"Bakit ba kasi pinipilit mo ang sarili mo Asyanna? Hindi ka mananalo. Wala kang alam," sabi ni Dylenea at lumapit sa'kin.
Tumayo ako at pinagpag ang kasuotan. Kinuha ko ang espada at hinarap siya.
"Mananalo ako, makikita mo," saad ko at tinutok sa kaniya ang talim ng espada.
Napatawa siya nang malakas. Iyong nakakapang-insulto pakinggan.
"At, sa tingin mo maililigtas ka ng pipitsuging espada na iyan?" mayabang niyang sabi.
Tiningnan ko lang siya nang masama. Hindi dapat niya minamaliit ang mga bagay-bagay. Dahil lahat ng ito ay may kalakasan at meron ding kahinaan. Gaya niya malakas siya dahil may kapangyarihan siya. Pero, hihina rin siya kapag wala ito.
"Huwag mong husgahan ang sandatang hawak ko. Kaya nitong gilitan ang leeg mo," sabi ko.
"Pero, kaya ko 'yang sirain," pagmamalaki niyang sabi.
Walang alinlangang sumugod ako sa kaniya. Nagpakawala naman siya kaagad ng enerhiya. Pero, naiwasan ko ito. Kaya, nainis siya. Hinanda niya ang sandata niya at sinangga ito sa nagngangalit kong espada. Nag-espadahan kami pero ginagamit pa rin niya ang kapangyarihan niya. Kaya, doble ingat ako sa mga galaw ko. Dahil alam kong hindi niya palalampasin ang pagkakataon na maisahan ako.
"Bakit hindi mo gamitin ang mahika mo Asya? Nang magkaalaman na," sabi niya sa gitna ng laban namin.
"E, kung maging patas ka kaya Ladynne Spellure. Batid mong hind kasing lakas ng sa iyo ang mahika ko. Bakit ko isusugal ang mahika ko? Hindi ako hangal," sabi ko kaya sinamaan niya ako ng tingin.
Mas binilisan niya ang galaw niya kaya mas binilisan ko rin ang akin. Hindi ako maaaring matalo sa kaniya sa pangalawang pagkakataon.
"Sumuko ka na kasi," sabi niya.
"Hindi," saad ko at naglaho.
Natigilan siya sa ginawa ko. Marahil ay nawala sa isip niya ang kakayahan kong maglaho.
Lumitaw ako sa 'di kalayuan samantalang siya patingin-tingin sa paligid.
"Asyanna! Magpakita ka! Huwag mo akong pagtaguan!" galit niyang sigaw.
Napangisi na lang ako. Gustong-gusto niya talaga akong matalo. Pero, mabibigo lang siya. Dahil hindi basta-basta nagpapatalo ang isang Asyanna Puerre.
"Bastarda! Hindi pa tayo tapos!" sigaw niyang muli.
Naglaho ako at lumitaw sa likuran niya. Sinakal ko siya gamit ang braso ko. Agad kong tinapat sa leeg niya ang talim ng hawak kong sandata. Kaya nanigas siya at 'di nakagalaw.
"Hinahanap mo ako?" sarkastikong tanong ko.
"As—ya," kabado niyang sabi.
"Kinakabahan ka yata, Ladynne Spellure," mapang-asar na sabi ko.
Ramdam kong kinakabahan siya. Kaya napangisi ako.
"Nais mo bang matikman ang talim ng pipitsuging ito?" tanong ko at mas nilapit ang espada sa leeg niya.
Pero, sapat lang iyon para hindi siya masugatan. Maling galaw niya lang tiyak kong aagos ang dugo sa leeg niya.
"Bakit hindi mo gawin, Asya?" hamon niya.
"Hindi ako kriminal," asik ko at binitiwan siya.
Humarap siya sa'kin at nagpakawala ng enerhiya. Agad ko itong sinangga ng espada ko kaya bumalik sa kaniya ang enerhiya. Hindi siya kaagad nakaiwas dito kaya tumilapon siya sa mga paninda. Nilapitan ko siya at kinuha sa kaniya ang pitong aytem. Ibig sabihin isang aytem na lang ang kailangan kong hanapin. Tumalikod na ako at handa na sanang maglaho nang sumigaw siya.
"Asya, ibalik mo 'yan!" hirap niyang sigaw.
Nilingon ko siya at ngumiti ,"Salamat nga pala rito, Ladynne Spellure,"
Umalis na ako sa Toshen at nagtungo ng Mythial Land. Ramdam kong iyon na lang ang lugar na hindi pa napupuntahan ng iba maging si Dylenea.
Lumitaw ako sa isang kakaibang lugar. Maraming paru-paro, mga pixies at mga faeries ang nagliliparan. Lahat ng ito ay binabalutan ng kakaibang kinang at liwanag. Maging ang mga puno at halaman ay kumikinang din. Marahil ay ito na ang Mythial Land. Ang tinaguriang paraiso ng Azthamen dahil sa taglay nitong ganda.
"Maaari ka nang umalis," usap ko sa espiritu.
Maya-maya, nagsalita na ang espiritu ,"Natutuwa ako Asya. Abot kamay mo na ang pagiging Seeker Game Victor!"
"Hindi pa. Hindi ko pa nakikita ang huling piraso," sabi ko at nagsimulang maglakad sa kakaibang daan.
Para itong dinurog na mga marmol. Maliliit pero matutulis.
Naglibot-libot lang ako sa buong Mythial Land. Nagbabakasakaling mahanap iyon.
"Heia," rinig kong tawag ng maliit na tinig.
"Narinig mo 'yon?" tanong ko sa espiritu.
"Parang nagmumula sa isang maliit na nilalang," sagot ng espiritu.
"Heia!" tawag na naman nito.
"Sinong nariyan?" tanong ko.
"Heia, narito ako," tawag na naman nito.
Pero, sa pagkakataong iyon nakita ko na ito. Isa itong maliit na nilalang. May apat na pakpak at kakaiba ang hugis ng tenga. Base sa anyo nito isa itong faery.
"Anong tinawag mo sa'kin?" tanong ko rito.
"Heia," ani ng faery.
Kaya, nagtaka ako. Bakit niya ako tinatawag na Heia?
"Paumanhin pero hindi Heia ang ngalan ko," usap ko rito.
"Pero, iyon ang gusto kong itawag sa'yo," sabi nito at tuluyang lumapit sa'kin.
"Anong ngalan mo munting nilalang?" tanong ko rito.
"Ako si Tamara," sagot nito.
"Nagagalak akong makilala ka, Tamara. Maaari ba akong humingi ng pabor sa'yo?" sabi ko.
"Ano iyon Heia?" ani Tamara.
"May alam ka ba tungkol dito?" tanong ko at pinakita sa kaniya ang mga aytem na hawak ko.
Nanliit ang mga mata niya habang sinusuri ito. Pagkatapos ay lumipad siya palayo. Sinundan ko lang siya ng tingin. Tumigil siya sa kakaibang puno. Nagliliwanag ito at buhay na buhay ang mga dahon maging ang puno nito. Mas lumapit siya roon at maya-maya may hawak na siyang isang bagay. Lumipad siya pabalik sa puwesto namin at pinakita sa'kin ang dala-dala niyang bagay.
"Ito ba ang hinahanap mo, Heia?" tanong niya.
"Oo, Tamara!" tuwang sabi ko.
"Tanggapin mo, Heia," utos niya sabay abot sa'kin.
Kukunin ko na sana ito nang tangayin ito ng malakas na hangin. Nabitawan ito ni Tamara kaya sumabay ito sa ihip ng hangin.
"Ako nang kukuha Heia," presenta ni Tamara at lumipad para sundan ito.
"Kilala mo ba ang nilalang na iyon?" tanong ko sa espiritu.
"Oo. Sa pagkakaalam ko siya malapit siyang kaibigan ni Asilah," sagot nito.
"May alam ka tungkol kay Asilah?!" 'di makapaniwalang sabi ko.
Pero, hindi siya nakasagot. Aalamin ko talaga ang tungkol kay Asilah. Nakukyuryos ako sa pagkatao niya at sa nangyari sa kaniya.
"Heia, hindi ko nakuha. May nilalang na kumuha nito," sabi ni Tamara nang bumalik sa puwesto namin.
"Nakilala mo ba kung sino?" usisa ko.
"Isa siyang Spellure," sagot nito kaya nalaman ko kaagad kung sino ang nakakuha.
Si Dylenea Spellure at tiyak kong nasa battlefield na siya ngayon at hinihintay ang pagdating ko.
"Kung ganoon, kailangan ko nang umalis Tamara. Maraming salamat sa tulong mo. Hanggang sa muli nating pagkikita," paalam ko sa kaniya at naglaho.
Sa battlefield...
Lumitaw ako sa entrance ng battlefield. Maingay ang paligid at sinisigaw nila ang ngalan ni Dylenea. Naglakad ako papasok ng battlefield kaya tumahimik ang paligid. Pero, napuno rin kaagad ng bulungan. Karamihan sa kanila hindi makapaniwalang makita akong naglalakad sa gitna ng battlefield. Tumigil ako sa paglalakad at hinanap ang puwesto ng mga Puerre. Seryoso lang ang mukha ni Lorde Ornelius. Si Onaeus naman masama ang tingin sa'kin. Nginisian ko lang siya at tumingin kay Dylenea. Halos katapat ko lang siya at seryosong nakatingin sa akin.
"Mga Lorde at mga Ladynne! Mga babae at mga lalaki! May dalawa tayong champs sa gitna ng battlefield, Ladynne ng Karr at young Ladynne ng Gránn. Sa wakas, masasaksihan na natin ang pinakahihintay na pagtutuos sa Seeker Game!" anunsyo ni Hydrox.
Tama nga ang kutob ko na hindi lang paghahanap ng mga aytem ang mangyayari sa laro. May labanan din ito at agawan.
"Sino kayang mananalo? Ang nanalo ba nang nakaraang laro o ang baguhan? Sinong makakasungkit ng titulo? Ang Ladynne kaya ng Karr o ang young Ladynne ng Gránn?" sabi ng voleer kaya umingay ang paligid.
Nagsamaan kami ng tingin ni Dylenea. Batid kong hindi siya magpapatalo at alam kong batid niya na ganoon din ako.
"Simulan na natin ang pagtutuos!" sabi ni Hydrox.
Sumugod sa direksyon ko si Dylenea pero agad akong naglaho at lumitaw sa likuran niya. Napasinghap ang lahat sa pinakita kong iyon. Napangisi lang ako.
Nagpatuloy lang kami sa labanan ni Dylenea. Nahihirapan siyang patamaan ako ng enerhiya niya dahil ginagamit ko na talaga ang kakayahan kong maglaho.
Nang makatiyempo ako agad ko siyang kinorner at tinutok sa kaniya ang espada.
Napatigil siya dahil maling galaw niya lang matutusok siya ng espada ko.
"Sa tingin ko'y may nanalo na! Pagbati para sa bagong Seeker Game Victor ng Seeker Game! Young Ladynne Asyanna Puerre ng Gránn!" anunsyo ni Hydrox kaya lalong nag-ingay ang paligid.
Samu't saring usapan ang naririnig ko. Ang ilan hindi makapaniwalang natalo ko si Dylenea. Ang ilan humanga sa pinakita ko.
Inis na inabot sa'kin ni Dylenea ang huling piraso ng kalatas. Agad ko itong tinanggap at kinuha na rin sa lalagyan ko ang iba pang piraso. Pinagsama-sama ko ito at nagkaroon ng liwanag. Unti-unti itong nabuo hanggang sa bumagsak sa kamay ko ang isang ginintuang kalatas. Binuksan ko ito at napangiti na lang sa nabasa.
Pagbati Seeker Game Victor! Inaanyayahan ka naming sumali sa Azthia Tournament. Ihanda ang iyong sarili at ipanalo ang titulo! Nawa'y gabayan ka ng inang kalikasan.