Napapakamot ako sa ulo dahil nasa harapan ko ngayon ang galit na galit na ina ni Aldrin at gusto niyang saktan si Jordan bilang kabayaran sa pananaksak ng lapis sa kamay ng kaniyang anak.
Iniharang ko naman ang katawan ko kay Jordan upang hindi siya maabot ng ginang.
"In behalf of Jordan, ako na ho ang humihingi ng paumanhin sa nagawang pananakit nito sa iyong anak na si Aldrin, Mam," hinging paumanhin ko sa ginang.
"Hindi ko nga pinapakagat sa lamok ang anak ko, tapos ang batang 'yan sasaktan niya lang. Hindi yata tama 'yon!" Galit na galit pa rin saad ng ginang.
"I understand your feelings, Mam. Pero, huwag din po sana nating kalimutan na bata rin po si Jordan at kaedad lang din po siya ni Aldrin," paliwanag ko naman.
Natigilan ang ginang sa sinabi ko saka tumingin siya sa gawi ni Jordan na mahigpit na nakakapit sa likod ng suot kong pantalon.
"Gawan mo ng disciplinary action ang pangyayaring ito or else, aabot tayo sa mismong DepEd," pagbabanta sa akin ng ginang.
"Makakaasa ho kayo, Mam! Bukas na bukas din po ay ipatatawag namin ang guardian ni Jordan upang makausap," paniniguro ko naman sa ina ni Aldrin.
"Pasalamat ka't pinagtanggol ka sa akin ng teacher mo." Dinuro-duro ng ginang si Jordan na nakakubli sa aking likuran.
Iniharang ko ang katawan kay Jordan upang iiwas sa galit na ina ni Aldrin. Nagsisimula nang bumangon ang inis sa dibdib ko dahil sa kagaspangan ng ugali ng ginang na ipinakikita niya sa akin.
"With all your respect Mam, aalis na po kami ni Jordan. Kakausapin ko pa ang bata tungkol sa pangyayaring ito. Salamat!" paalam ko sa ina ni Aldrin.
Nilingon ko si Jordan saka yumukod ako upang buhatin siya na nagtatago sa aking likuran. Dinala ko ang bata sa loob ng Guidance Counselor at saka pinaupo sa upuan upang makausap nang masinsinan.
"Jordan, alam mo bang mali ang iyong mga ginagawa sa mga kaklase mo?" malumanay kong tanong sa bata saka lumuhod ako sa kaniyang harapan upang magpantay ang aming mga mukha.
"Opo!" nakayukong sagot naman niya sa akin.
"Bakit kailangang umabot pa kayo sa puntong sakitan?" muling tanong ko sa kaniya.
"Sa akin naman po talaga kasi ang lapis na iyon, Sir," naluluhang tugon nito.
"Sabihin na nating sa iyo nga ang lapis na 'yon, pero hindi tamang saksakin mo sa kamay si Aldrin," turan ko pa sa kaniya.
"E, kasi po pinipilit niyang angkinin ang hindi kaniya," pahikbi-hikbing sagot niya sa akin.
Napahugot na lamang ako ng malalim na buntonghininga saka matamang pinagmasdan ko ang humihikbing si Jordan.
"Bibigyan kita ng sulat na ibibigay mo rin sa Mommy mo para mabasa niya. Siguraduhin mong mababasa niya iyon ha?!" bilin ko kay Jordan na tinugon nito nang pagtango ng kaniyang ulo.
"Malalaman kong tumupad ka sa usapan natin oras na mag-confirm ang Mommy mo." Tumayo ako mula sa pagkakaluhod sa harapan ni Jordan saka ginulo ko ang kaniyang buhok.
Lumapit ako sa may computer saka sinimulan kong gawin ang liham para sa ina ni Jordan.
Nang lumingon ako sa gawi ni Jordan, nakaramdam ako ng awa para sa kaniya.
Pakiramdam ko ay kulang sa atensyon ang bata kaya naghahanap siya ng mga taong papansin sa kaniya. Palagay ko'y hindi sapat ang ibinibigay na pansin sa kaniya ng kaniyang ina kaya naghahanap pa siya ng higit pa.
Matapos kong gawin ang liham ay prinint ko na iyon saka pinapirmahan kay Mrs. Mendoza, ang siyang head ng guidance counselor.
"Sana lang dumating ang Mommy niya," malungkot na wika ni Mrs. Mendoza.
"Naniniwala po akong tutupad si Jordan sa usapan naming dalawa, Ma'am!" nakangiting tugon ko sa kapwa guro.
"Maswerte ang batang iyan sa 'yo. Ikaw pa lang ang gurong nagtiyaga sa kaniya," naiiling na wika ni Mrs. Mendoza.
"Tungkulin po nating maging pangalawang magulang sa kanila. Kung susukuan natin ang mga batang tulad ni Jordan, mababalewala ang sinumpaan kong tungkulin," nakangiting tugon ko sa kapwa guro.
"Wala na talaga akong masabi sa iyo. Bukod sa guwapo ka na nga ay mabait pa! Maswerte ang magiging mga anak mo," nakangiting turan pa sa akin nito.
