Chapter 2

1110 Words
BECAUSE THIS IS MY DREAM 02 Ramdam ko na ang pagod at panginginig ng aking dalawang kamay dahil sa dami ng nilalabhan. Tanghali na at katatapos pa lamang namin ni Mama sa pagkukuskos sa damit ng lahat. Ang tyan ko ay nag-uumpisa na ring kumalam dahil sa gutom at pagod. Pagpasok ng bahay ay bumungad sa akin ang apat kong mga kapatid, lahat sila ay seryosong nanunuod ng bagong palabas sa telebisyon. Dumiretso ako sa kusina at nagbukas ng kaldero pero wala nang natirang kanin. “Hindi niyo talaga ako tinirhan ng kanin?” tanong ko sa apat kong kapatid habang si Mama ay nagwawalis ng sahig. “Malay ba namin kung hindi ka pa kumakain,” nakataas ang kilay na sagot sa akin ni Ellie. “Kita mo naman kasi na tanghalian na, nagpapahuli ka pa. Masiyado kang paimportante rito sa bahay.” Sanay ako sa pagiging kalmado sa lahat ng bagay. Ayaw ko ng gulo pero dahil na rin siguro sa pagod, p*******t ng aking buong katawan at sinabayan pa ng init ng panahon ay hindi ko na nakuha pang ikalma ang aking sarili. “Nakita niyo naman kung anong ginagawa ‘ko, ‘di ba? Damit niyo rin ang nilalabhan at binabanlawan namin ni Mama pero itong simpleng pagtitira ng kanin at ulam, hindi niyo man lang naisip?” tila sumabog sa inis na sabi ko. “Ang gagaling niyo talaga!” dagdag ko pa. “Alam ko na magaling ako,” sabay irap sa ‘kin ni Ellie. “Saka pwede ba na manahimik ka riyan? Kita mong nanunuod kaming lahat pero ang ingay-ingay mo!” bulyaw niya sa ‘kin. Napabuntong-hininga na lang ako at ibinaba ang kaldero na hawak ko. Kukuha na sana ako ng plato upang manghingi ng tirang kanin kanila Tito Biboy nang biglang magsalita ang bagong gising na si Papa. Kakalabas pa lamang nito sa kwarto at animo’y nabitin ang kanyang tulog. “Ano ba ang problema niyong dalawa at nagsisigawan kayo?” tanong niya sabay baling kay Ellie. “Ano na naman ba ang pinagtatalunan niyo ng ate mo?” “Paano ‘yang si Ate Hazel, hindi kumain kanina nang kumakain pa kami sabay ngayon, nagrereklamo na wala ng kanin na natira sa kanya!” pagsusumbong niya kay Papa. Lumingon naman sa ‘kin si Papa na masama ang tingin pero bago pa man siya makapagsalita ay agad na sumingit si Mama. “Alam mo naman kasi na hindi pa kumakain ang Ate Hazel mo,” sita ni Mama kay Ellie. “Madami pang ulam diyan kanina at sinabihan na kita na huwag papakin dahil may hindi pa kumakain pero hindi ka pa rin nakinig,” dagdag pa ni Mama. “Kasalanan ko na naman pala?!” pasigaw na tanong niya kay Mama. “Wala naman akong sinasabi na kasalanan mo. Ang sabi ko lang ay matuto kang makiramdam sa ibang tao rito sa bahay. Ikaw na nga ang madalas na pinagbibigyan at walang ginagawa rito sa bahay pero ikaw pa ang mando,” mahabang sabi ni Mama sa kanya. “Ikaw naman, Hazel,” singit ni Papa habang nakatingin sa ‘kin. “Kung alam mo na oras ng kainan, kumain ka na! Hindi ka importante sa bahay na ‘to. Kung nakita mong wala ng pagkain, eh, ‘di maghanap ka ng paraan at hindi ‘yong pag-iinitan mo ang kapatid mo,” sermon ni Papa. Wala akong magawa kundi ang manahimik. Hindi na ‘ko nagtangka pa na sumagot dahil kapag sumagot pa ako ay magkakagulo lang dito sa bahay at alam ko naman na ang resulta nito sa bandang huli. Kasalanan ko na naman. Akmang lalakad na ako nang muling magsalita si Papa mula sa likod ko. “Kaya hindi na ako magtataka kung magiging labandera ka na lang sa pagtanda mo at magiging palamunin ng asawa mo. Wala kang kadiska-diskarte sa buhay mo. Wala talaga akong aasahan sa ‘yo.” Hindi ko na ‘yon pinansin pa. Naluluha akong lumabas ng bahay habang hawak-hawak ang plato bago pumunta kanila Tito Biboy para manghingi ng kanin at ulam. “Wala ba kayong pagkain sa bahay niyo?” tanong ni Tito Biboy bago inabot sa ‘kin ang plato na may lamang bagong saing na kanin. “Meron naman, Tito, pero inubusan nila ako,” sagot ko. “’Yan talagang mga tao sa bahay niyo, hindi marunong makiramdam. Saglit lang, hintayin mo ‘tong niluluto kong ulam,” ani Tito Biboy bago muling bumalik sa kusina para tignan ang niluluto. Habang naghihintay ay tinignan ko ang dalawa kong kamay, puro iyon sugat dahil sa pagkukusot at nanginginig pa sa gutom na dinadagdagan pa ng pagod mula sa paglalaba. “Oh, ito,” sabay lapag ni Tito Biboy ng adobong manok sa lamesa. “Ayos na ba ‘yan?” “Opo, Tito. Hindi naman ako maulam,” nakangiting sabi ko. “Salamat, Tito Boy. Uwi na ‘ko,” paalam ko bago lumabas ng bahay niya. “Bumalik ka rito kapag kulang ang ulam mo, ah?” paalala ni Tito. Tumango ako sa kanya bago nagdire-diretso ng lakad papauwi ng bahay hawak ang kanin at ulam. Sa buong buhay ko, kahit kailan ay hindi ko man lang naranasang maging proud sa ‘kin si Papa. Sa bawat achievements na nakukuha ko ay wala ni isa siyang na-appreciate. Bukod pa roon ay sinasabi niya na hindi importante ang mga awards na ‘yon. Tamad, walang silbi, wala siyang aasahan, walang patutunguhan ang buhay, maagang mabubuntis at maagang mag-aasawa. Iyan ang mga tingin niya sa ‘kin. Araw-araw ay pinapamukha niya na wala akong kwenta pero mali siya, may pangarap ako. Sobrang tayog ng pangarap ko sa buhay, hindi katulad ng iniisip niya at sinasabi niya patungkol sa ‘kin. Pero sa buhay na ‘to ay maswerte pa rin ako. Mayroon akong mga tita at tito na naniniwala sa ‘kin, na kaya kong maging successful at kaya kong iahon mula sa kahirapan ang pamilya ko. Sila ang nagiging sandalan ko, sila ang sumusuporta sa ‘kin at nagbibigay ng payo na patunayan ko ang sarili ko. Kaya sa tuwing pinapagalitan nila ako ay hindi ko mapipigilan pa ang luha ko dahil nagagalit lang sila sa ‘kin kung alam nila na may mali akong ginawa. Pagkatapos kong kumain, masakit man ang kamay ko ay ako pa rin ang naghugas ng mga plato at naglinis ng lababo. Bumalik ako sa salas upang magpahinga nang marinig muli ang boses ni Papa. “Napakatamad mo talagang bata ka! Pumunta ka nga rito at linisin itong kwarto niyo!” sigaw sa ‘kin ni Papa nang makita akong nakaupo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD