8

2014 Words
Idineklara na ng PAG ASA na kasama ang bayan ng Mondemar sa mga lugar na sumailalim sa signal number three. Kanina pa nawalan ng kuryente ang buong bayan at naubusan na rin ng gasolina ang generator kaya ang buong mansiyon ay wala ng kuryente. Panay ang iyak ng tatlong bagets kanina dahil natatakot daw sa malakas na pag ulan at kidlat. Kahit mga pasaway ay hindi naman mapigilan ni Allyson na maawa sa mga bata. Siya lang at ang mga kasambahay ang kasama ng mga ito. Umalis ang mag asawa kasama si Jaime para mag abot daw ng tulong sa mga nangangailangan. Narinig pa niya kanina na nabanggit ni papa Federico na nakahanda itong ipagamit ang isang lumang bahay para may pansamantalang matirahan ang iba. Nakatawag na siya kanina sa pamilya niya at ang sabi naman ni Yara ay maayos ang lagay ng mga ito. Dahil inaayos pa ang bahay nila ay pansamantalang nakikitira ang pamilya niya sa isang kamag anak ng yumaong step father niya. “Paano kung dumami ang tubig tapos malunod tayo?” “Baka may shark tapos kainin tayo,” “Tapos may mermaid din,” Natawa siya sa narinig na pag uusap ng triplets. May kandila sa gitna nila habang nakapalibot sila ng upo sa malamig na sahig. Dahil siguro natatakot ang mga ito sa bagyo at walang magawa kaya medyo mabait ngayon sa kaniya. “Hindi naman dadami ang tubig sa labas, titigil din ang rain,” sabi niya. “Pero kagabi pa umuulan eh,” nakalabing sabi ni Keannu. “May mga puno naman 'di ba? sila na ang bahala sa rain,” Bakit ba ang daming tanong ng mga batang ito? “Mommy, masakit po ba?” “Ha? ang alin?” nakakunot noong lumingon siya kay Kenshin. Sa tatlong magkakapatid ay ito ang masasabi niya na may pagkamaalalahanin. Sa tuwing umuuwi ito galing eskwelahan ay may pasalubong ito sa kaniyang candy. “Iyon chewing gum na inilagay namin sa buhok mo,” Nag iwas ng tingin sila Keannu at Kean. Napaismid naman siya at muling tumingin kay Kenshin. “Kapag sinabi ko ba na masakit nga at bad iyon, hindi na ninyo uulitin?” tanong niya. “Sabi ng classmate ko wala naman daw bad sa ginagawa namin basta masaya kami,” giit ni Keannu. “Pero hindi dahil sa ginawa ninyo may taong nasaktan, masaya ba iyon?” Natigilan ang tatlo at biglang nagyuko ng ulo. “No,” mahinang tugon ng mga ito. “Iyon naman pala ‘eh..iyon ginawa ninyo sa akin bad pero hindi ko na kayo isinumbong sa daddy ninyo dahil mapapagalitan na naman kayo. Gusto ba ninyo palagi na lang mainit ang ulo ni daddy at mapapansin lang niya kayo kapag bad na ang ginagawa ninyo?” Magkakasabay na umiling ang tatlo. “Sorry,” “Okay lang si mommy, basta ayoko nang mauulit ang ganito, okay? at simula ngayon susunod na kayo sa akin. Ang batang mabait ay may premyo sa akin tuwing Saturday. Isasama ko sa mall.” Nagpalakpakan naman ang tatlo at halatang natuwa sa sinabi niya. Nang sabihin niya na kailangan nang matulog ng mga ito ay agad na sumunod sa kaniya. Hindi niya alam kung ganoon pa rin ang magiging ugali ng mga ito sa susunod pang mga araw. Pero masaya na siya na kahit minsan ay nakakasundo niya ang mga bata. Mayamaya pa ay nakatulog na ang mga bagets. Saktong paglabas niya sa silid ng mga ito ay nakarinig siya ng malakas na ugong ng sasakyan mula sa garahe. Patakbong bumaba siya ng hagdan para salubungin ang kung sino man na dumating. “Jaime!” natigilan siya nang makita ang lalaki na umibis mula sa sasakyan. Basang basa ito ng ulan at tanging plain white t-shirt at cargo pants lang ang suot nito. “Bakit nagpaulan ka? nasaan ang raincoat mo?” nag aalalang nilapitan niya ito. “Ipinahiram ko sa driver ko, naiwan siya at sila mama sa Sports Center. Marami ng inilakas mula sa ibang bayan,” “May maitutulong ba ako? pwede naman akong sumaglit doon,” “No, dito na lang kayo ng mga bata,” anito habang pinupunasan ng isang palad ang tumutulong tubig mula sa batok nito. Cute…daig pa niya ang naestatwa sa kinatatayuan habang pinagmamasdan niya si Jaime. Dahil nga nabasa na ang suot nitong damit kaya bumabakat sa malapad na dibdib nito ang tela niyon. Nagmukha tuloy itong isang modelo na tumalon palabas ng isang men’s magazine. Napadiretso siya ng tayo at nang marinig ang papalapit na mga yabag ni manang Nena. “Naku, senyorito, sandali at magpapakulo lang ako ng tubig para makaligo ka,” Tumango ang binata at tumingin sa kaniya. “Ang mga bata?” “Pinatulog ko na sila,” Halatang nagulat ito sa sinabi niya. Napansin niya ang pagdaan ng hindi maipaliwanag na emosyon sa mga mata nito. “Tulog na sila?” “Opo, tama na ang maraming tanong. Umakyat na tayo sa itaas at baka magkasakit ka pa niyan,” aniya at hinawakan ito sa kaliwang braso. Hindi niya pinansin ang pagrigodon ng puso niya habang magkadikit ang mga balat nila. Mas dapat niyang unahin ang kapakanan ni Jaime dahil ayaw niyang magkasakit ito. Sa silid ay agad na inasikaso niya ang lalaki. Inabutan niya ito ng tuwalya at naghalungkat sa closet nang isusuot nito. “Babalik ka pa ba sa Sports Center?” “Bukas na siguro, bigla kasing sumama ang pakiramdam ko kaya pinilit na ako ni mama na umuwi dito. Hindi rin naman daw ako makakatulong sa kanila.” “Mabuti naman at nagpaawat ka,” aniya habang kumukuha ng pajama at t-shirt sa closet. Nang buksan niya ang drawer ay natigilan siya nang tumambad sa kaniya ang hanay ng mga briefs. Bigla ay nag init ang mga pisngi niya. Pikit matang dumampot siya ng isa at ibinigay ang mga bitbit niya kay Jaime. “Senyorito, may dala na po akong tubig,” Agad na tinungo niya ang pinto para pagbuksan si manang Nena. Inasikaso na nito sa banyo ang tubig na pampaligo ni Jaime. Pagkaalis ng matanda ay kumatok siya sa pinto ng banyo habang naliligo si Jaime. “Bilisan mo lang, ha? baka lalong sumama ang pakiramdam mo kapag nababad ka sa tubig,” bilin niya. Kahit hindi pa naman sila masyadong magkakilala ni Jaime ay responsibilidad pa rin niya na asikasuhin ito. Isa pa ay pagdating sa mga ganoong bagay ay maaasahan talaga siya. Dahil nga panganay siyang anak ay natural na sa kaniya ang pagiging maalaga at maasikaso. Wala pang limang minuto ay lumabas na ng banyo si Jaime. Fresh na fresh na at kahit masama daw ang pakiramdam ay gwapong gwapo pa rin. Sakto naman na natapos na siyang ayusin ang kama kaya muli niyang hinarap ang binata. “Matulog ka na, pwede ka naman matulog dito sa kama mo. Hay naku, hindi ko alam kung papaano mo natitiis na matulog sa library. Kaya ka siguro nagkasakit kasi nga wala ka na halos pahinga.” “I’m okay, kaunting pahinga lang ang kailangan ko,” natatawang sabi nito at naupo sa gilid ng kama. “Teka nga pala, gusto mo bang kumain? Sandali magpapakuha ako ng gamot kay manang.” akmang tatalikuran niya ito pero tumayo ito at agad na pinigilan ang isang kamay niya. “Nakainom na ako ng gamot at nakakain na rin po, bakit ba natataranta ka?” Napahinga siya ng malalim at nakatulalang nagbaba ng tingin sa magkahugpong na mga palad nila. “A-ahm..” dinig niya ang nakakabinging pagkabog ng dibdib niya. “Nag aalala lang ako,” Tumango naman ito. “Okay, I’m sorry, kung pinag alala pa kita. Normal na ang ganitong eksena sa pamilya namin kapag may bagyo sa Mondemar. Kung nandito nga lang ang mga kapatid ko ay siguradong tutulong din sila.” “Alam ko.” tanging nasabi niya. Nasa kaniya kaniyang bakasyon grande daw ang mga kapatid nito at walang kasiguruhan kung kailan babalik. Sa pagitan nang pag uusap nila ay hindi pa rin pinapakawalan ni Jaime ang kamay niya. At aminado siya na kahit may kakaiba siyang nararamdaman ay nagugustuhan na niya ang epekto ng pagdidikit ng mga balat nila. “Kumusta ka nga pala dito? hindi ka ba pinapahirapan ng mga bata? Pasensiya na kung palagi akong busy at halos wala na tayong time para makapag usap. Inaayos ko lang ang ilang negosyo ni papa sa manila dahil wala pa rin ang mga kapatid ko. Baka sa sunod na buwan ay umuwi si Miguel, promise babawi ako sa inyo ng mga bata. Pagkakataon na natin iyon para mas makilala pa natin ang isa’t isa.” Nandito pa ba ako next month? bakit ba parang nakaramdam siya nang panghihinayang maisip pa lang niya na baka hindi rin siya magtagal doon? “O-okay lang, hindi naman ako nagrereklamo 'di ba?” “Oo nga pala, ang parents mo. Okay lang ba sila? bakit hindi sinasagot ni Uncle Peterson ang mga tawag ko?” “Ha? ah…” napakamot siya sa batok. “Busy sila daddy eh,” “Dahil ba sa problema sa negosyo? Nabalitaan ko na tagilid ngayon ang status ng kompanya ninyo sa Los Angeles. Pwede akong makatulong.” Oh shoot! Tumabingi bigla ang ngiti niya. “S-susubukan ko siyang kausapin kapag okay na ang signal dito sa bayan.” “Yes, please. Fiancee kita at obligasyon ko na tulungan ang pamilya mo.” “Oo, pero bago iyon , pwede bang bitiwan mo na muna ang kamay ko?” pigil ang paghingang tanong niya dito. Natigilan ito at nang tingnan ang posisyon ng mga kamay nila ay nakangiting umiling na lang. “S-sorry, ang init kasi ng kamay mo at sa totoo lang kanina pa ako nilalamig.” “Ha?” napamulagat siya. “Naku, naku, humiga ka na nga sa kama,” nataranta na siya kaya halos maitulak na niya ito patungo sa malaking kama. Nahiga naman ito sa kama na parang isang masunuring bata. Tinulungan niya itong balutin ng makapal na blanket ang katawan nito. Naupo siya sa tabi nito at dinama niya ng palad ang noo nito. “May sinat ka.” At nakakahawa ang sinat ng pogi. Pati kamay ko nag iinit eh.. “Sinat lang ito, sa laki ng katawan ko sa tingin mo magpapatalo ako sa simpleng sinat lang?” napapalatak si Jaime at halos mapaigtad siya ng apuhapin nito ang palad niya na nakadampi sa noo nito. “Thank you,” masuyong wika nito. Napaawang ang mga labi niya. Wala na naman babala ang pagngiti ng binata at halos magpawindang na naman iyon sa kanina lang ay normal na pintig ng puso niya. Lagot na. Bakit ba pakiramdam niya ay nagiging abnormal ang pagfunction ng buong katawan niya kapag kaharap niya ito? “Para saan?” “For everything. Sabi ni manang ay matiyaga ka daw na asikasuhin ang mga bata kahit mga pasaway sila. Tapos ngayon, ako naman ang inaalagaan mo. Ganito pala kasarap ang pakiramdam kapag may asawang naghihintay sa pag uwi ko at nagpapatulog naman ng makukulit na mga bata sa gabi.” Animo ay yelong natunaw ang puso niya nang dampian ni Jaime ng munting halik ang likod ng palad niya. Ah, sinong babae ba ang hindi magkakagusto dito? totoo pala ang sabi-sabi na ito ang pinakamabait na anak ng mag asawang Mondemar. Sa totoo lang ay ngayon lang sila nagkasama ng matagal sa loob ng silid nito. Dati ay hindi pa tumatagal sa limang minuto ang pag uusap nila dahil palagi itong abala sa trabaho. Nang muli niyang sulyapan si Jaime ay napangiti na lang siya nang mapansin na nakatulog na pala ito habang hawak pa rin ang palad niya. Tila nangangarap ng gising na maingat niyang binawi ang kamay mula sa mahigpit na paghawak nito saka siya dahan dahang tumayo. Namumula ang mga pisngi na tiningnan niya ang palad na hinalikan ni Jaime kanina. Muli na naman siyang napangiti at dinala iyon sa kaliwang dibdib niya. How sweet naman ng pogi…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD