“Alam ko po,” ang tugon naman niya. “Actually, Mom ang tawag ko sa’yo. At tsaka, hindi ko naman sinabi na anak mo ako sa isang babae.”
“Hindi pa rin ako naniniwala,” ang komento naman ni Christian. “Hindi ko alam kung paano mo nalaman ang pangalan ko. Pero hindi yun sapat para maniwala ako sa mga kalokohang pinagsasabi mo.”
“Isa lang naman ang paraan para maniwala ka,” ang saad ng lalakeng nakaputi.
“Ano?”
“Patunayan ko sa’yo na totoo ang lahat ng sinasabi ko.”
“Paano naman?”
“Bukas magdala ka ng payong,” ang tugon naman ng lalake. “Uulan. Pumunta ka sa tapat ng College of Teacher Education, alas-tres ng hapon. May posteng makikidlatan. Sa loob ng isang oras, huhupa ang ulan. Pumunta ka ulit dito. Parehong lugar sa library, mag-uusap tayo. Yun ang pangalawa kong patunay.”
“Pangalawa?” ang pag-uulit ko.
“Pangalawa,” ang pagkumpirma naman ng isa bago nagsimulang maglakad palayo. Pinanood naman ni Christian ang paglisan niya.
“Saglit lang,” ang pagtawag ni Christian bago sumunod. Nakita niyang nagtungo ito sa kaliwang pasilyo. Binilisan niya ang kanyang paglakad ngunit natigilan siya nang makitang wala nang tao sa pasilyo. Para itong multong naglaho. “Nasaan na ‘yun?”
Nagulat naman siya nang may biglang pumitik sa kanyang balikat. Napalingon naman siya.
“Christian, anong ginagawa mo diyan?” ang tanong ni Mark. “Ano bang tinititigan mo diyan at para kang nakakita ng multo?”
“Mark, hindi ka maniniwala sa ikwekwento ko sa’yo,” ang saad ni Christian sabay hila kay Mark patungo sa mesa kung saan niya nakilala ang misteryosong lalake. Nang kapwa sila makaupo ay kaagad nagkwento si Christian tungkol sa kanyang karanasan. Hindi naman sigurado si Mark sa kanyang mga naririnig mula sa kanyang kaibigan.
“Sandali lang,” ang pagpigil ni Mark sa pagkwento ni Christian. “Sinasabi mon a may nakilala kang lalake na galing sa future. Tapos anak mo siya at bigla na lang nawala?”
Tumango naman si Christian bilang sagot. Kaagad naman siyang binatukan ni Mark sabay sabing, “Kapupuyat mo yan! Sinabi ko naman sa’yo na itigil mon a muna nag pagbi-binge watching mo ng BL series.”
“Alam ko ang nakita ko, Mark,” ang saad naman ni Christian.
“At nakikita ko rin na wala ka pang nasisimulan,” ang komento naman ni Mark sabay tingin sa mga librong nakapatong sa mesa at hindi man lang nagalaw. “Ilabas mo na ang papel mo.”
“Wala ka na namang papel?!” ang reaksyon naman ni Christian. Pilit niyang inaalis ang memorya ng lalakeng nakasalamuha niya kanina. Kung totoo ngang galing ito sa hinaharap, anong pakay nito sa kanyang paglalakabay sa nakaraan? Marami pa ring tanong ang bumabagabag sa kanya.
Mabilis na natapos ang buong araw. Nasa isipan niya ang lalaking nakaputi. Hindi maalis sa kanyang isipan ang itsura nito. Bukod sa medyo kakaiba nitong istilo ng pananamit, ang kabuuan nito ang pumukaw sa kanya. Hindi nito malimot ang mga mata nito. Nakadarama siya ng isang koneksyon na hindi niya mapaliwanag.
Kinabukasan, habang papaalis ng inuupahang apartment kanyang pamilya ay napatingin siya sa kalangitan. Mataas ang sikat ng araw at walang bahid ng kahit kaunting ulap. Malamig ang ihip ng hangin dahil maaga pa. Napatingin siya sa nakasabit na paying. Naaalala niya pa rin ang sinabi sa kanya ng taong naka-usap niya kahapon. Nagdadawang-isip naman siya kung anong gagawin niya. Magdadala nga ba siya ng payong tulad ng naibilin sa kanya?
“Christian, may jeep na paparating! Dalian mo na diyan kundi mahuhuli ka na naman,” ang bilin ng kanyang ina. Ang tanging katuwang niya sa buhay simula nang lumisan ang kanyang ama para sa ibang babae. Pilit na ginagapang ng kanyang ina ang kanyang pag-aaral sa pamamagitan ng pagtitinda at pagluluto ng pagkain para sa mga madre sa isang kumbento. Napailing naman siya at kinuha ang nakasabit na payong bago tuluyang bumaba ng apartmNang makasakay ay isnent upang habulin ang kakaparadang jeep sa malapit. Nang makasakay naman siya ay kaagad niyang sinuot ang kanyang earphones at nagsimulang making ng mga kanta. Sa ganitong paraan niya nakakalimutan ang ilan sa mga problema niya, sa pamilya at sa pag-aaral.
SUMAPIT ang hapon, kasalukuyan siyang nakikinig sa lecture nang mapatingin siya sa labas ng bintana. Hindi na katulad kaninang umaga ang kalangitang tumambad sa kanya. Tila ba mayroong nagpinta sa asul na kulay nito, napalitan na ng isang tanawin na puno na ng madidilim na ulap. Mas lalong napakunot ang noo niya nang mapansin ang ilang patak ng tubig ang pumatak sa gilid ng bintana. Hindi na nga nagtagal ay bumuhos na nga ang malakas na ulan.
“Okay, future teachers. Let’s call this a day,” ang sabi ng propesor kaya napalingon naman si Christian. “Don’t forget to submit your research assignment using our Google Classroom. Submit on time, please.”
“Ang lakas ng ulan,” ang komento naman ni Mark. “Saan na tayo tatambay niyan? Gusto ko sanang umuwi pero hindi ko dinala ang payong ko. Maaraw kasi kaninang umaga. Hoy! Christian!”
“Ha?” ang reaksyon naman ni Christian nang mapagtantong kinaka-usap pala siya ng kanyang kaibigan.
“Ano bang nangyayari sa’yo?” ang nagtatakang tanong ni Mark. “Kanina pa ako dada ng dada rito. Nakatulala ka na naman diyan.”
Masyadong okupado ang isip ni Christian ng mga nagaganap. Ang hula nga ng taong naka-usap niya ay nagkakatotoo. Pero… may isang bagay pa na dapat mangyari.
“Ang kidlat,” ang saad naman ni Christian. Napatingin siya sa kanyang relo. Kinuha naman niya ang kanyang bag at madaliang lumabas ng lecture room.
“Tignan mo ‘tong taong to,” ang komento naman ni Mark bago niya kinuha ang sarili nitong bag at sumunod sa kaibigan. “Christian, sandali lang!”
Mula sa lecture room ay bumaba si Christian upang magtungo sa student lounge. Tumayo siya malapit sa pasukan. Tanaw niya ang ilang poste sa labas.
“Christian!” ang pagtawag naman ni Mark nang mahabol ang kaibigan. “Ano na nam—.”
Hindi naman natapos ni Mark ang kanyang sasabihin nang biglang may umilaw kasabay ng isang nakakabinging tunog. Kapwa nila nasaksihan ang pagtama ng isang kidlat sa malapit na poste, kaya naman napasigaw sa gulat ang mga estudyante at mga guro dahil sa gulat.
“Totoo nga!” ang usal naman ni Christian. “Mark, totoo nga ang sinasabi niya.”
“Uhm, okay,” ang reaksyon naman ni Mark habang nakakunot nag kanyang noo. Hindi siya sigurado kung anong tinutukoy ni Christian.