1
"ANO ANG nangyayari sa mga wedding girls?" tila takang-taka na tanong ni Sienna kay Samantha. Nasa Perfect Weddings sila para sa kanilang regular meeting. At doon nila nabalitaan ang tungkol kina Jenna at Jaime, Caroline at David.
"Simple lang ang sagot diyan. Love virus," nakangising sagot nito sa kanya.
Nanulis ang nguso niya. "Love? Hindi ako naniniwala."
"Ikaw kasi, ang trato mo sa mga lalaki, parang libangan lang. Sa dami ng lalaking dumaan sa buhay mo, hindi ka pa ba na-in love?"
Umungol siya. "Hindi naman totoo iyang love-love na iyan. Excuse lang iyan ng mga tao para magkaroon ng partner in life. Ewan ko ba sa iba, naghahangad ng constant partner samantalang puwede namang paiba-iba. Mainam nga iyon, may variety. Kung ang partner mo ngayon ay boring, puwede mo siyang palitan bukas ng interesting ang personalidad."
Tinitigan siya ni Samantha at tinaasan ng kilay. "Sinasabi mo iyan palibhasa gusto mong i-justify ang pakikipagrelasyon mo sa iba't ibang lalaki. How I wish makatagpo ka ng lalaking magpapa-ibig sa iyo nang todo. Tingnan ko lang kung hindi mo gawin ang lahat para lang i-commit niya siya iyo ang buong buhay niya."
Tumawa siya nang walang sigla. "Hindi ko na kailangang ma-in love. May boyfriend naman ako. Hindi nga ako nauubusan, eh. Kahit anong oras ko gustong magpalit ng boyfriend, puwede."
"Kung damit o sapatos ang boyfriend, okay lang. Ang kaso, tao din ang mga iyon, 'no? may puso at damdamin. Kung hindi ka nai-in love sa kanila, I'm sure kung hindi man lahat ng iyon ay mayroon pa ring ilan na totoong na-in love sa iyo. Paalala lang, Sienna, baka makarma ka, ika rin ang iiyak sa bandang huli."
Ngumiti siya. "Iyan ang sinisiguro ko sa iyo na hindi mangyayari. Walang lalaking magpapaiyak sa akin. Baka ako ang magpaiyak sa kanila, puwede pa."
"Nagsasalita ka ba nang tapos?" tanong sa kanya ni Samantha.
Nauwi lang sa mahinang tawa ang ngiti niya. At sa wari ay hindi nasisiyahan si Samantha sa sagot niyang iyon kaya magbubuka pa sana ito ng mga labi. Ang kaso ay siya namang pagbukas ng pinto at halos sabay-sabay na humugos doon ang iba pang wedding girls.
Nauuna si Jenna. Sa pagkakangiti pa lamang nito ay halata nang may love life nga ito. Ito rin ang tampulan ng tukso ng mga kasunod na wedding girls.
"Baka naman sabay pa ang maging kasal ninyo ni Caroline ay tiyak na matataranta kami," sabi ni Haidee na siyang nasa likuran mismo nito.
"Late next year pa ang balak namin ni Jaime," nakangiting sagot ni Jenna. "Ine-enjoy pa namin ang pagiging mag-boyfriend. Pero nagpe-prepare na rin kami paunti-unti. Siya nga itong mas makulit pagdating sa wedding details."
"Iyon ba namang wedding planner ka na mismo, nangungulit pa siya?" tanong naman ni Mica.
"Wala tayong magagawa," sabad naman ni Lynette. "Kasabihan nga, kung sino ang karpintero, siyang sira ang bahay. Baka ganoon din ang worry ni Jaime. Puwede kasing sa ibang mga kasalan, perpekto ang trabaho ni Jenna pero paano kung sa mismong kasal nila? Baka sa sobrang excitement ni Jenna, makaligtaan niya ang ibang detalye."
"Of course not. Pero alam ninyo ba, minsan nakakapikon din naman si Jaime. Aba'y magsuhestyon ba naman sa akin na mag-hire na lang daw kami ng ibang wedding planner? Wala yatang tiwala sa akin?"
Natawa ang wedding girls. "Baka naman concern lang sa iyo si Lover Boy mo," ani Veronica.
"Yeah," ayon ni Imee. "I'm sure, kaya siya nag-suggest nang ganoon ay para hindi ka na mapagod pa."
"Correct!" sabi ni Donna. "If I were you, papayag na ako na mag-hire ng ibang wedding planner. Para naman sa mismong kasal mo, wala ka nang iniintindi pa kundi ang makipag-"I do" sa kanya."
"At ano na lang ang sasabihin ng mga kliyente ng Perfect Weddings?" ani Jenna. "Na sarili kong kasal mismo, hindi ko nagawang ayusin?"
"So what?" wika ni Alex. "Alangan namang nagma-martsa ka sa kasal mo, cellphone or two-way radio pa rin ang haawak mo para tanungin ang mga wedding girls kung areglado na ang mga trabaho namin."
"Oo nga, ano ba ang masama kung mag-hire ng ibang wedding planner?" sabi ni Sydney. "Practical lang iyon."
"Isipin mo na lang," wika ni Caroline. "Ang mga kliyente ng Perfect Weddings ay hina-hire tayo para wala silang intindihin sa kasal nila. Ganoon lang din ang magiging reason mo para sa kasal ninyo ni Jaime."
Tiningnan ito ni Jenna. "Tell me, Carol, sa kasal ninyo ba ni David, sino ang gagawa ng bridal bouquet mo?"
"Ako," at mabilis nitong idinugtong: "Pero maliit na bagay lang ang bridal bouquet kumpara sa buong legwork ng isang kasalan. Puwede ko ngang gawin ang bouquet kahit dalawang araw bago ang araw ng kasal at itatago lang sa ref para hindi malanta."
"Still, ikaw pa rin ang gagawa."
"All right!" tila naguguluhang sabi ni Sienna. "Kung gusto mong ikaw mismo ang mag-asikaso ng lahat-lahat sa kasal mo, wala kaming magagawa, Jenna. Hindi ka namin mapipigilan kung gusto mong magdusa sa pagpaplano."
"Pagdurusa ba iyon?" ani Jenna.
"Maybe not. Penitensya siguro," tudyo naman ni Samantha.
"Be practical, Jenna. Can afford naman si Jaime na mag-hire ng wedding planner, di hayaan mo siya. Bakit hindi mo na lang siya pagbigyan? Ayaw mo ba ng ganun, sitting pretty ka na lang sa paghihintay ng wedding day mo?"
"Oo nga," halos chorus na wika naman ng iba.
"Enough of discussion about me," nakangiting sabi ni Jenna. "Tutal naman ay late next year pa iyon. Mahigit pa nang kaunti sa isang taon bago ang plano naming kasal. Let's talk about Caroline. Siya itong mauunang magpakasal sa akin."
Natutok ang atensyon ng lahat kay Carol.
Pero sa kanilang mga wedding girls na naroroon ay si Sienna ang tila na-shock sa lahat. "You're really getting married?" tanong niya.
At ngiting-ngiti namang sumagot si Caroline. "Yes. Plano namin four months from now. Kung walang magiging problema sa schedule, by next month na ang engagement party. Invited kayong lahat sa Cebu."
"Cebu?!" gulat na bulalas ng halos lahat.
"Parang hindi ka naman talaga nag-iimbita. Ang layo kaya ng Cebu. At mahal pa ang pamasahe," reklamo ni Haidee.
"Sagot ni David ang airfare ninyo. Intimate party naman kasi iyon kaya pili lang ang imbitado. Sa side ko, bukod sa pamilya ko ay wedding girls lang ang balak kong imbitahin. Siya man ay ganoon din. Malalapit na kaibigan lang at kapatid niya."
"Pero bakit naman doon pa?" tanong niya. "Hindi ba't kanila ang Villa Verde Resort? Bakit hindi na lang doon?"
"Bale iyong kapatid niyang lalaki na naka-base sa Cebu ang magiging host sa engagement party namin. Parang iyon na ang pasasalamat niya sa Kuya niya dahil malaki ang naitulong ni David sa negosyo ni Roderick."
"Ah," sabi na lang niya. "Sure ka, libre ang pamasahe?"
"Yeah. Pero sabi ko kay David, sa agency mo na lang makipag-coordinate sa pagbili ng plane tickets para may discount. Hindi ba pag maramihan, puwede ka namang magbigay ng discount?"
"Ganoon? Akala ko pa naman ay kikita ako," biro niya. "Sure, patawagin mo siya sa akin at ako na ang bahala sa booking."
"Bago pa kayo magtawaran ng presyo ng ticket, pag-usapan pa natin ang ibang details sa kasal nitong si Caroline," sabad sa kanila ni Jenna. "Namanhikan na sa inyo si David, di ba?"
"Yes. At malamang sa Villa Verde ang buong kasalan. Para kasing naeenganyo na rin ako sa suggestion niya na garden wedding although ang gusto ko sana sa simbahan ang mismong ceremony at sa resort na lang ang reception."
"Anyway, since ikaw ang unang wedding girl na ikakasal, dapat ay mapag-usapan na nating lahat dito ang magiging share ng bawat isa."
"I'll arrange the honeymoon tour. Ten percent discount sa buong package kung around the country lang kayo bibiyahe, five percent naman kung mag-a-Asian cruise kayo or anywhere abroad," sabi na niya agad.
"Thanks, Sienna. I'll tell David about it."
At mayamaya pa ay nagsalita na rin ang ibang wedding girls. Halos lahat ay nangakong magbibigay ng malaking discount sa serbisyo ng mga ito.
Pero wala doon ang isip ni Sienna. Naramdaman niyang nag-vibrate ang cellphone niya. Si Marlo ang tumatawag, ang kanyang current boyfriend. At hindi man niya sagutin iyon, alam niyang patungo na si Marlo sa usapan nilang date sa hapong iyon.
TSIKAHAN na lang ang tinatakbo ng meeting ng wedding girls kaya naman nagpaalam na siya. Bago pinaandar ng kotse ay tinawagan muna niya si Marlo.
"I'm on my way, Mar," malambing na sabi niya dito.
"Bakit ngayon ka lang? Saka pinutol mo ang tawag ko kanina," sagot nito.
"Nasa meeting kasi ako, eh. Hindi ko masagot. Anyway, hindi ko na tinapos ang meeting. Papunta na nga ako diyan."
"Okay. I'll be waiting. Mag-iingat ka sa pagmamaneho."
"Of course," nangingiting sagot niya. "See you. Bye."
Si Marlo ang latest conquer niya. Sinagot niya ito two weeks ago. At maibibilang na niya sa tumagal niyang relasyon iyon. Ang iba, matapos lang ang tatlo o apat na araw ay nakikipagkalas na siya.
Wala siyang pakialam kung masabihan man ng iba na playgirl. Hindi naman siya naaapektuhan ng opinyon ng ibang tao. Basta ang katwiran niya, mayroon siyang sariling isip upang malayang magdesisyon para sa sarili niya.
Hindi kasali ang malalim na emosyon niya kung ang pag-uusapan ay ang mga lalaking nakakarelasyon niya. Hindi na siya naniniwala sa pag-ibig. Ang mga lalaki, para sa kanya ay parang kasama lang sa mga lakad niya. Escort, bodyguard, alalay pa nga kung minsan.
Ang ibang lalaki ay tanggap iyon. Ang iba ay hindi nakakatagal. Malaya naman ang mga ito na kalasan siya kung hindi na makatagal ito sa set up na gusto niya. Ganoon din naman siya. Kapag hindi na siya masaya sa isang lalaki, siya na ang nakikipagkalas.
She was happy that way. No emotional attachments though she allowed hugs and kisses. Pero wala pang nangyari na lagpas pa doon. At alam ni Sienna, wala marahil maniniwala.
Why, obvious na hindi na mabilang ang lalaking nakarelasyon niya.
Pero ano ang magagawa niya? Ang totoo, siya mismo ay isinusuong ang sarili sa mas malalim na pisikal na pakikipagrelasyon. She was not averted to s*x. Ang totoo ay bukas nga ang isipan niya doon. Ang kaso, hindi niya maramdamang gusto niyang ibigay ang katawan sa mga lalaking nakakarelasyon niya. Kapag lumalagpas na sa yakap at halik ang namamagitan sa kanila, gustuhin man niyang may mangyari sa kanila ay siya na itong pilit na umiiwas. Hindi nga niya alam kung ano ang diprensya sa kanya. Ayaw naman niyang basta na lang ibigay ang katawan kung may isang bahagi naman ng isip niya at puso na tumututol doon.
At ikinakagalit ng ibang lalaki ang ganoon. Pinagbibintangan siyang pinaglalaruan lang niya ang mga lalaki.
At lihim ay sinasagot naman niya iyon: hindi ba't laruan lang din naman ang mga babae para sa mga lalaki?
Ang mga ginagawa niya ay parang ganti lang sa isang masakit na nakaraan...