"Hindi ito ang daan pauwi sa bahay namin, Teacher!" agaw pansin ko kay CJ habang tutok ang mga mata niya sa pagmamaneho. "Hindi nga!" nakangiti niyang tugon sa akin. Alam naman pala niyang hindi ito ang daan pauwi sa bahay pero parang balewala lang sa kaniya. "Teacher, saan mo na naman ba balak pumunta?" mahinahong tanong ko sa kaniya at baka magising si Jordan. Ngiti lang ang itinugon niya sa tanong ko. "Ang loko ngitian lang ako. Yawa!" naiinis kong bulalas sa sarili. Dumukwang ako upang abutin ang ulo niya at saka malakas kong pinektusan iyon. Mabuti na lang at tulog si Jordan kung kaya malaya akong nakapambatok sa kaniyang guro. "Aray!" nakangiwi niyang reklamo. "Hindi na nga ako nakipaglaro sa anak ko tapos ikaw naman kung saan-saan mo kami dinadala," nakaismid kong sabi. "

