Napakaraming tanong sa aking isipan. Napakaraming bagay ang naglalaro sa aking isip na tila ba hindi ko na mawari kung ano ba ang dapat kong gawin. Gulong-gulo na ako, ngunit wala rin naman akong magawa upang tanggalin ang lahat nang ito sa aking isipan dahil hindi ko rin mawari kung paano ko sasagutin ang aking mga katanungan.
Nais kong tanggalin ang lahat ng bagay na gumugulo sa aking isipan, ngunit gayon pa man, hindi ko mawari kung ano ang dapat kong gawin. Hindi ko alam kung ano ang nararapat kong gawin, dahil tila ba hindi talaga gusto ni Alana na malaman ko ang katotohanan.
Nararamdaman ko na may tinatago siyang lihim. Nakikita ko na nais niya itong gawing isang sikreto sa akin, ngunit hindi ko pa rin maisip kung bakit kailangan niya iyong gawin. Hindi ko pa rin maisip kung bakit kailangang humantong sa ganito ang lahat, at hindi ko rin naman siya matanong dahil lagi na lamang niya akong iniiwasan sa tuwing bubuksan ko ang usapan na iyon.
Hindi ko napigilan ang aking pagbuntong hininga habang tinatanaw ang mga kabahayan na nalalapit lamang sa tahanan ni Alana. Kanina pa ako naririto dahil inakala ko na magiging malinaw ang aking kaisipan pagkalipas ng ilang mga oras na pananatili ko sa puwestong ito, ngunit tila ba hindi ito nakatulong sa akin - hindi man lang nawala ang mga tanong sa aking isipan, at mukhang mas dumami pa ang aking mga katanungan habang ako ay nakatanaw lamang sa labas ng kaniyang tahanan.
Wala na naman si Alana sa loob ng kaniyang tahanan. Sa katunayan, nitong mga nakaraang araw magmula noong tinawag niya ako sa ngalang ‘Ambrose,’ naramdaman ko na tila ba siya ay umiiwas sa akin. Tila ba alam niya na ako ay magtatanong ng mga bagay-bagay na tungkol sa kaniya, kaya naman mas minabuti na lamang niya na umalis upang hindi niya masagot ang aking mga katanungan.
Hindi katulad noong mga unang araw ko sa kaniyang tahanan, ngayon ay madalang ko na lamang siyang makita. Ni hindi na nga siya sumasabay sa aking pag-aagahan - hindi tulad noong nakaraan na lagi siyang nasisiyahan sa tuwing ako ay kaniyang aanyayahan sa kaniyang hapag kainan. Hindi na rin niya ako masyadong kinakausap - hindi katulad noong mga unang araw ko rito na labis ang kaniyang pagtatanong kung may naaalala na ba ako o di kaya naman ay tinatanong niya ako kung naghilom na ba ang aking mga sugat.
Alam ko na ako ay kaniyang iniiwasan. Alam ko na nahinuha niya na nais kong magtanong tungkol sa mga ala-ala na nakita ko noong araw na ‘yon, at mukhang iyon ang naging dahilan upang iwasan niya ako nang ganito. Iyon ang naging dahilan upang talikuran niya ako nang ganito na para bang hindi kami nakatigil sa iisang tahanan.
Tila ba nag-aalala siya sa mga bagay na aking itatanong sa kaniya, ngunit hindi naman niya iyon kailangang gawin kung wala siyang tinatagong lihim sa akin, hindi ba? Hindi niya kailangang iwasan ako nang ganito kahit na wala pa naman akong tinatanong sa kaniyam, hindi ba?
Muli akong napa-buntong hininga nang maisip ko ang mga bagay na iyon, dahil tila ba hindi pa rin matatahimik ang isipan ko kung wala akong gagawin tungkol dito. Tila ba hindi ito matitigil kung wala akong hakbang na gagawin.
Alam ko na kinakailangan na naming mag-usap. Alam ko na kinakailangan ko nang magtanong kay Alana kahit na ano pa man ang mangyari, dahil nahihinuha ko na hindi ako matitigil sa pag-iisip hanggang hindi ko nakukuha ang mga sagot na nais kong marinig mula sa kaniya - hindi ito matitigil hanggang hindi ko nalalaman ang lihim na pilit niyang itinatago sa akin.
“Kailangan ko nang makausap sa Alana ngayong araw rin,” bulong ko sa aking sarili habang nakatingin pa rin ako sa mga kabahayan na malapit lamang sa tahanan ni Alana. “Kailangan kong malaman kung bakit niya kailangang itago ang bagay na ito, kahit na iyon ay may kaugnayan sa ala-ala kong hindi ko pa rin maalala hanggang sa ngayon.”
Kahit hindi niya sabihin, at kahit tikom ang kaniyang bibig, alam ko na ito ay may kaugnayan sa aking nakaraan. Alam ko na may bagay siyang hindi sinasabi sa akin na konektado sa aking mga naburang ala-ala. Alam ko na ginagawa niya ang bagay na ito, dahil sa hindi ko malamang kadahilanan - sa kadahilanang siya lamang ang nakaaalam.
Hindi ko alam kung ilang oras akong nanatili sa iisang puwesto na iyon. Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nakatitig lamang sa kawalan habang iniisip ang mga bagay na patuloy na gumugulo sa aking isipan. Hindi ko alam kung gaano ako katagal na namalagi sa puwestong iyon, bago ako nakarinig ng pamilyar na boses ng taong patuloy pa rin akong inaalagaan kahit na ako ay kaniyang iniiwasan.
“Kanina pa kita tinatawag, Ambrose,” sabi niya sa akin na nakapagpagising sa aking isipan.
Tumingin ako sa direksiyon kung saan ko narinig ang kaniyang boses, at ganoon na lamang ang gulat ko nang makita ko ang bahid ng pag-aalala sa kaniyang mukha. Nakita ko kung paano siya tumingin sa akin na tila ba natatakot siya na baka may nangyari na sa akin habang siya ay nasa labas ng kaniyang tahanan.
“Ayos ka lang ba?” tanong niya sa akin nang tuluyan na siyang lumapit kung saan ako naroroon at naramdaman ko na lamang ang pagdampi ng kaniyang palad sa aking noo na tila ba pinakikiramdaman niya kung ako ay may sakit.
Tumango ako sa kaniya at sa hindi ko malamang dahilan, basta ko na lamang hinawakan ang kaniyang kamay na kanina lamang ay nasa aking noo. Sa hindi ko malamang dahilan, hinawakan ko iyon nang napaka-higpit na tila ba nais kong pagaanin ang kaniyang loob - tila ba nais kong tanggaling ang pag-aalala niya para sa akin.
“Ayos lamang ako, Alana,” sabi ko sa kaniya at binigyan ko siya nang ngiti upang hindi na siya mag-alala pa sa akin. “Wala namang nangyari noong lumabas ka ng iyong bahay. At saka hindi naman ako umalis dito sa tahanan mo. Ni hindi ko nga namalayan na hapon na pala dahil napaka-lalim ng aking iniisip.” Sinubukan kong magbiro sa kaniya upang pagaanin ang kaniyang loob, at mukha namang gumana iyon dahil nakita ko kung paano siya ngumiti sa akin.
“Mabuti naman,” sabi niya sa akin na para bang nakahinga siya nang napakaluwag, at mukhang napagtanto rin niya kung gaano kami kalapit sa isa’t-isa dahil nakita ko kung paano nanlaki ang kaniyang mga mata at pilit niyang inalis ang aking pagkakahawak sa kaniyang kamay, ngunit hindi ko siya hinayaang umalis.
Hindi ko siya hinayaang makalayo sa akin at mas lalo ko pang hinigpitan ang aking pagkakahawak sa kaniyang mga kamay. Hinigpitan kong maigi ang aking pagkakahawak sa kaniyang kamay na tila ba hindi ko ninanais na siya ay makalayo sa akin – ngunit ang katotohanan ay alam kong muli niya akong iiwasan. Alam ko na muli na naman niya akong hindi kakausapin, at hindi ko maaaring gawin ang bagay na iyon.
Hindi ko siya hahayaang iwasan akong muli dahil gusto ko talagang malaman ang kaniyang nalalaman tungkol sa akin. Nais ko siyang tanungin ng mga bagay na ilang araw nang gumugulo sa aking isipan – mga bagay na alam kong siya lamang ang makasasagot sa akin. Mga bagay na nais niyang ilihim, sa kadahilanang hindi ko pa rin mawari hanggang sa ngayon.
“Maaari ba tayong mag-usap kahit na sandali lamang?” Nakita ko ang gulat na bumalatay sa kaniyang mukha na para bang hindi niya inaasahan na maririnig niya ang bagay na iyon mula sa akin, ngunit wala akong pakialam.
Hindi ko pinansin ang ekspresiyon na nakita ko sa kaniyang mukha. Hindi ako nagpadala sa mga bagay na nais niyang gawin dahil alam ko na gagawin lamang niya iyon upang mawaksi ang aking isipan sa bagay na nais kong itanong sa kaniya. Alam ko na babaguhin lamang niya ang takbo ng aming usapan. Alam ko na gagawin niya lamang iyon upang hindi ako makapgtanong sa kaniya, at hinding-hindi ko siya hahayaan na gawin ang bagay na iyon sapagkat nais ko talagang malaman ang nasa kaniyang isipan.
Nais kong malaman ang mga bagay na kaniyang tinatago sa akin – mga bagay na nalalaman niya tungkol sa akin ngunit mas pinili niyang ilihim. Nais kong malaman kung bakit niya ginagawa ang bagay na ito, sa anong kadahilanan – dahil alam ko na hindi siya basta-basta lamang magtatago ng isang lihim.
Alam ko na hindi siya katulad ng mga taong nais lamang maglihim dahil may mga bagay silang makukuha kapag ginawa nila ang bagay na iyon. Alam ko na hindi siya katulad ng mga taong iyon, dahil sa ilang araw na ako ay nanatili sa kaniyang tahanan, nakita ko kung paano siya mag-alaga sa akin.
Nakita ko kung paano siya mag-alala sa akin, pati na rin sa mga bagay na nangyayari sa lugar na ito, dahil kahit hindi niya sabihin, alam ko na magulo ang bayan na ito – alam ko na hindi ito payapang lugar dahil sa bawat pagsapit ng gabi na malalim ang aking iniisip, naririnig ko ang hiyaw ng mga tao na tila ba nangangailangan sila ng tulong, tulong na hindi ko rin maibigay sa kanila sapagkat alam ko sa sarili ko na kahit ako ay nangangailangan din ng tulong.
“May kailangan ka ba?” tanong niya sa akin makalipas ng ilang minuto na kami lamang ay nakatingin sa isa’t-isa.
Tumango ako muli sa kaniya upang sagutin ang kaniyang tanong, habang ang aking mukha ay biglang sumeryoso na tila ba hinahanda ko na ang aking sarili upang kausapin siya – tila ba hinahanda ko na ang aking mga tanong, kahit na hindi ko alam kung talaga bang sasagutin niya ako nang tapat.
Ipinapanalangin ko na sana sa pagkakataong ito, wala na siyang ililihim sa akin. Ipinapanalangin na sa pagkakataong ito, sasagutin niya talaga ang mga tanong ko nang walang pag-aalinlangan dahil nais ko talagang malaman ang mga bagay na alam niya tungkol sa akin – nais kong marinig mismo sa kaniyang bibig kung bakit kailangan pang humantong sa ganito ang lahat.
Nais kong malaman kung bakit kailangan pa niyang ilihim sa akin ito, kahit na alam niyang nais kong malaman ang katotohanan tungkol sa aking nakaraan – kahit na alam niyang desperado akong malaman kung bakit ako nagising nang may ganoong sugat at wala man lang maaalang kahit na anong pangyayari sa aking buhay.
“Maaari ba tayong mag-usap?” tanong ko sa kaniya nang may seryosong ekspresiyon sa aking mukha. Nakita ko kung paano nagbago ang tingin sa kaniyang mga mata na tila ba handa na siyang umiling at sabihing hindi niya ako gustong kausapin, ngunit hindi ko hahayaan na ang bagay iyon ay mangyari. “Ilang araw na rin magmula noong huli tayong nagkausap,” pagdadahilan ko sa kaniya bago ko siya nagtama ang aming mga tingin. “Maaari ba taong magka-usap kahit na sandali lamang?”
Akala ko sa pagkakataong ito, muli siyang iiling at magdadahilan upang hindi niya ako makausap. Akala ko ay gagawa siya ng paraan upang hindi ako makapagtanong sa kaniya, kaya naman ganoon na lamang ang aking gulat nang makita ko siyang tumango bilang pagsang-ayon sa aking sinabi.
“Sige,” sabi pa niya sa akin at pinigilan ko ang panlalaki ng aking mata dahil hindi ko talaga inaasahan na siya ay papayag sa aking gusto. “Ngunit, maaari mo ba muna akong bitiwan?” tanong pa niya, at alam kong hindi ako namamalikmata nang makita ko na para bang nasaktan siya sa sarili niyang sinabi, ngunit hindi ko na iyon pinansin pa kahit na muli na naman akong naguluhan nang dahil doon. “Sa tingin ko ay makapag-uusap tayo nang maayos kung magkaharap tayong dalawa at hindi ganito.”
Agad ko namang naintindihan ang nais niyang sabihin, kaya naman binitiwan ko na ang kaniyang kamay at hinayaan siyang pumili ng lugar kung saan kami mag-uusap. Pinagmasdan ko na lamang siya habang siya ay gumagalaw sa loob ng kaniyang sariling tahanan, at nang makapili na siya ng lugar kung saan kami nag-uusap, doon lamang ako tumayo sa aking kinauupuan upang lumipat sa upuang nasa harapan lamang niya.
Ilang minuto pa kaming tahimik lamang na nakaupo roon – tila ba parehas kaming nag-iisip kung ano ang dapat naming sabihin – tila ba ito lamang ang unang beses na kami ay magkakausap, kahit na ang totoo ay iniiwasan lamang niya ako nitong mga nakaraang araw.
Hindi ko alam kung hanggang kailan kami magiging ganoon, kaya naman mas minabuti ko nang magsalita na dahil mukhang wala siyang balak sabihin sa akin. Mukhang napagdesisyonan na niya na itikom ang kaniyang bibig upang wala na siyang masabi sa akin na kahit ano – upang mapigilan niya ang kaniyang sarili sa pagsasabi ng kung ano man sa akin.
“Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa,” sabi ko sa kaniya matapos kong huming nang napaka-lalim na tila ba hinahanda ko pa rin ang aking sarili sa usapan na ito. “May nais akong itanong sa iyo, Alana, at sa pagkakataong ito, nais kong malaman ang katotohanan kaya naman nakikiusap ako na huwag mong ilihim ang kahit na ano mang bagay na nais kong malaman mula sa iyo.”
Tinitigan ako nang maigi ni Alana na tila ba pinag-iisipan niya ito nang mabuti, ngunit narinig ko rin ang kaniyang pagbuntong hininga makalipas lamang ang ilang minutong pagtingin sa aking mga mata na tila ba may hinahanap siya roon, ngunit nang mapagtanto niya na hindi niya makikita ang bagay na iyon sa aking mga mata, napa-buntong hininga na lamang siya at nag-iwas ng tingin sa akin.
“Hindi ko maipapangako na masasagot k ang lahat ng katanungan na nasa iyong isipan ngayon, Ambrose.” Matigas ang kaniyang pagkakasabi sa katagang iyon na tila ba buo ang kaniyang loob na hindi niya masasabi sa akin ang lahat ng tanong na nasa aking isipan ngayon.
Tinignan ko siya nang matiim habang inoobserbahan ko ang kaniyang ekspresiyon sa mukha, bago ko sinabing, “Kung gayon ay may nalalaman ka nga tungkol sa akin.”
Nagkatitigan kami matapos kong sabihin iyon na para bang inoobserbahan naming ang isa’t-isa. Tila ba nais naming malaman ang iniisip ng isa’t-isa ngunit alam naming pareho na hindi namin iyon magagawa dahil wala kaming kakayahan nan katulad noon.
Hindi ko alam kung ilang minuto pa kaming nagtitigan, hanggang sa napagpasyahan na niyang iiwas ang kaniyang tingin sa akin habang siya ay napa-buntong hininga na tila ba hindi na niya mawari kung ano ang dapat niyang gawin – tila ba nasa isipan niya pa rin ang hindi pagsasalita tungkol sa kaniyang nalalaman sa aking nakaraan.
“Hindi ko masasabi sa iyo ang nais mong marinig ngayon,” sambit niya, na iki-kunot ng aking noo sapagkat hindi ko maintindihan ang nais niyang ipahiwatig. “Hindi ko masasabi ang aking nalalaman sapagkat hindi pa ito ang panahon upang malaman mo ang mga bagay na ito.”
Mas lalo pa akong naguluhan nang marinig ko iyon mula sa kaniya. Mas lalong dumami ang katungan sa aking isipan at alam ko na hindi ko ‘yon masasagot sa araw na ito – alam ko na hindi ko mahahanap ang sagot na nais kong malaman dahil mukhang desidido siyang itikom ang kaniyang bibig ‘ukol sa katotohanang aking inaasam.
Ngunit kahit na gayon pa man ang nangyayari ngayon, kahit na alam ko nang wala akong makukuhang sagot mula sa kaniya, hindi ko pa rin maiwasang magtanong sa aking isipan. Hindi ko pa rin maiwaksi ang kaguluhan dahil hindi ko mawari kung bakit kinakilangan niyang gawin ang bagay na ito.
Bakit kailangan pa niyang hintaying mangyari ang ganito? Bakit sinasabi niya na hindi ito ang tamang panahon upang malaman ko ang katotohanan? Bakit tila ba ang tinatago niyang lihim ay ganoong kaimportante na kailangan pang humantong sa ganito ang lahat? Bakit tila ba may hinihintay siyang pagkakataon, ang tamang panahon, upang masabi niya sa akin ang lahat ng kaniyang nalalaman?
Tinatanong ko ang aking sarili. Ang aking isipan ay puno ng kaguluhan at mga bagay na alam kong hindi ko kailanman masasagot, at habang nangyayari ang bagay na iyon, bigla ko na lamang naramdaman ang pagdampi ng isang kamay sa aking mga pisngi na tila ba nais ng taong iyon na ako ay kumalama at tanggalin ang kaguluhan sa aking isipan.
Tumingin ako sa may ari ng kamay na iyon, at hindi na ako nagulat pa nang makitang si Alana ang taong gumawa ng aksiyon na iyon. May malambot itong tingin na para bang may nais siyang sabihin sa akin ngunit pinipigilan pa rin niya ang kaniyang sarili. Tila ba nais niyang ibuka ang kaniyang bibig upang magsabi ng mga salitang nais kong marinig mula sa kaniya, ngunit nakikita ko rin kung paano niya pinipigilan ang kaniyang sarili.
Wala siyang sinabi malipas ang ilan pang mga minuto. Kahit na nakatitig ako sa kaniya at naghihintay ng mga salita mula sa kaniyang, bibig wala pa rin siyang sinabi at tumingin lamang siya sa akin nang may labis na kalungkutan sa kaniyang mukha.
Hindi ko mawari kung bakit ganoon siya makatingin sa akin. Hindi ko mawari kung bakit lagging may kaakibat na lungkot ang kaniyang mga mata sa tuwing kami ay magkakausap. Hindi ko mawari kung bakit para bang may nagawa akong mali sa kaniya, at hindi niya lamang ito sinasabi sa akin.
Ngumiti siya, ngunit alam ko na iyon ay may kaakibat na sakit na nakapagpagulo sa aking isipan, ngunit mas lalo pa akong napaisip nang dahil sa mga sumunod niyang sinabi sa akin.
“Hindi pa ngayon ang araw na iyong hinihintay.” Nakita ko ang isang butil ng luhang bigla na lamang namilabis mula sa kaniyang mga mata. “Hindi pa ngayon ang takipsilim na ating pinaka hihintay.”