Chapter 4

1141 Words
"Nasaan ba kasi iyon?" naiinis kong tanong sa sarili habang panay ang kalkal ko sa loob ng bag. "Anak, ano bang hinahanap mo riyan at kanina ka pa kalkal nang kalkal diyan sa loob ng bag mo?" naiiling na tanong sa akin ni Mama. "Hindi ko po kasi makita ang ID ko sa office. Ang hirap pa naman mag-request sa HR ng kapalit," maktol ko sa ina. "Saan mo ba kasi nilagay?" turan naman nito. "Dito ko lang naman po iyon madalas ilagay sa may bulsa ng bag ko. Saan naman kaya iyon napunta," nakalabing anas ko sa ina. "Baka nariyan lang iyan sa loob ng bag mo o 'di kaya naman ay naipit diyan sa wallet mo." Lumapit sa akin si Mama saka nakitulong na rin siyang maghanap. "Mommy, pasok na po ako sa school," sabat naman ni Jordan sa amin. "Apo, mag-behave ka sa school ha. I love you!" Hinalikan ni Mama si Jordan sa pisngi saka bumalik na ulit siya sa loob ng kusina. "Let's talk first, Baby!" Kinabig ko ang anak palapit sa akin. Ipinaupo ko si Jordan sa kandungan ko saka sinuklay ng mga daliri ko sa kamay ang buhok nito. "Sa palagay mo Baby, bakit kaya ako ipinatatawag ng teacher mo?" tanong ko sa anak kahit pa nga alam ko na ang sagot. "Kasi po..." nakalabing anas ni Jordan at nilaro-laro ang kaniyang mga daliri sa kamay. "Kasi po?" balik tanong ko sa anak. "Akin naman po kasi talaga iyong lapis na iyon, Mommy. Pinipilit lang ng kaklase ko na kaniya," pagsusumbong sa akin ni Jordan. "So, anong ginawa mo sa kaklase mo?" malumanay kong tanong sa anak kahit pa nga mayroon nang naglalarong imahinasyon sa isipan ko. "Sinaksak ko po siya ng lapis sa kamay, Mommy!" Nanlaki ang mga mata ko sa narinig na sinabi ng aking anak. "Bakit mo ginawa iyon, Baby?" pabulalas kong tanong sa aking anak. Laglag ang mga balikat kong tumingin sa mga mata ni Jordan at parang gusto kong maiyak sa inis ng mga sandaling iyon. Pakiramdam ko'y lalong lumala si Jordan sa pagiging makulit. Tipong umabot pa yata sa pagiging bully. Mahigpit kong niyakap ang anak sabay nang pagpatak ng mga luha mula sa aking mga mata. "Kung hindi lang sana tayo maagang iniwan ng daddy mo, hindi ka sana nagkakaganito ngayon, Baby," piping usal ko sa isipan. "Umiiyak ka po ba, Mommy?" tanong sa akin ni Jordan. "Opo! Naiiyak ako kasi nakikipag-away ka sa mga kaklase mo," malungkot kong tugon sa anak saka humugot ako ng malalim na buntonghininga. "Ayaw ni Mommy na nakikipag-away ka sa kanila dahil hindi iyon nakabubuti para sa iyo," dagdag ko pang sabi. "Sila naman po ang nangunguna, Mommy," nakalabing sagot ni Jordan. "Kahit na sila pa ang nanguna, hindi mo pa rin sila kailangang patulan. Parati kong sinasabi sa iyo na kapag inaway ka ng mga kaklase mo, isumbong mo agad sila kay teacher. Para si teacher naman na ang bahalang kumausap sa mga ito," paliwanag ko pa sa anak. Kumalas ako mula sa pagkakayakap sa aking anak saka marahang pinisil ko ang ilalim ng kaniyang baba. "Sorry po, Mommy!" hinging paumanhin sa akin ni Jordan. "Apology accepted, Baby. Pero huwag mo nang uulitin iyon ha, promise?" Hinaplos ko ang makinis niyang pisngi. "Promise po, Mommy! Hindi ko na po iyon uulitin," malambing niyang sabi saka ipinulupot nito sa leeg ko ang kaniyang dalawang braso. Paulit-ulit akong hinalikan sa pisngi ni Jordan kasabay nang pagbigkas nito ng mga katagang 'I love you, Mommy!' Ganito kalambing si Jordan sa kabila ng pagiging makulit nito. Ilang beses man akong ipinatatawag ng kaniyang guro, hindi naman niya ako binibigo pagdating sa kaniyang mga academic grades. Iilang patawag lang din ang dinaluhan ko sa eskwelahan dahil abala rin ako sa opisina mula nang magpalit ng bagong CEO ang kumpanya. Sobrang higpit kasi ng bago naming CEO na hindi ko pa rin nakikita sa personal dahil napaka-aloof niyon sa tao. Sa tuwing magpapaalam naman ako sa HR tungkol sa pa-meeting sa school ni Jordan ay may kasama rin sermon ang kanilang approval. Ayaw raw kasi ng boss namin ang palaging may dahilan sa trabaho. Kaya imbes na ako sana ang naghahatid kay Jordan papasok sa eskwelahan ay inaasa ko na lang sa service ang paghatid sundo. Mabuti na lang at wala kaming pasok ngayon kaya masasamahan ko si Jordan. Inakay ko na siya paalis ng bahay upang hindi kami ma-late sa pagpunta sa kaniyang eskwelahan. Pagdating namin sa may gate ng school ay agad akong hinanapan ng ID ng guard dahil isa iyon sa patakaran ng paaralan. "Pasensiya na po talaga Kuya, nawawala kasi ang ID ko. Baka pwedeng mag-log in na lang ako sa visitors book?" pakiusap ko sa guard. "Naku Mam, ako po ang malilintikan sa head namin kapag nalaman nilang pinapasok kita," kakamot-kamot sa ulong tugon naman sa akin nito. "May sulat po akong natanggap galing sa teacher ni Jordan." Inilabas ko ang liham saka iniabot ko iyon sa guard upang ipakita. Binasa naman iyon ng guard ngunit alanganin pa rin siyang papasukin ako. "Kuya, please... Baka ma-late na po ang anak ko," nagsusumamong pakiusap ko sa guard. "Papasukin mo na siya, Doms!" Sabay kaming napatingin ng guwardiya sa taong nagsalita. Napalunok ako ng laway nang makita ang lalaking nakabungguan ko sa may eskinita kahapon. Hindi ko naisip na teacher pala siya sa eskwelahang ito. Akala ko'y isa lang siyang bisita ng kapitbahay namin. "Pero, Sir..." Pinutol ng lalaki ang sasabihin sana ng guard nang tawagin nito si Jordan. "Jordan, siya ba ang mommy mo?" tanong ng lalaki sa aking anak. "Opo, Sir!" sagot naman ni Jordan sa lalaki. "Papasukin mo na siya Doms at kailangan naming mag-usap. Thank you!" utos ng lalaki sa guard na agad namang sinunod ng huli. Sinenyasan ako ng lalaki na sumunod sa kaniya kaya sinundan lang din namin siya ni Jordan. Nahinto kami sa paglalakad nang huminto ang lalaki sa may tapat ng isang pinto. Binuksan nito ang pintuan saka pinapasok niya kaming dalawa ni Jordan sa loob. Pinaupo niya kami sa may upuang nakapaharap sa may mesa. "By the way, my name is Christoper San Rafael, Jordan's adviser and the one who sent you a letter. You can call me, Teacher CJ!" masayang pagpapakilala ng lalaki sa kaniyang sarili saka inilahad ang palad niya sa aking harapan. "San Rafael?! Kaanu-ano niya ang mga boss namin?" kunot noong tanong ko sa isipan. Tikhim nito ang nagpabalik sa lumilipad kong diwa. Tinitigan ko ang nakalahad niyang palad sa aking harapan at wala sa sariling tinanggap ko iyon. "I'm Jona Lacsamana, Jordan's Mom!" tipid kong pagpapakilala naman sa sarili. Gusto ko sana siyang tanungin kung kaanu-ano niya ang mga boss namin, nang malakas na tumili si Jordan. Sabay pa kaming napatingin ni Teacher CJ sa aking anak at ganoon na lamang ang paglaki ng mga mata ko sa nakita.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD