Wow! hindi mapigilan ni Allyson ang mamangha habang nakatayo siya sa labas ng mansiyon ng mga Mondemar. Daig pa niya ang nasa ibang bansa dahil sa marangya at nakakaakit na istilo ng buong lugar. Sa labas ay may malawak garahe kung saan nakaparada ang mahigit walong sasakyan. Para siyang nakatuntong sa labas ng isang magandang palasyo.
Nagtaxi lang siya kanina pagpunta doon at sa main gate palang ay halos malula na siya. May apat na security guard kanina na sumalubong sa kaniya. Hindi daw maaaring ipasok ang taxi sa loob at mahigpit na bilin daw iyon ni Don Federico.
Nang magpakilala siya na si Demi Bustamante ay nataranta ang mga ito. Tinulungan siya ng isang gwardiya na ibaba mula sa taxi ang malaking maleta niya. Habang ang isa naman ay tumawag sa loob ng mansiyon para ipaalam na naroon na siya. Ilang minuto lang ay may bumukas ang malaking gate at iniluwa ang isang SUV na siyang naghatid naman sa kaniya sa loob.
Malayo pala ang mansiyon sa main gate at tantiya niya ay tatlo hanggang limang minuto ang lumipas bago siya tuluyang nakarating doon. May nadaanan pa siyang malaking swimming pool at mayroon din bakanteng lote kung saan may isang matandang lalaki ang naglalaro ng golf. May malawak na hardin din at may bahay kubo sa tabi ng playground na natitiyak niyang para sa mga anak ni Jaime Mondemar.
Nang maalala ang lalaki ay biglang sinalakay ng matinding kaba ang dibdib niya. Hindi niya gustong magsinungaling sa pamilya nito pero kailangan niyang gawin iyon dahil sa naging kasunduan nila ni Demi. Kapalit ng isandaang libong piso na ibinigay nito sa kaniya ay kailangan niyang magpanggap bilang ito sa harap ng pamilya ni Jaime Mondemar.
Gusto daw kasi ng kanilang ama na ipakasal si Demi sa panganay na anak ni Don Federico at may kinalaman ang arranged marriage na iyon sa negosyo ng dalawang pamilya. Wala siyang masyadong maintindihan sa bagay na iyon dahil hindi naman siya mayaman na katulad ng mga ito. Ang tanging alam lang niya ay ayaw magpakasal ni Demi kay Jaime dahil may kasintahan daw ito.
Pero nagmamadali na daw ang mga Mondemar at gusto na agad na tumira si Demi sa mansiyon ng mga ito sa bayan nila. Ayon pa sa kapatid niya ay tradisyon na daw iyon ng pamilya ni Jaime. Bago daw magpakasal ang isang lalaking Mondemar ay kailangan na muna nitong itira ang fiancée nito sa mansiyon. Paraan din daw kasi iyon para mas makilala pa ng pamilya ang babaeng nais pakasalan ng isang Mondemar.
Kung siya ang tatanungin ay wala naman problema kung magpapakasal si Demi kay Jaime. Baliw na lang ang tatanggi sa grasya. At hindi basta grasya lang ang magpakasal sa isang lalaki na may dugong Mondemar. Isang totoong biyaya iyon.
Sa bayan nila ay kilala ang mga Mondemar dahil ang ilan sa mga ito ay mga pulitiko. Idagdag pa na ang pangalan ng bayan nila ay hango sa ninuno ng mga ito na si Juancho Miguel Mondemar na isang negosyante at dayuhang kastila. Parang mga santo ang tingin sa mga ito ng mga kababayan niya. Napakabuti at matulungin kasi ng pamilya Mondemar at hindi rin matapobre. Totoo ang pagmamahal ng mga ito sa mga kababayan at malaking bahagi ang mga ito kung bakit umunlad ang bayan nila.
Si Don Federico Mondemar ay apo sa tuhod ni Juancho Miguel Mondemar. Mayroon itong limang anak na pawang mga binata pa. Sila Jaime, Juancho, Miguel, Gabriel at Fabio na pawang mga makikisig at parang mga griyego na bumaba mula sa mount Olympus.
Noong dalagita pa siya ay pantasya na niya na mapansin ni Gabriel pero alam naman niya na imposible iyon. Minsan lang niya nakita ang binata sa eskwelahan nila at hindi na nasundan pa iyon. Ang sabi ng iba ay mailap daw ang mga binatang Mondemar. Si Jaime lang ang nangarap na magkaroon ng asawa at masayang pamilya pero naudlot pa iyon dahil ang dating nobya nito na isang sikat na theater actress ngayon ay iniwan ito kapalit ng magandang career.
Marami na siyang alam tungkol sa pamilya ni Jaime dahil maliban sa napag uusapan sa bayan nila ang kwento ng pamilya nito ay kinailangan din niyang magresearch para sa misyon niya.
“OMG! omg ateng! Magpapanggap kang si Demi at magsasama kayo ni fafa Jaime sa iisang bubong? Jusko! jusko talaga! akitin mo. Magpabuntis ka ng sa ganoon ay pakasalan ka niya at hindi na siya makawala pa.”
Napailing siya nang maalala ang naging reaksiyon ni Yara nang ipagtapat niya dito ang naging kasunduan nila ni Demi. Kapalit ng malaking halaga ay magpapanggap siyang si Demi at titira siya sa mansiyon na iyon kasama ang pamilya ni Jaime. Habang ang kapatid naman niya ay kasalukuyan nang nakaalis ng bansa para kausapin ang kanilang ama na nasa Amerika ngayon. Gusto daw kasi ni Demi na kumbinsihin ang ama na huwag ng pumayag pa sa kasunduang pagpapakasal ng dalawang pamilya.
Pero dahil nagmamadali naman ang mga Mondemar ay kailangan niyang maging proxy ng kapatid. Nangako si Demi na babalik ito para ayusin ang lahat. Walang kasiguruhan kung ilang linggo o buwan siya mananatili doon. Ang importante lang sa kaniya ngayon ay ang makabayad siya ng utang na loob sa kapatid niya.
Madali na lang niyang magagawan ng paraan ang pagpapanggap niya bilang si Demi dahil hindi naman ito kilala sa bayan nila. Hindi rin naman siya sikat sa Mondemar City kaya kahit magpanggap siya ay walang makakahalata. Ang hiling lang niya ay huwag sanang magtagpo ang landas nila ng ina habang ginagawa niya ang misyon.
Ang paalam lang niya sa ina ay magtutungo ng maynila dahil nakatanggap siya ng trabaho sa isang TV network bilang utility staff. Pumayag naman ang ina dahil pwede pa rin daw siyang madiscover dahil nasa loob lang siya ng kompanya. Ang pera ay ibinigay niya kay Yara at ito na ang bahala sa pagpapaayos ng bahay nila at ng parlor nito. May seaman na boyfriend ang kapatid niya kaya madali na lang dito na idahilan sa ina na pinautang ito ng pera ng kasintahan.
“Demi, hija!”
“Hija, bakit nandito ka? naku, ang batang ito, bakit hindi ka na pumasok sa loob?”
Ang mga magulang ni Jaime ang sumalubong sa kaniya. Nakangiting niyakap siya ng ina ni Jaime na si Senyora Leticia.
“Magandang hapon po, Don Federico, Senyora Leticia,” magalang na pagbati niya sa mag asawa.
Halos hindi niya magawang alisin ang mga mata sa magandang mukha ni Senyora Leticia. Kahit may edad na ay totoong napakaganda pa rin nito. Ang sabi ng mommy niya ay isang dating beauty queen daw ang ginang bago nagpakasal kay Don Federico.
Ikinumpas ni Senyora Leticia ang isang kamay. “Mama, iyan ang itawag mo sa akin dahil magiging asawa ka na ng panganay ko,”
Eng!
Pilit na ngumiti siya kahit parang hinihigit pataas ang sikmura niya. Ano kaya ang magiging reaksiyon ng mag asawa kapag natuklasan ng mga ito na isa siyang impostor?
Mayamaya ay may isang matabang babae ang humahangos na lumapit sa kanila. Kasunod ang mahigit sampung kasambahay at limang gwardiya.
“Pasensiya na senyora Leticia, hindi namin agad nasalubong si miss Demi,”
“Okay lang po, biglaan lang din naman ang pagpunta ko dito,” siya na ang sumagot. Totoo naman na biglaan ang pagdating niya. Dapat ay sa makalawa pa siya pupunta doon. Pero kanina ay nakatanggap siya ng text mula sa sekretarya ni Jaime na gusto daw siyang sunduin ng lalaki para sabay na silang umuwi sa Mondemar.
Sa pagkataranta niya ay nagdahilan siya na wala siya sa Maynila at naroon sa kabilang bayan ng Mondemar para dalawin ang isang kaibigan. Nakalusot naman siya at ngayon nga ay inunahan pa niya ang lalaki na umuwi sa mansiyon ng mga ito.
“Hija, wala ba ang sasakyan mo? bakit Taxi lang ang naghatid sa'yo dito?” tanong ng mama ni Jaime.