2

854 Words
“A-ANG parlor ko, pinaghirapan ko iyon ate Allyson ‘eh. Ilang taon akong nagtrabaho sa Maynila para lang makaipon ng pera at maitayo iyon. Ate…” Maging si Allyson ay napaiyak na rin at niyakap ng mahigpit si Yara. Naroon sila sa Mondemar Sports Center kasama ang iba pang mga kapitbahay nila na nasunugan rin. Isang araw na silang nananatili doon ng pamilya niya. Ang kanilang ina ay nakatulog na sa banig katabi ang kambal. Habang sila naman ni Yara ay hindi makatulog agad dahil sa dami nang iniisip nila. Hindi madaling solusyunan ang problemang dumating sa kanila. Natupok ng apoy ang bahay nila kasama na ang parlor at sari-sari store. Limang buwan pa lang na naitatayo ang parlor kaya alam niya na higit na mas mahirap kay Yara na tanggapin ang nangyari. Naubos ang ipon nitong pera sa bangko para lang maitayo ang pangarap na negosyo. Kahit siya ay hindi makapaniwala sa nangyari. Paano na siya ngayon raraket kung kasama din sa mga nasunog ang computer shop at grocery store nila aling Divina. Naubos ang ipon niyang pera niya dahil ginamit niyang allowance iyon sa tuwing luluwas siya ng Maynila para mag audition. Hindi din naman ganoon kalaki ang kinikita ng sari-sari store ng kaniyang ina. “Mas mahirap pa tayo sa daga, ate. Anong gagawin natin?” muli ay napahagulhol si Yara. Napalunok lang siya at ipinikit ang mga mata. Dinig niya ang nagkakagulong mga tao sa loob ng Sports Center. Ang ilan sa mga ito ay kumakain pa habang nag uusap. May mga batang umiiyak at mas lalong nagpasikip iyon sa dibdib niya. Nakahanda naman daw mag abot ng tulong ang pamilya Mondemar. Hindi na nakapagtataka iyon dahil maliban sa napakayaman ng mga ito ay isang Mondemar din ang gobernador sa bayan nila. Pero anong tulong ang maibibigay ng mga ito? rasyon na mga pagkain? Mga damit? Kung may mag aabot man sa kanila ng pera ay alam niya na hindi iyon magkakasya dahil nag aaral pa ang dalawang kapatid niya. Hindi maaaring tumigil ang mga ito sa pag aaral dahil ilang buwan na lang ay magtatapos na ang semestre. Nagsakripisyo siya at nag aral lang ng isang taon dahil maliban sa wala naman siyang hilig sa pag aaral ay mas gusto niyang matulungan ang kambal. Ang mga ito kasi ang nakitaan niya ng potensiyal sa pag aaral kaya alam niya na darating ang araw na magiging professional teacher at accountant ang mga ito. Huminga siya ng malalim at nang imulat ang mga mata ay bumitiw na sa kaniya si Yara. Matamlay na nahiga ito sa tabi ni Hariet at muling umiyak. Siya naman ay nanatiling nakaupo sa banig. Animo ay may nakatarak na punyal sa dibdib niya habang naririnig niya ang pag iyak ni Yara. Nang sulyapan niya ang ina ay napansin niya ang pagyugyog ng mga balikat nito. Nakatalikod man ito sa kaniya ay alam niya na umiiyak din ito. Mahimbing naman ang tulog ng kambal. Napagod marahil ang mga ito dahil napakarami nilang ginawa buong araw. Ang mga ito kasi ang masipag pumila para humingi ng rasyon. Nang marinig niya ang pag iingay ng cellphone niya ay agad na tumayo siya. Bumilis ang t***k ng puso niya nang mabasa sa screen ang pangalan ng kapatid. Nagtext siya dito kanina para humingi ng tulong. Kinapalan na niya ang mukha niya. Nasa ibang bansa ang kanilang ama para ayusin ang problema sa isang kompanya kaya kay Demi na siya lumapit. Lakad takbo ang ginawa niya para lang makalabas siya ng Sports Center. Ayaw niyang marinig ng pamilya niya ang magiging pag uusap nila ni Demi. Kahit isumpa siya ng ina ay kailangan na niyang lumapit sa mga Bustamante. Maliban sa half sister niya si Demi ay magpinsan din sila. Iisa lang ang kanilang ama at magkakambal naman ang kanilang mga ina. Wala itong rason para tanggihan siya. Mabait din si Demi at alam niya na hindi ito tatanggi sa kaniya. “D-demi?” tumayo siya sa likod ng isang malaking puno para maikubli niya ang sarili. “Pakiusap, tulungan mo ako please? wala akong ibang malapitan. Kailangan ko ng…n-ng pera para makabangon ulit kami nila mommy. Demi?” napakunot noo siya ng hindi agad magsalita ang kapatid. “Naririnig kita, Ally. Nakahanda akong tulungan ka pero sana maintindihan mo na kailangan na may kondisyon ang pagtulong ko sa'yo. I’m sorry, kapatid kita kaya dapat lang na tumulong ako sa'yo. P-pero desperado na kasi ako. Please, kailangan ko rin ng tulong mo.” “Demi, umiiyak ka ba?” nag aalalang tanong niya. “Nakahanda akong bigyan ka ng malaking pera, pero kailangan mo rin akong tulungan,” Napahinga siya ng malalim. Hindi masama ang loob niya sa kapatid kahit alam niyang may kapalit ang gagawin nitong pagtulong sa kaniya. Desperada na siya kaya kahit ano ay gagawin niya makalampas lang sa problema ang pamilya niya. “Sige, papaano kita matutulungan?” Nagsimula si Demi na ilatag sa kaniya ang plano nito. Halos malaglag naman ang mga panga niya. Napakahirap tanggihan ng offer nito. Malaking pera kapalit ng isang mabigat na trabaho. Kakayanin ba niya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD