Chapter Five

2138 Words
Pinagmasdan ko ang kinaroroonan ng Terracium. Hindi pa rin sila umaalis sa puwesto nila. May kasamahan silang nagtungo sa puwesto ko kanina. Marahil ay hinahanap nila ako. Palaisipan siguro sa kanila ang bigla kong paglaho. Mabuti na lang pala at may kakayahan akong maglaho. Kung wala baka ay natuhog na ako ng naglalakihang palaso na sa tingin ko ay gawa sa ugat. Wala yata silang kaalam-alam kung ano ang pinagkaiba ng mga rebelde sa hindi kasapi nito. "Masuwerte ka, Asyanna. Nakuha mo ang kakayahan niya," rinig kong bulong sa hangin kaya agad akong napalingon sa paligid. Pero, wala naman akong ibang nakita kun'di ang mga ulap at grupo ng mga ibon na malayang lumilipad sa 'di kalayuan. Narinig ko na naman ang tinig na kumakausap sa'kin. Hindi ko maintindihan kung bakit ako kinakausap nito. Hindi ko nga kilala kung sino siya o ano ito. Dati-rati wala namang kumakausap sa'kin. Ngayon lang may nagparamdam. Nakakapagtaka lang. "Yanna!" rinig kong sigaw sa 'di kalayuan. Napangisi ako nang matanaw sina Onessa, Alisiah, at Aissa na papunta sa direksyon ko. Hindi naman pala ako naligaw. Nauna lang talaga ako sa kanila. "Kanina pa kami nag-aalala sa'yo. Akala namin napano ka na," nag-aalalang sabi ni Onessa. Napatawa ako sa tinuran niya. Hindi niya yata ako lubusang kilala. Ako lang naman si Asyanna ang may may-ari ng pinakamalakas na espada sa Gránn. "Walang mangyayari sa'kin. Hawak ko ang espadang ito," pagmamalaki kong sabi. Totoo iyon. Hanggang nasa tabi ko ang espada hindi ako mapapahamak. Kaya kong protektahan ang sarili ko gamit nito. "Nag-aalala lang kami kasi unang beses mo pa lang sa lugar na ito. Hindi mo kabisado ang pasikot-sikot ng lupain na ito. Paano na lang kung biglang umatake ang mga rebelde. Eh, 'di napahamak ka," komento ni Aissa. Kung sabagay may punto siya maaari nga akong atakihin ng mga rebelde. Pero, kaya ko silang labanan. Dahil natitiyak kong hindi nila kakayanin ang lakas ng espada ko. Muntik ko na ngang masira ang buong Eshner kung wala lang itong tinataglay na kapangyarihan. "Muntik na akong mapahamak kanina," sabi ko sa kanila. 'Di makapaniwalang tiningnan nila ako. "Sa mga rebelde?" tanong ni Alisiah. Umiling ako at nagsalita, "Terracium," Napasinghap si Onessa sa sinagot ko. Malamang hindi siya makapaniwala na inatake ako ng mga Terra. "Anong ginawa nila sa'yo?" nag-aalalang tanong ni Aissa. "Nagpakawala sila ng malalaking palaso na gawa sa ugat sa direksyon ko," sagot ko. "Hindi! Hindi nila magagawa iyon!" reaksyon ni Aissa. "Inakala nilang isa akong rebelde," dugtong ko pa. "Anong ginawa mo?" tanong naman ni Alisiah. "Ginamit ko ang kakayahan kong maglaho," pagmamalaki kong sagot. "Mabuti naman. Sa susunod magdoble ingat ka. Masyado pa namang mapanganib sa sitwasyon mo dahil hindi ka nila kilala. Iisipin nilang isa ka ngang rebelde," ani Onessa. Napatingin ulit ako sa kinaroroonan ng mga Terra. Pero nakaalis na sila. Ang Karr... "Yanna, kumilos ka nang normal, maliwanag? Pangako hindi ka nila mapapansin," wika ni Onessa. Tumango lang ako dahil hindi ko alam kung ano ang isasagot ko. Kinakabahan ako. Paano kung malaman na nila na ako ang bastarda? Baka pagkaisahan nila akong lahat. "Magiging maayos din ang lahat. Maniwala ka kay ama, maniwala ka sa amin. Poprotektahan ka namin," sabi rin ni Aissa. "Kapag sinaktan ka nila, ipakita mo 'yong kakayahan mong maglaho at ipatikim sa kanila iyang espada mo," suhestiyon naman ni Alisiah. Napangiti na lang ako sa sinabi niya. Kung gagawin ko iyon, ako naman ang tutugisin ng Azthamen. "Ang susunod na race ay nagmula sa timog-kanluran! Ang Magia, tagapagtanggol ng Gránn! Na sinundan ng Puerre Clan!" masiglang sabi ng voleer. Dumaan kami sa malagintong alpombra. Sa bandang unahan may malahiganteng tarangkahan. Kumikinang ito at parang may enerhiyang lumalabas galing dito. Ngayon lang ako nakakita ng ganitong uri ng tarangkahan. "Huminga ka nang malalim," baling sa'kin ni Onessa at ngumiti. Alanganin akong ngumiti dahil hindi ako komportable sa sitwasyon ko. Huminga ako nang malalim at humakbang papasok ng tarangkahan. Nang biglang nabago ang kinang at enerhiyang lumalabas galing dito. Mas naging malakas ito at parang gustong kumawala. Ramdam ko ring parang hinihigop ang lakas ko. Anong nangyayari sa'kin? "Anong nangyayari?" naguguluhan kong tanong. "Yanna, anong ginawa mo?" tanong ni Onessa. "Wala akong ginawa, Nessa!" sagot ko. Bakit ganoon ang naging reaksyon ng tarangkahan sa'kin? Hindi ko maintindihan. "Malamang may ginawa siya. Papansin," asik ni Onaeus. Sinamaan ko siya ng tingin. Wala siyang alam kaya dapat siyang manahimik. "Halika na rito Yanna. Nakakalayo na sina ama at nakakaagaw ka na ng atensyon," sabi ni Onessa. Humakbang ulit ako pero mas lumala pa ang reaksyon ng tarangkahan sa'kin. Parang ayaw ako nito papasukin sa loob. Hindi naman ako rebelde kaya nakatitiyak kong walang mali sa'kin. "Hindi ako makapasok Nessa! May puwersang pumipigil sa'kin!" tarantang sabi ko. "Isa lang ibig sabihin niyan. Kahit ang Karr ay ayaw sa'yo dahil bastarda ka," sabat ni Onaeus. Sinamaan ko pa siya lalo ng tingin. Kung nakapasok na sana ako, kanina ko pa pinahalik sa kaniya ang espada ko. "Nessa!" ani ko. "Anong nangyayari?" tanong ni Lorde Ornelius na nakalapit na pala sa'min. "Hindi po makapasok si Yanna, ama," sagot ni Onessa. "Ano pong nangyayari?" usisa ni Aissa, "bakit ganiyan ang naging reaksyon ng tarangkahan kay Yanna?" Lumapit sa'kin si Lorde Ornelius at may pinasuot na isa na namang kuwentas. Kakaiba ang wangis nito. "Sa tulong niyan, makakapasok ka na ng Karr," bulong ni Lorde Ornelius. Nagtataka ko siyang tiningnan. Bakit kailangan ko pang suotin ang kuwentas na iyon para lang makapasok ng Karr. Hindi ba talaga maaaring makapasok ang bastardang kagaya ko? "Bakit?" tanging salitang lumabas sa bibig ko. "May nakita ang tarangkahan, may naramdaman ito," sagot lang ni Lorde Ornelius at tumalikod na. Anong nakita ng tarangkahan sa'kin? Anong naramdaman nito? Ganito rin kaya ang magiging reaksyon nito kapag rebelde ang pumasok? Nanlaki ang mga mata ko sa isiping iyon. Baka nananalaytay sa dugo ko ang pagiging rebelde. Baka nga rebelde ang ina ko kaya kahit kailan hindi siya kinuwento ni Lorde Ornelius sa akin. "Yanna, pumasok ka na," tawag ni Alisiah. Tumango ako at hinakbang ang isang paa. Bumalik na sa dati ang estado ng tarangkahan. Hindi na ito kumontra sa pagpasok ko. Palaisipan sa'kin kung bakit ganoon na lang ang reaksyon nito. Aalamin ko 'yan. Naririnig ko ang bulungan ng ibang lahi. Nagtataka sila kung bakit natagalan daw ako sa pagpasok. Kung bakit ganoon ang naging reaksyon ng tarangkahan sa'kin. Kung sino raw ako at bakit ganoon na lang ang pag-aalala ng Lorde ng Gránn. At, bakit ngayon lang nila ako nakita. Marami pa akong narinig na bulungan pero hindi ko na ito pinansin. Wala naman iyong silbi. "Malalaman mo rin kung bakit," bulong ng pamilyar na tinig. Sa pangatlong pagkakataon, kinausap na naman ako ng tinig na kumakausap sa'kin simula nang araw na umalis kami ng Gránn. Parang may alam ito sa nangyayari sa akin. Lumingon-lingon ako sa paligid nang mapadako ang mga mata ko sa isang nilalang na nakatitig din sa akin. Kulot at mahaba ang buhok nito. Nakasuot ito ng kulay berdeng kasuotan. Sa wangis niya malalaman mo na agad kung ano siya. Isang Aqua. Nakipagtitigan ako sa kaniya nang bigla na lang umiba ang kulay ng mga mata niya. Naging berde ito pero bumalik din kaagad sa dating kulay nang kumurap siya. May kakaiba sa kaniya. "Yanna, ayos ka lang?" tanong ni Onessa. "Oo," sagot ko lang at nagpatuloy sa paglalakad. Chamber... "Ayos ka lang?" biglang tanong ni Onessa sa'kin. Nasa isang silid kami ngayon. Naghahanda para sa Azthia Ball na gaganapin maya-maya. Bale kaming dalawa lang ni Onessa ang narito. Nasa ibang silid kasi ang mga kapatid namin. "Oo, ayos lang ako," sagot ko habang sinusuklay ang mahaba at kulay kape kong buhok. Sa magkakapatid, ako lang ang may ganitong kulay ng buhok. Lahat sila kulay itim. Siguro ay namana ko ito sa ina ko. "Yanna, anuman ang mangyari mamaya sa ball, 'wag mo silang papansinin, 'wag kang magpapaapekto. Hayaan mo sila. Tandaan mo sa mata namin hindi ka bastarda. Kapatid ka namin, kapatid kita," sabi niya kaya napangiti ako. Kaya mahal ko si Onessa. Kahit kailan hindi niya akong tinuring na iba sa kanila. Sa mata niya at sa puso niya magkapatid kaming buo. "Susubukan ko," sabi ko at tiningnan ang repleksyon sa malaking salamin. Maging ang kulay ng mga mata ko ay ibang-iba rin sa kanila. Kulay kayumanggi ang mga mata ko. Habang sa kanila kulay itim. Teka, kulay kayumanggi na ulit ang mga mata ko?! Tinitigan ko pa ito nang mabuti. Kulay kayumanggi na talaga! Iba rin ang hugis ng mukha ko, ng mga labi ko, at pati mga tainga ko. Ang tanging pagkakapareho lang namin ay ang ilong namin na namana namin kay Lorde Ornelius. "Alam mo Yanna, ang ganda mo. Kakaiba ang wangis mo," ngiting sabi ni Onessa habang pinagmamasdan ako sa salamin. "Maganda ka rin, Nessa," ani ko. Totoo iyon. Sa lahat ng kapatid ko na babae siya lang ang natatangi sa lahat. Oo, magaganda naman sila. Pero, iba kasi ang karisma ni Nessa. Kung lalaki lang ako at hindi kami magkadugo baka nagkagusto na ako sa kaniya. "Hindi. Hindi mo nakuha ang ibig kong sabihin, Yanna. Maganda ka Yanna pero kakaiba ang wangis ng iyong hitsura. Kakaiba ang iyong kagandahan. Kung hindi lang Magium ang iyong ina, iisipin ng lahat na may iba pang lahi ang nananalaytay sa dugo mo," wika niya kaya napaisip ako. Imposible, kahit kailan hinding-hindi magkakaroon ng koneksyon ang dalawang nilalang na nagmula sa ibang lahi. Pinagbabawal ito sa buong Azthamen dahil 'pag nangyari iyon unti-unting mawawala ang purong dugo ng bawat lahi at mapapalitan ito ng isang half-bred, nilalang na may dalawang lahi. At, kapag nakaugalian maaaring magkaroon ng multi