INAKI’S POV
Dahil sa mga nangyayaring pagbabago kay Akira ay ipinagpaliban na muna namin ang training niya. Kailangan din kasi naming makausap ang mga magulang niya na siyang Hari at Reyna ng lahi namin. Kailangan naming i-report ang mga nangyayari sa kaniya habang palapit na ng palapit ang kaniyang kaarawan. Kailangan naming mapaghandaan ng mabuti ang araw na iyon dahil may posibilidad na sumugod ang mga Black Nine Tailed Fox at kunin ang prinsesa.
”Nasa kwarto na niya si Akira at nagpapahinga,” seryosong sabi sa amin ni Miro nang makalabas siya sa kwarto ni Akira.
”Ikaw na muna ang bahala sa kaniya dahil kakausapin muna namin ang Hari at Reyna,” seryosong sabi naman ni Kanji.
”Mag-iingat kayo,” sabi naman ni Miro na sa akin nakatingin.
Pakiramdam ko ay namula ang buong mukha ko dahil sa pagtingin niya sa akin. Naka-moved on naman na ako kahit papaano ngunit hindi ko pa rin maiwasan na kiligin sa mga simple gestures na ipinapakita ni Miro sa akin. Pakiramdam ko kasi ay may pag-asa pa kaming dalawa kahit na alam ko namang wala na talaga. Ganito yata talaga kapag masyadong nagmamahal, nagiging t*nga na.
”Let’s go Inaki,” baling naman sa akin ni Kanji.
Marahan naman akong napatango. Pumunta kami ni Kanji sa pinakalikod ng bahay kung saan walang ibang makakakita. Binuksan ni Kanji ang portal papunta sa mundo namin. Mabilis kaming pumasok doon at sa isang kisap-mata ay nandito na kami sa harap ng palasyo. Hindi ko rin naiwasan na mapapikit nang madama ko ang special bond ng lahi namin. Pakiramdam ko ay nanumbalik ang lahat ng lakas ko at mas nadagdagan pa iyon.
Naglakad kami papasok sa palasyo at naabutan ang Hari at Reyna na kausap ang buong konseho. Agad kaming nagbigay galang nang maagaw namin ang atensyon nilang lahat.
”Mr. Shin and Ms. Tanara, kumusta ang prinsesa?” magiliw na tanong sa amin ni Reyna Rachelle.
”Isa-isa na pong nagpapakita ang mga kakayahan niya bilang isang prinsesa ng mga Nine Tailed Fox. Kahapon po ay biglang lumakas ang pang-amoy at pandinig niya. Ngayon naman po ay ang pagtingin niya at ang kakaibang lakas ang naipamalas niya,” magalang na sagot naman ni Kanji.
”Nakakasiguro ka ba Mr. Shin? Nakakapagtaka na sabay-sabay nagpapakita ang mga kakayahan niya, nagtatakang tanong naman ni Haring Alejandro.
Iyon din ang ipinagtataka namin ni Kanji. Masyadong pinapahirapan si Akira ng mga kakayahan niya dahil sabay-sabay iyong nagpapakita. Usually kasi sa isang pangkaraniwang fox, lumalabas ang mga kakayahan paisa-isa at may interval na ilang araw. Kakaiba itong kay Akira dahil magkasabay ang dalawa at nasundan din agad kinabukasan.
”Yes po Haring Alejandro, maski kami po ni Inaki ay nagtataka,” mabilis na sagot naman ni Kanji.
”Wala naman akong nakikitang problema, masyado lang malakas si Prinsesa Akira. She’s a true princess,” nakangiting sabi naman ni Ginoong Nandro.
”Yes, you’re right. Kailangan na lang nating masaksihan ang paglabas ng siyam niyang buntot sa araw mismo ng kaarawan niya,” sabi naman ni Ginoong Duran.
Kitang kita ko sa lahat ng myembro ng konseho na excited na sila sa pagpapalit ng anyo ni Akira sa ika-18 nitong kaarawan. Bilang isang kalahi at nasasakupan niya, dapat ay masaya at excited din ako dahil magkakaroon na kami ng isang tunay na prinsesa. Ngunit sa hindi malamang dahilan, kinakabahan ako at pakiramdam ko ay mayroong hindi magandang mangyayari.
Ayokong mag-isip ng kung ano-ano ngunit ang daming tumatakbo sa isipan ko. Ang daming what ifs na naglalaro sa utak ko na alam kong masasagot lamang sa mismong araw ng birthday ni Akira.
”Kung ganoon, ipagpatuloy niyo lang Mr. Kanji at Ms. Inaki ang pag-alalay sa prinsesa. Alam kong marami nang gumugulo sa isipan niya at kayong dalawa ang inaasahan ko na aalalay at gagabay sa kaniya,” seryosong sabi naman ni Haring Alejandro.
”Makakaasa po kayo,” magalang na sagot naman naming dalawa.
”What about her erased memories?” pahabol na tanong pa ng Hari.
”Sa tingin po namin ay hindi kami naaalala ni Prinsesa Akira at naniniwala po ako na hindi na babalik ang alaalang inalis sa kaniya,” seryosong sagot naman ni Kanji.
”That’s good to hear. You may now go. And thank you for bringing us the good news.”
Sabay kaming tumango ni Kanji sa sinabing iyon ng hari. Tahimik kaming lumabas ng palasyo upang bumalik na kay Akira. Habang naglalakad ay hindi ko mapigilang tumingin kay Kanji. Seryoso siyang naglalakad at hindi ko mabasa kung anong iniisip niya.
Nang makalabas kami ng palasyo ay saka lamang ako naglakas loob na magsalita.
”Are you okay, Kanji?”
Napalingon siya sa akin at bahagyang napangiti. “Napapaisip lang ako sa sinabi mo noon. Paano nga kaya kung hindi ako nakalimutan ni Akira?”
Hindi agad ako nakapagsalita. Hindi ko kasi inaasahan na sasagi rin pala sa isipan niya iyon. Buong akala ko ay tinanggap na niyang wala siyang pag-asa kay Akira. Ngunit dahil sa narinig ko, alam kong umaasa pa rin siya. Ramdam ko namang mahal din siya ni Akira, ang kailangan nga lang ay maalala siya nito. Or kung hindi man bumalik ang alaala ni Akira, sana man lang ay hindi tuluyang makalimot ang puso ng prinsesa.