"Young Ladynne Sheena bumalik ka na roon!" sigaw ni Aissa pero natigilan siya nang makita si Asyanna.
"Yanna?" sambit ni Aissa pero malamig lang itong tumingin sa kaniya.
Kaya nagsitayuan ang mga balahibo ni Aissa. Parang nakaramdam siya ng takot sa tingin na ibinigay nito.
"Aissa, bumalik ka na sa kastilyo," utos ni Sheena.
"Pero Sheena, utos sa akin ni Lorde Briar na sunduin ka," giit ni Aissa.
Huminga nang malalim ang Terra Runner young Ladynne ng Quert at bumaling sa direksyon ng Magium young Ladynne ng Gránn.
"Kapag sinabi kong takbo, tumakbo ka," sabi niya kaya tumango naman si Aissa.
"Oneo! Duwo!" binaling ni Sheena ang tingin sa Rebellion at ngumisi, "Tresa!"
Kasabay ng pagbigkas ni Sheena ng Tresa gumalaw ang lupa na kinaroroonan ng mga rebelde kaya nanlaki ang mga mata ni Aissa.
"Aissa, takbo!" sigaw ni Sheena kaya dali-daling tumakbo si Aissa.
Samantala, ang hukbo ng mga rebelde ay nahihirapan sa sitwasyon nila.
"Heneral! Anong gagawin natin?!" tarantang sabi ng isang revro.
Hindi siya sinagot ni Asyanna pero may ginagawa ito na kung ano. Kahit na gumagalaw ang lupa hindi siya natinag dito. Tila hindi siya nababahala na baka bumuka ang lupa at kainin siya nito ng buhay. Isang minuto lang ang itinagal ng paggalaw ng lupa bago ito kumalma. Namangha ang Rebellion sa ginawang pagliligtas sa kanila ng heneral. Itinaas ni Asyanna ang kanang kamay niya at tinuro ang direksyon ng kastilyo. Nagsusumigaw naman na sumugod ang mga revro.
Sa Landia Castle...
"Lorde Briar, mukhang bigo si young Ladynne na pigilan ang Rebellion," komento ng Terra Runner habang tinatanaw nila ang mga rebelde na lumulusob na sa kanila.
"Magpadala ng mensahe sa Karr kung sakaling hindi natin kayanin ang Rebellion," sabi ni Briar at lumabas para tulungan ang Terra Racial Forces.
"Para sa Rebellion! Pabagsakin ang Quert!" sigaw ng mga rebelde.
"Protektahan ang kastilyo! Huwag hayaang makapasok ang mga rebelde! Ipaglaban ang Quert!" sigaw ng heneral ng Terra Racial Forces.
"Avante!" sigaw ni Sheena kaya sumulong ang Terra Racial Forces.
Nagpalabas ng mga ugat, mga baging, mga sanga, at mga tipak ng bato at lupa ang mga Terra. Ang mga natitirang Magium naman ay inihanda ang kanilang sandata. Samantala, ang Rebellion nagpalabas din ng katulad ng ginawa ng mga Terra. Pero, nakakaangat ang mga rebelde dahil hindi lamang mga rebeldeng Terra ang kasama nila. Maging ang mga Aer, Ignis, Aqua, Magium, Gemium, Frost, Azthic na kabilang na sa Rebellion. Sa sandaling iyon naging magulo ang Quert. Nagkalat ang mga putol na ugat, sanga, baging at wasak na mga bato. Kumulog at kumidlat ang kalangitan dahil ginagamit ng mga rebeldeng Aer ang kanilang kapangyarihan. Umulan din nang malakas gawa ng mga Aqua.
"Ibang-iba ka na talaga. Wala na ang Asyanna na nakilala ko," bulong ni Sheena nang mahagip ng mga mata niya ang Magium young Ladynne na walang awang pinaslang ang isang Magium Crafter at Terra Runner.
