Kabanata 20

2352 Words
Inanyayahan kami ni Linnea na sa tahanan na lamang niya kami tumuloy, sapagkat mukhang nasabi na ni Alana sa kaniya ang aming plano habang kami ay naririto pa sa kaniyang bayan – mukhang nasabi na niya na nais na’ming dito na lamang manatili muna, dahil mukhang mahihirapan kaming makahanap ng murang lugar na matutuluyan dito sa kanilang lugar. Mukha kasing puro mamahalin lamang ang mga nakikita ko rito sa lugar na ito. Kahit na saan pa man ako tumingin, ang tanging nakikita ko lamang ay puro karangyaan at wala nang iba pa. Kahit saan ako tumingin ay para bang ang lahat ng taong naninirahan dito sa lugar na ito ay puro mayayaman lamang. Wala akong nakita na kahit sino na kagaya ng mga nakikita ko sa bayan nina Alana at Demetrius. Wala akong nakikitang tumatakbo para lamang makakuha ito ng makakain. Walang sinuman ang para bang lumalaban para lamang mabuhay – hindi nila kinakailangang makipagpatayan para lamang makuha nila ang kanilang nais. Ganoon din si Linnea. Kahit na hindi niya sabihin sa aming tatlo nina Alana, alam ko na siya rin ay namumuhay sa karangyaan. Siya rin ay hindi nangangailangang gumawa nang kahit na ano pa man para maipaglaban niya ang kaniyang sarili. Hindi niya kailangan pang gumawa ng masama, para lamang magpatuloy siya sa kaniyang pamumuhay. Alam ko na hindi lamang niya nais sabihin iyon, ngunit isang tingin pa lamang sa kaniyang tahanan, alam ko na agad na tama ako nang isipin ko ang bagay na iyon. Kahit saan kasi ako tumingin ay puro mamahaling gamit lamang ang aking nakikita. Kahit saan ako bumaling ay puro naggagandahang mga bagay lamang ang nahahagip ng aking mga mata. Siya ay para bang namumuhay sa isang paraiso na ninanais ng lahat – sa isang lugar na walang kaguluhan at sa unang pagkakataon, ang pinaka unang lugar na nakitang kong may kapayapaan, ngunit kahit na sa gayon pa man, alam ko na hindi talaga tuluyang mapayapa ang lugar na ito. Alam ko na may naitatago rin itong lihim, sapagkat ang mga bagay na sinambit ni Linnea kanina ay para bang may kaakibat na iba pang kahulugan. Para bang ang mga salitang binitiwan niya sa amin kanina ay hindi lamang dahil sa mga taong nais magpahula sa kaniya, ngunit pati na rin sa sitwasyon na kinahaharap ng lugar na ito – pati na rin ang estado ng mga taong namumuhay sa lugar na ito. Kami ngayon ay nasa kaniyang kusina. Kami ni Demetrius ay nakaupo lamang sa upuang naroroon, habang silang dalawa ni Alana ay naghahanda ng aming hapunan. Nais nga na’min ni Demetrius na tumulong sa kanila, ngunit umiling lamang sila at sinabing kaya na nila iyon at ang natatanging maaari na lamang na’ming gawin ay ang panoorin sila nang tahimik. Wala na rin naman kaming nagawa kung hindi ang gawin talaga iyon, sapagkat nakikita ko na kaya na nga nilang talaga na sila na lamang ang maghanda ng makakain na’min ngayong hapunan. Hindi na rin kami nagpumilit na tumulong sapagkat nahinuha na’min ni Demetrius na para bang nais nila iyong gawin upang makapag-usap silang dalawa. Naririnig pa nga na’ming dalawa ang tawanan nina Alana at Linnea, habang kami ay nakapangalumbaba lamang na nakatingin sa kanila at iniisip kung ano ba talaga ang kanilang pinag-uusapan sapagkat para bang siyang-siya sila. Hindi naman kasi na’min marinig ang kung ano pa mang mga sinasabi nila, sapagkat sa mababang boses lamang sila nagsasalita – na para bang hindi talaga nila nais na marinig na’min kung ano man ang kanilang pinag-uusapan. Ayos lamang sa akin iyon sapagkat mukhang matagal na talaga magmula noong huli silang magkitang dalawa. Sa tingin ko nga ay ito ang pinaka mahaba nilang pag-uusap sapagkat tila ba hindi sila nauubusan ng mapag-uusapan – hindi sila natigil sa kakasalita, ngunit wala naman kaming sinabi ni Demetrius at talagang hinayaan na lamang na’min sila habang patuloy kaming nakamasid sa mga ginagawa nila. “May naalala ka na ba bukod doon sa mga bagay na naalala mo noong araw na iyon?” biglang tanong sa akin ni Demetrius, na naging dahilan upang mapatingin ako sa kaniya nang may nagtatanong na kislap sa aking mga mata. Nagkibit balikat lamang ito, bago ito muling tumingin kina Alana at itinuloy ang kaniyang mga sinasabi. “Naisip ko kasi na baka magtutuloy-tuloy na ang iyong pag-alala sa mga bagay na nangyari sa iyong buhay, kaya tinanong kita nang ganoon.” Agad ko namang naintindihan ang kaniyang mga sinasabi nang marinig ko ang kaniyang paliwanag. Agad kong naintindihan na nais niyang malaman kung mayroon na ba akong naaalala bukod pa roon sa mga naalala ko noong araw na iyon, ngunit kung iisipin ko ang mga nangyari nitong mga nakaraang araw… Umiling ako sa kaniya, bago ako umayos nang upo. “Wala na akong naalala pa bukod sa araw na iyon,” sabi ko sa kaniya matapos kong bumuntong hininga, sapagkat para bang walang makapagsasabi kung paano magtutulpoy-tuloy ang pag-alala ko sa nakaraan – hindi ko alam kung paano ko malalaman ang katotohanan na pilit na itininatago sa akin. Ang akala ko kasi ay si Demetrius ang susi upang maalala ko ang lahat, sapagkat nakaalala lamang ako noong nagsalita siya ng mga pamilyar na kataga sa akin ngunit mukhang nagkamali ako nang isipin ko iyon, dahil nitong mga nakaraang araw na magkakasama kami, wala naman nang bumalik sa aking ala-ala maliban na lamang doon sa mga pangyayari na malabo pa rin para sa akin hanggang sa ngayon. Kahit na alam kong si Alana ang kausap ko roon sa ala-alang basta na lamang bumalik sa akin, hindi pa rin iyon ang naging susi upang maalala ko na ang lahat. Kahit na lagi ko siyang kasama, hindi pa rin iyon ang naging sagot upang malaman ko na ang katotohanan. Pinakatitigan ako ni Demetrius, bago ko naramdaman ang pagtapik niya sa aking balikat, na para bang nais niyang pagaanin ang aking loob – na hindi naman talaga niya kailangang gawin sapagkat hindi ko na nais pang pag-alalahanin sila nang dahil sa aking mga problema tungkol sa aking mga nakalimutang ala-ala. “Baka makahanap ka ng sagot dito sa lugar na ito,” sabi niya sa akin, at alam ko nang ginagawa niya iyon upang gumaan ang aking pakiramdam. Alam ko na nais niya lamang tanggalin ang mga problema na nasa isipan ko ngayon. “At habang hinahanap mo ang katotohanan, alalahanin mo lamang na hinding-hindi kita iiwan. Hindi ka na’min iiwan.” Lihim akong napangiti nang marinig ko ang huli niyang sinabi, sapagkat hindi ko inaasahan na gagamitin niya ang salitag ‘na’min’ kahit na may hindi sila pagkakaintindihan ni Alana ngayon. Hindi ko inaasahan na ganoon ang kaniyang sasabihin, kahit na alam ko nang may hindi sila pagkakaintindihan ng isa pa na’ming kasamahan. Unti-unti akong tumango sa kaniya, upang sabihin sa kaniya na labis ko siyang naiintindihan, at akmang magpapasalamat pa nga ako sa kaniya sapagkat talagang labis kong ikinasisiya na isipin na naririto lamang sila sa aking tabi at handang umalalay sa akin kahit na ano pa man ang mangyari – kahit na masyadong magulo ang aking sitwasyon ngayon – ngunit bago pa man ako makapagsalita upang sabihin talaga iyon sa kaniya, narinig ko ang pagtawag ni Alana sa aming dalawa ni Demetrius. Sabay kaming napatingin sa gawi niya, at doon ko lamang napagtanto na tapos na silang magluto at ngayon ay naghahain na sila sa mahabang hapagkainan na malapit lamang sa kinaroroonan na’min ni Demetrius. “Kakain na tayo ng hapunan,” sambit pa ni Linnea sa aming dalawa, kaya naman agad kaming tumango at sabay na tumayo sa aming kinauupuan. Agad na rin kaming nagsimulang kumain nang tahimik at wala ni isa sa amin ang nagtangkang magsalita. Ang tanging maririnig lamang sa lugar na iyon ay ang kubyertos na aming ginagamit, ngunit bukod pa roon, wala nang kahit na ano pa mang ingay ang maririnig. Tahimik lamang ang lahat, ngunit hindi katulad noong una, hindi iyon nakasasakal. Ang katahimikan na mayroon kami ngayon ay para bang napaka-payapa, na aking labis na ipinapasalamat sapagkat sa tuwing kami ay sabay-sabay na kumakain, nasisigurado ko nang magiging magulo iyon sapagkat hindi talaga nagkakasundo sina Alana at Demetrius, kahit na ano pa man ang aking gawin. Hanggang sa matapos kaming kumain, wala nang nagsalita sa aming lahat. Nabasag lamang ang katahimikan na mayroon kami nang magsabi si Demetrius na siya na lamang ang maghuhugas ng aming mga pinagkainan. Sinabi ko pa nga sa kaniya na nais ko ring tumulong, ngunit hindi niya ako hinayaan at itinuro na lamang niya ako kay Alana na kausap si Linnea para sa mga kuwarto na gagamitin na’min habang kami ay naririto sa kaniyang tahanan. Sinunod ko na lamang ang kaniyang mga sinabi, at doon ko lamang narinig ang mga sinasabi nina Alana at Linnea sa isa’t-isa. Doon ko lamang narinig ang mga pinag-uusapan nilang dalawa magmula noong tumayo na si Demetrius upang maghugas ng plato. “Sapat naman ang kuwarto na mayroon ako rito sa aking tahanan, kaya hindi n’yo na kailangan pang maghati sa iisang kuwarto,” sambit niya kay Alana, bago siya napabaling sa akin at ngumiti upang batiin ako. “Maraming salamat sa iyong tulong, Linnea,” pagpapasalamat ko sa kaniya sapagkat naalala ko na hindi ko pa siya napasasalamatan sa kaniyang mga ginawa para sa amin ngayong araw – hindi ko pa siya nakauusap nang maayos magmula noong nag-usap-usap kami sa loob ng kaniyang tahanan. Umiling-iling siya at sinabing, ”Wala lamang sa akin iyon,” bago ito bumaling kay Alana na tahimik lamang na nakatingin sa aming dalawa. Hindi nakatakas sa kaing paningin kung paano sila nagbigay ng makahulugang tingin sa isa’t-isa, ngunit hindi ko na inungkat pa ang dahilan kung bakit nila ginawa iyon at hinayaan ko na lamang na magsalita si Linnea. “Atsaka, nais kong makatulong kay Alana sa abot ng aking makakaya.” May masuyong ngiti sa kaniyang mga labi nang sabihin niya ang bagay na iyon sa akin. “Sapagkat napakarami na niyang nagawa para sa akin.” Napataas ang aking kilay at nakuha ni Linnea ang aking atensiyon nang sabihin niya iyon, at nais ko pa sanang tanungin kung anong mga bagay ang ginawa ni Alana sa kaniya, ngunit bago ko pa man magawa iyon, umubo si Alana na para bang nais niyang kuhanin ang atensiyon, at hindi naman siya nabigo nang gawin niya iyon sapagkat sabay kaming napalingon ni Linnea sa kaniyang direksiyon. Binigyan niyang muli nang tingin si Linnea, na agad naman nitong nakuha sapagkat humingi ito ng paumanhin kay Alana, habang ako naman ay nahinuha na isa ang mga sinasabi ni Linnea sa mga bagay na hindi ko maaaring malaman. Kahit na hindi niya pa sabihin iyon, alam ko nang hindi niya nais na malaman ko kung ano pa man ang mga bagay na ginawa niya para sa kaniyang kaibigan. Hindi niya nais na malaman ko kung ano pa man ang mga bagay na silang dalawa lamang ang nakaaalam. “Bakit hindi pa tayo magpahinga?” suhestiyon niya nang makita niya si Demetrius, na katatapos lamang sa kaniyang paglilinis ng mga pinagkainan na’min kanina. “Maraming nangyari ngayong araw, at pagod na rin ako sa paglalakbay na ginawa na’tin.” Pagdadahilan pa niya, ngunit alam ko nang nais lamang niyang iwasan ang aking mga nais na itanong kay Linnea. Ngunit kahit na alam ko na ganoon na nga ang nais niyang mangyari, hindi na ako nagpumilit pa at tumango na lamang sa kaniya na para bang sang-ayon ako sa kaniyang mga sinasabi – kahit na hindi naman talaga sapagkat nais ko talagang malaman kahit na iyong nalalaman lamang ni Linnea sa kaniya. Nais kong malaman kung ano ang mga nalalaman ni Linnea, sapagkat sa tingin ko ay may kinalaman iyon sa mga bagay na nais kong malaman, ngunit mukhang hindi talaga gusto ni Alana iyon kaya naman hindi na rin ako nagpumilit pa. “Kung gayon ay sundan n’yo na lamang ako upang maituro ko na sa inyo ang inyong tutuluyan.” Agad naman kaming sumunod nina Alana kay Linnea at hindi na nagsalita pa. Isa-isa niya kaming itinuro sa kuwarto na aming tutuluyan, at isa-isa rin kaming pumasok sa kuwarto na iyon nang walang sinasabi. “Ito ang kuwarto na iyong tutuluyan, Ambrose,” sambit niya sa akin nang may ngiti sa kaniyang labi nang kami na lamang dalawa ang magkasama. Nauna na kasi niyang itinuro ang tutuluyan nila Alana at Demetrius, at ako na lamang ang natitirang wala pang tutuluyan at mukhang ang kuwarto sa dulo ng pasilyong ito ang aking tutuluyan sapagkat doon niya ako itinuro ngayon. Nais ko na sanang gamitin ang oras na iyon upang makapagtanong sa kaniya, ngunit hindi pa man bumubuka ang aking bibig upang magsabi sa kaniya nang kung ano pa man, nagsalita siya na para bang nababasa niya ang aking isipan. “Alam ko na marami kang katanungan ngayon, Ambrose,” sambit niya sa kalmadong tono ng kaniyang boses, habang ako ay naka-kunot ang noong nakatingin sa kaniya. “Alam ko na gulong-gulo ang iyong isipan ngayon, ngunit nasisigurado ko sa iyo na hindi na nalalayo ang panahon kung kailan maaari mo nang makuha ang lahat.” Mas lalong kumunot ang aking noo nang marinig ko iyon sa kaniya, at mas lalo ko pang ginusto na magtanong sa kaniya, ngunit hindi ko na rin nagawa pa iyon sapagkat siya ay tuluyan nang tumalikod sa akin at sinambit niya ang mga sallitang labis na nakapagpalito sa akin sapagkat hindi ko mawari kung ano ang ibig sabihin n’on. Hindi ko mawari kung ano ang nais niyang ipahiwatig nang sambitin niya ang mga bagay na iyon. Hindi ko maisip kung ano ang nais niyang ipunto, ngunit isa lamang ang nasa aking isipan noong matapos niyang sambitin ang mga salitang iyon – at iyon ay alam ko na may koneksiyon ang kaniyang mga sinasabi sa aking paghahanap ng katotohanan, sa aking pagpipilit na maalala ang lahat nang sa akin. Iisa lamang ang nasa aking isipan nang marinig ko ang mga katagang iyon mula sa bibig ng manghuhulang nagngangalang Linnea. “Ang takipsilim na pilit nilang pinipigilan ay mangyayari na sa oras na bumalik na ang tunay na namumuno sa mundong ito.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD