Chapter 3

1082 Words
BECAUSE THIS IS MY DREAM 03 “Grade 8 ka na, Hazel. Anong gusto mong course na kuhanin sa college mo?” tanong ni Mama sa ‘kin habang nagbabalot ng mga bagong bigay na libro ni Lily, ang pangatlo kong kapatid. Napatigil ako mula sa pagsusulat ko bago nilingon si Mama. “Gusto kong maging isang writer, Ma!” nakangiti kong sabi. “Writer?” nagtatakang tanong ni Mama. “Noong bata pa lang ako at nag-aaral, gusto kong kumuha ng Accountancy dahil may talent naman ako sa mga numero. Bakit ayaw mong mag-Accountancy na lang? Ipagpatuloy mo ang pangarap ko na hindi natupad dahil sa hirap ng buhay,” aniya. Umiling ako. “Kita mo naman po sa mga grades ko, Ma, hindi ako pwede sa Accountancy at hangga’t maari ay gusto kong lumayo sa mga numbers,” sagot ko rito. “At ano naman ang mapapala mo sa pagiging writer?” nakakunot ang noo na tanong ni Mama. “Wala namang matinong trabaho ‘yan! Mag-business ka o ‘di kaya naman ay mag-Engineering. ‘Yang sulat sulat na ‘yan, wala kang paparatingan diyan. Masasayang lang ang pinag-aralan mo,” kalmado pero halata ang inis sa tono ng pananalita ni Mama. Hindi ako umimik. Pinagpatuloy ko ang pagsusulat sa notebook na nasa harap ko. Ito na ang pangatlong notebook na nagamit ko mula sa paggawa ng tinatapos kong nobela. Walang ibang nakakabasa at tanging ako lang. “Kung gusto mo talagang magsulat, mag-aral ka muna ng Accountancy saka mo ipagtuloy ‘yang pagsusulat mo. Tandaan mo, kapag nakatapos ka sa pag-aaral ay baka paalisin ka na sa bahay na ‘to ng papa mo,” suggestion ni Mama. “Pwede naman po, Ma,” pilit kong sagot. Kahit ayaw ko ay wala akong magagawa kundi ang sundin ang kagustuhan nila. Sila ang nagpapaaral sa ‘kin at sa pagkakataon na ‘yon, sila pa rin ang masusunod. Natapos sa paglalagay ng plastic cover si Mama at isa-isa ‘yong inilagay sa taas ng drawer kung saan nakalagay ang mga libro bago pumasok sa banyo. Kasabay rin noon ay ang pag-iyak ng bunso kong kapatid na si Jongjong. Lima kaming magkakapatid. Ako ang panganay sa kanilang lahat at isa ako sa sumasalo ng responsilidad bilang nakatatanda. Bilang panganay sa pamilya na ‘to, ako ang hindi pwedeng magkamali, ako ang pinag-iinitan at unang hinuhusgahan. “Shh, tahan na, baby. Buhat na nga ni Ate,” pagpapatahan ko sa isang taon at anim na buwang gulang na bunso kong kapatid ngunit patuloy pa rin itong umiiyak. “Ma, bilisan mo po. Nagugutom na si Jongjong!” sigaw ko habang ang iba kong mga kapatid ay walang pakialam at nanunuod lang ng TV. “Saglit lang!” sigaw ni Mama. Patuloy kong pinapatahimik si Jongjong hanggang sa pumasok sa loob ng bahay si Papa. Nang tignan ko ang oras ay ala-sais na pala at hindi ko ‘yon namalayan. “Bakit ang kalat na naman dito?!” pasigaw na tanong ni Papa sa ‘ming lahat. “Naglalaro pa po sila. Liligpitin ko na lang po pagtapos nila,” magalang na sagot ko kay Papa pero imbis na pakinggan ang sinabi ko ay napatingin ito sa mga notebooks at libro ko na nakalagay sa upuan. “Kung hindi kayo marunong magligpit ng gamit niyo, mas mabuting itapon niyo na lang lahat ng ‘yan!” galit na sabi ni Papa bago kinuha ang mga gamit ko sa school at itinapon sa labas. “Pa, gamit ko ‘yan!” pasigaw kong sabi at nagulat sa ginawa niya. Nang tignan ko mula sa labas ang mga gamit ko na itinapon niya ay nakita kong naka-shoot ang lahat ng ‘yon sa isang planggana na may lamang maruming tubig. Kahit bitbit pa ang bunso kong kapatid sa aking kamay ay mabilis akong lumabas upang kunin ang lahat ng gamit ko na halos basa na. Naramdaman ko na lang ang isa-isang pagtulo ng mga luha ko habang tinatanggal ang mga notebook ko mula sa tubig. Basa na ang kalahati ng iba samantalang ang notebook kung saan ako nagsusulat ng ginagawang nobela ay ang naunang na-shoot sa tubig. “Ano na naman ang ginawa mo sa anak mo, kulot?!” dinig kong sigaw ni Mama mula sa loob ng bahay at agad-agad na lumabas upang kuhanin sa ‘kin ang bunso kong kapatid. “Iyang panganay mo, sobrang tamad dahil diyan sa pag-uugali mo! Tignan mo, kahit maglinis ng bahay ay hindi magawa. Isa pa sa nagkakalat!” sigaw ni Papa sa kanya. “Nag-aaral ang anak mo riyan. Nasa banyo lang ako at umiyak si Jongjong kaya siya ang nagbabantay! Bakit mo naman tinapon ang gamit niya sa tubig?!” sigaw pabalik sa kanya ni Mama. Mas lalong bumuhos ang luha ko. Isa-isa kong dinampot ang mga basang gamit ko at pumasok sa loob ng bahay. Ramdam ko ulit ang panginginig ng buo kong katawan habang pinapakinggan ang malakas na sigawan nina Mama at Papa. Lumaki ako na nag-aaway ang mga magulang ko sa mismong harapan ko. Nakikita ko kung paano sila magbasagan at maghagisan ng gamit sa isa’t-isa. Naririnig ko ang bawat murahan nila sa isa’t-isa, at alam ko sa sarili ko na hindi ko na maiaalis ang trauma na nakuha ko sa mga nakita kong ‘yon. Sa tuwing naririnig ko ang lagabog mula sa ginagawa ni Papa ay nag-uumpisa na akong manginig sa takot. Sa tuwing sinisigawan ako ay buong sistema ko ang nanghihina dahil sa takot sa malakas niyang boses. Isa-isa kong nilapag sa mesa ang mga gamit kong nabasa. Ang iba ay inilagay ko sa likod ng refrigerator upang matuyo at ang iba naman ay pinanatili kong nakabuklat. Sa huling notebook ay nakita ko ang isa sa mga sinulatan ko ng ginagawa kong nobela. Kung matuyo man ‘yon ay burado na rin ang tinta ng ballpen. Napabuntong-hininga ako bago hinagis ‘yon sa basurahan. Walang kwenta. Nawala ang sinusulat ko dahil lang sa hindi pag-iisip nang tama. “Sisiguraduhin ko na makakatapos ako ng pag-aaral. Titiisin ko lahat ng pagpapahirap niyo. Ang bawat masasakit na sinasabi niyo sa ‘kin ay hindi ko kakalimutan. At sa oras na makatapos ako, aalis ako sa impyernong bahay na ‘to. Kukuhanin ko si Mama at ang gustong sumama sa ‘kin at ibabalik ko ang tulong ng mga taong naniwala sa ‘kin. Pangako ‘yan!” bulong ko sa aking sarili habang unti-unting umuusbong ang galit sa dibdib ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD