Sa huling pagkakataon ay napatingin ako sa repleksyon ko sa salamin. Nakakapanibago. Mukha ko pa rin naman ang nakikita ko pero pakiramdam ko may kakaiba sa ‘kin.
Kakatapos ko lang na gupitin ang buhok ko pati na rin ang sagabal kong balbas. Kung ano’ng gupit ko noong nasa Santa Cruz pa ako ay gano’n din ang gupit ko ngayon. I’m doing this to keep my identity. Tulad ni Faith na kamukhang-kamukha ang pumanaw kong kapatid, kamukhang-kamukha ko rin ang kuya niyang si Austere.
As in magkamukhang-kamukha talaga kami. Brown eyes, fair complexion, pati ang abs ko ay nakuha niya. Maging ang 179 cm kong height ay katulad din sa kapatid ni Faith. Nag-effort talaga akong alamin ito dahil hindi ako mapakali nang makita ko ang itsura ko kanina.
Ah, I still can’t believe natotoo itong nangyayari sa akin ngayon. Siguro sa sobrang desperado kong mamatay, binigyan ako ng sansinukob ng ganitong pagkakataon. Pero magkaiba pa rin kami ni Austere sa ibang aspeto. Kaya kailangan kong gumawa ng paraan para mapanatili ang distinction namin. Ako pa rin si Caster Dela Buena ng Santa Cruz.
You deserve to live.
Mariin akong napapikit nang bigla kong maalala ang sinabi ni Austere. Ano’ng ibig niyang sabihin? May alam ba siya tungkol sa ‘kin? Ah, my mind is a mess.
“Kuya, matagal ka pa ba?” Napatalon ako sa gulat nang marinig ko ang boses ni Faith mula sa labas ng pinto.
Masyado akong nalunod sa aking pag-iisip to the point na nakalimutan kong kailangan na naming makaalis dito. Ito ang sinabi ni Austere sa ‘kin kanina. Hindi ligtas ang lugar na ito para sa ‘min.
Nakakapanghinayang lang at hindi ko man lang siya nakausap ng maayos. But I think handa siyang maging guide ko para mailigtas ang mga kapatid niya. Wala naman itong problema sa ‘kin dahil hangad ko rin ang kaligtasan nila Faith. Nangako ako na gagawin ko ang lahat para hindi na siya mapahamak ulit, ‘di ba? I’ll take that promise to my grave.
Pero sana ay makausap ko na ulit si Austere. Tang ‘na.Wala akong kaalam-alam sa lugar na ito.
“Kuya? Ayos ka lang ba?” Kumatok na sa pinto si Faith kaya agad ko rin na isinuot ang aking medieval tunic. Naudlot ako sa pagbibihis dahil sa mga tanong na bumabagabag sa ‘kin.
“Tapos na ako,” wika ko sabay bukas sa pinto.
Nang magkaharap kaming tatlo, katahimikan ang namayani sa amin. Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanila ni Arima bago ko sila nginitian.
Mukhang naninibago sila sa ayos ko. Ako rin naman. Pakiramdam ko ay nasa isang cosplay event kami. At saka hinahanap pa rin talaga ng mga mata ko ang round glasses ko kahit na malinaw na naman ang aking paningin. Masasanay din ako kaya sana masanay din sila na ganito na ang magiging ayos ng Kuya Austere nila simula ngayon.
“May dumi ba sa mukha ko?” basag ko sa katahimikan sa pagitan namin.
“May napupusuan ka na ba, Kuya? Ba’t bigla kang nag-ayos?” excited na tanong ni Faith. Napakamot ako sa batok ko saka marahang napailing.
“Wala. Nabibigatan ako sa balbas at buhok ko kaya ginupit ko. Oh, ‘di ba ang linis ko nang tingnan?” nakangiti kong tanong sa kanila.
Napatango si Faith habang si Arima naman ay mataman pa ring nakatingin sa ‘kin. Ngayong maliwanag na ang paligid ko, napansin kong pareho nga ang kulay ng mga mata naming tatlo. Magkakapatid nga kami. I mean magkakapatid nga sila Austere. Argh! Naguguluhan ako!
“Kung dati ay nilalayuan ka ng mga dalaga sa Nayon ng Gui, ngayon ay tiyak na maghahabol na sila sa ‘yo, Kuya!” May pag-aalinlangan akong napangiti kay Faith saka tinapik ang kanyang ulo.
Hindi ako sure kung matutuwa ba ako sa sinabi niya o ano. Pero sana naman nag-ayos-ayos din ‘tong si Austere.
Ako kahit gustong-gusto ko nang wakasan ang buhay ko sa sarili kong mundo, fresh at kaaya-aya naman akong humaharap sa ibang tao. Mala-leading man sa isang Korean drama ang tingin ng lahat sa ‘kin, ‘no. Kaya nga maraming estudyante ang nagkakandarapa sa ‘kin. Maging kapwa ko guro ay type ako dahil ang guwapo at ang linis ko raw. Sa madaling sabi, heart-throb ako sa ‘min!
“Kuya . . .”
Napalingon ako sa direksyon ni Arima nang marinig ko ang aking pangalan. Nakatingin siya ng diretso sa mukha ko. Wala pa rin siya masyadong ipinapakitang emosyon pero mas magaan na ang pakiramdam ko sa kanya ngayon hindi tulad kahapon.
“Ano? Hindi mo ba nagustuhan ang ayos ko?” tanong ko sa kanya.
“Nagustuhan ko po. Ang guwapo n’yo na po, Kuya.” Nanlaki ang mga mata ko nang makita kong sumilay ang matamis na ngiti sa kanyang labi. Crap, he looks so innocent. Lumalambot ang puso ko sa kanya.
“M-Maraming salamat. Huwag n’yo na akong purihin masyado, kailangan na nating umalis,” nahihiya kong wika. Nanunudyo nila akong nginitian sabay takbo papunta sa sala.
Dahil wala naman kami masyadong gamit, nagkasya na sa isang bag ang damit naming tatlo. Ako na ang nagdala ng gamit namin habang si Faith naman ang nagdala ng lalagyan ng pagkain at mga halamang gamot.
Pagkalabas namin sa pinto ay sinalubong kami ng preskong hangin. Ahh. Ito ang kapaligiran at paraan ng pamumuhay na akala ko ay hanggang online games lang. Totoo ngang nasa ibang mundo ako.
Napangiti ako bago sinabit ang espada sa aking tagiliran. Nauna na akong naglakad kina Faith nang mapansin kong may nakasabit na mga sampaguita garlands sa bawat pinto ng bahay rito sa Gama.
“Ikaw ba ang naglagay ng mga ‘yan, Faith?” tanong ko habang nakatayo sila ni Arima sa aking tabi. Napatango siya, suot ang isang malungkot na ngiti.
“Kami ho ni Arima. Pamamaalam, Kuya. Baka ho kasi hindi na tayo makabalik. Dito na tayo lumaki. Ang dami nating magagandang alaala rito. Ito ang lupa na minana ni Papa kay Lolo kaya mahalaga ito sa ‘tin. Kahit ano pa ang sabihin ng iba tungkol sa Nayon ng Gama, hinding-hindi kukupas ang pagmamahal ko sa nayong ito.”
Tahimik kong pinagmasdan si Faith bago ko itinuon ang aking atensyon sa kabahayan na nasira-sira na. Lahat ay nilagyan nila ng bulaklak maging ang bahay na winasak ng halimaw kaninang madaling araw.
Gusto kong magtanong kung bakit kami na lang ang natira dito pero pinigilan ko ang sarili ko. Ayaw kong mag-alala na naman si Faith sa ‘kin. I’ll get my answers kapag nagkausap kami ulit ni Austere. Kailangan ko lang na maghintay ng kaunti.
“Habang-buhay na mananatili sa ‘kin ang alaala ng nayon na aking kinalakihan. Kahit saan man ako magpunta, ang unyong Gama ay patuloy kong itataas. Paalam sa nayon na aking pinagmulan.” Ako ang nagbitaw ng mga salitang ito pero pakiramdam ko ay naririnig ko si Austere.
Ang sikip sa dibdib. Kahit na hindi ko narasanan ang mga ginawa nila rito noon, nararamdaman ng puso ko ang lungkot ng aming paglisan.
“Tara na,” nakangiti kong aya kina Faith. Napatango sila sa ‘kin bago sila naghawak-kamay ni Arima.
Hinayaan ko na silang maunang maglakad dahil kailangan kong palihim na magpasalamat sa lugar na tumanggap sa ‘kin. Nang dumating ako sa mundong ito, ang Nayon ng Gama ang naging kanlungan ko. Dagdag pa, dito ko muling nakita ang kamukha at kaugali ng kapatid ko. Dito nangyari ang bago kong simula.
Maraming salamat sa ibinigay n’yo sa ‘kin na pangalawang pagkakataon. Pangako, hindi ko ito sasayangin.
Pagkatapos ko itong sabihin ay umihip ang malakas na hangin. Laking gulat ko na lamang nang makita ko ang isang alaala ni Austere sa lugar na ‘to. Isang senaryo kung saan silang lahat ay masaya habang ginagawa ang kani-kanilang trabaho.
Mariin akong napapikit nang maalala ko ang imahe ni Kate na bumibisita sa ‘kin sa apartment ko noon. Ang nararamdaman ko sa tuwing nakikita ko ang mukha niya sa tuwing tumitigil ako sa paglalaro ay katulad ng nararamdaman ko ngayon—pangungulila sa mga taong hanggang alaala na lang.
“Kuya, tara na po.” Napalingon ako sa pinagmulan ng tinig. Agad din na napawi ang lungkot na bumabalot sa puso ko nang makita ko ang mukha nina Faith at Arima.
Alam kong mali na isipin na si Kate at Faith ay iisa lang. Lalo na’t alam kong magkaiba talaga sila kahit gaano pa kapareho ang kanilang ugali at itsura. Pero hindi ko talaga maiwasang isipin na pagkakataon ito para maiahon ko ang aking sarili sa pagkakasala ko sa nakaraan. Sana mapatawad ako ni Austere sa iniisip ko ngayon. Sana ay hayaan niya na lang akong makabawi. I promise babantayan ko ang mga kapatid niya.