“Coffee, please,” utos ni Jaime sa sekretarya niya habang nakadiin ang isang daliri niya sa isang button ng intercom.
Pagkatapos niyon ay pagal na isinandal niya ang likod sa sandalan ng swivel chair. Nang sipatin niya ang suot na relo at mapansin na pasado alas nuwebe na pala ng gabi ay napailing na lang siya. Marami siyang tinatapos na papeles ngayon dahil tatlong beses sa isang linggo lang naman siya bumibiyahe patungong Maynila para bisitahin ang Mondemar Company na pag aari ng kaniyang ama.
Kapag wala siya sa Maynila ay madalas na nasa bayan siya ng Mondemar para asikasuhin naman ang sarili niyang mga negosyo. May pag aari siyang club at malaking department store. Nagbukas din siya ng tatlong malaking grocery store sa bayan. Maging sa mga katabing bayan ng Mondemar ay may mga negosyo siya. Sa kanilang limang magkakapatid ay siya ang nagmana sa kanilang ama pagdating sa pagnenegosyo. May sarili din siyang kompanyang pag aari na nakabase rin sa Maynila kaya halos wala na siyang oras para sa sarili niya.
At wala ka na rin oras para sa mga anak mo.
“Ah, right!” natampal niya ang noo nang maalala ang triplets niya.
Sila Kean, Kenshin at Keannu na pawang mga limang taong gulang pa lang. Siguradong masama na naman ang loob ng tatlo dahil ilang araw din siyang naging abala sa Maynila. Magbibilin na lang siguro siya sa sekretarya niya bukas na bumili ng mga laruan sa isang sikat na online shop para may maipasalubong siya sa tatlo.
Bigla siyang nakaramdam ng matinding kahungkagan sa dibdib ng hindi sinasadya ay dumako ang mga mata niya sa picture frame na nakapwesto sa tabi ng laptop niya. Malungkot na ngumiti siya at pinagmasdan ang larawan nila ng dating kasintahan na si Brooke habang kasama nila ang tatlong sanggol.
Siya ang may karga kay Keannu at Kean habang karga naman ni Brooke si Kenshin. Larawan sila ng isang masayang pamilya. Nakilala niya si Brooke sa London ng minsang manood siya ng broadway musical. Isa ito sa mga theater actress na agad na nakakuha ng atensiyon niya. Mas lalo pang nahulog ang loob niya dito nang matuklasan niya na isa pala itong Pilipina. Naging fan siya nito at sa pamamagitan ng koneksiyon niya ay nagkakilala sila at naging malapit sa isa’t isa.
Noon ay hindi siya naniniwala sa kung ano man na mahika na dala ng pag ibig. Kahit naging masaya ang pagsasama ng mga magulang niya ay hindi naging sapat iyon para mabago ang paniniwala niya. Pero nag iba ang lahat ng dumating sa buhay niya si Brooke.
Wala pang isang taon ang relasyon nila ay inalok na agad niya ito ng kasal. Tinanggap naman ng nobya ang proposal niya at bilang parte ng tradisyon ng pamilya Mondemar na kailangan munang tumira ang babae sa mansiyon bago ang pagpapakasal nila kaya ilang buwan din silang nagsama.
Nang matuklasan niya na nagdadalang tao si Brooke ay halos mapalundag siya sa sobrang tuwa. Ang plano niya ay magpapakasal na agad sila pagkapanganak nito. Pero hindi naging madali para sa kaniya ang lahat dahil may ibang pangarap pala ang babae. Hindi nito gustong ipagpatuloy ang buhay kasama siya at ang mga anak nila. Matagal na daw nitong pangarap na mas sumikat pa bilang theater actress. Nangangahulugan iyon na magiging abala ito at hindi mananatili sa piling nila ng mga bata.
Naging madalas ang pagtatalo nila ni Brooke hanggang sa magdesisyon itong makipaghiwalay sa kaniya. Sinuyo pa rin niya ito noong una pero sadya marahil buo na ang desisyon nito na ituloy ang pag abot sa pangarap nito. Tuluyan na silang naghiwalay at wala na siyang nagawa pa kundi ang tanggapin ang desisyon nito.
Limang taon na ang mga anak nila pero kahit isang beses ay hindi man lang ito dumalaw sa kanila. Hindi na rin siguro nakapagtataka pa iyon dahil ngayon na natupad na nito ang pangarap na sumikat sa broadway ay alam niyang masyado na itong abala para maalala pa na may iniwan itong pamilya.
Mabuti na rin daw na sinunod niya ang tradisyon ng pamilya nila na itira na muna sa mansiyon at kilalanin si Brooke bago sila nagpakasal. Hindi sila nahirapan na maghiwalay kahit na may mga batang nag uugnay sa kanilang dalawa.
Sa tulong ng kaniyang ina at ng ibang mga kamag anak ay maayos naman niyang napalaki ang triplets. Pero nitong mga nakaraang buwan ay biglang nagkaroon ng problema. Pawang nag aaral na sa isang private nursery school ang mga anak niya at isang hindi magandang balita ang nakarating sa kaniya.
Nagiging bully daw ang tatlo at umabot pa minsan sa pananakit sa isang kaklase. Ang pinagmulan daw ng gulo ay tungkol sa panunukso ng mga kaklase ng mga anak niya dahil walang kinikilalang ina ang mga ito. Nagkaroon daw iyon ng side effect sa mga bata kung kaya natutuong idepensa ang mga sarili at ibully ang mga kaklase.
Alam niyang nahihiya lang magsabi sa kaniya ang teacher na mas mabuting ilagak na lamang niya sa home schooling ang mga anak niya para makaiwas sa mas matinding gulo. Iyon din naman ang suhestiyon ng ibang kakilala niya. Pero papaano niya papayagan iyon? normal ang mga anak niya kaya dapat lang na sa isang normal na eskwelahan din niya pag aralin ang mga ito.
Kung hindi uubra ay nakahanda naman siyang magpagawa ng sariling eskwelahan para sa tatlo. Magbibigay na lang siya ng scholarship para sa iba pang mga bata para may makasama ang mga ito.
Dumako ang mga mata niya sa pinto nang bumukas iyon at iniluwa ang nakangiwing sekretarya niya. Lumapit ito sa table niya at maingat na inilapag ang tasa ng kape.
“Problem?” nakakunot noong tanong niya.
“Sir, kasi katatawag lang po ng isang maid sa mansiyon ninyo. Nagresign na daw po ang tatlong mga yaya na kinuha natin sa isang agency last week. Hindi daw po talaga kaya ang mga bata—”
“I know, pwede ka nang umuwi,” sabi na lang niya. Tila nakahinga naman ito ng maluwag at agad na nagpaalam na.
“Oh, kids!” nanlulumong tumingin siya sa kisame.
Ano ba ang alam ng isang binatang ama sa pagpapalaki ng pasaway na mga bata? Mabuti sana kung isa lang pero hindi eh, tatlo ang mga ito.
Bigla ay parang sumakit ang batok niya kaya hinagod niya iyon ng isang palad. Naalala niya ang isang kakilalang attorney. Kaedad lang niya ito pero hindi ito kakikitaan ng problema pagdating sa pamilya. Mabait ang asawa nito at nakita niya kung papaano ito asikasuhin ng huli. Ang bunsong anak naman ay kasing edad lang ng mga anak niya pero hindi bully sa school. Mabait din at masipag pang mag aral.
Eh, kung pabalikin mo na lang si Brooke?
“No way,” napailing siya. Kung hindi si Brooke ang hihingi ng tawad ay hindi rin siya lalapit dito. Tama ng minsan ay nagmakaawa siya dito para sa kapakanan ng mga anak nila. Nang tumunog ang cellphone niya ay agad na sinagot niya iyon.
“Jaime,”
“Pa, nasaan ang mga anak ko?”
“Relax, hijo. Natutulog na sila,”
“Agad?”
Kilala niya ang mga bata. Hindi ugali ng mga ito na matulog ng maaga kahit na may pasok pa kinabukasan sa eskwelahan. Tiyak na pinagtatakpan na naman ang mga ito ng kaniyang ama.
Napabuntong hininga siya. Trenta anyos pa lang naman siya pero pakiramdam niya ay mas maaga siyang tatanda dahil sa mga anak niya.
“Sabi ko naman sa'yo Jaime, kailangan mo na ng isang asawa, ng isang mabuting asawa para mapatino ang mga anak mo. Naiintindihan ko na wala ka ng oras sa mga apo ko. Ikaw ang ama kaya dapat lang na nasa labas ka ng bahay para magtrabaho. Pero kailangan nila ng isang ina na mag aalaga sa kanila at titingin. Kailangan nila ng magdidisiplina sa kanila. Hindi na maganda ang nangyayari.”
“Alam ko, papa,” idiniin niya ang dalawang daliri sa noo ng biglang kumirot iyon.
Ilang beses na siyang nagbayad sa mga yaya para lang hindi na magreklamo pa ang mga ito. Ang isang yaya ay ikinulong daw ni Kean sa aparador at kung hindi pa hinanap ng isang kasama ay hindi malalaman na nakulong na pala ito doon ng mahigit kalahating araw. Nilagyan naman ni Keannu ng patay na ipis ang juice na iniinom ng yaya nito. Si Kenshin naman ay pinaggugupit ang mga damit at gamit ng yaya nito. Kung iisa isahin niya ang kalokohan ng mga anak niya ay baka tuluyan na siyang mawalan ng pag asa.
Hindi naman siya pasaway noong bata pa siya. Sabi ng kaniyang ina ay mabait daw siya noon dahil nga nagabayan siya ng maayos. Madalas na itanong sa kaniya ng mga bata kung bakit walang mommy ang mga ito. Masakit iyon para sa isang ama dahil kahit napakayaman niya at kaya niyang ibigay ang lahat sa mga ito ay imposibleng makasama naman ng mga ito ang ina.
“Papa, hindi ba nabanggit mo sa akin na balak ninyo akong ipakasal noon sa anak ni Peterson Bustamante?”
“Ah, yes hijo, pero nagbago na ang desisyon ng mommy mo dahil nga nakilala mo si Brooke at nagkaroon pa kayo ng mga anak.”
“Willing pa rin ba sila na ipakasal ako sa anak nila kahit na may extra baggage ako?” tanong niya.
Buo na ang pasiya niya. Maliban sa pagsasanib pwersa ng dalawang kompanya na pag aari ng mga Bustamante at Mondemar ay gusto na rin niyang mabigyan ng totoong pamilya ang mga anak niya. Minsan na niyang nakita si Demi Bustamante. Maganda ito at maganda rin ang family background kaya nasisiguro niya na hindi magiging mahirap para sa mga anak niya na maging ina ito.
Sa pagkakataong ito ay wala na akong pakialam kung magpakasal ako sa babaeng hindi ko mahal. Ang mabigyan lang ng ina ang mga anak ko ang habol ko.
Humalakhak ang kaniyang ama sa kabilang linya.
“Of course hijo, hindi naman sila tatanggi diyan dahil hanggang ngayon ay dalaga pa rin si Demi,”
“Good,”
Ibinaba na niya ang huling baraha. Wala ng yaya o teacher na magpapasakit ng ulo niya dahil simula ngayon ay ang magiging ina na ng mga anak niya ang sasalo ng lahat ng iyon.