“Ano bang mapapala mo sa music?”
“Anong mangyayari sayo sa banda na yan?”
“Itigil mo yang pag babanda! Wala kang kinabukasan dyan!”
“Maghanap ka ng seryosong trabaho! Puro ka laro!”
Parang sirang plaka na paulit-ulit sa utak ni Ryle ang mga sinabi sa kanya ng madrasta niya nang sabihin niya rito na gusto niyang mag focus na lang sa pag babanda hindi siya natatanggap sa trabaho sapagkat disisyete anyos pa lang siya.
Isang taon pa lang simula noong namatay ang ama ni Ryle pero sobrang laki nang nagbago sa buhay niya. Bata pa lang ay naulila na siya sa ina kaya ang ama niyang si Rico Velasco ang nagtaguyod na mag-isa sa kanya. Nag-asawang muli si Rico at ang napangasawa nito ay may isang lalaking anak na mas bata sa kanya ng isang taon. Hindi pinalad na magkaroon ng sariling anak ang ama niya at ang madrasta niya.
At nitong nakaraang taon na namatay si Rico sa isang hindi inaasahang pangyayari ay hindi akalain ni Ryle na bigla na lang magbabago ang pakikitungo ng madrasta niya sa kanya. Pagkatapos niyang maka graduate ng high school ay pinahinto na siya ng madrasta niya sa pag-aaral at inuutusan na maghanap ng trabaho.
Hindi malaman ni Ryle kung bakit ang anak ng madrasta niya ay sinusuportahan nito sa hilig samantalang pareho lang naman silang interesado sa music.
“Kung aalis ka, posibleng madisband na ang Iris, Ryle. Paano naman kaming magpapatuloy na walang bokalista?”
Wala talaga sana siyang balak na umalis sa pag babanda pero wala ng ginawa ang madrasta niya kung hindi ang bigyan siya ng dahilan para itigil na ang pag babanda. Nahihirapan na siyang mag focus sa pagsusulat ng kanta kaya alam niyang hindi na siya dapat pang magpatuloy. Kung pipilitin niya ay hindi lang magiging maayos ang kalalabasan ng mga kanta na isusulat niya. Kaya kahit masakit sa loob at alam niyang mahihirapan siyang tanggapin ay nagpasya na siyang iwanan ang mga ka-banda na halos apat na taon na niyang kasama.
“Kailangan ko na kasing maghanap ng maayos na trabaho. Galit na ang stepmother ko at ayaw na niya akong payagan na mag banda,” paliwanag niya.
“Sinabi naman kasi namin sayo na ‘wag mo na kaming hatian sa kinikita ng banda. Mas malaki pa nga ang kinikita ng banda natin kesa sa kikitain mo kapag nag part-time ka sa mga fast food chain!”
Totoo ang sinabi ng kasama niya sa banda na si Cholo. In demand ang Iris lalo na sa mga party at private event na kaedaran nila ang celebrant. Pero dahil pare-parehong nag-aaral ang mga kasama niya sa banda ay hindi sila makapag focus doon. Minsan ay isang beses lang sa isang linggo ang nakukuha nilang gig dahil pare-parehong hindi available ang mga kasama niya.
“Wala talaga akong choice sa ngayon kundi ang sundin ang stepmother ko. I’m sorry but I really need to leave the band. Alagaan n’yo sana ang Iris at sana makakuha kayo ng magiging kapalit ko para hindi tuluyang mawala ang pinaghirapan natin.”
Umuwi si Ryle sa bahay nila na mabigat na mabigat ang loob. Hindi niya maiwasan na sisihin na naman ang dating employer ng ama niya na siyang naging dahilan ng pagkamatay nito.
Nagtrabaho sa mag-asawang abogado ang tatay niya. Naging personal assistant ito ni Atty. Travis Yu hanggang sa isang araw ay bigla na lang may nagtangka sa buhay ng abogado at nadamay ang ama niya. Sa halip na si Travis Yu ang nabaril ay ang assistant nito ang nabaril at naging dahilan ng biglaan nitong pagkamatay.
Suportado ng ama niya ang mga hilig niya. Alam nito ang tungkol sa passion niya sa music na siyang namana niya sa kanyang namayapang ina. Wala itong ginawa kung hindi ang suportahan siya sa lahat lalong lalo na sa pangarap niya na maging isang abogado.
Hindi natupad ng ama niya ang pangarap nito na maging abogado kaya balak ni Ryle na tuparin iyon para sa ama. Pero hindi niya akalain na maaga itong mawawala. Hindi pa man siya nakapag simula na tuparin ang pangarap niyang maging abogado ay binawian na kaagad ng buhay ang ama niya. Sa ngayon ay malabong matupad ni Ryle ang pangarap niyang maging abogado kaya gusto muna sana niyang mag focus sa music pero sa kasamaang palad ay mukhang walang balak ang madrasta niya na suportahan siya kahit man lang sa pag babanda.
“Dapat ikaw na lang ang namatay…” Mariin at puno ng hinanakit na sambit ni Ryle habang nakatingin sa isang litrato ng ama kasama si Atty. Travis Yu. Ang alam niya ay may nag iisang anak na babae ang abogado.
“Ikaw sana ang walang ama ngayon at hindi ako!” Bulalas ni Ryle nang makita ang isang litrato na katabi naman ng ama niya ang nag-iisang anak ng abogadong amo nito.
Masyadong naging loyal ang ama niya sa mga Yu kaya kahit sa mga private events na kailangang daluhan ng mga ito ay isinasama ng mga ito ang ama niya. Halos isang taon na niyang sinisisi ang pamilya ng mga Yu sa pagkawala ng ama niya. Kung hindi dahil sa mga ito ay hindi mawawala ng maaga ang ama niya at hindi siya tuluyang mauulila.
Kahit alam niyang mababa ang tsansa na makahanap siya ng trabaho sa murang edad ay sumubok pa rin si Ryle na maghanap ng mapapasukang trabaho pero hindi talaga siya pinapalad.
Ryle must be desperate to do something he knows he shouldn’t do. Isang araw ay natagpuan na lamang niya ang sarili na nakatayo sa harapan ng bahay ng mga Yu–ang dating employer ng namayapa niyang ama.
Hindi niya matukoy kung saan siya kumuha ng lakas ng loob na lumapit kay Atty. Travis Yu at sabihin na kunin siya nito bilang empleyado. Pero mas ikinagulat ni Ryle ang narinig mula sa abogado.
“My wife and I decided to adopt you, Ryle. Your father sacrificed his own life to protect me. Giving you a good life is the only thing we can do for him. Kung papayag ka ay aampunin ka na lang namin. Isang taon na kaming nakikiusap sa stepmother mo pero ayaw ka niyang pakawalan. Mabuti na lang at ikaw na ang nagkusang pumunta sa amin.”