nila," asik niya kaya humanda na ako. "Huwag kang mag-aalala Asya tatapusin na kita para hindi ka na mahirapan pa," sabi niya at humanda rin. "Tingnan natin," sabi ko rin at sinugod siya. Nag-espadahan kaming dalawa at paminsan-minsan gumagamit siya ng kapangyarihan niya. Pero, naiiwasan ko lahat ng iyon. Hindi na niya ako maiisahan pa sa paggamit ng kapangyarihan. Natuto na ako na ang mga kagaya niya ay hindi patas sa pakikipaglaban. "Dylenea, mukhang matatalo ka," puna ni Lorde Ignacio kaya napikon si Dylenea. Hinampas niya nang malakas ang espada niya na agad ko namang naisalag. Pero, umatras pa rin ako nang kaunti. "Masyado ka yatang nagmamadali Dylenea. O, baka naman napikon ka?" ani ko kaya lalong lumakas ang mga hampas niya. Mabibigat na rin ang mga ito kaya sineryoso ko na ang bawat atake niya. Batid kong galit na siya kaya tiyak kong seseryosohin din niya ang laban namin. "Hindi ako nagmamadali bastarda at lalong hindi ako napipikon," giit niya. "Talaga lang ha?" ani ko at tinutok ang talim ng espada sa kaniya. Natigilan siya at napatitig rito. "Subukan mo lang gumalaw at tinitiyak kong gagawin ko rin ang ginawa mo sa akin," sabi ko kaya napalunok siya. "Paano iyan Dylenea? Natalo ka ni Asya. Ibig sabihin ba nito ay mas malakas ang Magium kaysa sa Azthic?" tanong ni Lorde Ignacio. "Manahimik ka, Ignacio!" reaksyon ni Dylenea kaya nanlaki ang mga mata ko. Tama ba ako ng pagkakarinig? Pangalan lang ang tinawag niya rito? "Nakalimutan mo yata na isa akong Lorde, Dylenea," seryosong sabi ni Lorde Ignacio. "Hindi ko nakalimutan, Lorde Ignacio," katuwiran ni Dylenea. "Mabuti naman. Alam mo namang ayoko sa mga walang respeto sa akin," seryosong sabi ni Lorde Ignacio. Nagsukatan sila ng tingin kaya kinuha ko na ang pagkakataong iyon para makatakas. Oo, sinabi kong hindi na ako tatakbo para tumakas. Pero, nagbago rin ang isip ko. May kailangan pa pala akong gawin para sa sarili ko. At, iyon ang paghahanap sa pagkatao ko. "Natutuwa ako Asya at mas pinili mong magpakalayo sa kanila," masayang sabi ni Asilah. "Gusto ko pang malaman ang pagkatao ko, Asilah. Kaya ako tumakas," senserong sabi ko. "Ano pa bang nais mong malaman? Natuklasan mo nang hindi ka anak ni Lorde Ornelius," wika niya kaya napailing ako. "Pero, hindi ko pa nakikilala ang tunay kong ama. Wala rin akong masyadong alam tungkol sa ina ko," sagot ko kaya natahimik siya. Tumuloy lang ako sa paglalakad at tinahak ang daan patungong Gránn. Kailangan ko ng masasakyan para sa paglalakbay ko at kakailanganin ko ng woodien. Simula nang masira iyon nang maglaro ako sa Seeker Game hindi pa ulit ako nagkakaroon niyon. "Asya, bakit patungo tayo ng Gránn," nagtatakang tanong ni Asilah. "Kailangan ko ng masasakyan Asilah," sabi ko. Maya-maya, natanaw ko na ang mga nagtataasang Woo Tree. Ginamit ko ang kakayahan kong maglaho para makalapit na agad roon. Umakyat ako ng puno at pinili ang magandang sanga. Tinagpas ko ito at binasbasan ng mahika ko para mas gumana ito at para maging ganap na pag-aari ko na ito. Bababa na sana ako nang matanaw ko sa 'di kalayuan ang nagliliwanag na bagay papunta sa direksyon ko. Tiningnan ko ito nang mabuti at natukoy ko kung ano ito. Hindi pala iyon bagay, kun'di grupo ng iba't-ibang lahi. Natitiyak kong natunton nila ako dahil sa Argon. "Asya, umalis ka na bago ka pa nila maabutan," alalang sabi ni Asilah. Tumango lang ako at sinakyan ang woodien. "Tayo na sa isla na sinasabi mo," aya ko at pinalipad ang woodien. "Ang kriminal!" sigaw mula sa direksyon nila kaya binilisan ko ang pagpapalipad ng woodien. "Ignis Rider! Aer Flyer! Azthic Warrior! Dakpin siya!" malakas na sigaw ni Dylenea. Nilingon ko ang direksyon nila. Sa himpapawid maraming Ignis Rider, Aer Flyer, at Azthic Warrior ang nakasunod sa akin. Sa lupa naman mga Gemium Keeper, Frost Byte, Magium Crafter, Aqua Sailor, at Terra Runner. Kasabay din nila ang mga seccu at ibang kabalyero. Napangiti ako nang mapait. Kalaban ko ang buong Azthamen. Naging kriminal ako sa mga mata nila nang dahil lang sa kasalanang hindi ko ginawa. Matapos matukoy ang mga naghahabol sa akin tumingin na ako sa harapan. Pero, ikinagulat ko ang nakita ko. May Racial Forces ding papunta sa direksyon ko. Nilingon ko ang kanan at kaliwang direksyon at may Racial Forces ding nakabantay doon. Nakorner na nila ako. "Asilah, anong gagawin ko?" kinakabahang tanong ko. "Gamitin mo ang kakayahan mong maglaho, Asya," sagot niya kaya sinubukan ko. Pero, nabigo ako dahil hindi ako umalis sa kinaroroonan ko. "Asilah, anong gagawin ko? Hindi ako makaalis sa pwesto ko?!" tarantang sabi ko. "Isa lang ang ibig sabihin niyan, Asya. May pumipigil sa iyo. May malakas na enerhiya ang pumipigil sa iyo. Kaya, hindi ka makaalis sa kinalalagyan mo," sagot niya. Agad kong naalala ang Argon. Hawak ito kanina ni Lorde Ignacio. Tiyak kong ginagamit niya ito ngayon para hindi ako makaalis. "Hindi ka na makakatakas pa, Asya!" sigaw ni Lorde Ignacio. Pinababa ko ang woodien at tinigil ito. Bumaba ako at tumayo nang matuwid. Tinanaw ko ang paparating na mga Racial Forces, mga seccu, mga kabalyero at sina Dylenea at Lorde Ignacio. Labag man sa kalooban ko kailangan ko nang gawin ang naiisip kong plano. Hinawakan ko nang mahigpit ang espada at tumingala sa itaas. Pagkatapos ay tumalon nang mataas. Napatigil sila sa ginawa ko dahil ito ang unang beses na makikita nilang tumalon ako sa ere. Bukod kay Kai wala pang nakakaalam na kaya kong tumalon nang ganoon kataas. Tinutok ko ang talim ng sandata sa lupa at buong lakas na sinaksak ito pagkalapag ko. Lumiwanag ito at sumabog nang malakas. Mabilis nitong nilamon ang kalupaan at sinuyod ang direksyon papunta sa kanilang lahat. Umatras ang mga Racial Forces, mga seccu at ibang kabalyero na nasa lupa. Pero, hindi na sila nakatakas pa nang mapunta na sa kanila ang puwersa at lakas ng mahikang ipinalabas ko. Tumilapon ang ilan sa kanila at bumagsak sa lupa. Napangisi ako dahil ngayon ko lang ulit iyon ginawa. Hanggang sa Eshner Forest lang kasi ako noon dahil ayokong makasira ng mga lupain at tirahan. Sa Eshner Forest kasi kahit masira ko pa ang mga tanim at mapaslang ang mga nilalang doon wala akong poproblemahin. Dahil makapangyarihan ang gubat na iyon. Kaya nitong pagalingin ang nasirang parte at kayang buhayin ang mga nilalang na napaslang. "Asyanna! Ito ang harapin mo!" malakas na sigaw ni Lorde Ignacio at binuklat ang hawak na libro. Nanlaki ang mga mata ko dahil may kung anong nilalang ang lumabas galing dito. Sa tanang buhay ko hindi pa ako nakakita ng ganoong klaseng nilalang. "Asilah, ano sila?" kinakabahang tanong ko. Masama kasi ang kutob ko sa nakikita ng mga mata ko. "Asya, sumakay ka ng woodien at tumakas," kinakabahan din niyang sagot. "Sandali Asilah hindi kita maintindihan," naguguluhang sabi ko at tinitigan ang mga nilalang na nakatitig na sa akin. "Asilah, ano ang mga iyan?" tanong kong muli. "Asya, sila ang Zetharius," sagot ni Asilah kaya nanlaki ang mga mata ko. "Asilah, huwag mo akong niloloko," kabadong sabi ko. Imposible. Ayon sa libro matagal nang napaslang lahat na mga Zetharius. Wala nang ganiyang nilalang ang nabubuhay pa ngayon sa Azthamen. "Nagsasabi ako ng totoo, Asya," sagot ni Asilah. "Pero, papaano?" nagtataka kong tanong. "Hawak ni Lorde Ignacio ang Argon. Alam nating lahat na makapangyarihan ito. Tiyak kong tinawag nga niya ang mga Zetharius mula pa sa madugong kasaysayan para lang kalabanin ka," saad niya. Napahawak ako nang mahigpit sa espada dahil sa sinabi ni Asilah. Mukhang hindi ko kakayanin ang mga Zetharius. Ayon sa libro mabibilis silang kumilos at magagaling sa pakikipaglaban. Hindi rin basta-basta nasusugatan ng mga sandata ang mga balat nila. Hindi rin sila basta-basta tinatablan ng kahit anong uri ng kapangyarihan. "Asya, tumakas ka na!" takot na sigaw ni Asilah. "Hindi ko magamit ang kakayahan kong maglaho, Asilah. Pinalilibutan din ako ng mga Ignis Rider, Aer Flyer, at Azthic Warrior sa himpapawid," sabi ko. "Asya, ayokong mapahamak ka," natatakot niyang sabi. Ilang beses na akong napahamak kaya balewala na sa akin kung mapahamak ako. "Asilah, may alam ka ba kung sino ang nakatalo sa mga Zetharius?" usisa ko. "Hindi sino Asya, kun'di ano," paglilinaw niya. Nagkaroon ako ng ideya kung ano ang tinutukoy ni Asilah. Ang Argon. Ito lang ang tanging nakatalo sa Zetharius. Pero, paano pa matatalo ang Zetharius kung sa loob mismo ng Argon ito nanggaling? "Natakot ba kita young Ladynne?" pasigaw na tanong ni Lorde Ignacio dahil nasa malayo siya. "Walang kinatatakutan ang isang bastarda!" pasigaw kong sagot at pumosisyon. "Asya, pakiusap huwag ka nang lumaban. Tumakas ka na lang!" iyak ni Asilah. Aaminin ko nakaramdam ako ng kirot nang marinig ang basag niyang tinig. Pero, wala na akong mapapamilian pa. Kailangan ko nang harapin ang nakatakda sa akin. Baka ngayon nga talaga ako mawawala sa Azthamen. "Sugurin siya!" sigaw ni Lorde Ignacio kaya agad na sumugod ang mga Zetharius. Sinalag ko ang sandata ng isa sa mga Zetharius. Sinipa ko ang nasa kaliwa ko maging sa kanan. Pero, napaluhod ako nang hampasin ako ng isa sa kanila sa likuran ko. "Yanna!" sigaw ng pamilyar na boses. Hinanap ko ito at nakita si Onessa. Pinipigilan siya ng mga seccu para hindi makalapit sa akin. Kasama niya sina Sheena, Lescha, Noreem, Zefirine at Kai. Maging sila ay pinipigilan din ng mga ito. "Hindi niyo ako basta-basta mapapatumba!" sigaw ko at sinalag ang sandata na hahampas sana sa akin sa likuran ko. Mabuti na lang at malakas ang pakiramdam ko. Tinulak ko ito palayo sa akin at tumayo. Kasabay din niyon tumalon ako nang mataas at itinarak ang espada sa ulo ng isa sa mga Zetharius. Umungol ito nang malakas kaya napalayo ako rito at napatakip ng mga tainga. Nakabibingi ang ungol nito. Parang babasagin ang tainga ko. Umungol din nang malakas ang mga kasamahan nito kaya tuluyan akong napayuko. "Asya, tumakas ka na habang wala sa pokus ang lahat!" utos ni Asilah kaya tiniis ko ang ingay ng Zetharius. Dahan-dahan akong umaatras para makalapit sa woodien ko. Pero, natigil ang malakas na ungol. Tumingin sa direksyon ko ang Zetharius na nasaktan ko kanina. Nanlilisik at namumula ang mga mata nito. Kaya, nagsitayuan ang mga balahibo ko. Galit na galit na ito sa akin. Malalaki ang mga hakbang nitong nagtungo sa direksyon ko at tinaas ang sandata. Agad kong sinalag ang atake nito pero napaatras ako sa lakas ng hampas nito. Parang nawalan ng lakas ang kamay ko sa ginawa kong pagsalag. Sumugod din ang mga kasamahan nito kaya kinalaban ko rin ang mga ito. "Asya, mag-iingat ka!" iyak ni Sheena. Tumingin ako sa direksyon niya pero kasabay din iyon ng pagtilapon ko sa lupa. Nagpagulong-gulong ako at tumama ang likod ko sa malaking bato. Mabilis na lumapit sa akin ang Zetharius at hahampasin sana ako. Pero, agad kong nakailag. Hinampas niya ulit ang sandata niya at sa pangalawang pagkakataon nakaiwas ako. Pero, hindi ako nakaiwas sa sipa ng kasamahan niya. Tumilapon ulit ako at nagpagulong-gulong. "Asya!" iyak ni Asilah. Pilit akong bumangon at inabot ang espada. Ginawa ko itong baston para makatayo ako nang maayos. "Lorde Ignacio, itigil mo na ito!" pakiusap ni Onessa. "Paumanhin Ladynne Puerre pero nagkasala ang kapatid mo. Kailangan niyang maparusahan—" Hindi pa natatapos ni Lorde Ignacio ang sasabihin niya nang magsalita ulit si Onessa. "Iyan ba ang paraan ng pagpaparusa ninyo?! Hindi na tama ang ginagawa ninyo, Lorde Ignacio! May paraan tayo ng paglilitis, alam ninyong lahat iyon. At, kung mapatunayan ngang nagkasala ang kapatid ko maaari ninyo siyang ipatapon sa Isle of Madness!" giit ni Onessa, "Hindi ang ganito! Mali na ito. Unti-unti ninyong pinapatay ang kapatid ko sa pamamagitan ng mga Zetharius na iyan!" Sinubukan kong maglakad pero napaluhod ako dahil sa sakit. Mukhang nabalian ako ng buto. "Asya!" iyak din ni Sheena. "Ama, pakiusap huwag ninyo itong gawin kay Asya! Pakiusap!" pagmamakaawa ni Serfina na kararating lang. Lumuhod pa siya sa harapan nito para magmakaawa. "Serfina, tumayo ka riyan. Hindi ka dapat naaawa sa katulad niya," galit na sabi ni Lorde Ignacio. "Ama! Kaibigan ko po si Asyanna! Huwag niyo siyang sasaktan!" pagtangis ni Serfina. Sinubukan ko ulit na tumayo pero hindi ko na talaga kaya. Lumapit ang isa sa mga Zetharius at hinampas ako sa likod. Napasubsob ako sa lupa at napaubo ng dugo. "Yanna/Asya!" iyak ni Onessa at Serfina. "Dapat lang iyan sa mga nilalang na makasalanan. Hindi siya karapat-dapat sa espada ni Asilah!" sabi niya. Nabitawan ko ang espada at napahiga. Pakiramdam ko parang bibitaw ang espiritu ko sa katawan ko. "Kunin ang espada!" utos ni Lorde Ignacio. Napatingin ako sa espada at pilit itong inabot pero hindi ko maabot. Lumapit dito ang Zetharius at dadamputin sana pero bigla itong nawala. Nagulat ako sa bigla nitong paglaho. "Anong nangyari?! Nasaan ang espada?!" galit na sigaw ni Lorde Ignacio. Napangiti na lang ako dahil kusa itong naglaho. "Salamat Asilah," bulong ko at pipikit na sana nang makarinig ako ng pagsabog. Nilingon ko ang pinanggalingan nito at nagmumula ito sa kakahoyan. May maitim na usok ang nanggagaling dito. "Rebelde!" sigaw ng ilan. "Zetharius, bumalik na kayo sa pinanggalingan ninyo!" utos ni Lorde Ignacio kaya mabilis itong lumayo sa akin. "Yanna! Yanna!" sigaw ni Onessa. "Huwag palapitin ang kahit sino roon!" utos ni Lorde Ignacio. "Magaling, magaling. May nagaganap pa lang labanan dito," sabi ng isang pamilyar na boses. Tiningnan ko ito pero hindi ko matingnan nang maayos ang mukha nito dahil nasisilaw ako sa liwanag na nagmumula sa sikat ng araw. "Asyanna, muli tayong nagkita," ngising sabi nito at lumapit sa akin kaya natakpan ang liwanag na nagmumula sa araw. Doon ko lang nakilala kung sino ang kumakausap sa akin. "Necós?" sambit ko kaya napangiti siya. "Mabuti naman at naaalala mo pa ako," sabi nito at sinuyod ako ng tingin. "Layuan mo ang kapatid ko!" sigaw ni Onessa. "Sa tingin ko kapatid mo 'yon," tawang sabi niya. "Hindi ko siya kapatid," pagtutuwid ko. "Ah, hindi pala. Ano kayang magiging reaksyon niya 'pag sinaktan kita?" ani Necós at bigla akong sinipa sa tagiliran. "Ah!" daing ko sa sakit. "Yanna! Walang hiya ka makalapit lang ako sa'yo. Sisiguraduhin kong mapipilay ka sa akin!" galit na sigaw ni Onessa. Humalakhak siya nang malakas at tumingin-tingin sa paligid. "Nasaan na ang espada?" tanong niya kaya napangisi ako. "Hindi mo na iyon makukuha," ngising sagot ko. "Puwes papahirapan kita," wika niya at sinipa muli ako sa tagiliran. Tiniis ko lang ang sakit dahil wala rin naman akong laban. Nawawalang muli ang espada at bugbog sarado na ako. "Huwag mong sasaktan ang kapatid ko!" bulyaw ni Onessa at may enerhiyang bumulusok papunta sa direksyon ni Necós. Pero, hinawi niya lang ito na parang hangin. Nanlaki ang mga mata ko dahil hindi manlang siya nasaktan at walang kahirap-hirap niya itong hinawi. "Iyan lang ba ang kaya mong gawin?" pang-aasar niya kay Onessa. Maya-maya, gumalaw ang lupa. Umihip nang malakas ang hangin. At, biglang uminit ang kalupaan. Nakatitiyak akong ginagamit nila Sheena, Zefirine at Serfina ang mga kapangyarihan nila base sa nararamdaman ko. "Nakatutuwa at malaki ang malasakit ng mga kaibigan mo sa iyo, Asya," tila namamangha niyang sabi. "Layuan mo si Asya!" sigaw ng pamilyar na boses. May bahid ito ng pag-aalala at pagbabanta. "At, ang katipan mo," ngising sabi niya. "Sino nga? Kai Mellows?" dugtong pa niya. Sinamaan ko lang siya ng tingin. "Paano kung ayaw ko? May magagawa ka ba?" baling ni Necós kay Kai. Sandaling tumahimik ang paligid pero binasag din ito kaagad ni Lorde Ignacio. "Racial Forces, adras!" utos niya. "Pero ama, si Asya. Kailangan natin siyang mabawi," giit ni Serfina. "Susunod kayo o sapilitan kayong aatras gamit ang Argon?" banta ni Lorde Ignacio. "Asya, patawad. Alam mong hindi namin kayang sumuway. Hindi namin kakayanin ang Argon," sabi ni Serfina. "Hindi! Hindi ako aalis nang hindi ko kasama ang kapatid ko!" saad ni Onessa. "Mahal ka talaga ng kapatid mo kahit na anak ka lang sa labas," 'di makapaniwalang sabi ni Necós. "Ladynne Onessa, magagalit ang iyong ama kapag hindi ka sumunod," saad ni Lorde Ignacio. "Hindi magagalit si ama. Mahal niya ang kapatid ko," matigas na sabi ni Onessa. "Kapag hindi pa kayo umalis dito sasaktan ko ang bastardang ito!" sigaw ni Necós at sinipa muli ang tagiliran ko. Napahiyaw ako sa sobrang sakit. "Yanna!" sigaw ni Onessa. "Ladynne Onessa halika na. Patuloy nilang sasaktan si Asya kapag nanatili pa tayo rito," rinig kong sabi ni Serfina. "Uma...lis...na...ka...yo," hirap kong sabi. "Sabi ni Asyanna umalis na raw kayo," malakas na sabi ni Necós. "Ladynne Onessa, ang kapatid mo na mismo ang nagsabi na umalis na tayo. Marahil ay palabas niya lang ito para makatakas. Baka nga kasapi siya ng Rebellion," ani Lorde Ignacio kaya nagalit si Onessa. "Hindi isang rebelde ang kapatid ko! Maghinay-hinay ka sa sinasabi mo Lorde Ignacio," galit na sabi ni Onessa. "Ano na, hindi pa ba kayo aalis? O tutuluyan ko na ito?" banta ni Necós at sinugatan ako sa tiyan. Napahiyaw ako sa sobrang hapdi ng sugat ko. "Yanna!" pagtangis ni Onessa. Ayaw na ayaw niya kasing nakikita na nasasaktan ako. "Ladynne Onessa, umalis na tayo. Alalahanin mo ang buhay ng kapatid mo. Kapag hindi pa tayo umalis hindi magdadalawang isip ang mga rebelde na kitlin ang buhay niya. Mag-isip ka Ladynne Onessa. Alalahanin mo ang kalagayan niya," kumbinsi ni Lorde Ignacio sa kapatid ko. Sandaling tumahimik si Onessa. Iniisip niya marahil ang kaligtasan ko. "Nes...sa, hu...wag mo a...kong in..tindi..hin. Uma...lis na ka..yo," hirap kong sabi. "Narinig niyo iyon? Pinapaalis na kayo ni Asyanna," ngising sabi ni Necós. "Pero, Yanna," ani Onessa. "Umalis na sabi kayo!" inis na sigaw ni Necós at sinaksak ako. Napanganga ako sa biglang pagpasok ng patalim sa balat ko. Nararamdaman ko ring lumabas ang dugo sa bibig ko. "Asya/Yanna!" sigaw nila at napahagulgol. "Sinabi ko naman diba na umalis na kayo. Pero, hindi kayo nakinig. Si Asyanna tuloy ang nagdurusa sa katigasan ng mga ulo ninyo," wika ni Necós. "Ladynne Onessa halika na," maawtoridad na sabi ni Lorde Ignacio. "Yanna! Babalikan kita! Pangako ililigtas kita!" hagulhol ni Onessa hanggang sa hindi ko na marinig ang tinig niya. Marahil ay nakalayo na sila. "Magpahinga ka na muna, Asyanna," bulong ni Necós sa tainga ko at may pinaamoy siyang usok kaya nawalan ako ng ulirat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD