NAGSIMULA namang maglakad si Christian palabas. Nang nasa bungad na siya ay kaagad niyang binuksan ang dala niyang payong.
“Saan ka na naman pupunta?!” ang pasigaw na tanong ni Mark. Hindi siya makasunod dahil wala siyang dalang payong. Hindi niya na talaga maintindihan ang kinikilos ni Christian. Napabuntong-hininga na lamang siya sabay iling.
NAGLAKAD naman patungo si Christian sa University Library. Nais niyang maka-usap ang lalakeng nagpakita sa kanya kahapon. Nang makapsok siya ng University Library ay kaagad siyang nagtungo sa General Reference Section. Inikot niya ang kanyang paningin sa paligod, hinahanap ang lalakeng may kayumangging buhok.
“Ako ba ang hinahanap mo?” ang tanong ng isang pamilyar na boses mula sa kanyang likuran.
“I-ikaw,” ang saad ni Christian sabay talikod upang harapin siya. Isang ngiti ang tumambad sa kanya.
“Hi, Mom!” ang maligalig naman niyang pagbati.
“Sino ka ba talaga?” ang tanong ni Christian.
“Bago ko sagutin yan, naniniwala ka na ba sa akin?” ang tanong niya. Napatango naman si Christian. “Mabuti naman. Tulad nga ng sinabi ko, ako ang magiging anak mo sa hinaharap.”
“Ang ibig kong sabihin, anong pangalan mo?” ang paglilinaw ko.
“Ako si Justin,” ang pagpapakilala naman niya sa kanyang sarili.
“Kung magiging anak kita sa hinaharap, at di babae ang makakatuluyan ko,” ang saad ni Christian. “Sinong makakatuluyan ko? Gwapo ba?”
“Hulaan mo,” ang tukso naman ni Justin.
“Paano ko huhulaan?” ang reklamo naman ni Christian na ikinatawa naman ng taong kausap niya. “At bakit ka tumatawa?”
“Palatanong ka talaga, ano?” ang reaksyon naman ni Justin. “Kaya ako nagpunta rito dahil diyan. Pero bayo yan, maupo muna tayo dahil isa itong mahaba-habang usapan.”
Pumayag naman si Christian at sinundan si Justin patungo sa periodicals section. Laking gulat at pagtataka naman ni Christian nang makita niyang maraming pagkain na nakahanda sa mesa.
“Para sa’yo ang mga ‘to,” ang paliwanag naman ni Justin. “Lahat yan galing sa future, at lahat yan ay mga paborito mo.”
Naupo naman silang dalawa. Sinimulan naman ni Christian siyasatin ang mga pagkain sa harap niya. Mga biscuit, chips at kung anu-ano pa. Pamilyar ang mga pangalan ngunit iba ang packaging. Manghang-mangha siya sa kanyang nakikita kaya halos makalimutan niyang naroon siya para kausapin ni Justin. Tumikhim naman si Justin kaya natigilan naman si Christian. Binuksan naman ni Christian ang isa sa mga pakete.
“A-anong ginagawa mo?” ang tanong naman ni Justin. “Hindi ba bawal?”
“Nakapasok ka nga rito nang walang student ID,” ang komento naman ni Christian. “Kumain pa kaya? Huwag kang mag-alala. Palagi namin itong ginagawa, wala namang pumapansin. Maupo ka na.”
Kaagad namang sumunod si Justin.
“Bakit ng apala kailangan mong bumalik sa panahon namin?” ang tanong ni Christian.
“Para tulungan kang makatuluyan ang taong matagal mo nang pinapangarap,” ang tugon naman ni Justin. Nanlaki ang mga mata ni Christian nang mapagtanto kung sino ang tinutukoy ni Justin. Tumango naman si Justin habang nakangiti.
“Tama,” ang pagkumpirma ng anak niya. “Si Jester Song Bautista.”
“Talaga?!” ang eksklamasyon ni Christian. “Teka, at bakit mo kailangang gawin yan? Bakit si Jester? Bakit ngayon at hindi sa ibang panahon?”
“Ginagawa ko ito para sagipin ka sa hinaharap,” ang paliwanag naman ni Justin. “Iba ang makakatuluyan mo at magiging masama ang pagtrato niya sa’yo. Kaya narito ako para baguhin yun.”
Napa-iling naman si Christian.
“Gusto ko ba?” ang tanong naman ni Christian. “Anak kita, hindi ko siguro gugustuhin na mawala ka sa hinaharap.”
“Huwag kang mag-alala,” ang tugon naman ni Justin. “Hindi mo ako tunay na anak. Inampon mo ako sa hinaharap. Mabubuhay at mabubuhay ako.”
“Pero nakakalungkot isipin na malaki ang pagkakataong hindi na tayo magkita,” ang argyumento naman ni Christian.
“Ang isipin natin, yung makakabuti sa ating dalawa,” ang saad ni Justin, hindi niya maitago ang lungkot sa kanyang mga mata. Napansin ito ni Christian ngunit hindi na siya nagsalita. “Bakit si Jester? Dahil alam ko at nakita ko na, magiging maayos ka sa kanya. Kesa sa taong nakatuluyan mo sa hinaharap.”
Bagama’t nagpaliwanag na si Justin ay ramdam pa rin ni Christian na parang may kulang. Tila ba isang larawan na walang kulay ang lahat ng nangyayari ngayon.
“All I need you to do is trust me,” ang saad ni Justin. “Magagawa mo ba yun?”
Tumango lang naman si Christian bilang tugon, kahit na mayroon pa ring agam-agam sa kanyang damdamin. Napatingin naman siya sa labas ng bintana. Humupa na ang ulan. Ibinaling niya ang kanyang tingin kay Justin.
“Anong balak mo?” ang tanong niya. “Hindi ko alam kung posible na makatuluyan ko si Jester.”
“Paano mo naman nasabi yan?” ang tanong naman ni Justin.
“Una, hindi niya ako kilala,” ang pagsisimula ni Christian. “Hinahangaan ko lang siya sa malayo. Pangalawa, hindi ko rin alam kung nagkakagusto siya sa kapwa niya may hotdog. At pangatlo, hindi ko alam kung magugustuhan niya ako.”
Pinanood naman niya si Justin nang mapatiklop ang mga kamay nito. Inilapit naman ni Justin ang kanyang mukha kay Christian.
“Una, kaya nga ako narito para pagtagpuin kayong dalawa,” ang paliwanag naman ni Justin. “Pangalawa, hindi ko siya pipiliin para sa’yo kung hindi. At pangatlo, tanga na lang ang hindi magkakagusto sa isang taong tulad mo.”
“Anong ibig mong sabihin?” ang tanong niya sabay ngiwi ni Christian nang marinig ang huling sinabi ni Justin. Napabuntong-hininga naman ang isa at napakamot ng ulo.
“Masyado ka pang bata para maintindihan mo,” ang komento niya, ramdam niya ang pagkasiphayo. “Huwag ka na pong mag-react, at hayaan mo na lang ako.”
“May isa pa akong tanong,” ang saad ni Christian. “Paano mo nagagawang maglakbay sa iba’t-ibang panahon?”
“Gamit ito,” ang tugon naman ni Justin sabay turo sa suot nitong relo. Para kay Christian, isa lamang itong pangkaraniwang relo. Napakunot naman siya ng noo.
“Uhm, paano mo naman ginagamit yan?” ang sunod na tanong ni Christian.
“Nakita mo ‘tong tatlong button sa gilid?” ang tanong naman ni Justin. Tumango naman si Christian nang mapansin ang tinutukoy niya. “Ilalagay ko lang ang petsa at kapag pinindot ko nag unang button, makakapaglakbay na ako sa ibang panahon. Makakabalik naman ako sa panahon ko kapag pinindot ko ang pangalawang button.”
“Yun na yun?” ang reaksyon naman ni Christian. “Eh, yung pangatlo? Anong gamit niyan?”
“Ah, led light,” ang tugon naman Justin. “Para makita ko kapag gabi.”
“Ang weird naman ng function na ‘yan,” ang komento ni Christian. “Parang laruang relo ng isang bata.”
“Ikaw nga ang namili nito.”
“Sabi ko nga.”
Ipinagpatuloy ni Christian ang pagkain habang nakamasid sa kanya si Justin. Napatingin si Justin sa kanyang relo. Pinindot niya ang ikatlong button. Hindi umilaw ang relo, bagkus isang oras na pumapatak pabaliktad ang makikita sa screen. Kailangan nang magmadali ni Justin.