Chapter 51

2045 Words
"Sa Karr?" paglilinaw ni Asyanna. "Tama ang iyong narinig, Annaysa. Kailangan mong patunayan na sa hanay ka pa rin ng Rebellion. Ilang oras kang nawala. Malay namin kung anong nangyari sa iyo habang malayo ka sa amin," Pinagdududahan ni Necós ang Magium young Ladynne. Nararamdaman ito ni Asyanna. Kaya, kailangan niyang mag-ingat. Hindi siya maaaring mabuko. "Kailan lulusubin ang Karr?" tanong ni Asyanna. Napangisi si Necós dahil hindi umayaw ang heneral sa utos niya. "Ngayon," sagot ni Necós. "Rebellion, maghanda!" malakas na sabi ni Asyanna. Agad namang naghanda ang Rebellion. Sa Karr... "Lorde Irman, pinapatawag niyo raw ako?" tanong ng heneral ng Azthic Racial Forces. "Nakahanda na ba ang hukbo? Tiyak kong ano mang oras ay sasalakay ang Rebellion," sabi ni Irman. "Nakahanda na po, Lorde Irman," Napatingin si Irman sa kalangitan dahil parang may namumuong maitim na ulap dito. Tila batid ng Azthamen ang magaganap na digmaan. "Hindi kaya papalapit na sila?" tanong ng heneral. "Siyang tunay. Kumusta nga pala ang mga nakaligtas na mga Aqua at ang ibang lahi? Ang mga Mellows, Puerre at ibang clan maayos na ba sila?" ani Irman. "Kasalukuyang nagpapagaling, Lorde Irman," sagot ng heneral. "Mabuti. Tiyaking walang mapapahamak na kagagaling lang sa digmaan," wika ni Irman. Sa Bunganga ng Karr... "Heneral, paano tayo makakapasok ng Karr? Hindi ba't may pananggalang ito laban sa atin?" tanong ng revro kay Asyanna. "Huwag kayong mag-alala. Akong bahala," sabi ni Asyanna. Tumigil si Asyanna sa paglalakad at tinanaw ang tarangkahan ng Karr. "Hindi ko hahayaang masakop nang tuluyan ang Azthamen," sabi ng isip ni Asyanna. Humarap siya sa Rebellion at ngumisi. Tinaas niya ang espada na ikinalaki ng mga mata ng lahat. "Heneral, hindi ba't huwad lamang iyan? Paano mo sisirain ang pananggalang?" 'di makapaniwalang tanong ng revro. "Sinong nagsabi na huwad ito?" "Hindi ba't si Lorde Necós ang gumawa ng espadang iyan para paniwalain ang kalaban na hawak mo pa rin ang espada. Para matakot sila?" "Paano mo nakuha?" "Mahabang salaysayin," sagot ni Asyanna at tumingin kay Necós na seryosong nakatingin sa kaniya. Walang sabing sinaksak ni Asyanna ang revro na malapit sa kaniya. Nagulat ang lahat. Naalarma sila dahil sa ginawa ni Asyanna. Sumama naman ang tingin ni Necós. May ideya na siya sa nangyayari. Pero, hindi niya pinahalata. "Annaysa, bakit mo pinaslang ang isa sa mga revro ko? Hindi mo dapat iyon ginawa," "Huwag mo akong tatawaging Annaysa. Hindi...iyan...ang...pangalan...ko," sagot ni Asyanna. "Anong pinagsasabi mo Annaysa? Nakalimutan mo na ba?" "Siyang tunay. Nakalimutan ko kung sino ako...nang...dahil...sa...iyo. Kinuha mo sa akin ang tunay kong pagkatao. Hindi ako si Annaysa. Hindi ito ang ngalan ko. Ang ngalan ko ay Asyanna Puerre!" Muling tinaas ni Asyanna ang espada at agad na sinaksak ang lupa. Yumanig ito at bigla na lang sumabog. Tumilapon ang karamihan sa mga rebelde dahil sa lakas nito. "Annaysa, anong ginagawa mo?!" galit na sabi ni Necós. "Pagbabayarin ang Rebellion sa ginawa nitong pinsala sa buong Azthamen! Humanda ka Necós! Pababagsakin ko ang Rebellion!" galit na sigaw ni Asyanna at muling sinaksak ang lupa. Lumiwanag ang kalupaan at yumanig. Naramdaman ito ng lahat maging ng mga nananahanan sa loob ng Karr. Nang hugutin ni Asyanna ang espada, sumabog ang kalupaan, nagkabitak-bitak ito at gumuho ang ilang parte nito. "Asyanna Puerre!" nanggagalaiting sigaw ni Necós. Samantala, sa panig ng mga nananahanan sa Karr. Nagtataka sila kung bakit yumayanig ang kalupaan at may pagsabog na nagaganap sa hindi kalayuan. Tila may sagupaang nagaganap doon. Na siyang tunay sa pagitan ni Asyanna at ng Rebellion. "Aer Flyer, alamin kung ano ang nangyayari," utos ng heneral ng Aer Racial Forces. Agad na umalis ang Aer Flyer sakay ng pegasus. Hinanap nito kung saan nagaganap ang pagsabog. Nanlaki ang mga mata nito nang masaksihan ang labanan sa pagitan ni Asyanna at ng Rebellion. "Ipagbigay-alam sa buong hukbo," bulong ng Aer Flyer sa hangin at umihip nang malakas ang hangin. "Pagsisisihan mo ang iyong kataksilan, Asyanna," banta ni Necós. "Pagsisisihan mo rin ang pagsira mo ng pagkatao ko. Hindi ako makakapayag na hindi manlang ako makaganti," asik ni Asyanna. Naglakad si Necós papalapit sa kinaroroonan ni Asyanna. Hinanda naman ni Asyanna ang espada niya. "Tingnan natin kung hanggang saan ka ililigtas ng espada ni Asilah," Napahawak nang mahigpit si Asyanna sa espada. Ayaw man niyang aminin pero kinakabahan siya at natatakot. Minsan na siyang napasailalim sa mahika ni Necós at hindi malabong maulit iyon. Nangangamba rin siya na baka hindi niya kayanin ang lakas nito. "Handa ka na bang mapaslang?" "Handa na akong paslangin ka!" sigaw ni Asyanna at ginamit ang kakayahang maglaho. Lumitaw siya sa tabi ni Necós at sinugatan ito. Agad din siyang naglaho at lumitaw sa tapat nito. "Iyon lang ba ang kaya mong gawin?" Nagulat si Asyanna dahil hindi manlang nasaktan ang pinuno ng Rebellion. Kahit na nasugatan niya ito parang hindi ito nakaramdam ng sakit. "Masyado mo yatang minamata ang tulad ko, Asyanna. Nakalimutan mo na ba? Ako ang Lorde ng Rebellion," Napakuyom ng kaliwang kamay si Asyanna habang ang kanan niya ay hinawakan nang mahigpit ang espada. Nanggigigil siya sa kaharap. Nais na niya itong tapusin pero tiyak niyang mahihirapan siya. "Nakakalimutan mo rin yata ang hawak kong sandata, Necós," matapang na sabi ni Asyanna. "Pinagmamalaki mo ang espada ni Asilah? Ang espada ng kriminal at bastarda ng Gránn! Isa lamang 'yang pipitsuging sandata para sa akin. Kung wala lang iyang basbas mula sa Argon, hindi iyan magiging malakas," "Alam niya ang tungkol sa pagkatao ni Asilah? May basbas ng Argon ang espada?" gulat na tanong ni Asyanna sa isip niya. "Tingnan natin Asyanna kung makakaya ng hawak mong espada ang lakas at kapangyarihang mayroon na ako," paghahamon nito. "Hindi kita uurungan," sagot ni Asyanna. Nagpakawala ng malakas na kapangyarihan si Necós. Itinaboy niya ito sa direksyon ni Asyanna. Hinanda naman ni Asyanna ang espada. Hinati niya ito gamit ang espada kaya sinamaan siya ng tingin ni Necós. Nginisian lang niya ito. "Huwag kang magpakampante, Asyanna. Hindi ko pa pinapalabas ang tunay kong lakas," "Kung ganoon, ipalabas mo na. Nang magkaalaman kung sino ang tunay na malakas," sabi ni Asyanna at pumosisyon. Ngumisi si Necós bago pinalabas ang sinasabi niyang lakas. Napalunok si Asyanna dahil ngayon niya lang ito nakita. Pero, hindi niya pinahalata na kinakabahan siya. "Laban, Asyanna," bulong ni Asyanna sa sarili. Pinakawalan ni Necós ang pinalabas niyang mahika. Bumulusok ito papunta sa direksyon ni Asyanna. Hinati niya ang mahika pero malakas ang puwersa nito. Kaya, tumilapon siya sa 'di kalayuan. Inis na tumayo si Asyanna at tiningnan si Necós. "Nagustuhan mo ba, Asyanna?" ngisi nitong tanong. "Hindi masyado. Baka ito magustuhan mo," sabat ni Asyanna at tinaga ang kalupaan. Mabilis itong humati papunta sa direksyon ni Necós. Bago pa makaalis ang pinuno ng Rebellion, sumabog nang malakas kalupaan. Tumilapon din siya kagaya nang nangyari sa Magium young Ladynne. Tumayo siya at galit na tumingin kay Asyanna. "Hindi ko palalampasin ang ginawa mo," galit nitong sabi at tinira ng mahika si Asyanna. Naiwasan ito ni Asyanna pero hindi niya naiwasan ang kasunod nitong mahika. Tinamaan siya sa balikat na muntikan na niyang ikinabagsak. "Asya, ang espada. Gamitin mo na ang buong lakas nito. Ipalabas mo ang natutulog nitong kaparis," bulong ni Asilah. Tumango si Asyanna at hinawakan ng dalawa niyang kamay ang espada. Tinitigan niya muna ang espada bago ito sinubukang buwagin. "Ahhh!" Buong lakas niya itong binuwag. Umilaw ang espada at nagkaroon ng malakas na puwersa. Inabangan ng mga rebelde ang susunod na mangyayari. Samantala, si Necós, hindi siya makapaniwala sa nasaksihan. "Ahhh!" Lalong lumakas ang sigaw ni Asyanna dahil hinihigop ng espada ang enerhiya niya. "Asyanna, ibuhos mo lahat ng enerhiya na mayroon ka para lalong lumakas ang espada," Gaya ng ginagawa ni Asyanna dati, pinag-isa niya ang lakas niya at ng espada. Tuluyan itong humati sa dalawa. Ang malaking espada ay naging normal na espada na lamang. Pero, mas lumakas ito kumpara sa malaki pa ito at buo. "Necós! Humanda ka! Ako ang tatapos sa iyo!" sigaw ni Asyanna at lumitaw na lang sa tapat ni Necós. Naisangga ito ni Necós pero napaatras siya dahil sa lakas ng puwersa ni Asyanna. "Nasaan na ang ipinagmamalaki mong kapangyarihan, Necós? Maging ito ba ay naduwag na rin?" ngising tanong ni Asyanna. Dumilim ang mukha ni Necós kaya pinalabas na niya ang huli niyang alas. Biglang natigilan si Asyanna nang lumitaw sa likuran ni Necós ang mga nilalang na may malaking parte sa kaniya. "Amaris? Jamir?" bulalas ni Asyanna at bumitaw sa sagupaan nila ni Necós. "Asya! Huwag kang lalapit!" sigaw ni Jamir na nakakulong sa bola na gawa sa kidlat. "Ililigtas kita! Ililigtas ko kayo!" ani Asyanna at patakbong nagtungo roon. Pero, nakakailang hakbang pa lang siya nang tumilapon na lang siya palayo rito. "Argh!" daing ni Asyanna nang tumama ang likod niya sa bato. "Masyado kang padalus-dalos, Asyanna. Iyan ang magpapatalo sa iyo," wika ni Necós. "Pakawalan mo sila!" galit na sigaw ni Asyanna at bumangon. "Wala kang karapatan na utusan ako, bastarda!" asik ni Necós. "Asyanna, kahit anong mangyari. Huwag kang maniniwala sa sasabihin niya. Iligtas mo ang iyong sarili!" saad ni Jamir. "Tumahimik ka, taksil!" sabat ni Necós at pinahirapan ang bihag. "Jamir! Itigil mo 'yan! Pakiusap!" pagmamakaawa ni Asyanna. "Titigil lang ako. Kung susuko ka at ibibigay mo sa akin ang espada ni Asilah," Napakuyom ng kamay si Asyanna. Talagang ginagalit siya ng pinuno ng Rebellion. "Asya, huwag kang makinig sa kaniya!" sigaw ni Jamir. "Tumahimik ka!" sigaw ni Necós at pinahirapan muli si Jamir. "Asya, huwag mong ipapaubaya ang espada. Manganganib ang Azthamen!" "Asyanna! Huwag pakiusap!" pagsusumamo ni Jamir. "Mamili ka Asyanna, ang buhay ng tamarra at ng taksil na rebelde na ito o ibibigay mo sa akin ang espada?" Umiling si Jamir bilang hudyat na huwag sundin ang nais ni Necós. "Patawad, Jamir," naluluhang sabi ni Asyanna at binitawan ang espada. Napangiti nang malawak si Necós at kinuha ang espada gamit ang mahika. "Asya," "Patawad, Asilah," "Hindi ka talaga nag-iisip, Asyanna. Sa tingin mo ba ganoon na lang iyon?" ngising sabi ni Necós at kinitil ang buhay ng tamarra gamit ang itim na mahika. "Hindi! Amaris!" sigaw ni Asyanna at dumausdos ang luha sa kaniyang mga pisngi. Parang sinaksak ang puso niya sa nasaksihan. Parang nabawasan ang lakas niya. "Amaris!" palahaw ni Asyanna. "Anong pakiramdam Asyanna? Anong pakiramdam nang namatayan, nang nawalan ng mahal sa buhay? Hindi pa iyan sapat, Asyanna. Hindi pa sapat. Nang paslangin mo ang babaeng pinakamamahal ko, parang namatay din ang kalahati ng buhay ko. Hindi mo alam kung gaano iyon kasakit! Ngayon, alam mo na. Pero, mas dadagdagan ko pa ang pighating nararamdaman mo," ani Necós at lumapit sa kinaroroonan ni Jamir. Kumabog nang malakas ang dibdib ni Asyanna. Ayaw man niyang isipin pero mukhang dalawang nilalang ang mawawala sa kaniya ngayon. "Magpaalam ka na sa taksil na ito," "Jamir! Huwag! Pakiusap huwag mo siyang sasaktan!" pagmamakaawa ni Asyanna. "Asyanna, masaya akong makilala ka. Mag-iingat ka palagi at ipagtanggol mo ang Azthamen. Mahal na mahal kita," Huling sabi ni Jamir bago siya paslangin ni Necós gamit ang espada ni Asilah. "Hindi!" sigaw ni Asyanna. Lumipad si Necós papunta sa direksyon niya at sinakal siya. Nanggigigil ito at halos hindi na siya makahinga. "Ngayon, ikaw naman ang isusunod ko," sabi ni Necós at sinaksak si Asyanna. Umagos ang dugo sa nasaksak niyang tiyan. "Ngayon, wala nang hahadlang sa mga plano ko. Magpahinga ka nang mabuti, bastarda, Magium young Ladynne ng Gránn," bulong ni Necós sa tainga ni Asyanna. Mas diniinan ni Necós ang pagsaksak sa young Ladynne kaya lumabas ang dugo nito sa bibig. "Paalam, Asyanna," "Racial Forces! Sugod!" sigaw ni Zefirine na kararating lang. Agad binitawan ni Necós ang naghihingalong Magium young Ladynne at nakipaglaban. Pero, habang nakikipaglaban biglang naglaho sa kamay niya ang espada. Mabuti na lang at may kapangyarihan siya. Kaya, napatumba niya ang limang kawal na umatake sa kaniya. Nilapitan naman ni Zefirine ang nakahandusay na Magium young Ladynne. "Asya! Asya! Gumising ka!" naiiyak na sabi ni Zefirine. Pinakinggan niya ang dibdib nito at pinakiramdaman ang pulso. "Humihinga pa siya," sabi ni Zefirine sa sarili. Binuhat niya ang Magium young Ladynne at isinakay sa pegasus. Mabilis niya itong pinalipad para magamot kaagad ang natamong sugat ni Asyanna at para maligtas pa ito sa kamatayan. "Asya! Pakiusap lumaban ka! Huwag kang bibitaw!" usap ni Zefirine sa walang malay na Magium young Ladynne.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD