Kabanata 19

2072 Words
“Maraming salamat sa inyong pagsagip sa akin kanina,” sambit ni Linnea sa amin nang makapasok kami sa kaniyang tahanan, habang binibigyan niya kami ng maiinom na sa tingin ko ay ginawa niya sapagkat hindi ako pamilyar sa ganoong inumin – o baka nasanay lamang ako na puro tubig ang aking iniinom magmula noong magising ako sa mundong ito. Sabay-sabay naman kaming tatlo nina Demetrius at Alana na nagpasalamat sa kaniya, bago kami sumimsim ng ibinigay niyang inumin sa amin. Siya naman ay umupo sa upuan na katapat lamang kung saan na’min napagdesisyunan na umupo sa kaniyang tahanan. Nakikita ko ang kagalakan sa kaniyang mukha at para bang nakahinga siya nang maluwag dahil sa ginawa na’ming pagsagip sa kaniya kanina – kahit na ang ginawa lamang na’min ay sinangga ang dapat na pag-atake ng lalaking iyon sa kanilang dalawa ni Alana. Naaalala ko pa nga kung paano tumulong sa akin si Demetrius para lamang mapigilan na’min ang lalaking iyon sa pag-atake kay Linnea, na sa hindi ko malamang dahilan ay para bang galit na galit ang lalaking iyon sa kaniya. Para bang may nagawa siyang mali kaya naman ganoon na lamang ang reaksiyon ng lalaking iyon sa kaniya. Hindi ko naman nais na magtanong sapagkat sa tingin ko ay hindi karapat dapat na basta-basta na lamang niya sabihin iyon. Sa aking opinyon ay kung gusto niyang sabihin sa amin ang dahilan, gagawin niya iyon nang walang pumipilit sa kaniya – sasabihin niya iyon nang hindi siya napipilitan – kaya naman napagdesisyunan ko na lamang na manahimik habang pinakikinggan ang mga sinasabi niya kay Alana. “Mabuti naman at nakapunta ka na muli sa aming lugar,” sambit nito kay Alana, na ngayon ay nakangiti lamang sa kaniya na para bang hindi niya mawari kung ano ang kaniyang sasabihin sa kaniyang kaibigan. Hindi ko alam ngunit sa tingin ko ay nag-usap nang gamit lamang ang kanilang mga mata, sapagkat hindi naman sila nagsasalita matapos sabihin iyon ni Linnea kay Alana. Sa tingin ko ay nagkakaintindihan sila, sapagkat nakita kung paano marahan na tumango si Linnea sa kaniya, na para bang lubusan niya talagang naintindihan ang nais sabihin ni Alana sa kaniya. Nakita ko kung paano sila nag-iwas ng tingin sa isa’t-isa bago ibinaling ni Linnea ang kaniyang tingin sa aming dalawa ni Demetrius, na ngayon ay tahimik lamang sa aking tabi habang sinisimsim niya ang inumin na ibinigay ni Linnea sa amin kani-kanina lamang. Unti-unting ngumiti si Linnea sa amin, bago nito sinabing, “Hindi pa nga pala ako nakapagpakikilala sa inyong dalawa.” Tumayo ito sa kaniyang kinauupuan, at ganoon na rin ang ginawa na’min ni Demetrius nang makita na’min na inilahad nito ang kaniyang kamay na para bang nais niyang makipagkamay sa aming dalawa. Una siyang bumaling sa akin, at inilahad niya ang kaniyang mga kamay na agad ko namang tinanggap, bago ito tuluyan nang nagpakilala sa aming dalawa ni Demetrius – na hanggang sa ngayon ay tahimik pa rin, ngunit nahihinuha ko na ganoon lamang siya umasta sapagkat inoobserbahan nito ang bawat galaw ng dalawa na’ming kasama ngayon. “Ako si Linnea,” sambit niya sa aming dalawa, bago siya nakipagkamay sa akin at sumunod naman niyang kinamayan si Demetrius, na tahimik pa rin na para bang hinihintay nito ang iba pang sasabihin ni Linnea. “Ako ay isang kilalang manghuhula sa lugar na ito, at iyon din ang dahilan kung bakit maraming mga tao ang laging nasa harapan ng aking tahanan.” Tumango-tango ako, habang iniisip ko ang dami ng taong nakapaligid sa kaniya kanina noong nagtatalo sila noong lalaking iyon. Mukhang iyon ang mga taong nais magpahula sa kaniya, ngunit nang dahil sa kaguluhan na nangyari kanina sa harap ng kaniyang tahanan, wala nang nagawa ang mga ito kung hindi ang lumisan na lamang sapagkat napagdesisyunan ni Linnea na isara muna pansamantala ang kaniyang tahanan. Nais pa nga ata niyang ipagpatuloy ang pagtanggap sa mga taong iyon na nais magpahula sa kaniya, ngunit nang makita niya si Alana, nagdesisyon na lamang siya na isara iyon upang sila ay makapag-usap na dalawa at kami naman ni Demetrius ay inaya rin niya nang malaman niyang kasama kami ni Alana sa pagpunta rito sa kanilang bayan. Tumingin siya sa akin na para bang may hinihintay siyang sabihin ako, kaya naman minabuti ko nang magpakilala sa kaniya sapagkat sa tingin ko ay nais ni Alana na tanungin ang kaniyang kaibigan kung maaari ba kaming manatili sa kaniyang tahanan habang kami ay naririto sa lugar na ito. “Ako si Ambrose,” pagpapakilala ko sa aking sarili, bago ako tumango sa kaniya at umayos nang tayo at sumunod naman si Demetrius na nagpakilala sa kaniyang sarili, ang kaniyang mahika, at pati na rin ang pinanggalingan niyang lugar. Tumango rin si Linnea nang matapos kaming magpakilalang dalawa, bago ito bumaling kay Alana, na ngayon ay tahimik lamang habang nakamasid siya sa aming tatlo, ngunit nang makita niya na nakatingin na sa kaniya si Linnea, bumuntong hininga na lamang ito bago ito nagtatanong na tumingin sa kaniyang kaibigan. “Bakit nga pala parang galit na galit sa iyo ang matandang lalaki na iyon kanina?” Tinanong na niya ang bagay na nais kong tanungin pa kanina kay Linnea – ngunit kagaya nga ng aking sinabi kanina, hindi ko nais na manghimasok sa kaniyang buhay sapagkat hindi naman talaga kami magkakilala, hindi kami malapit sa isa’t-isa, ngunit sa tingin ko ay magkaiba naman ang sitwasyon nilang dalawa ni Alana kaya malaya nitong natatanong ang ganoong mga bagay sa kaniya. Kaibigan niya ito kaya hindi na nakapagtataka pang magtatanong siya nang bagay na katulad noon. Hindi na nakapagtataka pang nais niyang malaman ang nangyari sa kaniyang kaibigan, kaya naman mas minabuti ko na lamang na pakinggan ang dahilan kung bakit naging ganoon ang pakikitungo ng matandang lalaking iyon – kahit naman sa tingin ko ay hindi naman masamang tao si Linnea. Napahinga nang malalim si Linnea nang dahil sa naitanong ni Alana sa kaniya, bago ito umupo sa kaniyang kinauupuan kanina at ganoon na rin ang ginawa na’min ni Demetrius sapagkat naisip na’min na baka mahaba-habang usapan ang patutunguhan ng tanong na iyon ni Alana sa kaniyang kaibigan. “Isa iyon sa mga nagpahula sa akin nitong mga nakaraang araw,” sabi nito at muli itong napahinga nang malalim na para bang nakasasakit ng ulo ang mga ginagawa ng lalaking iyon, na ngayon ay dinakip na ng mga tagapangalaga ng lugar na ito noong nalaman nito ang mga ginawa ng taong iyon kay Linnea. “Noong unang beses pa lamang, naging tapat na ako sa aking mga sinasabi.” Nakita ko na para bang problemado talaga siya sa mga bagay na ginawa ng lalaking iyon, hindi lamang ngayong araw kung hindi pati nitong mga nakaraang araw na sa tingin ko ay nagpapabalik-balik ito sa kaniyang tahanan upang magpahula. “Ngunit hindi niya matanggap ang lahat ng mga sinabi ko sa kaniya at patuloy siyang bumabalik sa akin upang tignan muli kung magbabago ang aking sagot.” Napailing na lamang siya na para bang napakasakit na talaga ng kaniyang ulo nang dahil sa mga pinaggagagawa ng lalaking iyon. “Kahit na ano ang aking gawin naman, ganoon pa rin ang aking nakikita. Parehas pa rin ng mga nakita ko noong una pa lamang siya nagpunta kaya parehas pa rin ang aking sinasagot sa kaniya.” Muli siyang napahinga nang malalim bago niya itinuloy ang kaniyang kuwento. “Sa bawat oras din na napupunta siya rito, lagi siyang nagwawala – at ngayon, mas lumala na at para bang nais niya na talaga akong saktan, kahit na pina-ulit-ulit ko na sa kaniya na wala na talagang magbabago sa aking mga sinasabi.” Lumipat ng upo si Alana at agad itong lumapit kay Linnea, na para bang pinakakalma niya ang kaniyang kaibigan, at agad namang tumingin si Linnea sa kaniya nang may masuyong ngiti – na para bang ayos lamang siga at hindi siya natakot sa nangyari kanina. Kung ako nga ang tatanungin, sa tingin ko ay wala lamang iyon sa kaniya. Sa tingin ko ay sanay na siya sa ganoong pangyayari, at ngayon ay problemado lamang siya dahil alam niyang hindi siya titigilan ng lalaking iyon. Sa tingin ko ay hindi siya natatakot. At kunv oobserbahan ko ang kaniyang bawat galaw ngayon, sa tingin ko talaga ay para siyang naiinis lamang sa lalaking iyon at hindi natatakot sa kaya nitong gawin. Nahihinuha ko na wala siyang takot na nararamdaman nang dahil sa lalaking iyon, at nagiging ganito lamang siya ngayon sapagkat binibigyan siya ng sakit ng ulo ng taong iyon. “Ito ba ang unang beses na may nangyaring ganito sa iyo?” tanong ni Demetrius sa kaniya, na mukhang kanina pa rin inoobserbahan ang bawat galaw ni Linnea. Agad namang napatingin ito sa gawi na’min ni Demetrius, bago ito umiling at kalmadong ipinaliwanag ang mga pangyayari na halos katulad din ng aming mga nakita kani-kanina lamang. Marahang umiling si Linnea bago nito sinabing, “Sa katunayan, hindi ko na mabilang kung ilang beses nang may ganitong nangyari sa aking tahanan.” Sinapo pa nga niya ang kaniyang ulo na para banh nananakit na iyon kahit na iniisip pa lamang niya ang mga nangyari. “Lagi nilang nirereklamo na hindi naman ang mga sinasabi ko ang mangyayari, ngunit ang katotohanan ay hindi lamang nila iyon matanggap.” Pinakatitigan ko siya habang sinasabi niya ang bagay na iyon, at doon ko lamang nakita na para bang wala nang ka-buhay-buhay ang kaniyang mga mata – na para bang hindi na talaga niya alam kung ano pa ang maaari niyang gawin para sa mga taong hindi siya mapaniwalaan nang dahil sa kaniyang mga sinasabi. “Gusto nilang paniwalaan ang tingin nila ay tama. Gusto nilang isipin na ang lahat ng opinyon na kanilang sinasabi ay katanggap-tanggap, kahit na malayo naman talaga iyon sa katotohanan.” Tumingin siya sa aming gawi, at muntikan na akong kilabutan dahil sa lamig ng mga titig ng kaniyang mga mata. “Gusto nilang paniwalaan ang isang pangyayari na kahit kailan, at kahit na ano pa man ang kanilang gawin, ay kailanma’y hindi mangyayari sa kanilang buhay.” Tinitigan ko nang maigi ang emosyon na nakikita ko sa kaniyang mga mata, ngunit tila ba naging eksperto na siya sa pagtatago nang kaniyang nga tunay na nararamdaman sapagkat nahihirapan akong makita ang katotohanan tungkol sa kaniya. “Nasa harapan na nila ang katotohanan, ngunit tila ba nagbubulagbulagan sila at patuloy pa ring pinaniniwala ang kanilang mga sarili sa opinyon na alam nilang ikapapahamak lamang nilang lahat.” Lahat kami ay natahimik nang matapos niyang sabihin ang lahat nang iyon. Wala ni isa man sa amin ang nagsalita, na para bang lahat kami ay pinag-iisipan nang mabuti ang mga sinambit ni Linnea – na para bang nais na’ming intindihin ang lahat ng kaniyang mga sibabi, ngunit alam ko nang hindi na na’min kailangan pang isipin iyon nang malalim sapagkat alam na’ming lahat kung ano ang nais niyang ipunto. “Isa ito sa mga dahilan kung bakit tila ba hindi na magiging payapa pa ang mundong ito.” Si Alana ang nagsambit ng bagay na iyon, na agad ko namang sinang-ayunan sapagkat alam ko na tama siya nang sabihin niha iyon. “Ang mga tao ay patuloy na pinaniniwalan ang isang bagay na wala naman talagang katotohanan. Nais nilang panghawakan ang kanilang mga pinaniniwalaan, kahit na alam naman na nilang mali iyon at kahit kailan ay hindi iyon magiging tama.” “Hindi naman na’tin sila masisisi kung nais nilang paniwalaan ang kanilang mga nasa isipan.” Si Demetrius naman ang nagsabi nang bagay na iyon, at hindi ko na napigilan pa ang aking pagbuntong hininga sapagkat alam ko nang mag-aaway na naman ang dalawang ito. “Ngunit hindi ba mas mabuti rin kung pakikinggan nila ang ibang mga tao upang malaman nila kung tama ba talaga na paniwalaan iyon?” tanong ni Linnea, na ipinagpasasalamat ko sapagkat sa tingin ko ay naging dahilan iyon upang mabitin ang iba pang sasabihin ng dalawang iyon. “Dahil minsan, ang pinaniniwalaan at pinanghahawakan mong tama at makatutulong sa iyo ay siya ring maaaring makasira sa iyo, Demetrius.” Wala nang nagsalita pa matapos sabihin iyon ni Linnea. Lahat kami ay nakatitig lamang sa kaniya, habang si Demetrius ay pinag-aaralan na naman ang bawat galaw ng iba na’ming mga kasama sa loob ng tahanan ni Linnea. Nagtatagis ang bagang ni Demetrius nang tinanong niya si Linnea ng, “Ano ang nais mong sabihin?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD