Kabanata 23 (Ambrose)

3033 Words
Ako ngayon ay mag-isang naglalakad sa kabuuan ng bayan na ito, sapagkat ang aking mga kasama ay may kaniya-kaniyang mga kailangan na gawin – lalo na si Linnea na para bang hindi na nauubusan pa ng mga kailangan sabihan ng abiso at kung anu-ano pa man dahil ang pila ngayon sa kaniyang tahanan ay mas mahaba pa kaysa sa mga nadatnan na’min kahapon. Si Alana naman ay napagpasiyahan na tulungan ang kaniyang kaibigan, sapagkat ayon dito, maaaring mangyari na naman ang nangyari rito kahapon kaya naman mas minabuti na lamang niya na tulungan ito sa kaniyang mga dapat na gawin para sa araw na ito – at hindi ko na rin siya pinilit pang sumama sa akin sapagkat nakikita ko sa kaniyang mga mata na nais niya talagang makatulong sa kaniyang kaibigan. Si Demetrius naman… hindi ko alam kung saan siya nagpunta sapagkat wala naman siyang pinagsabihan noong bigla na lamang siyang lumabas ng tahanan ni Linnea. Ang tanging sinabi niya na lamang sa aming tatlo ay nais niyang maglakad-lakad sa bayan na ito at tumingin sa mga bagay na maaari niyang gawin, ngunit kahit na ano pa ang aking gawin na pag-iikot sa lugar na ito, hindi ko man lang siya nakita – kahit na ang anino man lang niya. Sa tingin ko naman ay kahit na saan pa siya mapunta, magiging ayos lamang siya sapagkat mukhang medyo maayos naman ang lugar na ito kaysa sa iba pang mga lugar sa mundong ito. Sa tingin ko ay hindi naman siya makararanas ng mga naranasan niya sa kaniyang sariling bayan, sa tuwing siya ay gagabihin ng uwi. Hindi ko na lamang inisip ang mga bagay na maaaring mangyari sa kaniya sapagkat alam ko nang mag-aalala lamang ako at hindi makapag-iisip nang maayos. Alam ko nang walang magandang mangyayari kung ganoon nga ang gagawin ko, kaya naman mas minabuti ko na lamang ang ituon ang aking atensiyon sa mga sinabi ni Linnea sa akin kaninang umaga. Kahit na nasa labas ako, at kahit na maraming mga magagandang bagay ang makikita sa lugar na ito ay para bang wala akong pakialam doon sapagkat puno na naman ang aking isipan ng mga bagay na nangyayari sa akin. Tila ba nagsusunod-sunod ang mga bagay na kailangan kong gawin at pag-isipan nang mabuti. Maraming mga bagay ang nangyayari sa aking buhay ngayon, at hindi ko man lang mawari kung ano ba ang nararapat kong gawin upang masolusyonan ang lahat ng ito – nang wala akong natatapakan na tao at wala akong ginagawang mas malaki pang problema kaysa rito. “Kailangan ko nang malaman kung ano ba talaga ang aking mahika na taglay.” Iyon ang sinabi sa akin ni Linnea. Iyon ang mga bagay na sinambit niya sa akin na labis na nakapagpagulo sa akin, sapagkat hindi ko inaasahan na may isang tao na magsasabi sa akin ng mga dapat kong gawin – ng mga bagay na kailangan kong alalahanin – sapagkat ang pag-aakala ko ay simple lamang ang aking mga gagawin. Ang akala ko ay gagawin ko lamang para sa aking sarili ang pag-alala ko sa aking nakaraan, ngunit tila ba nagkamali ako sapagkat mukhang may mga bagay akong kailangan kong gawin dito sa mundong ito – mga bagay na wala akong ideya kung ano iyon, ngunit alam kong kailangan ko talaga iyong paghandaan sapagkat mukhang maraming mga bagay ang mangyayari sa aking buhay. Sa mga sinasabi pa lamang ni Linnea, at pati na rin doon sa mga bagay na bigla ko na lamang naalala, mukhang alam ko nang may mga bagay talaga akong kailangan na gawin para sa mga mamamayan ng mundong ito – para sa mga taong napalapit na sa akin, at para na rin sa aking sarili. Sa tingin ko rin ay tama si Linnea. Kailangan ko na talagang paghandaan ang lahat sapagkat mukhang malapit ko nang maalala ang lahat. Mukhang malapit ko nang makamit ang katotohanan na aking inaasam, ngunit kahit na sa gayon pa man, hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Hindi ko alam kung paano ako gagawa ng hakbang para sa aking sarili – isang hakbang na makatutulong talaga para sa akin, at para na rin sa isang misyon na aking kailangang gawin ngunit wala akong ka-ide-ideya kung ano iyon. Alam ko na hindi ko kailangang magmadali sa aking pag-alala sa aking nakaraan, dahil una, hindi ko pa rin mawari kung bakit bigla na lamang bumabalik sa akin ang lahat kahit wala naman akong ginagawang kahit na ano maliban sa paglalakbay kong ito. At pangalawa, alam kong masasaktan ko lamang ang aking sarili kung pipilitin ko ang isang bagay na hindi pa naman dapat na mangyari ngayon. Naisip ko na hahayaan ko na lamang ang aking isipan na alalahanin ang lahat. Hahayaan ko na lamang ang aking sarili na maaalala ang lahat, at wala akong gagawin na kahit na ano upang pilitin iyon na bumalik sa aking isipan. Wala akong balak na pilitin ang aking isipan na alalahanin ang lahat nang isang bagsakan lamang, ngunit alam ko rin na kailangan ko nang gumawa ng paraan upang magamit ko nang muli ang aking mahika sapagkat alam ko na rin sa aking sarili na hindi na magiging madali pa ang mga susunod na araw para sa akin. “Kailangan mong protektahan ang iyong sarili, Ambrose. Kahit na marami kaming nakapaligid sa iyo at handang protektahan ka hanggang sa dulo, hindi ko maipapangako na magiging ligtas tayong lahat matapos ang araw na ito.” Iyon ang mga bagay na sinambit sa akin ni Alana noong nag-usap kami kaninang umaga. Sinabi ko kasi sa kaniya ang lahat ng mga bagay na naalala ko noong nakaraang gabi lamang, at iyon ang naging dahilan upang maging seryoso siya at sabihin niya ang mga bagay na katulad noon. Iyon din ang isa sa mga naging dahilan upang mas naisin ko pang malaman ang aking mahika, sapagkat iisang sabi pa lamang niya, alam ko nang hindi na talaga magiging madali pa ang lahat para sa amin. Alam ko nang magmula sa araw na ito, may mga bagay na hindi na’min inaasahang darating sa aming mga buhay, at kahit na ano pa ang aming gawin, wala na kaming magagawa roon kung hindi ang harapin iyon at lutasan sa lalong madaling panahon. Ngunit… ngunit kahit na nahihinuha ko nang ganoon na nga ang mangyayari, hindi ko naman alam kung ano ba talaga ang maaaring mangyari. Hindi ko alam kung anong kapahamakan ang naghihintay sa amin, at ang natatanging maaari lamang na’ming gawin ay ang maghanda para roon – at magagawa ko lamang iyon, mapaghahandaan ko lamang ito, kung maaalala ko na ang aking kapangyarihan. Muli akong napa-buntong hininga sapagkat hindi ko talaga mawari kung paano ko gagawin ang bagay na iyon. Hindi ko alam kung paano ko maaalala ang mahika na aking taglay, ang mahika na alam kong mayroon ako sapagkat iyon ang tanging nakikita kong puno at dulo ng lahat ng mga nangyari sa ala-ala kong iyon. Nagpatuloy na lamang ako sa aking paglalakad dahil naisip ko na baka makatutulong iyon sa aking mga nais na isipin, ngunit hindi ko na mabilang pa kung ilang beses akong umikot sa lugar na ito at wala pa rin akong naiisip na magandang gawin upang muli ko nang magamit ang aking mahika. Hindi pa rin ako nakaiisip ng dapat kong gawin para muli ko nang maalala ang aking taglay na mahika. Ganoon lamang ang aking ginagawa, hanggang sa mapatigil ako sa tapat ng isang kainan na malapit lamang sa tahanan ni Linnea, sapagkat may isang pamilyar na boses ang tumawag sa aking ngalan. Lumingon ako sa lugar na ‘yon, at laking gulat ko na si Demetrius pala iyon, na ngayon ay nakangiting kumakaway sa akin habang punong-puno ang bibig nito ng mga pagkain na sa tingin ko ay binili niya sa kainan na iyon. Unti-unting tumaas ang aking kilay sapagkat sa pagkakaalala ko, siya ang may pinaka maraming nakain kaninang umaga habang tahimik kaming nag-aagahan. Tapos ngayon, siya ay muling kumakain ng iba’t-ibang uri ng putahe na sa tingin ko ay galing sa kainan na iyon – na para bang nagugutom na naman siya at hindi sapat ang kaniyang mga kinain sa tahanan ni Linnea. Napa-buntong hininga na lamang ako nang dahil sa aking iniisip, bago ako kumaway sa kaniya at bumulong sa aking sarili, “Si Demetrius ang taong ito kaya naman hindi na nakapagtataka na siya ay kain nang kain.” Mukha kasing pagkain na lamang ang nakapagpapasaya rito at parang iyon ang ginagawa nito upang makalimutan niya ang kaniyang problema. Hindi ko pa ata siya nakikita na kokonti lamang ang kinakain, at hindi ko na nais pang makita ang pagkakataon na iyon sapagkat alam ko nang mangyayari lamang iyon kung wala talaga siya sa kaniyang sarili. Muli akong napatingin sa direksiyon kung nasaan si Demetrius, at doon ko lamang nakita na sinesenyasan niya ako upang pumasok sa kainan na iyon para samahan siyang kumain – kahit na alam ko nang siya lamang ang kakain at hindi na niya pagkakaabalahan pang tignan kung kakain ba talaga ako. Ganoon naman na talaga siya, at sa tingin kong sa bawat araw na lumilipas, nasasanay na ako sa ganoong pangyayari kaya hindi ko na siya sinisita pa. Hindi na lamang ako nagsasalita at hinayaan siyang gawin ang kahit na ano pa mang nais niyang gawin. Napagpasiyahan ko na lang din na pumasok sa kainan na iyon upang samahan siya, sapagkat pakiwari ko’y hindi rin naman mawawala sa aking isipan ang aking mga problema kahit na ano pa ang aking gawin. Inisip ko rin na baka makatulong pa si Demetrius sa akin, kung nais niyang pakinggan ang aking mga hinanaing at mga sasabihin. Agad akong pumasok sa kainan na iyon at umupo sa kung saan nakaupo si Demetrius nagyon, bago ako basta-basta na lamang kumuha ng pagkain mula sa kaniyang plato sapagkat alam ko nang hindi rin naman niya ako aalukin. Nakita ko kung paano sumama ang tingin niya nang dahil sa aking bigla na lamang ginawa, ngunit nagkibit balikat lamang ako at hindi siya pinansin bago ko kinain ang pagkain na iyon – na mas lalong ikinasama ng tingin niya. “Masyado ka nang maraming nakakain,” pagpapaliwanag ko sa kaniya, ngunit mas lalo lamang tumalim ang tingin niya ngunit wala siyang sinabi at pinagpatuloy na lamang niya ang kaniyang pagkain nang sunod-sunod hanggang sa malapit nang maubos ang pagkain na nasa kaniyang harapan. Ang akala ko ay matatapos na siya sa kaniyang pagkain, ngunit mukhang nagkamali rin ako nang isipin ko iyon sapagkat nakita ko ang pagtaas niya ng kamay upang tumawag muli ng mga tauhan dito sa kainan na ito upang muling bumili ng kaniyang makakakain. Nakamasid lamang ako habang nangyayari ang bagay na iyon, at hanggang sa sinasabi niya ang mga pagkain na nais niyang kainin, patuloy lamang ako sa tahimik na pakikinig sa kaniyang bawat sinasabi sapagkat alam ko nang hindi siya makikinig sa aking mga sasabihin dahil ang nasa isipan lamang niya ngayon ay pagkain. “Iyon lamang ba ang iyong nais na bilhin?” tanong ng babaeng lumapit sa amin kanina, at agad namang tumango si Demetrius sa kaniya nang may ngiti sa kaniyang mga labi – at hindi man lang niya ako binalingan ng tingin upang itanong kung may nais ba akong bilhin at kainin sa lugar na ito. Hindi ko na lamang iyon sinabi at tinignan ko na lamang ang babaeng ngayon ay papalayo na sa amin upang sabihin sa nagluluto ang mga nais na kainin ni Demetrius, ngunit bago pa man siya makalayo, may isang lalaki na humarang sa kaniyang dinaraanan at ngayon ay may nakakalokong ngiti sa mukha nito. Hinaplos pa nito ang braso ng babaeng iyon, bago ito nagsalita at sinambit ang sa tingin ko ay pangalan ng babaeng iyon, “Mireya.” Agad akong naging alerto nang marinig ko kung paano niya tinawag ang ngalan ng babaeng iyon, at mukhang ganoon din ang nangyari kay Demetrius sapagkat umayos ang upo nito habang nakatutok ang tingin nito sa babaeng iyon. Mukhang parehas kami ng iniisip, at mukhang ang nangyari kay Linnea kahapon ay ang naging dahilan upang ganito ang aming maging reaksiyon. Iyon anh naging dahilan upang maging alerto kami sa kung ano mang mangyayari, ngunit nagkatinginan kaming dalawa nang dahil sa mga sumunod na nangyari. Bigla na lamang pinilipit ng babaeng iyon ang braso ng lalaking bigla na lamang humawak sa kaniya, na naging dahilan upang masigaw ito sa sakit at mapatingin ang mga tao sa kaniyang gawi, ngunit nang makita ng mga ito ang nangyayari, bumalik na lamang ang mga iyon sa pagkain na para bang walang nangyari. “Ilang beses ko na bang sinabi sa iyo na huwag na huwag kang gagawa ng ganitong bagay sa lugar na ito?” maangas nitong tanong sa lalaking iyon, at mukhang alam ko na kung bakit wala man lang lumapit sa kaniya upang siya ay tulungan at iligtas mula sa lalaking iyon. Hindi niya iyon kailangan, sapagkat nakikita ko na kayang-kaya na niya ang kaniyang sarili at hindi na niya kailangan pang humingi ng tulong sa kahit na sino pa man. Sa tingin ko pa ng ay mas makasasagabal lamang sa kaniya kung may lalapit pa sa kaniya, kaya naman mas minabuti ko na lamang din ang magmasid at hindi gumawa ng kahit na ano pa man. Mukhang ganoon na rin ang napagdesiysunan ni Demetrius sapagkat pinanonood na lamang niya ang nangyayari sa harapan na’min ngayon nang tahimik at may seryosong ekspresiyon sa kaniyang mukha. Muntik pa nga kaming mapaigtad nang makita na’ming sinuntok ng babaeng iyon ang lalaking basta na lamang lumapit sa kaniya, na naging dahilan upang mamilipit ito sa sakit ngunit wala namang nagtangkang lumapit sa kaniya upang siya ay tulungan at sa halip ay parang nasisiyahan pa ang mga tao sa ginagawa ng babaeng iyon sa kaniya. “Pagsisisihan mong ginawa mo ang bagay na ito, Mireya!” sigaw pa nito sa babaeng iyon, ngunit nagkibit balikat lamang siya na para bang wala lamang sa kaniya ang pagbabantang iyon ng lalaki. “Sige at magsumbong ka,” sambit nito sa mayabang na tono, na muntik ko nang ikatawa sapagkat hindi ko inaasahan na magiging ganoon ang kaniyang boses. “Tignan na’tin kung sino sa ating dalawa ang masasadlak sa ibaba.” Mas lalo pa nitong pinilipit ang braso ng lalaking iyon, at mas lalong naging malakas ang pagsigaw nito na para bang labis na talaga itong nasasaktan sa ginagawa ng babaeng iyon – ngunit hindi man lang ako nakaramdam ng awa sa kaniya sapagkat alam ko nang nangyari lamang iyon nang dahil sa kaniyang ginawa. Walang dapat na sisihin sa nangyari kung hindi ang lalaking iyon. “Tama na! Tama na!” Napailing na lamang ako nang marinig kong nagmamakaawa na ang lalaking iyon sa kaniya. “Hindi ko na uulitin pa! Bitiwan mo lamang ang aking braso, Mireya!” Pinakatitigan siya ng babaeng iyon, bago ito bumuntong hininga at basta-bata na lamang binitiwan ang lalaking iyon. Napaupo pa nga ito sa sahig ngunit wala ni isa sa mga taong nasa loob ng lugar na iyon ang tumulong sa kaniya. “Umalis ka na kung ayaw mong mas malala pa roon ang mangyayari sa iyo.” Sumama ang tingin ng lalaking iyon sa kaniya, ngunit hindi siya nagpatinag at binigyan ito ng napakatalim na tingin, na naging dahilan upang halos manginig na sa takot ang lalaking iyon. “Bilisan mo na at nakagugulo ka sa mga nakain dito.” Agad namang tumayo ang lalaking iyon bago ito dali-daling tumakbo papalabas ng kainan na ito, na para bang natatakot ito sa kaya pang gawin ng babaeng iyon. Para bang alam na niya na wala na siyang magagawa maliban doon, at mas makabubuti sa kaniya kung susundin na lamang niya ang babaeng iyon. Bumaling muli ako sa gawi ng babaeng iyon, at nakita ko kung paano siya napailing bago ito tumungo sa kusina upang ibigay ang mga nais na kainin ni Demetrius, habang ako naman ay napatingin sa aking kasama na kanina pa tahimik sa aking tabi. Siya rin ay nakatingin sa pinuntahan ng babaeng iyon, bago ito bumulong sa akin at nagtanong, “Ano ang nangyari?” Ngunit wala rin naman akong maisagot sapagkat hindi ko rin alam kung ano ang bigla na lamang nangyari sa aming harapan. Wala akong ideya kung bakit bigla na lamang kami nakakita ng ganoong pangyayari, ngunit kahit na sa gayon pa man, mas minabuti na lamang na’min ang hindi makisawsaw at naghanap na lamang kami ng bago na’ming mapag-uusapan. “Ano nga pala ang dahilan kung bakit ka naglalakad-lakad sa lugar na ito?” tanong sa akin ni Demetrius nang mapagpasiyahan na na’ming mag-usap na lamang sa iba pang mga bagay kaysa ang pag-usapan pa na’min ang buhay ng iba. Napa-buntong hininga na lamang ako at muling bumalik sa akin ang dahilan kung bakit ako umiikot sa kabuuan ng bayan na ito ngayon. Naalala ko rin ang tunay na dahilan kung bakit napagpasiyahan kong lumapit sa kaniya, kahit na alam ko nang puro pagkain lamang ang kaniyang iniisip sa ngayon. Isa-isa kong sinabi sa kaniya ang mga bagay na gumugulo sa aking isipan, lalo na ang mga sinabi ni Linnea sa akin noong umaga, at siiya naman ay nakikinig lamang sa aking bawat sinasabi na para bang nais niyang malaman ang lahat ng gumugulo sa akin ngayon. Tumingin ako kay Demetrius matapos kong sabihin sa kaniya ang lahat, bago ako nagtanong sa kaniya, “Sa tingin mo ba kailangan ko nang gumawa ng paraan upang malaman ko na kung ano ang mahika na aking taglay?” Napatungo ako bago ko idinagdag sa aking mga sinasabi, “Sa tingin ko kasi ay mas makabubuti kung handa tayong lahat sa kung ano mang mangyayari.” Tinitigan ako nang mabuti ni Demetrius, bago niya ako tinapik sa aking balikat at sinabing, “Minsan, may mga bagay talagang kailangan na’ting gumawa ng paraan upang talagang magawa at malaman na’tin iyon.” Unti-unting tumango siya sa aking na para bang sinasagot niya ang aking sinasabi. “Mas makabubuti kung gumawa ka na ng paraan upang malaman mo na ang iyong mahika, sapagkat sa tingin ko ay totoo rin ang sinasabi ni Linnea.” “Maraming problema ang mangyayari magmula ngayon at kailangan na na’ting paghandaan iyon.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD