"BULLSHIT!"
Narinig niya ang mahinang pagmumura ni Brian. Actually, kanina pa iyon. Halatang naiinis na ito. Nahihirapan kasi itong kumain dahil hindi sanay mag-chopsticks. Or should she say, hindi ito marunong mag chopsticks.
"May fork naman, huwag mo na ipilit 'yan," suggestion ni Irish.
Tumingin ito sa kaniya na parang napahiya. Marahil nagtataka ito kung bakit parang napakadali lamang sa kaniya ang pagkain gamit ang chopsticks. Aba! Matagal na rin siyang suki ng mga Korean restaurants. Nahilig siya mag-samgyup dahil sa kapapanood ng Korean dramas.
"Fine," halatang naiirita pa ring tugon nito. Kanina pa gusto matawa ni Irish ngunit nagpipigil lang siya ng sarili.
Pagkatapos nilang kumain ay agad din nilang nilisan ang lugar na iyon. Nakasakay na sila ng kotse ni Brian. Nagtaka si Irish dahil ibang daan ang binabagtas nila. Salungat ng pabalik sa mall kung saan sila galing.
"Saan ang punta natin?" tanong niya na medyo kinakabahan.
"Let's now get off from work," anito.
"Hindi ako puwede, marami pa akong tatapusin ---"
"Sinong masusunod sa 'ting dalawa?"
Matiim ang mga tinging ipinukol nito sa kaniya. Salubong ang mga kilay nito, halatang nag-iinit ang ulo. Parang any moment from now ay mananakmal ng tao.
Tumahimik na lamang siya. Daig pa nito ang babae sa pagiging moody. Kanina nakangiti sa kaniya, ngayon ang sama na ng tingin.
Dahil sa hindi nila pag-iimikan ay unti-unting nakaramdam ng antok si Irish. Sa gilid ng bintana ay isinandal niya ang kaniyang ulo. Mayamaya ay nakaidlip siya.
.....
HINDI alam ni Irish kung ilang oras siyang nakaidlip. Ngunit pagmulat niya ng mga mata ay nadatnan niya ang sariling nakahiga sa isang malambot na kama. Hindi pamilyar sa kaniya ang kuwarto na iyon kaya napabalikwas siya ng bangon.
Hindi gaanong malaki ang silid at medyo nakaramdam siya ng pag-uga ng tinatapakan niya. Sa isang maliit na bintana ay dumungaw siya sa labas at magdadapit-hapon na pala. Ang pinagtataka rin niya ay bakit karagatan ang kaniyang natatanaw.
Dinampot niya ang bag na nasa gilid lang ng kama at nagmamadaling lumabas ng kuwarto. Pagbukas niya ng pinto ay bumungad sa kaniya si Brian. Nakaupo ito sa upuan sa harap ng maliit na lamesa at sumisimsim ng alak.
"Gising ka na pala, sweetie!" Nakangiti ito nang makita siya.
"N-Nasaan tayo? Bakit mo ako dinala dito?" medyo histerikal niyang tanong.
Tumayo ito at lumapit sa kaniya. Kinuha nito ang dala niyang bag at inilapag sa lamesa.
"Come along, sweetie. I'm sure you'll like the view."
Inakbayan siya nito sa balikat. Magpoprotesta pa sana si Irish ngunit huli na nang matagpuan niya ang sariling sumusunod sa bawat hakbang nito nang umakyat sila sa taas ng deck. Nasa loob pala sila ng isang yate.
"Isn't it a wonder?" malambing na tanong nito nang makita nila ang papalubog na araw na tila nilalamon ng karagatan. Mapula na ang sinag niyon na tumatama sa kanilang balat.
Hindi niya napigilang mapatingin dito. Hindi niya akalaing ganito pala ito ka-romantic na tao. Isa sa mga pangarap niya ang tinupad nito. Ang mapanood ang sunset kasama ng isang taong mahal niya.
Wait! Mahal? Sigurado siya na hindi niya ito mahal at wala siyang nararamdaman para dito. Basta lang naman siya nitong isinama doon.
"We'll be staying here tonight," sabi pa nito habang nakatingin sa kaniya.
Sa malapitan ay kitang-kita niya ang nakakagayuma nitong mga mata. Para pa siyang nahipnotismo at hindi makagalaw nang unti-unti niyang napansin na inilalapit nito ang mukha sa kaniya.
"I really want you," mahinang sabi nito nang akma nang magdidikit ang kanilang mga labi.
Para namang biglang natauhan si Irish at mabilis na naitulak si Brian palayo sa kaniya.
"Why?" nanggagalaiti nitong tanong.
"Iuwi mo na ako!" bulalas niya. Akma siyang bababa ng deck ngunit mabilis nitong hinatak ang kaniyang braso hanggang sa madikit siya sa katawan nito.
"Hell no!" anito sabay hinawakan ng dalawang kamay ang kaniyang mukha. Yumuko ang ulo nito at inabot ng mga labi nito ang mga labi niya.
"Bitawan mo 'ko!" Nagpumiglas si Irish. Buong lakas niya itong itinulak at sinampal sa mukha. "Sa susunod na gawin mo ito sa akin, hindi ako mangingiming ipa-blotter ka sa mga pulis. Wala akong paki kung mayaman man ang angkan mo."
Tila natauhan naman ito sa ginawa niya. Hindi agad nakahuma. Iyon ang pagkakataong sinamantala niya upang makababa ng deck. Dinampot niya ang bag at muling pumasok sa kuwarto. Ini-lock niya ang pinto.
Sapo niya ang kaniyang mga labi na pilit nitong hinalikan kanina. Buti at smack lang iyon at hindi humantong sa kung saan. Natatakot siya na ang tulad nito ang makauuna sa kaniya kung sa sakali. Pangarap niyang makasal sa lalaking mahal na buong-buo siya at walang bahid na dungis. Ngunit naalala niya na kay Steve pala siya engaged.
"Whatever!" nai-stress niyang bulalas sa hangin. Para siyang maiiyak na ewan. Ano ba itong sitwasyong pinasok niya?
Mahihinang katok ang narinig niya sa may pinto.
"I'm sorry, Irish."
Narinig niya ang mahinang boses ni Brian mula sa labas.
"H-Huwag mo muna akong kausapin," aniya. Humiga siya sa kama at binalot ang kumot sa kaniyang buong katawan.
Hindi na niya ito narinig pang magsalita pagkuwan.
.....
LAGPAS seven na ng gabi nang maalimpungatan si Irish. Nakatulog pala siyang muli. Kumakalam na tiyan ang unang bumungad sa kaniya pagmulat niya.
Bumaba siya ng kama at dahan-dahang binuksan ang pinto. Sa maliit na siwang ay sumilip siya sa labas kung nandoon sa lamesa si Brian. Wala.
Nagdadalawang-isip pa siya kung makikipag-ayos ba dito o hindi. Gutom na gutom na siya nang mga sandaling iyon at hindi na niya kayang magtiis hanggang kinabukasan pa. Sa huli ay natagpuan niya ang sarili na umaakyat sa deck hoping na nandoon si Brian.
Tama ang hinala niya at nakita niya itong nagpe-prepare ng pagkain.
"Tara na!"
Nagulat pa siya nang sigawan siya nito. Nakita pala siya nitong nakatulalang nakamasid sa inihahain nito.
Napalunok siya at pilit na kinain ang pride. Kaysa isipin pa ang nangyari kanina ay mas gugustuhin niyang kumain. Takot siyang magkasakit na ulcer.
Natakam siyang bigla sa nakitang inihaw na tilapia at roasted chicken. May kanin ding nakahain doon at isang bote ng wine at dalawang wine glass.
"Kain na," anito sa malumanay na boses. Biglang bait yata nito sa kaniya at ipinagsandok pa siya ng kanin pag-upo nilang dalawa. Inabutan pa siya nito ng plastic na pangkamay.
Tahimik silang nagsimulang kumain. Nakikiramdam si Irish kung may isisingit ba ito na usapan ngunit seryoso ito na kumakain at hindi man lamang tumitingin sa kaniya.
"Salamat," aniya nang ipagsalin siya nito sa kopita ng alak.
"I'm sorry kanina," biglang sabi nito. Matamang nakatingin sa kaniya si Brian habang sumisimsim ng alak. "I was just mesmerized by you," dugtong pa nito.
"H-H'wag mo na sana iyong uulitin," tugon niya na parang may nakabara sa kaniyang lalamunan.
"I can't promise you that." Biglang bumalik ang awra nitong may pagkamanyakis. "I really want you. Maybe another time."
Napapantastikuhan na lamang siyang napangiti. Akala niya ay sincere ito sa pagso-sorry. Pansamantala lang pala iyon.
"B-Bababa na ako," paalam niya pagkatapos nilang kumain at magligpit ng pinagkainan.
"No, stay," pigil nito.
"Inaantok na ako," palusot niya.
"Kakagising mo lang, inaantok ka na naman."
Umikot ang kaniyang mga mata.
"What do you want?" asik niya.
"Dito ka." Itinuro nito ang upuan sa tabi nito. Ini-adjust nito iyon upang maging higaan. "Lie down here."
Sumunod na lamang siya sa pinag-uutos nito. Kahit medyo kabado sa maaari nitong gawin ay nilakasan niya ang loob niya. Binigyan siya nito ng maliit na unan. Humarap ito sa kaniya nang lumapat na ang likod niya sa upuan.
"Look at the stars," sabi nito pagkuwan. Sabay silang napatingala sa taas.
Maliwanag ang buwan nang gabing iyon. Bilog na bilog. Sa paligid nito ay mistulang Christmas lights ang mga bituin. Sa lamig ng simoy ng hangin at tahimik ng paligid ay para silang inihehele ng langit.
Ilang sandali siyang nagmasid sa taas bago muling bumaling sa kaniyang kasama. Nagulat siya nang makitang nakapikit na ito. May ngiti na nakadantay sa makurba nitong mga labi.
Bumangon siya upang siguraduhing nakatulog nga ito. Iwinagayway niya sa mukha nito ang isang palad niya. Walang reaksiyon.
Naisip niya kung iiwan ba niya ito roon o hindi. Malamig ang simoy ng hangin at mangatal na siya sa sobrang ginaw. Paano naman kaya ito? Kaya naisip niyang kuhanan ito ng kumot sa baba.
Ngunit mabilis nitong nahawakan ang braso niya nang akmang tatayo pa lamang siya.
"You can't leave me here," sabi nito na nakapungay pa ang mga mata.
"Malamig na dito sa labas kukuha ako ng kumot," sabi niya habang nagpupumilit na kumawala dito.
"Then hug me instead." Hinila siya nito pahiga sa ibabaw nito. Niyakap ang kaniyang likuran nang mahigpit. Sa pagpupumiglas niya ay lalong humihigpit ang kapit nito sa kaniya.
"Get off me!" aniya. Ngunit sa totoo lang ay parang taliwas iyon sa sinasabi ng dibdib niya. Ramdam na ramdam niya ang matipuno nitong katawan. Ang init na nagmumula roon at maging ang halimuyak ng suot nitong pabango. Kakaibang sensasyon ang dulot ng mga iyon sa kaniya na ngayon niya lamang ulit naramdaman.
Ang unang beses sa pagkakaalala niya ay iyong sa estrangherong nakasayaw niya noong engagement party nila ni Steve. Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa kaniya kung sino iyon. Imposible iyong si Brian dahil magkaiba ang amoy nila.
"You're so warm, sweetie."
At nanindig pa ang mga balahibo niya sa batok nang maramdaman ang hangin mula sa ilong nito nang bulungan siya nito sa tainga.
"Bitawan mo na ako. Nangangalay na ako," sabi niya pagkuwan.
Unti-unti siya nitong pinakawalan. Nakahinga rin siya nang maluwag. Mayamaya ay tumagilid na ito ng higa. Kinuhanan niya ito ng kumot sa baba at binalutan ito. Ayaw na niya itong pakialaman pa at baka sa ibang bagay na naman sila humantong.