“Naririto na tayo,” sambit ni Alana, kaya naman luminga-linga kami ni Demetrius sa lugar na pinagtigilan na’min – na para bang iyon ang unang beses na nakapunta kami sa bayan na ganito ang itsura.
Ang bayan na iyon ay ibang-iba mula sa bayan na napuntahan na na’min ni Alana. Ang bayan na iyon ay para bang nanggaling sa ibang mundo sa sobrang kapayapaan na nakikita ko ngayon, ngunit hindi ko rin naman masisigurado na tunay ngang payapa ang lugar na iyon sapagkat nasa harapan pa lang naman kami ngayon ng lugar na ito.
Hindi pa kami tuluyang nakapapasok sapagkat si Alana ay tumigil din sa harapan ng bayan na iyon na para bang may hinahanap siya, ngunit nang hindi niya mahanap ang bagay na nais niyang makita, tumingin na lamang siya muli sa aming dalawa ni Demetrius.
“Hindi ko na masyadong tanda ang loob ng lugar na ito, ngunit masisigurado ko sa inyo na naaalala ko pa rin naman ang tahanan ng aking kaibigan,” pagpapaliwanag niya sa amin nang may ekspresiyon sa kaniyang mukha – na ngayon ko lamang nakita ngunit nahihinuha ko na ganoon ang kaniyang emosyon sapagkat siya ay naiinis pa rin kay Demetrius. “Maaari niya tayong matulungan sa ating pananatili sa lugar na ito.”
Akmang tatango ako sa kaniyang sinabi upang sumang-ayon sa kaniyang mga sinabi, ngunit bago ko pa man magawa ang bagay na iyon, naunahan na akong magsalita ni Demetrius – hindi para pumayag sa mga sinabi ni Alana, ngunit para magtanong na para bang hindi na niya talaga ito mapagkakatiwalaan pa.
“Paano naman kami makasisigurado na walang magiging masamang balak ang kaibigan mong iyon?”
Nais ko sana siyang pigilan sapagkat nahinuha ko nang magsasabi talaga siya nang ganoon, ngunit hindi ko na nagawa pa iyon dahil bigla na lamang siyang nagsalita at huli na rin ang lahat dahil mukhang narinig na siya ni Alana, na ngayon ay masama na naman ang tingin kay Demetrius.
“Nasisigurado ko sa iyong walang babalakin na kahit ano ang aking kaibigan pagdating sa iyo, o sa kahit sino pa man.” May galit sa kaniyang boses sa bawat pagbigkas niya ng mga katagang iyon, na nakapagpa-buntong hininga na naman sa akin sapagkat alam ko nang wala na naman makakapigil sa dalawang ito na magkasagutan. “Kung hindi mo ako mapagkakatiwalaan, wala na akong magagawa pa roon ngunit kung hindi mo pa rin magagawang mapakisamahan ang kaibigan ko na ‘yon, maghanap ka na lang ng matutuluyan mo nang mag-isa.”
Hindi na hinayaan pa ni Alana na magsalita si Demetrius nang kung ano pa man at tuluyan na siyang pumasok sa loob ng bayan na iyon. Mukhang nagulat din si Demetrius sa mga inasta ni Alana ngayon sapagkat natulos ito sa kaniyang kinatatayuan, habang pinagmamasdan niya ang papalayong si Alana.
Ako naman ay napailing na lamang muli sapagkat hindi ko na talaga alam ang aking gagawin sa dalawang ito – hindi ko rin naman mapagsabihan si Demetrius na huwag nang pagdudahan pa si Alana sapagkat hindi ko naman talaga alam kung sino siya sa buhay ko noon.
Hindi ko masasabi kung ano talaga ang kaniyang tunay na katauhan nito. Ayaw ko namang magsalita nang tapos at wala talagang magpapatunay na wala talaga siyang balak. Hindi ko nais magsalita, sapagkat hindi ko pa rin naman tuluyang naaalala ang lahat nang mga ala-ala ko na kasama ko siya.
Kaya naman kahit na may nais akong sabihin sa kaniya, at kahit na guston-gusto kong magsalita dahil mukhang hinid na talaga magkakasundo pa ang dalawang ito – na para bang iyong pinagsamahan nila noong nasa bayan pa lang kami ni Demetrius ay nawala nang parang bula, at wala man lang akong kaalam-alam kung bakit bigla na lamang nangyari iyon.
Wala akong ideya kung ano ang puno at dulo ng lahat nang ito, at mukhang hindi ko rin naman malalaman sa kanilang dalawa sapagkat kahit na ano pa man ang aking gawin, hindi naman sila nagsasalita kung ano ba talaga ang nangyayari.
Hindi nila nais na magsalita, kaya naman mas minabuti ko na lamang ang alamin ang totoo sapagkat alam ko nang hindi rin naman maitatago ito nang ganoong katagal dahil walang lihim ang hindi nabubunyag – walang kahit na ano pa man ang maitatago nang ganoong katagal lalo na at kaming tatlo ay magkakasama nang matagal nang dahil sa misyong kong malaman ang katotohanan tungkol sa aking nakaraan.
Sumunod na lamang ako sa paglalakad ni Alana, at mukhang ganoon na rin ang ginawa ni Demetrius sapagkat naramdaman ko na ang pagsunod niya sa akin nang walang sinasabing kahit na ano. Hindi ko na rin siya pinansin at nagpatuloy na lamang ako sa paglalakad habang sinusundan ko ang bawat yapak ni Alana.
Ilang minuto pa kaming ganoon lamang at walang nagsasalita sa aming tatlo. Wala ni isa man sa amin ang nagsabi nang kung ano pa man, na para bang alam na nila ang mangyayari sa oras na may magsasalita sa amin. Alam na nila na walang magandang patutunguhan ‘yon, at hindi ko alam kung maganda nga bang ganito na lamang silang dalawa hanggang sa magkasama sila.
Hindi ko alam kung ang pananahimik nila ang magiging sagot sa problema na’ming tatlo sapagkat alam ko nang hindi sila magkakaayos kung magpapatuloy ito. Alam ko nang magbabago at magpapatuloy lamang sila sa pagtatalo – at hindi ko na nais pang malaman kung ano ang magagawa ko sa kanila kung magpapatuloy pa ito.
Napailing na lamang ako, na para bang nais ko na lamang na hindi na isipin pa ang dalawang kasama ko at nais ko na lamang na pagtuunan ng pansin ang aking paghahanap ng katotohanan, bago ako tumingin sa lugar na nilalakaran na’min ngayon.
Nagpapalinga-linga ako sa paligid habang sinunsundan ko si Alana, sapagkat nakamamanghang makita na may ganito pa palang bayan sa mundong ito. Isang bayan na napakalayo ng estado sa mga bayan na napuntahan na na’min. Isang bayan na para bang puno ng karangyaan at wala nang iba pa.
Kahit saan kasi ako mapatingin ay puro naglalakihang mga tahanan ang nakikita ko. Ang mga tindahan din sa lugar na ito ay napakalaki, at nasisigurado ko na hindi lamang basta-basta ang presyo ng mga bagay na itinitinda roon.
Kahit saan ka rin tumingin ay puro mararangyang tao lamang ang mga makikita mo – na para bang bigla na lamang kami naka-pasok kami sa ibang mundo dahil ibang-iba talaga ang buhay sa loob ng bayan na ito kumpara sa mga bayan na napuntahan na na’min.
“Ngayon lamang ako muli nakakita nang ganitong lugar,” sambit ni Alana, na nakapagpalingon sa akin sa kaniyang direksiyon at doon ko lamang nakita na may masuyong ngiti sa kaniyang labi na para bang nasisiyahan siyang isipin na may ganito pa ring lugar sa mundong ito. “Napaka-tagal na panahon na magmula noong nakarating ako sa lugar na katulad nito. Na para bang payapa ang lahat, at walang kaguluhan.”
Napatigil ako sa aking paglalakad habang pinagmamasdan ko si Alana na patuloy na naglalakad-lakad sa lugar na ito na para bang nais niyang itanim sa kaniyang isipan ang magandang pamumuhay ng bayan na ito, at hindi ko namalayang may ngiti na rin sa aking mga labi habang pinagmamasdan ko ang bawat galaw niya.
“Nakapangungulilang isipin na napakatagal na panahon na magmula nang maging ganito ang buong mundo.” May pangungulila na ang ngiti nito ngayon na para bang nasasaktan siyang isipin na matagal na magmula noong may kapayapaan sa mundong ito. “Napakatagal na magmula noong may kapayapaan sa lahat.”
Ganoon lamang ang aming ginagawa, na para bang nakalimutan na na’min na hinahanap na’min ang kaniyang kaibigan, ngunit natigil ako sa pagtingin kay Alana nang maramdaman kong may tumabi na sa akin at hindi ko na kailangang kumpirmahin pang si Demetrius iyon, sapagkat alam ko nang siya lamang ang gagawa ng bagay na katulad noon.
“Kahit kailan ay hindi ko naranasan ang bagay na ito. Kahit kailan ay hindi ako nakakita nang ganitong bayan na napaka-payapa,” sambit ni Demetrius.
May dilim sa kaniyang mukha na para bang hindi niya maintindihan ang mga sinasambit ni Alana – na para bang hindi niya mawari kung paano nito nasasabing may kapayapaan pa sa mundong ito noon.
“Nagisnan ko ang mundong ito nang puno na ng kaguluhan.” Nagtatagis ang kaniyang bagang na para bang nagagalit siya sa mga sinasabi ni Alana, habang ako naman ay labis na naguguluhan sapagkat hindi ko maintindihan ang nais niyang ipunto. “Kailanman ay hindi nagkaroon ng kapayapaan sa mundong ito, at kahit saan ka man tumingin, naroroon ang kaguluhan na hindi rin na’min mawari kung saan nagsimula.”
Nais kong isipin kung ano ang mga nais niyang sabihin, ngunit wala naman akong maisip na kahit ano pa man – hanggang sa narinig kong huminga nang napaka-lalim si Alana, na naging dahilan upang mapatingin ako sa kaniya at doon ko nakita na nakapikit na siya at may ngiti sa kaniyang mga labi.
“Hindi ko alam kung kailan noong huling beses na para bang may naramdaman akong ganito,” bulong niya sa kaniyang sarili, ngunit mukhang hindi nasiyahan si Demetrius doon sapagkat nakita ko kung paano kumuyom ang kamao nito. “Para bang napakapayapa ng lahat at walang problema sa kahit saan pa man.”
“Ilang taon na…” sabi ni Demetrius, na naging dahilan upang mapatingin ako muli sa kaniya, at doon ko nakita ang seryosong ekspresiyon sa kaniyang mukha. “Ilang daang taon na magmula noong may kapayapaan sa mundong ito, kaya naman paano niya masasabing nakapangungulilang isipin na nakikita niya ang ganitong lugar? Na para bang naranasan na niya na may kapayapaan pa sa mundong ito?”
Unti-unting nanlaki ang aking mga mata nang marinig ko iyon kay Demetrius. Sa pagkakataong iyon, hindi ko na alam pa kung sino sa kanilang dalawa ang aking paniniwalaan. Hindi ko na alam kung ano pa ba ang panghahawakan ko sapagkat kung totoo man ang mga sinasabi nila, may mali roon at alam kong iyon ang napansin ni Demetrius kay Alana.
Akmang magtatanong ako sa kaniya, sa dahilan kung bakit hindi niya nais maging mabait pagdating sa babaeng kasama na’min ngayon, ngunit bago ko pa man maibuka ang aking bibig, nakarinig kaming tatlo nang pagtatalo sa hindi kalayuan sa kinaroroonan na’min.
Sabay kaming napalingon ni Demetrius sa lugar na pinanggalingan ng sigawan na iyon, at si Alana naman ay napasinghap na para bang takot na takot siya sa bigla na lamang nangyari, kaya naman agad ko siyang dinaluhan at inalalayan.
“Alana?” patanong kong pagtawag sa kaniyang ngalan, ngunit nanatili siyang nakatingin sa direksiyon ng nagtatalong mga taong iyon nang may malalaking mata – na para bang hindi niya inaasahan na may ganoong bagay ang nangyayari ngayon. “Ano ang nangyayari, Alana?”
Hindi ko mawari kung bakit bigla na lamang siya nagkaganoon sapagkat alam ko naman na na sanay na siyang makakita nang ganoon. Alam ko rin na hindi iyon dahil sa kapayapaan ng lugar na ito, sapagkat kung tutuusin ay halos ganito rin naman ang bayan na pinagmulan niya.
Alam ko na may ibang dahilan kung bakit ganoon na lamang ang kaniyang reaksiyon. Alam ko na may dahilan kung bakit ganoon na lamang ang labis na gulat niya, na para bang may mali sa kaniyang mga nakikita sa ngayon – na para bang kinakabahan siyang makita na may nangyayari sa tahanan na iyon.
“Linnea…” sambit niya sa isang pangalan na ngayon ko lamang narinig mula sa kaniya.
Hindi rin iyon pamilyar sa akin, kaya naman hindi ko masabi kung nakilala ko na siya sa aking nakaraan o hindi pa. Hindi ko alam kung sino ang taong iyon, ngunit nahihinuha ko na baka iyon ang kaibigan na sinasabi ni Alana sa aming dalawa ni Demetrius kanina.
“Alana, ayos ka lamang ba?” tanong ko sa kaniya, ngunit nagulat na lamang ako nang bigla na lamang niya binaklas ang aking pagkakahawak sa kaniya at bigla na lamang siya tumakbo sa lugar na iyon. “Alana!” pagtawag ko pa sa kaniyang ngalan, ngunit para bang bingi ito at hindi ako naririnig.
Nagkatinginan kaming dalawa ni Demetrius nang dahil sa bigla na lamang nitong ginawa, bago kami tumango sa isa’t-isa at sumunod sa lugar na tinakbuhan ni Alana – sa lugar kung saan patuloy na nagkakagulo ang mga tao sa lugar na ito.
Akala ko ay hindi ako makakikita nang ganitong bagay sa loob ng bayang ito, ngunit mukhang mali ako nang maisip ko iyon sapagkat nakikita ng aking mga mata kung paano nakipagtatalo ang isang lalaking may katandaan na sa isang babae, na kalmado pa ring nakatingin sa lalaking iyon na para bang hindi niya alintana ang galit nitong tono.
Tumatakbo pa rin kami ni Demetrius patungo sa lugar na iyon, at unting-unting lumaki ang aking mga mata nang makita ko na para bang pagbubuhatan na ng kamay ng lalaking iyon ang babaeng kasagutan niya – kani-kanina lamang.
Akala ko ay wala nang sasagip sa babaeng iyon at tuluyan na itong masasaktan ng lalaking iyon, ngunit bigla na lamang kumabog ang aking dibdib nang makita ko na pumagitna si Alana sa kanilang dalawa. Nakita ko kung paano ito tumingin nang napaka-sama sa lalaking iyon, na para bang hindi niya gusto ang ginawa noon sa babaeng sa tingin ko ay nagngangalang Linnea.
“Huwag na huwag mong sasaktan ang aking kaibigan,” sambit ni Alana sa malamig na tinig ng kaniyang boses, na naging dahilan upang muntikan na akong manginig at matakot sa kaniya, ngunit pinigilan ko ang aking sarili habang nakatingin lamang sa nangyayari.
Nakahanda naman ako sa kung anong mangyayari. Kung pati si Alana ay sasaktan ng lalaking iyon, sisiguraduhin ko na hindi niya magagawa ang bagay na iyon. Hinding-hindi ko hahayaan ang lalaki na iyon na gawin ang bagay na nais niya.
“Umalis ka sa lapastangan na iyan!” sigaw ng lalaking iyon, na para bang nanggagalaiti na ito sa kaniyang galit. “Hindi niya ako nirespeto! Hindi niya nakita ang aking gustong makita! Ano ang alam mo, ha?”
Para namang walang pakialam ang babaeng nasa likuran pa rin ni Alana, at ngayon ay napabuntong hininga pa na para bang hindi niya alintana ang galit na galit na lalaking iyon – na para bang wala lang sa kaniyang ang mga bagay na ito.
“Ilang beses ko bang uulitin sa iyo na sinabi ko lamang sa iyo ang aking nakita sa aking bisyon?” tanong nito sa lalaking ngayon ay para bang umuusok na sa galit, ngunit hindi pa rin nagpatinag ang babaeng iyon at nagkibit balikat pa na para bang wala talaga siyang pakialam. “Ano namang magagawa ko kung hindi ka naman talaga nais makasama ng…”
“Tama na!” Muntik na kong mapaigtad nang marinig ko ang pagsigaw ng lalaking iyon, at nanlaki ang aking mga mata nang makita ko na akmang susugurin na niya ang babaeng iyon. “Ang sinabi ko ay tama na! Hindi mo ba ako naiintindihan?”
Iigkas na sana ang kamao ng lalaking iyon at alam ko na tatama iyon kay Alana kahit na ano pa man ang gagawin nitong ilag, kaya naman minabuti ko nang pumunta at pumagitna sa kaguluhan na iyon – kahit na pinipigilan ako ni Demetrius sapagkat sabi niya ay hindi mainam na ako ay makisama pa sa gulo na iyon.
Hindi ko siya pinakinggan at nagpatuloy lamang ako sa pagtakbo hanggang sa ginamit ko ang aking mga kamay upang mapigilan ang kaniyang kamao na tumama kay Alana.
Narinig ko ang pagsigaw at pagsinghap ng mga taong nasa paligid na’min, ngunit hindi ko rin iyon pinansin habang matiim akong nakatingin sa lalaking nasa harapan ko na ngayon at may masamang tingin sa akin.
“Hindi ko hahayaang saktan mo ang babaeng ito.”