Napakuyom siya ng mga kamay. Galit na galit na ang Terra Runner young Ladynne ng Quert. Lumapit siya sa direksyon ni Asyanna at inatake ito habang abala sa pakikipaglaban. Pero, natunugan ni Asyanna ang gagawin niya kaya nakaiwas ito. Nakaramdam ng inis ang Terra Runner young Ladynne ng Quert dahil malakas ang pakiramdam nito. Tumingin sa kaniya ang heneral ng Rebellion pero malamig pa rin ang tingin nito. Muling nagpalabas si Sheena ng mga ugat pero sinamahan niya ito ng mga baging at malalaking sanga. Bumulusok ito papunta sa direksyon ni Asyanna. Pero, walang kahirap-hirap na hinarap ito ng heneral ng Rebellion. Bumagsak sa lupa lahat ng ginawang atake ng Terra Runner. Hindi pa nakuntento si Sheena at tinawag lahat ng mga mababangis na hayop mula sa kagubatan ng Myrlane. Napatigil ang lahat dahil sa ingay ng mga ito. Pero, walang pakialam si Asyanna. Nakatuon lang ang atensyon nito kay Sheena. Sa kabilang banda, abala rin si Aissa sa pakikipaglaban sa mga rebelde na Magium.
"Bakit ba kayo umanib sa mga rebelde? Bakit niyo sila pinili? Alam niyong hindi kayo pinabayaan ng Gránn," sumbat ni Aissa.
"Wala kang karapatan na sumbatan kami. Hindi mo alam kung anong dinanas namin sa pamumuno ng ama mo," saad ng isa sa mga rebelde.
Napakunot noo si Aissa dahil hindi niya maintindihan ang mga sinasabi nito.
"Anong ibig niyong sabihin?" nagtatakang tanong niya.
"Huwag ka nang magmaang-maangan pa," giit din ng isa.
Lingid sa kaalaman ni Aissa may rebelde sa likuran niya na handa na siyang saksakin.
"Aissa!" sigaw ni Dhavene at sinalag ang sandata na muntikan nang sumaksak sa Magium young Ladynne.
Nagulat si Aissa sa ginawa nito.
"Mag-iingat ka kapatid. Nangako ako kay ama na walang masasaktan sa atin," sabi ni Dhavene at kinalaban ang mga rebelde na malapit sa kanila.
Tumango si Aissa at hinarap ang mga nakalaban niya. Isa-isa niya itong itinumba.
"Asyanna!" sigaw ni Sheena kaya nilingon ito ni Aissa.
Nakita niyang nakikipaglaban ang Terra Runner young Ladynne ng Quert sa kapatid niya. Tumingin siya sa paligid bago pinuntahan ang kinaroroonan ng dalawa. Batid na niya kung bakit nagkaganoon ang kapatid na bastarda. Napasailalim ito ng itim na mahika. Iyon ang ulat ni Jamir. Tama, ang Jamir na nakilala ni Asyanna sa Sargonis. Hindi naman talaga tunay na rebelde si Jamir. Isa siyang espiya para malaman kung anong hakbang ang ginagawa ng Rebellion laban sa Azthamen. Nang makalapit na siya sa dalawa sinigawan niya si Asyanna.
"Yanna! Alam kong hindi ikaw iyan. Alam kong napasailalim ka ng itim na mahika. Pakiusap labanan mo. Parang awa mo na bumalik ka sa dating ikaw!" saad ni Aissa kaya natigilan si Sheena.
Pero, tila walang narinig ang heneral ng Rebellion. Nasaktan ang Magium young Ladynne dahil maging ang pandinig nito ay hindi na magamit.
"Huwag ka nang umasa pa na babalik pa siya, Aissa," giit ni Sheena at nagpalabas muli ng mga ugat, mga baging, mga tipak ng bato at matutulis na mga sanga.
Bumulusok ito papunta sa direksyon ni Asyanna. Isa-isa naman itong kinalaban ni Asyanna pero hindi nito nakita ang matulis na sanga na papunta sa likuran nito. Dali-daling tumakbo si Aissa sa direksyon ni Asyanna at niyakap ito patalikod.
"Ah!" ani Aissa nang matusok siya ng sanga sa likuran.
"Aissa!" sigaw ni Sheena.
Lumingon sa direksyon nila sina Dhavene at Daneve. Pareho silang natigilan sa nakita kaya hindi nila namalayan ang atake ng mga rebelde. Nasugatan sila ng mga ito. Pero, agad din nilang pinaslang ang mga ito.
"Aissa! Hindi!" sigaw ni Dhavene at nagmadaling pumunta sa kinaroroonan ng kapatid.
"Yan...na, paki...usap...buma...lik...ka...na..." ani Aissa habang nakayakap pa rin sa heneral ng Rebellion.
Nagpabaya lang si Asyanna sa yakap nito. Hanggang si Aissa na ang kusang bumitaw. Bago siya bumagsak agad nagpalabas ng malapad na dahon si Sheena at sinalo nito ang nag-aagaw buhay na Magium young Ladynne. Dinala ng dahon ang katawan ng Magium young Ladynne sa tabi niya.
"Aissa! Aissa!" naiiyak na sabi ni Sheena habang nanginginig ang mga kamay.
"Shee...na," sambit nito at umubo.
"Hindi. Huwag ka nang magsalita. Pakiusap lumaban ka, pakiusap!" pagsusumamo ni Sheena.
"Aissa!" ani Dhavene at niyakap ang kapatid.
"Dha...vene, ipa...ngako...mo...sa...akin...na...gaga...win...ninyo...ang...lahat...para...bumalik...si...Yan...na...sa...dati...ipanga...ko...ninyo..." hirap na sabi ni Aissa.
Tumango naman si Dhavene bilang pagsang-ayon.
"Pakisabi...kay...ama...mahal...na...mahal...ko...siya...pakisabi...rin...kay...ina...Onessa... Desinee...na...mahal...ko...sila...Pakisabi...rin...sa...kambal...ko...na...huwag...umiyak..." huling sabi ni Aissa at umubo muli.
Pagkatapos ay lumabas ang maraming dugo sa bibig nito.
"Aissa? Aissa!" tarantang sabi ni Dhavene.
Pero, hindi na ito gumalaw. Unti-unti ring humina ang pulso nito.
"Hindi. Hindi. Aissa!" hagulhol ni Dhavene.
"Aissa, huwag kang magbiro!" iyak din ni Daneve.
"Ahhh!" sigaw ni Sheena at binuhos lahat ng lakas niya para gumalaw ang lupa hanggang sa bumitak ito.
Agad umalis sina Dhavene dala ang bangkay ni Aissa. Samantala, si Sheena nagpatuloy sa ginagawa niya.
"Young Ladynne Sheena, inuubos mo lang ang lakas mo," biglang salita ni Necós na kararating lang.
Matalim na tumingin rito ang nanggagalaiting Terra Runner.
"Pagbabayarin ninyo ang ginawa ninyo kay Aissa!" galit na sabi ni Sheena.
"Natakot naman ako, young Ladynne," ngising sabi nito.
Napikon si Sheena sa sinabi nito kaya bumulusok ang mga tipak ng lupa sa direksyon nila. Pero, tumigil lang ito sa tapat ni Asyanna.
"Kami naman young Ladynne," sabi ni Necós.
Lingid sa kaalaman ni Sheena may aatake sa likuran niya. Huli na ng malaman niya ito. Bigla siyang sinaksak nito sa likuran.
"Anak!" sigaw ni Briar at dali-daling pinuntahan ang anak.
Pinaslang ni Briar ang umatake sa anak niya. Lumuhod siya at inaalalayan ang anak.
"Ama," sambit ni Sheena.
"Huwag ka nang magsasalita," ani Briar.
"Briar, binibigyan kita ng pagkakataong makatakas. Ibigay niyo lang sa amin ang Quert," sabi ni Necós.
"Ama, huwag kang papayag," saad ni Sheena.
"Kapag hindi ninyo nilisan ang Quert, uubusin ko lahat ng Terracium at Magia na naririto," banta ni Necós.
Tumingin si Briar sa paligid at halos lahat ng mga Terra at Magium ay bihag na ng mga rebelde. Pagod na pagod na rin ang mga ito.
"Anak, patawad pero ayokong mawala ang lahi natin," ani Briar.
Tumulo ang mga luha ni Sheena sa sinabi ng kaniyang ama.
"Terracium, tulungan ang Magia!" utos ni Briar.
Isa-isang hinigop ng lupa ang mga Terra kasama ang mga Magium. Dumaan sila sa lupa para makatakas.
"Hindi ito ang huli nating pagtutuos, Necós. Babalik kami at babawiin ang Quert," huling sabi ni Briar at hinigop silang mag-ama ng lupa.