racial, nilalang na may tatlong lahing pinagmulan o higit pa. Ang magiging lakas ng half-bred at multi racial ay nakadepende sa pinaghalong lahi. Isa itong suliranin dahil posibleng magkaroon ng interes ang kahit sinong nilalang sa isang half-bred at multi racial at gamitin ito sa pansariling interes. Kaya maaari rin itong pagsimulan ng gulo na iniiwasang mangyari ng lahat. "Isa akong Magium, Nessa," paniniguro ko. Hindi ako maaaring magkamali dahil kung may iba mang lahi ang nananalaytay sa dugo ko dapat iba rin ang kulay ng dugo ko nang masugatan ako ni Onaeus. At, kung ang basehan naman ay ang enerhiyang lumabas sa'kin nang makasagupa ko ang mga rebelde, hindi iyon sapat para masabing may iba nga akong lahi. Dahil sabi rin mismo ni Lorde Ornelius maaaring handog iyon na sa tingin ko ay galing sa kalikasan. "Alam ko, namamangha lang talaga ako sa ganda mo," aniya at nginitian ako. "Nessa, bagay ba sa'kin?" pag-iiba ko ng usapan dahil hindi na ako komportable sa topiko namin. Kulay lila ang suot kong kasuotan at napapalibutan ito ng mga kinang. Simple lang ang disenyo pero elegante tingnan. "Oo, Yanna. Bagay na bagay sa'yo," sagot niya, "tiyak kong pagpipiyestahan ka ng mga naggagwapuhang mga lalaki roon. Baka nga mga young Lorde pa," dagdag pa niya kaya sinamaan ko siya ng tingin. Hindi ako nagpaganda para sa kanila. Nagpaganda ako dahil ayoko namang mapahiya ang angkan ko at ang Gránn. Ito ang unang beses na makikita nila ako kaya dapat maganda ang impresyon nila sa'kin. At, gusto ko ring gampanan nang maayos ang papel ko sa Puerre Clan. "Ano ako pagkain?" medyo inis kong sabi. "Tara na nga baka hinihintay na tayo nina ama sa labas," pag-iiba niya ng usapan. "Humawak ka sa'kin Nessa, dali," sabi ko at sumunod naman siya. Sa isang iglap lang ay nasa harapan na kami nina Lorde Ornelius. Naroon na silang lahat at kami na lang pala ni Onessa ang kulang. "Mabuti at nandito na kayo. Magsisimula na maya-maya ang ball," sabi ni Lorde Ornelius. "Yanna, kumilos ka nang normal," bulong ni Onessa at tumango naman ako. Ito na ang oras para makilala ako ng lahat. Alam ko sa sarili kong kinakabahan ako. Pero, hindi ko iyon maaaring ipakita sa lahat. Kailangan makita nila ako na matatag at kagalang-galang. "Magandang gabi mga kabayan! Isang taon na ang nakalipas mula nang ipagdiwang natin ang Araw ng Azthamen. Pero, parang kahapon lang. Noong nakaraang taon, nagkaroon tayo nang kamangha-manghang ball at kamangha-manghang paligsahan. Ngunit ngayong gabi, isa pang kamangha-manghang kaganapan ang tatalo sa kasaysayan. Tapos na ang mahabang paghihintay at ngayon ay nasa unang destinasyon tayo ng kamangha-manghang paglalakbay na ito! Tamasahin natin ang taunang Azthia Ball! Ngunit bago natin simulan ang ball, salubungin natin ang walong angkan ng iba't ibang lahi!" sabi ng tanyag na si Hydrox Werphal. Siya ang pinakasikat na voleer sa buong Azthamen. Napakaganda ng boses niya at talaga namang hinahangaan siya ng karamihan.. "Ang Puerre Clan! Lorde Ornelius at Ladynne Alyanna ng Gránn!" masiglang sabi ni Hydrox. Naglakad na si Lorde Ornelius at Ladynne Alyanna sa mahaba at kumikinang na alpombra. Pumalakpak ang ibang lahi. Hindi yata ako nasabihan na ang angkan namin ang unang tatawagin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD