Naririto ako ngayon sa labas ng tahanan ni Alana. Nakakaya ko nang makalakad makalipas ang ilang araw na nanatili ako sa loob ng silid na iyon na siya lamang ang nag-aalaga sa akin at gumagamot sa aking mga sugat na aking natamo sa hindi ko malamang dahilan.
Ilang araw na ang lumipas ngunit tila ba hindi ko pa rin mawari kung saan ba ako nanggaling. Wala pa rin akong maalala kahit na isang ala-ala ko sa aking nakaraan. Kahit na ang mahika na sinabi sa akin ni Alana ay tila ba hindi ko pa rin maalala hanggang sa ngayon. Kahit na ang aking pangalan ay hindi ko pa rin maalala hanggang sa ngayon.
Kahit na ano ang gawin kong pilit, tila ba hindi ko magawang alalahanin ang kahit na isang pangyayari man lang sa buhay ko, kahit na ang dahilan kung bakit ko natamo ang sugat na iyon ay isa pa ring malaking misteryo para sa akin, at para na rin kay Alana, na hanggang ngayon ay hindi pumapayag na pumunta kahit saan dahil ayon sa kaniya, ako ay hindi pa rin lubos na gumagaling sa aking sugat na natamo.
Malaki ang pasasalamat ko sa kaniya sapagkat hindi niya talaga ako iniwan, o di kaya ay ipinaalis sa kaniyang tahanan, dahil sa kagustuhan niyang makita na ako ay lubusan nang gumaling at hindi na nangangailangan pa ng tulong ng iba. Kahit na ano ang pilit ko sa kaniya na makakaya ko na, hindi pa rin siya pumapayag at sinabi pa niya na kailangan ay tuluyan munang maghilom ang aking mga sugat bago ako umalis sa kaniyang tahanan.
Sa ngayon, hindi ko mawari kung saan tumungo si Alana nang magpaalam siya sa akin nitong umaga na may pupuntahan lamang siya. Malapit na ang dapit hapon, ngunit hindi pa rin siya bumabalik hanggang sa ngayon. Wala rin akong naririnig na kahit na ano mula sa kaniya, ngunit hindi ko magawang mag-alala sa kaniya sapagkat may isang bagay na gumulo sa aking isipan; isang bagay na kaniyang sinabi nitong umaga lamang.
Kaming dalawa ni Alana ay nag-uumagahan pa lamang ng mga oras na iyon. Nakasanayan na rin kasi namin na magkasabay na nag-uumagahan magmula noong nakatatayo na akong muli sa aking hinihigaan. Nakasanayan na rin namin na mag-usap sa tuwing kami ay sabay na kakain sa hapagkainan, ngunit tila ba may nagbago ngayon sapagkat hindi man lang bumigkas ng kahit na isang salita si Alana sa akin.
Nanatili lamang siyang nakatingin sa kaniyan pagkain, at hindi man lang niya ako tinapunan nang kahit na anong tingin na para bang may nagawa akong mali at naging dahilan upang umakto siya nang ganito sa aking harapan.
Tila ba hindi ako sanay na ganito siya sa akin. Siguro iyon ay dahil sa nakasanayan na talaga namin ang mag-usap sa kung ano mang bagay na aming maiisip, kahit na minsan ay maikli lamang iyon dahil para bang isa akong sanggol ngayon na walang kaalam-alam sa kahit na isang ala-ala sa aking buhay. Ngunit kahit na gayon pa man, hinding-hindi kami nagkaroon ng ganitong klaseng umaga. Hindi kami nagkaroon kailanman ng katahimikan na ganito, na para bang ako talaga ay may kasalanan at naging dahilan upang hindi siya tumingin sa akin kahit na ilang segundo man lang.
Akmang magsasalita ako upang itanong sa kaniya kung may mali ba talaga akong nagawa, ngunit bago ko pa man magawa ang bagay na iyon, narinig ko siyang nagsabi, “Ambrose,” na naging dahilan upang mapatigil ako sapagkat tila ba napaka-pamilyar ng salitang iyon sa akin.
Iyon ay tila ba kasama sa mga ala-ala ko na hindi ko pa rin maalala hanggang sa ngayon. Tila ba ang isang salitang iyon ay isa sa mga magiging dahilan upang maalala ko ang mga bagay na nangyari sa akin, na hanggang ngayon ay hindi pa rin nabalik sa akin kahit na ano ang aking gawin.
“Ambrose.”
Ang salitang iyon. Ang tinig ng babaeng bigla na lamang pumasok sa aking isipan nang sambitin ni Alana ang salitang iyon, na para bang iyon ay ilang beses ko nang narinig sa aking nakaraan; na para bang ang salitang iyon ay napaka-pamilyar sa akin, ngunit nang pilitin ko ang aking sarili na alalahanin kung kailan ko narinig ang salitang iyon, walang pumasok na kahit na ano sa aking isipan.
“Maaari mo bang ulitin ang iyong sinabi?” tanong ko sa kaniya, habang pinipilit kong kalmahin ang aking sarili kahit na sa loob ko ay tila ba sumikdo ang aking puso, dahil hindi ko inaasahang may maaalala akong isang bagay sa aking buhay; at iyon ay dahil lahat sa pamilyar na salitang sinambit sa akin ni Alana kani-kanina lamang.
“Ambrose,” sambit niyang muli, ngunit sa pagkakataong ito, tila ba naririnig ko ang boses ng babaeng nasa aking isipan.
Sa mga panahong iyon, hindi ko mawari ngunit sa tingin ay para bang parehong-pareho sila ng tinig ng boses ni Alana. Hindi ko maisip kung bakit, ngunit sa tingin ko ay ang babaeng nasa isipan ko ng mga panahong iyon, na walang mukha at boses lamang, at si Alana na nasa harapan ko ng mga oras na ito ay iisa lamang.
“Ayos lamang ba kung iyon ang pangalang itatawag ko sa iyo?” tanong n’ya sa akin nang sa unang pagkakataon ng umagang iyon, tumingin na siya sa aking direksiyon. “Maaari bang iyon na lamang ang itawag ko sa iyo? Ngayon ko lang kasi napagtanto na para bang hindi kita tinatawag sa kahit na anong pangalan, kaya naman naisip ko na bigyan ka muna ng isang ngalan habang hindi mo pa naaalala ang iyong tunay na pangalan.”
Hindi ko alam kung bakit, ngunit unti-unti akong tumango upang payagan s’ya na iyon ang itawag n’ya sa akin. Iyon ay kahit na hindi ko pinag-isipang mabuti kung maaari niya ba talaga akong tawagin sa pangalan na iyon, ngunit kahit na gayon pa man, hindi ko na mababawi pa ang aking pagsang ayon sapagkat nakita ko kung paano ngumiti nang napaka-labis si Alana.
“Kung gayon ay magmula ngayong araw, tatawagin na kitang Ambrose,” sabi pa n’ya, at tumango na lamang akong muli kahit na tila ba hindi ko pa rin maintindihan ang lahat, at ang aking isipan ay nasa ibang dako nakapanig.
Tila ba bigla na lamang na-blanko ang aking utak at hindi ko mawari kung kailan at saan ko napakinggan ang salitang iyon. Ang nanatili sa aking isipan ay ang pamilyar na boses na iyon ng isang babae na tila ba siya ang kumakausap sa akin ngayon at hindi si Alana.
Hindi. Mali. Hindi niya napalitan si Alana sapagkat ang napaka-lumanay n’yang boses, ang pagbigkas n’ya sa katagang iyon, at higit sa lahat, tila ba ang babaeng nasa harapan ko ngayon at ang tinig ng babaeng bigla ko na lamang naalala nang dahil sa salitang iyon ay iisa lamang.
Hindi ko alam kung bakit, ngunit tila ba naiisip ko na iisa lamang silang dalawa. Hindi ko mawari kung bakit ko naiisip ang bagay na ito, kahit na ang sabi sa akin ni Alana noong nagising ako ay kailanman ay hindi n’ya ako nakita. Sinabi pa n’ya na ito ang una naming pagkikita at napakaimposibleng hindi n’ya maalala kung minsan sa kaniyang buhay ay nagkita kaming dalawa. Sinabi niya na hinding-hindi n’ya makalilimutan kung sakali mang nangyari talaga ang bagay na iyon, bago pa man kami nagkita nang dahil sa insidenteng iyon.
Ngunit kahit na gayon pa man, hindi ko maalis sa aking isipan na s’ya at ang babaeng iyon ay iisa. Hindi ko maalis sa aking isipan na tila ba siya ay nagsinungaling noong una kaming nagka-usap nang tungkol dito. Tila ba s’ya ay may tinatagong lihim na hindi niya nais ibunyag sa akin kahit na ano pa man ang mangyari.
Ngunit... ngunit, bakit kailangan n’yang gawin ang bagay na iyon? Bakit kailangan n’yang maglihim sa akin tungkol sa aking pagkatao? Bakit kailangan n’yang magsinungaling tungkol sa katotohanan kahit na may alam pala siya ukol sa aking katauhan?
Sa aking isipan, at sa aking pananatili sa kaniyang tahanan, kailanman ay hindi ko naisip na maaari s’yang magsinungaling. Kailanman ay hindi sumagi sa aking isipan na maaari niyang gawin sa akin ang ganoong mga bagay, sapagkat nakita ko kung gaano siya kabait. Nakita ko kung paano niya ako tinanggap dito nang buong-buo, kaya naman hindi ko kailanman inisip na maaaring naglihim s’ya sa akin tungkol sa aking totoong katauhan.
Ngunit kung ganoon nga ang nangyari, bakit kailangan pa n’yang umaktong tila ba wala siyang alam? May dahilan ba s’ya para gawin ang bagay na iyon? Kung mayroon man, ano ang dahilan na iyon? Bakit kailangan niyang gawin ang bagay na iyon?
Bakit kailangan pang umabot sa ganito ang lahat?