"Naku, wala pa po sa bokabularyo ko ang pag-aasawa, Ma'am," natatawang tugon ko kay Mrs. Mendoza.
"Nasasabi mo lang 'yan sa ngayon, Mr. San Rafael. Malay mo bukas, makikilala mo na rin pala ang magiging ina ng mga anak mo," makahulugang sabi pa nito.
"Mabiro din po pala kayo, Ma'am!" Pagtatapos ko sa usapan naming dalawa.
Ipinasok ko sa loob ng bag ni Jordan ang sulat kung saan madaling makikita ng sinumang magbubukas niyon.
Binuhat ko ang natutulog na si Jordan saka isinukbit ko ang bag nito sa aking likuran.
Ako na ang maghahatid sa bata pauwi upang makausap ko rin personal ang guardian nito.
Pagdating sa aking sasakyan ay maayos kong ipinahiga si Jordan sa may likurang bahagi saka pinasuotan ko ng seatbelt ang katawan nito.
Pagsakay ko naman sa may driver seat ay agad kong binuhay ang makina ng sasakyan at pinaharurot iyon paalis.
Nang makarating kami sa lugar nila Jordan ay ipinarada ko muna ng maayos ang sasakyan sa may gilid ng kalsada bago tuluyang bumaba. Umikot ako sa may backseat at saka binuhat ko ang natutulog na bata.
Naglakad kami sa kahabaan ng eskinita at tiningnan ko ang bawat numero ng bahay upang mahanap ang kila Jordan. Nang nasa tapat na kami ng bahay nila ay kumatok pa muna ako.
Pinagbuksan kami ng pinto at bumungad sa amin ang matandang lalaki na sa pakiwari ko ay Lolo ni Jordan.
"Magandang hapon po, Sir!" magalang na bati ko.
"Good afternoon din po!" ganting bati naman nito.
"Ako nga po pala ang guro ni Jordan at sinadya ko talagang ihatid siya rito," ani ko sa matanda.
"Pasensiya ka na sa apo kong si Jordan at naabala ka pa niya sa pag-uwi rito sa bahay," hinging paumanhin pa muna niya sa akin.
"Naku, wala ho 'yon! Sinadya ko po talaga kayo para makausap sana," tugon ko naman.
"Kapag tungkol kay Jordan ang pag-uusapan natin, mainam po na ang ina niya na mismo ang kausapin mo. Mahina akong umintindi sa mga usaping pampaaralan," sagot sa akin nito.
"Ganoon po ba?!" pasimpleng napakamot ako sa ulo dahil sa bigo rin pala ako sa pagpunta rito.
"Si Jona mismo ang personal na nag-aasikaso sa mga pangangailangan ng anak niyang si Jordan," ani pa sa akin ng matanda.
"Jona..." salitang paulit-ulit na umukilkil sa aking isipan. "Kay gandang ngalan!"
"Kung gano'n ho ay magpapaalam na rin po ako sa inyo. Pakisabi na lamang po kay Ms. Jona na may liham po sa loob ng bag ni Jordan," habilin ko pa sa lolo ni Jordan.
"Makakarating sa kaniya," tugon naman sa akin nito.
Tuluyan na akong nagpaalam saka humakbang paalis doon. Habang naglalakad sa may eskinita ay nabunggo ako nang nagmamadaling maglakad na babae. Nalaglag ang bag nito dahilan kaya nagsabog ang laman niyon sa may sementong sahig
"I'm sorry!" hinging paumanhin ko sa babae.
Hindi kumibo ang babae at tahimik na dinampot lamang nito isa-isa ang mga gamit niyang nagkalat.
Yumukod ako upang tulungan siyang damputin ang mga gamit niya. Napulot ko ang sanitary napkin nito kaya iniabot ko iyon sa kaniya.
Namumula ang kaniyang mga pisngi nang tanggapin ang bagay na iyon.
"Ang cute niya!" ani ko sa isipan dahil natutuwa akong pagmasdan ang pamumula ng kaniyang mga pisngi.
Walang pasabing naglakad na paalis ang babae nang maisilid na nito ang lahat ng mga gamit niya sa loob ng kaniyang bag.
"Tsk! Cute nga wala namang manners," naiiling kong turan sa sarili.
Paalis na sana ako nang mapansin ko ang maliit na pvc card na tila isang ID. Nilapitan ko iyon upang damputin.
Jona Lacsamana
Office Clerk
CSR Manufacturing Corp.
Nanlaki ang mga mata ko nang mabasa ang nakasulat na information sa ID.
"Siya ang ina ni Jordan?!" nanggigilalas kong bulalas sa sarili. "At sa CSR din siya nagtatrabaho."
Tunog ng text messages ang gumulantang sa lumilipad kong diwa.
"Good afternoon, Sir! Mommy ni Jordan ito, asahan niyo po bukas ang pagdalo ko sa pagpupulong."
Napangiti ako nang mabasa ang mensaheng iyon ng ina ni Jordan.
Naiiling na isinuksok ko sa loob ng ID holder na suot ko sa leeg ang ID ng babae.
"Bukas ko na lang din ibabalik ang ID mo, Jona!" nangingiting wika ko sa hangin.