THIRD POV
Sa pagtawid nila sa portal ay sa dormitoryo ni Inaki sila dinala nito. Nagkatinginan sina Inaki at Kanji dahil ang inaasahan nila ay sa palasyo sila dederetso. Hindi naman nakatakas iyon sa paningin ng Hari at Reyna.
“Mas mabuti munang dito ang prinsesa. Mas mabuti munang hindi malaman ng lahat na nakauwi na siya,” seryosong sabi sa kanila ni Haring Alejandro.
“Ibig po bang sabihin nito ay hindi niyo rin sasabihin sa Konseho?” magalang na tanong naman ni Kanji habang maingat na inihiga ang walang malay na si Akira sa bed ni Inaki.
“Kilala na nila ang itsura ni Akira kaya hindi namin magagawang itago sa kanila ito. Gayunpaman ay kami na ang bahalang kumausap sa kanila. Panigurado namang aayon sila sa plano namin,” sagot naman ng hari.
Sabay na napatango sina Inaki at Kanji. Lumapit naman si Reyna Rachelle sa kaniyang anak at marahan itong hinalikan sa noo. Inayos din nito ang kumot ng natutulog na dalaga.
“Inaki, alam kong malaking kalabisan na ito ngunit sa ‘yo ko ipinagkakatiwala si Akira. Sa oras na magising siya ay ikaw na muna ang bahalang magpaliwanag sa kaniya. Gagawa ako ng paraan bukas upang makapunta dito at makausap siya,” mahinahong sabi ni Reyna Rachelle kay Inaki.
“Isang karangalan po sa akin iyon Mahal na Reyna. Ako rin po ang napiling maging tagapangalaga ng prinsesa kaya huwag po kayong mag-alala, gagabayan ko po siya,” magalang na sagot naman ni Inaki.
“Maraming salamat Inaki. Mauuna na kami. Magpahinga na rin kayo sapagkat masyadong mahaba ang gabing dumaan,” sabi naman ng hari.
Nagbigay galang ang dalawa bago tuluyang umalis ang hari at reyna. Nang sila na lang ang nasa kwarto ni Inaki ay saka nagpakawala ng malalim na paghinga si Inaki at nag-aalalang tumingin kay Akira.
“Hindi ko sigurado kung magkakaroon agad siya ng malay. Masyadong maraming enerhiya ang nawala sa kaniya,” wala sa sariling sambit niya.
“Ngunit sa ipinamalas niya kanina, nagamit niya ang kakayahan niya nang hindi nagpapalit ng anyo. Alam na natin kung gaano siya kalakas. Mas malakas pa siya sa daddy niya,” seryosong sabi naman ni Kanji.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin maalis sa isipan ni Kanji ang nangyari kanina. Ngayon lang siya nakakita ng isang Nine Tailed Fox na nagagawang gamitin ang lahat ng kakayahan at abilidad na hindi man lang nailalabas ang siyam na buntot. Wala pa sa bloodline ng mga dugong bughaw ang may ganito kalakas na kapangyarihan. Hindi niya lubos maisip na ang dating Akira na inaapi-api lamang noon sa Kitsune Academy ay ang siyang pinakamalakas na Nine Tailed Fox na nabubuhay ngayon. Ngayon niya unti-unting naiintindihan kung bakit hindi sumuko ang mga Black Nine Tailed Fox na kuhanin ang prinsesa. Alam ng hari ng mga kalaban ang taglay na lakas ni Akira.
“Paano pa kung lumabas ang siyam niyang buntot? Baka sa isang pitik niya lamang ay kaya niyang wasakin ang mundo natin,” sabi naman ni Inaki.
Tama si Inaki. Sa sobrang lakas ni Akira ngayon, hindi malabong mas lalakas pa ito kapag pinalabas nito ang siyam nitong buntot. Nakakatakot ngang isipin na maaaring si Akira rin ang maging dahilan ng kawasakan ng mundo ng mga Nine Tailed Fox.
“Huwag na muna nating isipin ‘yan sa ngayon. Ang unahin na lang natin ay ang kaligtasan niya laban sa mga Black Nine Tailed Fox. Sa ngayon ay sundin na lang muna natin ang utos ng mga magulang niya,” ang tanging nasabi ni Kanji.
Napatango naman si Inaki. Ang kailangan muna nilang unahin sa ngayon ay ang kapakanan ng kanilang prinsesa. Kailangan nilang maipaliwanag ng maayos ang lahat upang matanggap ni Akira ng buong buo ang pagkatao niya.
Samantala, agad na nagpatawag ng meeting si Haring Alejandro sa mga myembro ng Konseho. Alas sais pa lamang ng umaga ngunit hindi na niya kayang maghintay pa. Nais niyang makausap agad ang buong Konseho para sa kapakanan ng kaniyang nag-iisang anak.
“Magandang umaga sa inyo, mga myembro ng Konseho,” panimulang bati ni Haring Alejandro nang makumpleto ang buong Konseho.
“Magandang umaga rin naman. Mukhang mahalaga ang iyong sasabihin Mahal na Hari,” sabi naman sa kaniya ni Ginoong Nandro.
“Ipagpaumanhin ninyo kung ganito kaaga ako nagpatawag ng pagpupulong. Ito ay tungkol sa aking anak, ang prinsesa.”
Nagkatinginan naman ang mga myembro ng Konseho. Ang huli nilang pag-uusap tungkol sa prinsesa ay noong gabi ng kaarawan nito na hindi nagpalit ng anyo.
“Anong tungkol sa prinsesa? Nagpalit na ba siya ng anyo?” tanong naman ni Ginoong Duran.
Hindi nagsalita si Haring Alejandro. Tumingin siya sa kaniyang asawa at marahan namang tumango sa kaniya si Reyna Rachelle. Inilahad ng hari ang kaniyang kanang palad at ipinakita sa buong Konseho ang ginawang paglaban ni Akira sa lahat ng Black Nine Tailed Fox na sumugod kagabi. Mababakas naman sa bawat myembro ang pagkamangha sa ipinamalas na kakayahan ng kanilang prinsesa.
“Paano niya nagawa iyon? Napakalakas niya kahit na hindi lumabas ang siyam niyang buntot, kahit na hindi siya nagpalit ng anyo,” hindi makapaniwalang sambit ni Ginang Celia.
“Ni hindi rin natin naramdaman ang kaniyang aura noong gabi ng kaarawan niya. Paano nangyari ito?” sabi naman ni Ginoong Alberto.
“At kung pakakaisipin natin, sa oras na lumabas ang siyam niyang buntot ay mas madadagdagan pa ang kaniyang lakas. Sa nakikita ko ay mas malakas pa sa ‘yo Haring Alejandro ang iyong anak,” sabi naman ni Ginoong Nandro.
“Iyon din ang nasa isip ko. At gusto ko ring malaman niyo na habang nakikipaglaban siya sa mga Black Nine Tailed Fox, hindi rin namin naramdaman ang aura ng pagiging Nine Tailed Fox niya, bagay na labis naming ipinagtataka. Parang may kung ano ang humaharang sa kaniya, para siyang may isang shield kaya hindi namin maramdaman ang totoong lakas niya,” mahabang paliwanag naman ng hari.
Iyon ang isa pa sa malaking palaisipan sa mag-asawa. Kitang kita nila ang mga kakayahan at lakas ng kanilang anak kagabi ngunit hindi naman nila maramdaman ang pagiging Nine Tailed Fox nito. Parang may kung ano ang pumoprotekta sa kanilang anak at hindi nila alam kung ano o sino iyon.
“Ang gabay ng mga White Nine Tailed Fox, si Manara. Siya lamang ang maaaring magprotekta ng ganito sa prinsesa,” hindi makapaniwalang sabi naman ni Ginoong Duran.
“Ngunit bakit? Sa anong dahilan?” nagtatakang tanong naman ni Reyna Rachelle.
“Maaaring dahil sa mga Black Nine Tailed Fox. Maaaring pinoprotektahan niya ang prinsesa laban sa mga kalaban,” pagkonklusyon naman ni Ginoong Nandro.
“Nasaan na ngayon ang prinsesa?” tanong naman ni Ginoong Alberto.
“Nasa dorm siya ng kaniyang tagapangalaga na si Inaki. Kahit hindi pa lumalabas ang kaniyang siyam na buntot, alam nating isa siyang kalahi natin. Ngunit ang ipapakiusap ko lamang ay kailangan nating itago muna sa lahat na siya ang prinsesa,” seryosong sabi naman ni Haring Alejandro.
“Matagal mo nang itinatago ang anak mo, hanggang dito ba naman sa mundo natin ay itatago mo siya?” hindi makapaniwalang sabi naman ni Ginang Celia.
“Ano na lamang ang mararamdaman ng prinsesa, Haring Alejandro. Patawarin mo kami ngunit iniisip lang din namin ang kapakanan ni Prinsesa Akira,” seryosong sabi naman ni Ginoong Duran.
“Para sa kapakanan niya rin kaya kailangan namin siyang itago. Kapag sinabi natin sa lahat na siya ang prinsesa, dudumugin siya ng lahat, baka ang iba pa ay i-pressure siya na ilabas ang kaniyang siyam na buntot na alam naman nating hindi pa niya alam kung paano. Ni hindi nga rin natin alam kung lalabas pa ba ang mga ito dahil definitely, hindi niya kailangan ang siyam niyang buntot upang mahasa ang kaniyang mga kakayahan,” paliwanag naman ng hari.
“Ngunit kung sakali mang ipapasok natin siya sa academy, ganoon din naman ang mangyayari. Baka kwestiyunin din ang hindi paglabas ng kaniyang siyam na buntot,” sabi naman ni Ginoong Nandro.
“Napag-usapan na namin iyan. At nandoon naman si Inaki at Kanji Shin upang magmasid sa prinsesa. Mas mababawasan ang threat sa kaniya kung hindi na muna natin sasabihin sa lahat ang tunay niyang pagkatao,” mahinahong sabi naman ni Reyna Rachelle.
Marahang napatango si Ginoong Nandro. Naiintindihan niya ang gustong mangyari ng mag-asawa para sa kapakanan ni Akira. May punto rin naman ang mga ito kung hindi na muna nila sasabihin sa lahat ang tungkol sa dalaga.
“Kung iyan ang sa tingin niyong mas makakabuti sa prinsesa, sumasang-ayon na ako sa gusto niyo,” nakangiting sabi ni Ginoong Nandro.
“Maraming salamat Ginoong Nandro,” sabi naman ng Hari.
Nagkatingin ang tatlo pang myembro ng Konseho. Dahil sa pagsang-ayon ng kanilang pinuno ay sang-ayon na rin sila sa plano ng kanilang Hari at Reyna.
“Sumasang-ayon na rin kami at asahan niyong kaisa kami sa pag-protekta at paggabay sa prinsesa,” sabi pa ni Ginang Celia.
“Maraming salamat sa inyong lahat. Ipagpapatuloy natin ang pagte-training kay Akira nang sa gayon ay maging handa siya sa oras na siya na ang namumuno sa ating kaharian,” nakangiting sabi naman ng Hari.
Hindi napigilan ni Reyna Rachelle ang labis na kasiyahang nararamdaman niya. Masaya siyang malaman na isang Nine Tailed Fox ang kaniyang anak. Sa gayon ay hindi na kailangang pang pagdaanan ni Akira ang mga pinagdaanan niya. At naniniwala siya na sa paglaon ng panahon ay magiging maayos din ang lahat.