2 | Pagsuko

2385 Words
Hooo! Nagbuga ako ng malalim na hininga upang pahupain ang matinding kabang nararamdaman. Hinigpitan ko ang hawak sa dalawang may kalakihang mga supot, ang isa ay naglalaman ng mga pagkain habang ang isa naman ay iilang mga kagamitan sa eskwelahan para kay Deborah dahil napansin kong kulang na kulang ang kanyang mga gamit sa eskwela, at ang kompletong mga gamot ni Mama. Sinigurado ko munang maayos ang aking itsura at walang kahina-hinala bago naglakad papasok sa bahay. At tulad ng nakasanayan, tanging katahimikan lamang ang sumalubong sa akin. Sobrang tahimik ng bahay, nagtaka ako kung bakit gayong sigurado naman akong nakauwi na si Debs galing eskwela dahil malapit nang mag-alas sais. Peru oo nga naman, kahit naman nandito na siya ay tahimik parin dahil sino ba ang kakausapin niya? Yung mga butiki at mga ipis na kanya-kanyang pasyal sa buong bahay? Naisip ko bigla si Mama, lagi nalang siyang nakaratay sa higaan niyang banig sa maliit niyang silid. Hindi niya na raw kayang tumayo o umupo man lang ng mag-isa. Naisip ko na sobrang lungkot siguro niya sa tuwing wala kami ni Debs dito sa bahay. Nanghihina ako sa tuwing nakikita siyang nahihirapan sa sakit niya na hindi man lang namin alam kung ano dahil wala naman kaming pambayad sa ospital para ipa-checkup siya. Sobrang bata niya pa rin para masabing katandaan ang sanhi ng dinaramdam niya. Naglakad ako patungo sa maliit at sira-sira naming kusina, at hindi nga ako nagkamali dahil nakauwi na nga si Deborah. Ipinatong ko ang dalawang supot sa ibabaw ng maliit at pabilog na mesa kung saan nakapwesto si Deborah. Nakatingin lamang siya sa kawalan habang nakaupo sa upuang gawa sa kahoy. Sigurado akong sobrang lalim ng iniisip niya dahil ni hindi man lang niya napansin ang presensya ko. Umupo ako sa kanyang harap. Tiningnan ko siya ng masinsinan, nang wala akong makitang mali sa kanyang itsura ay hinipo ko ang kanyang noo upang malaman kung may lagnat ba siya kaya siya nagkakaganyan, pero normal naman ang init niya kaya nag-alala ako sa posibleng dahilan nito. Hindi siya madaling nagpapadala sa mga bagay-bagay at minsan lang din naman siya magkaganito, kaya sigurado akong may mali. Marahan kong hinaplos ang kanyang buhok dahilan upang matauhan siya at mapatingin sa akin. Nakita ko pa kung gaano siya nagulat nang makitang nasa harap niya na ako, ngunit agad din itong napalitaan ng isang pilit na ngiti pagkatapos ng ilang segundo. “May problema ba?”tanong ko nang may nag-aalalang ngiti. Hindi nakalampas sa aking paningin ang lungkot na panandaliang namutawi sa kanyang mukha na agad din namang nawala. Wala akong nakuhang sagot mula sa kanya, bagkus ay bumaba ang kanyang paningin sa dalawang supot na nasa ibabaw ng mesa. “Ano tong mga dala mo, ate?”pag-iiba niya nang usapan nang hindi tumitingin sa akin. Bahagya niyang binuksan ang isang supot na may lamang mga pagkain saka napangiti nang makita ang mga laman, ngiting alam kong hindi pilit. Mapait akong napangiti. “Sagutin mo muna ang tanong ko, Deborah.” sinadya kong gawing seryuso ang aking boses upang matinag siya. “May problema ba?” ulit ko sa tanong ko kanina. Pwede ko namang sagutin muna yung tanong niya bago siya muling tanungin. Ngunit tulad niya ay mas pinili kong iwasan ang tanong na iyon hindi dahil sabik akong malaman kung bakit siya malungkot kundi dahil ...hindi ko alam kung anong isasagot ko. Ibinaba ko ang aking mga kamay at ipinatong ang mga ito sa aking kandungan dahil nagsimula itong manginig. Dahan-dahan niyang ibinaling sa aking ang kanyang paningin bago marahang ngumiti, ngunit hindi parin umabot sa tenga ang ngiting iyon... “Ano ka ba naman, ate. Syempre wala 'no! May iniisip lang talaga ako.”tugon niya na sinabayan pa ng mahinang tawa na halata namang peke. Alam ko namang nagsisinungaling lang siya, nakalimutan niya na yata na ate niya ako. Kilalang-kilala ko ang lahat ng mga galaw niya. “Eh, ano naman yang iniisip mo at bakit nagbyahe ka yata papuntang mars kakaisip nun?” natatawa kong pangungusisa, ngunit sa loob-loob ko'y ang pagkabigo dahil sa katotohanang nagagawa pa naming magsinungaling sa isa't isa gayong kaming tatlo na lamang din ang pamilyang meron kami. Ngunit sa kabila ng pagsisinungaling niya ay hindi ko magawang magalit dahil sino ba naman ako para makaramdam ng galit gayung ako itong sobrang laki ng kasinungalingan? Napailing ako sa aking isip kasabay ng isang mapait na ngiti. Atleast ginawa ko yun para sa pamilya ko, diba? And I think I should be proud of myself for that, well, in a way. Matagal bago siya nakasagot, narinig ko ang malalim niyang pagbuntong hininga bago nagsalita. “Ate, naisip ko lang kasi na... Na paano kung huminto nalang kaya ako sa pag-aaral?”nakayuko niyang turan, alam kong nag-aalinlangan siyang sabihin iyon ayon na rin sa boses niya. Hindi na rin ako nagulat dahil ilang beses niya na itong sinabi sa akin, at hinding-hindi magbabago ang sagot ko. “Debs, huwag na huwag mong susukuan ang pag-aaral. Dahil yan ang pangarap ko noon na hindi ko natupad, kaya huwag mong sayangin ang pagkakataon. Mag-aral ka lang ng mabuti, dahil ako ang bahala sa lahat.”mahaba-habang litanya ko. Dahan-dahan siyang tumingin sa akin at muling nagbuntong-hininga. “Gusto ko nalang tumulong sayo sa paghahanap ng trabaho, ate. Kahit hindi mo sabihin, alam kong nahihirapan ka na dahil ikaw lang mag-isa ang kumakayod.”pangungumbinsi niya. Naroon ang matinding desperasyon sa kanyang mukha. Marahan kong hinaplos ang kanyang buhok at ngumiti ng nang-uunawa. “Alam kong gusto mo lang tumulong. Pero sa tingin mo ba, yayaman tayo kapag huminto ka sa pag-aaral? Ayokong magsisi ka sa huli, ayokong maranasan mo ang kahirapan na tinatamasa natin ngayon, kung kailan huli na ang lahat.”makahulugan kong paliwanag. At kung saan ko napulot ang mga salitang iyon? Hindi ko alam... “P-pero—” “Wala nang pero-pero, mag-aral ka ng mabuti at sikapin mong makapagtapos. Para kay mama, hmm?”putol ko sa kanyang sasabihin. Malumanay lamang ang aking boses dahil ayokong isipin niya na galit ako. Ayoko lang talagang humaba pa ang usapan namin tungkol dun. Lumambot ang kanyang ekspresyon sa mukha matapos kong sabihin iyon. Tinitigan niya ako na para bang may nais sabihin. “Hmm?” basag ko sa katahimikan nang lumipas ang isang minutong nakatitig parin siya sa akin. “Pipilitin kong makapagtapos, ate. Para sa inyo ni mama.”aniya. Para akong hinihele ng mga anghel nang marinig ang kanyang sinabi. “Tama yan! Pero itigil na muna natin ang drama, gutom na ako eh.”biro ko. Pabiro ko pang tinampal ang kanyang braso sabay tawa ng mahina. Akmang tatayo na ako nang bigla siyang nagsalita. “Nga pala ate, saan ka nga pala galing? Kanina kasi hinahanap ka ni ate Stella, may sasabihin yata.” ano naman kaya ang kailangan ng isang yun? “Nagpunta dito?” imposible naman yatang pumunta dito yun? Lalo na ngayon dahil may sakit ang lola niya, nasa kabilang bayan rin ang bahay nila kaya napakasipag naman yata nun kung pumunta pa dito para makipagkwentuhan? “Hmm! Tinanong niya kung nasaan ka kaya lang hindi ko naman alam. Eh, saan ka nga ba galing, ate?”bahagya siyang nakangiti kaya't litaw na litaw ang malalalim niyang dimples. Matagal bago ako nakasagot dahil una sa lahat ay hindi ko alam kung anong isasagot ko. Alangan naman sabihin kong galing ako sa hotel? “May pinuntahan lang. Tsaka, hayaan mo ako nalang ang pupunta sakanila mamaya.”tugon ko. “May nahanap ka na bang trabaho, ate? Andami mo kasing dala.” usisa niya saka muling tiningnan ang laman ng mga supot. Marahan akong tumango ng dalawang beses. “Parang ganoon na nga.”pinigilan ko ang mapangiti ng mapait. Matalino ang kapatid ko, kaya't hangga't maaari ay ayaw kong magpakita ng ano mang senyales na magbibigay hinala sa kanya. Sa mga oras na ito ay ipinagdarasal ko na lamang na sana'y hindi na siya magtanong pang muli tungkol dun. Tila dininig ng Diyos ang aking dasal dahil hindi na nga siya nagtanong pang muli, bagkus ay tumango-tango na lamang sabay taas ng kanyang hintuturo. “O siya sige na, magsandok ka na ng kanin at nang makakain na tayo. Ihahanda ko lang yung mga ulam na binili ko.” nakangiti kong utos. Hindi ko alam kung bakit biglang gumaan ang pakiramdam ko nang sabihin ko ang huling linya. Marahil ay dahil iyon ang kaunaunahang pagkakataon na nasabi ko iyon, na sa wakas ay may masarap na pagkain kaming pagsasalu-saluhan ng pamilya ko. Kahit papaano ay hindi ko pinagsisisihan ang ginawa ko, dahil walang kahit na anong problema ang hahadlang pagdating sa saya ng pamilya ko. “Roger!” bulalas niya, kapwa kami natawa sa kanyang tinuran. Nagsimula na siyang magsandok ng kanin habang inilabas ko naman ang tatlong putahe. Nasa kalagitnaan ako ng pag-aayos ng mesa nang bigla akong makaramdam ng lungkot. Sayang, hindi namin makakasabay si mama sa pagkain. Mas masaya sana kung kompleto kami sa hapag, ano? Nagdasal muna kami bago nagsimulang kumain. Tahimik lamang kaming kumakain, ngunit nakakailang ang klase ng katahimikan. “Ako na maghuhugas ng mga pinagkainan natin, ate. Ako na din magpapakain kay mama. Magpahinga ka nalang pagkatapos nating kumain, baka napagod ka sa nilakad mo.”anunsyo ni Debs. Nagulat ako sa huli niyang sinabi kaya sandali akong nahinto sa pagkain, ngunit hindi ko ipinahalata sa kanya ang pagkagulat ko. Alam ko naman na nagmamalasakit lang siya sakin dahil madalas niya naman itong gawin lalo na tuwing marami akong lakad, ngunit iba ngayon. Bakit pakiramdam ko ay may iba pa siyang nais sabihin? Na may nalalaman siya? Palihim ko siyang tinitigan, ngunit wala akong nakitang kakaiba kaya't nagpatuloy na lamang ako sa pagkain. ••• “Thank you, ate!” “Ang OA mo, malamang obligasyon ko yan eh!” pabiro kong tugon. Bigla-bigla nalang kasi siyang nagtatalon nang malaman niyang binilhan ko siya ng iilang mga kagamitan sa eskwela. At hindi ko na kailangan itanong pa kung nagustuhan ba niya, dahil halata naman na. Baka nga nagtatakip na ngayon ng kani-kanilang mga tenga yung mga alaga naming mga daga, ipis at butiki. O kung may tenga ba sila? “Ang KJ mo talaga!”tinawanan ko na lamang siya saka hinayaang kilatisin ang mga bagong gamit niya. Walang mapagsidlan ng saya ang puso ko, dahil kahit papaano ay naibibigay ko na sa kanya ang ilang mga bagay na kailanma'y hindi ko naranasan noon. “Hayaan mo ate, mas sisipagan ko na talaga sa pag-aaral. At kapag nagkaroon na ako ng magandang trabaho, ibibili ko lahat ng mga gusto niyo ni Mama. Ako naman ang mag-aalaga sa inyo.” basag niya sa katahimikan habang inaayos ang mga pinamili ko. Puno ng pag-asa at pangako ang kanyang boses kaya't hindi ko maiwasang mapangiti ng matamlay. Sana katulad ko rin siya, hindi nawawalan ng pag-asa. “Sarili mo lang dapat ang aatupagin mo, huwag mo na kaming isipin ni Mama.” seryuso kong paalala sa kanya. Ayokong isipin niyang may mga responsibilidad siya, at ayaw na ayaw kong maging isa ako sa mga iyon. Tila seryuso ako sa aking tinuran dahil tumango nalamang ito ng ilang ilang beses. Sakto namang tapos na siya sa kanyang ginagawa kaya sinabihan ko siya na magpahinga na dahil maghahatinggabi na, ayaw niya pa sana dahil ayon sa kanya ay wala daw silang pasok bukas dahil may magaganap na seminar ang mga guro. Pero dahil pinaningkitan ko siya ng mga mata ay wala na siyang nagawa kundi ang sumunod. Hindi pa naman ako dinadalaw ng antok kaya naisipan kong puntahan muna si Mama sa kwarto niya. “Ma, bakit gising ka pa? Sobrang lalim na ng gabi oh, dapat nagpapahinga ka na.”pagkapasok ko ay nadatnan ko siyang gising pa. Nakatitig lamang sa kawalan sa pamamagitan ng nakabukas na bintana. Ayaw niya isinasara iyon tuwing gabi sa hindi ko malamang dahilan. Wala akong natanggap na tugon mula sa kanya, nanatili lamang itong walang kibo. Naisip ko na baka malalim nanaman ang iniisip niya kaya nanatili nalamang akong tahimik. Nakaramdam ako ng kaunting pangangalay kaya naisipan kong maupo na muna. Kinuha ko ang isang maliit na bangkito na gawa sa kahoy malapit sa pinto, umupo ako sa tabi ng kanyang lumang katre, wala siyang gamit na kumot kaya malaya ko sinuyod ng tingin ang kanyang kabuuan. Ngayon ko lang napansin na sobrang laki na pala ng ipinayat ni Mama. Isang buwan pa lamang ang nakakaraan simula nang magkasakit si Mama pero bumagsak na agad ang pangangatawan niya. Noong una, akala namin trangkaso lang kaya medyo kalmado pa kami dahil sanay naman na si Mama sa trangkaso. Pero ilang linggo ang nakalipas at hindi parin gumagaling, hanggang sa dumating ang punto na hindi na siya makatayo, ultimo ang umupo ay hirap na. Pinagmasdan ko ang kanyang mukha, medyo kulubot na ang kanyang balat, wala nang kulay ang kanyang mga mata na dati'y puno ng sigla at pag-asa. Wala na ang ngiting dati'y hindi matanggal sa kanyang mga labi maging sa pagtulog. Wala na ang dating ilaw ng tahanan na walang bakas ng pagsuko. Ilang minuto pa ang lumipas ngunit ganoon padin, ni isang lingon ay wala akong natamo. Akmang tatayo na ako nang may mapansin kong kuminang ang kanyang mga mata. Nakita ko ang paglandas ng isang butil ng luha sa gilid ng kanyang mata. Pinahid ko ang luha gamit ang aking palad. Hindi nakalagpas sa aking paningin ang pagkibot-kibot ng kanyang mga labi, tila ba may nais sabihin. Nagsimulang manikip ang aking dibdib nang makita ang sunod-sunod na pag-agos ng kanyang mga luha at ang impit na paghikbi. Alam kong hindi iyon dahil sa sakit ng kanyang katawan, kundi dahil sa damdaming hindi maawat sa pagluha. Hindi ko mawari kung bakit kailangan naming maranasan ang ganitong klase ng pagdurusa gayong wala naman kaming ginawa kundi tiisin ang sakit sa mga taong mapagsamantala... Hindi ko na napigilan pa ang pagpatak ng aking mga luha. “Ma...” Kasabay ng pagtigil sa pagtakbo ng oras at pagkadurog ng aking puso ay ang tuluyang pagguho ng aking mundo. Mas masakit pa pala kesa sa aking inaakala ang marinig mismo mula sa kanya ang mga salitang pilit kong ikinukubli sa likod ng aking mga ngiti... “Suko na ako.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD