1: OFW

1587 Words
“Ma! Natanggap na ako sa trabaho—” “Maghiwalay na lang tayo! Iiwan ko na kayo rito! Tutal ay wala rin naman akong mapapala para buhayin pa ‘yang mga bata! Wala rin naman akong mapapala kay Noelle!” Masaya ako na naglalakad papasok sa bahay namin at para ibalita na sana kung ano ang nangyari sa interview ko, pero ganito pa ang naabutan ko sa bahay. Hindi ko inaasahan ang makikita ko. Umiiyak ang dalawa kong kapatid sa gilid, samantalang ang mga gamit sa bahay namin ay basag-basag na. Nagkalat na rin ang mga ito sa paligid. Si Papa ay duguan ang kaliwang braso at sa tingin ko ay siya ang bumasag ng mga gamit dito sa bahay. Samantalang si Mama naman ay dala-dala ang mga damit at bagahe niya. Handa na siyang lumabas sa bahay namin. Nagulat ako at hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ko. “Lumayas ka na! Sumama ka na sa lalaki mo! Porket nakahanap ka na ng mayaman na lalaki ay ganiyan ka na sa amin?! Ikaw ang walang kwentang ina!” “Gago! Kung nagtrabaho ka lang sana ay hindi magiging ganito ang buhay natin!” sigaw naman ni Mama pabalik kay Papa. “Iaasa mo sa akin?! Kung hindi ka lang sana magastos ng sobra noon, hindi sana tayo maghihirap!” “Tama na! Tumigil na kayong dalawa! Hindi niyo ba naiisip ang mga anak niyo na nakakarinig sa inyo ngayon?! Nakakahiya kayo!” Hindi na ako nakapagpigil pa at napasigaw na rin ako. Hindi ko na kayanh marinig pa ang mga sinisigaw nila. Lalo na at umiiyak ang dalawa kong kapatid at nakikita sila na ganito. Bukod sa gabi na, rinig na rinig pa ng mga kapitbahay ang nangyayaring kaguluhan mula dito sa bahay namin. “Manahimik ka! Isa ka rin! Matagal ka nang tapos sa pag-aaral pero hanggang ngayon ay wala ka pa ring pakinabang sa pamilya na ‘to! Sayang lang ang mga nagastos ko sa ‘yo noon para lang makapagtapos ka sa kulehiyo!” Hindi ko inaasahan na maririnig ko ang mga salita na ‘yon mula sa bibig mismo ni Mama. Nasaktan ako at hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Pinigilan ko ang sarili ko na maluha. Kailangan kong magpakalakas ngayon. Hindi lang para sa sarili ko, kundi para na rin sa mga kapatid ko. Wala na akong aasahan pa sa mga magulang ko. Alam ko na ‘di na nila aalagaan pa ang mga kapatid ko. “Magtatrabaho na ako sa ibang bansa. Natanggap na ako sa trabaho. Mag-aasikaso na ako ng mga papeles ko. Maghintay ka lang at ibabalik ko sa inyo ang lahat ng mga nagastos niyo para sa akin. Pero huwag naman kayong ganiyan sa harap ng mga kapatid ko. Anak niyo rin sila, anak niyo kami.” Sinubukan ko na sumagot sa kaniya ng mahinahon lamang. Sobrang nasasaktan ako ngayon dahil sa nangyayari sa pamilya namin, sa buhay namin. Dahil sa pera ay nasisira kami. Talaga ngang hindi kaya ng isang tao na mabuhay ng masaya at maayos kapag walang pera. “Hindi ko na kayang maghintay pa. Hirap na hirap na ako. Baon na tayo sa utang. Kaya iiwan ko na kayo. Bahala na kayo d’yan sa ama mo na walang kwenta.” Tatalikod na sana si Mama at handa nang umalis para iwan kami pero nagsalita pa ako. “Anong klaseng ina ang iiwan ang mga anak? Tapos ano na ang gagawin mo sa buhay mo? Maghahanap ka na ng bagong pamilya na mapera? Mayaman? Ma, hindi ka ba makapaghintay pa ng kahit kaunti? Hindi naman pwedeng makasahod ako agad-agad, kakatanggap ko pa lang sa trabaho.” “Ano ba ang aasahan mo sa trabaho mo? Porket mangingibang bansa ka ay akala mo ba malaki na ang sasahurin mo roon? Nakapagtapos ka sa kulehiyo at may maganda kang degree, tapos ano ang trabaho mo sa ibang bansa? Kasambahay, ‘di ba? Wala akong aasahan sa ‘yo kahit pa nasa ibang bansa ka.” “Bakit mo minamaliit ang trabaho na ‘yon? Ang mahalaga ngayon ay magkakaroon na ako ng trabaho at magkakapera kahit papaano. Uunahing makabayad sa mga nautangan ninyo at paunti-unti na akong makakapagbigay ng pera sa inyo. Huwag mong maliitin ang trabaho na ‘yon, Ma. Tinanggap ko ang trabaho dahil walang-wala na rin tayo.” Akala ba nila ay madali lang ang trabaho ng isang OFW? ‘Yon na ang pinakamahirap na trabaho ng isang tao. Ang iiwan ang pamilya at pupunta mag-isa sa ibang bansa lalo na at hindi sanay ang tao na ‘yon sa lugar na ‘yon. Mararamdaman mo ng sobra ang kalungkutan na mag-isa ka lang. Hindi mo makakapiling ang pamilya mo ng matagal na panahon para lang kumita ng pera. Ano ba ang malay ko? Baka mamaya ay hindi pa mabait ang magiging amo ko sa ibang bansa. Pero kailangan kong ihanda ang sarili ko at tiisin ang hirap ng buhay para lang magkaroon ako ng pera at makaipon. “Buo na ang desisyon ko. Iiwan ko na kayo.” “Umalis ka na! Hindi ka rin namin kailangan sa buhay namin! Kaya kong buhayin ang mga batang ‘to!” sigaw bigla ni Papa. Hindi na nagsalita pa si Mama at tuluyan na siyang lumabas sa bahay namin, dala ang lahat ng mga gamit niya. Nilapitan ko ang mga kapatid ko at saka ko sila niyakap. Pigil na pigil ako sa sariling mga luha ko. Ayokong ipakita sa mga kapatid ko na mahina ako. Kailangan kong maging malakas lalo na sa sitwasyon na ganito. *** Kinabukasan ay nagising ako. Halos dalawang oras lang ang tulog ko dahil ang daming laman ng isip ko. Hindi ako makatulog sa sobrang dami kong iniisip. Sakto rin na nakatanggap ako ng email at nakalagay na roon ang lahat ng mga requirements na kailangan kong asikasuhin. Pati na rin ang mga seminars at trainings na kailangan kong puntahan bago makaalis sa Pinas. Nakita ko si Papa na nasa kusuna na at naghahanda ng pagkain namin. Mabait na tao si Papa. Palainom siya pero naiintindihan ko rin na problemado lang siya kaya nagiging iba ang ugali niya nitong mga nakaraan na buwan. Napagdesisyunan kong kausapin na siya ng matino ngayon. Alam ko naman na wala na siyang tama ng alak. “Papa… Kaya mo bang alagaan sina Shane at Syra?” tanong ko sa kaniya. Si Shane ay ang pangalawa sa aming magkakapatid. First year college student na siya ngayon. Mabuti na nga lang at matalino siya kaya full scholar siya sa private school. Samantalang si Syra naman ang bunso naming kapatid at elementary pa lang. Grade five na siya ngayon. Sa murang edad ay parang ang matured na rin niya mag-isip. Matalino rin siya. Nag-aaral siya sa private school din at may discount siya dahil honor student. Wala pa siyang full scholarship dahil elementary pa lang. Kahit papaano ay talagang pinasok siya ni Mama sa private school dahil maganda ang turo roon. Worth it din naman dahil matalino ang mga kapatid ko. “Oo. Huwag mo na silang alalahanin pa. Ako na ang bahala sa kanila. Isipin mo na lang ‘yang trabaho mo sa ibang bansa. Kahit papaano ay may naitabi pa naman akong pera na ‘di alam ng ina mo. Ayokong ipaalam sa kaniya dahil alam ko kung gaano siya kagastos.” “Sige, Pa. Baka sa susunod na buwan ay umalis na ako. Mag-aasikaso na lang ako ngayon ng mga papeles ko para makaalis. Mamaya ay babalik ako sa agency at ipapakita raw sa akin ang kontrata. Doon ko malalaman kung magkano rin ang sasahurin ko sa isang buwan. Mag-iipon lang ako ng pera kahit papaano tapos kung maging maganda man ang buhay ko roon, kukunin ko na kayo.” Ngumiti sa akin si Papa. Pero alam ko na ang ngiti niya na ‘yon ay may kasamang lungkot na nararamdaman. Kung ako ang tatanungin, mas gusto ko si Papa kaysa kay Mama. Mas gusto ko ang pag-iisip ni Papa sa buhay kaysa kay Mama. “Isipin mo muna ang sarili mo. Huwag mo masiyadong pahirapan ang sarili mo dahil lang kailangan mong magbigay sa pamilya mo. Sa pera na naipon ko, baka naman tumagal pa kami ng dalawa o tatlong buwan kahit hindi ka muna magpadala ng pera sa amin.” Alam ko naman na sinasabi sa akin ‘to ni Papa para ‘di ako mag-alala sa kanila. Pero ayoko rin na mag-alala siya para sa akin. Hindi ko gusto na ako ang aalalahanin nila kahit na may malaking problema na kaming hinaharap. “Ate… ‘Wag mo na kaming isipin muna. Kung ako ang tatanungin ay ayoko na lumayo ka sa amin at magtrabaho sa ibang bansa. Alam ko na mas mahirap kapag mag-isa ka na lang doon at malayo pa sa amin. Hindi ka rin namin makakasama.” Nagulat ako nang marinig si Shane na magsalita. Gising na pala siya at hindi ko rin siya namalayan. Hindi ko naman alam kung ano ang sasabihin ko sa kaniya. Napabuntong-hininga na lang ako. “Ganito talaga ang buhay. We need to make sacrifices first. Sa ganito naman talaga nagsisimula bago umangat. Sa una lang mahirap. Pero ipapangako ko na magiging ayos din ang buhay natin.” Sisiguraduhin ko na mabibigyan ko ng magandang buhay ang mga kapatid ko. Magsusumikap ako at hindi ko hahayaan na maghirap pa lalo ang pamilya ko. Gagawin ko ‘to para sa mga kapatid ko… at kay Papa na hindi kami sinukuan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD