Nanatiling tikom ang bibig ni Alana. Kahit na ilang beses ko pa siyang tanungin tungkol sa kaniyang nalalaman, mas pinipili pa rin niya ang manahimik at iwasan ako kaysa sa sabihin niya ang totoo.
Hindi ko pa rin mawari kung bakit kinakailangan pa niyang gawin ang bagay na iyon, kahit nakikita niya nang desperado akong malaman ang totoo. Hindi ko maisip ang dahilan kung bakit niya kailangang gawin ang bagay na ito, ngunit nahihinuha na ko na baka ito ay may kaugnayan sa akin – naisip ko na ginagawa niya ang bagay na ito upang protektahan ako sa isang bagay na hindi ko alam kung ano iyon.
Kanino niya ako kailangan protektahan at kailangang umabot sa ganito ang lahat? Bakit kailangan niya pang ilihim ang kaniyang nalalaman tungkol sa akin? Nang dahil ba ikapapahamak ko iyon? O baka may isa pa siyang dahilan upang mapagdesisyunan niyang gawin ang bagay na ito kahit na gusting-gusto ko nang malaman ang totoo tungkol sa aking sarili.
Higit sa lahat ng kaniyang ginawa nitong mga nakaraang araw na naririto lamang ako sa loob ng kaniyang tahanan, hindi ko pa rin maisip kung bakit nagpanggap siyang walang alam sa akin noong una kong magisnan ang kaniyang mukha.
Hindi ko pa rin mawari kung bakit kinakailangan pa niyang ilihim na nakikilala niya ako, kahit na tila ba nasasaktan siya sa kaniyang sariling ginagawa – kahit na nakikita ko sa kaniyang mukha na nahihirapan siya sa kaniyang ginagawa.
Kahit na hindi pa niya sabihin sa akin, alam ko na may kaakibat na lungkot sa kaniyang mga mata sa tuwing nagtatanong ako sa kaniya at napipilitan siyang itago ang kaniyang nalalaman. Nakikita ko ang sakit na kaakibat ng lungkot na iyon sa tuwing umiiwas siya sa akin kapag pinipilit ko siyang sabihin sa akin ang kaniyang nalalaman.
Nais kong magtanong sa kaniyang muli, ngunit sa tuwing maaalala ko ang lungkot sa kaniyang mga mata habang nakikita niya ang kaguluhan sa aking mukha, para bang kumikirot ang aking dibdib at mas pinipili ko na lamang ang manahimik kahit na kabaligtaran noon ang aking nais na gawin.
Para bang sa tuwing ako ay lalapit sa kaniya at makikita ko ang lungkot sa kaniyang mga mata, nararamdaman ko rin ang sakit na kaniyang nararamdaman. Tila ba may koneksiyon kaming dalawa na hindi ko maalala – na isa sa mga dahilan kung bakit mas pinili ko na lamang ang manahimik kaysa tanungin pa siyang muli.
Nararamdaman ko na hindi ko lamang siya basta nakilala noon. Nararamdaman ko na mas malalim pa ang ugnayan namin isa’t-isa, na nag-uudyok sa akin ngayon upang malaman ang totoo – ang isa sa mga dahilan upang naisin kong malaman pa ang katotohanan sa likod ng aking katauhan.
Nais kong malaman ang aming nakaraan. Ang katotohanan kung paano kami nagkakilala. Ang panahon kung kailan kami unang nagkita. At higit sa lahat, nais kong malaman ang koneksiyon sa kaniya – nais kong malaman kung bakit ganoon na lamang ang lungkot niya sa tuwing siya ay titingin sa akin na para bang may nais siyang makita sa akin, ngunit palagi siyang nabibigo na makita iyon.
Muli akong napa-buntong hininga nang maisip ko ang mga bagay na iyon, at muli akong tumitig sa labas ng tahanan ni Alana kahit na wala naman iyong naitutulong sa akin at mas lalo pa nga akong nag-iisip nang nag-iisip.
Tuluyan nang naghilom ang sugat na natamo ko sa hindi ko pa rin malamang dahilan. Tuluyan nang nawala ang sakit na lagi kong nararamdaman nang dahil doon, at iyon ay nag-iwan na lamang ng isang napaka-laking pilat sa aking dibdib.
Mas pinili ko na lang din na hindi na lamang pagtuunan iyon ng pansin dahil marami talaga akong kailangang isipin bukod pa sa sugat na iyon. Madaming gumugulo sa aking isipan ngayon, na naging dahilan upang hindi ko na nabigyan pa ng pansin ang sugat kong tuluyan na rin namang humilom.
Malaya na rin akong nakagagalaw nang hindi ko iniinda ang kahit na ano pa mang sakit, na aking labis na ipinagpapasalamat sapagkat alam ko na kailangan ko nang kumilos upang malaman ko ang katotohanan sa aking sarili. Kinakailangan ko nang gumawa ng hakbang upang malaman ko ang lahat ng ala-alang aking nakalimutan.
Alam ko na may kailangan na kong gawin, kaysa ikulong ko ang aking sarili sa loob ng tahanang ito. Alam ko na kailangan ko nang kumilos upang malaman ko ang mga bagay na ipinakatatago sa akin ni Alana, pati na rin ang mga bagay na hindi rin nito alam tungkol sa akin.
Kailangan ko nang gumawa ng paraan, dahil mukhang hindi talaga magsasalita si Alana kahit na ano pa man ang aking gawin. Mukhang mananatiling tikom ang kaniyang bibig kahit na ano pang salita ang aking sasambitin sa kaniya.
Hindi siya magsasalita. Hindi siya gagawa ng kahit na ano pa mang bagay na makapagsasabi sa akin ng mga bagay na kaniyang inililihim sa akin – ang mga bagay na inaasam kong maalala sa aking isipan.
Nais ko ring malaman ang kaugnayan ko sa kaniya, at kung hindi rin niya sasabihin at aaminin sa akin kung ano ba talaga ako para sa kaniya, naisip ko na kinakailangan kong gumawa ng hakbang upang malaman ko ang koneksiyon namin sa isa’t-isa – kailangan kong gumawa ng paraan upang malaman ko ang katotohanan tungkol sa kaniya.
Pagod na rin naman akong intindihin kung bakit kailangan niyang gawin ang bagay na ito. Gulong-gulo pa rin ako sa dahilan na kaniyang sinabi noong araw na ‘yon. At hangang sa ngayon, hindi ko pa rin mawari kung ano ang nais niyang sabihin sa akin noong araw na ‘yon.
“Hindi pa ngayon ang takipsilim na ating pinaka hihintay.”
Ang mga katagang iyon na nagmula mismo sa kaniyang bibig. Ang lihim na mensaheng alam kong sinabi niya sa akin noong araw na ‘yon na magpasa-hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mawari kung ano ang nais nitong ipunta.
Ang lahat ng sinabi niya noong una’t huling beses na nagsalita siya tungkol sa bagay na kaniyang nalalaman sa akin – kahit na hindi ko mahinuha ang katotohanan sa misteryosong mga katagang iyon, ang lahat nang iyon ay nakatatak sa aking isipan dahil pakiwari ko’y sa bawat araw na magdadaan, malalaman at malalaman ko ang katotohanan.
Naisip ko na hindi malayong darating din ang araw na kaniyang sinabi sa akin noong araw na iyon. Nahinuha ko na tila ba may hinihintay siyang mangyari, kaya naman nananatiling tikom ang kaniyang bibig tungkol dito.
Ngunit kahit na ganoon nga ang kaniyang dahilan kung kaya’t hindi siya makapagsalita ngayon, hindi ko alam kung mahihintay ko ba ang araw na iyon. Hindi ko alam kung kaya kong maghintay nang mas matagal pa rito na tila ba wala akong alam – kahit na ang katotohanan ay nakalimutan ko lamang ang lahat ng aking ala-ala.
Hindi ko alam kung malapit na nga ba ang araw na kaniyang pinaka hihintay, at hindi ko rin alam kung makakaya ko bang maghintay pang muli kahit na alam kong may magagawa naman akong hakbang upang malaman ko ang katotohanan.
Kaya naman napagdesiyonan kong gumawa ng sariling hakbang. Napagdesisyonan kong gumalaw na dahil tila ba wala rin naman akong magagawa kung maghihintay lamang ako rito sa kaniyang tahanan.
Alam ko na walang mangyayaring maganda kung patuloy lamang akong tititig sa labas ng kaniyang tahanan na tila ba nawalan na agad ako ng pag-asa, kahit na wala pa naman akong ginagawa.
Hindi ko hahayaang mangyari ang bagay na iyon. Hindi ako basta-basta lamang uupo rito nang walang ginagawa kahit na may bagay akong alam kong kaya kong gawin upang malaman ko ang katotohanan tungkol sa aking katauhan.
“Kailangan kong gumawa ng paraan upang malaman ko ang totoo.”
Ang katotohanang hindi niya nais sabihin sa akin. Ang katotohanang pinaka tatago niya sa hindi ko malamang dahilan. Ang katotohanang pilit niyang inililihim, kahit na hindi ko alam kung bakit kinakailangan niyang gawin ang bagay na iyon.
Muli na naman akong napa-buntong hininga, bago ko napagpasiyahan na maglakad-lakad muna sa loob ng tahanan ni Alana, at nang hindi pa ako nakuntento sa aking ginagawa, napagpasiyahan kong lumabas ng kaniyang tahanan sa unang pagkakataon magmula noong nagmulat ako ng aking mga mata.
Akala ko ay makikita ko kung gaano kapayapa ang lugar na ito, dahil iyon ang aking nakikita sa tuwing ako ay tatanaw sa kaniyang bintana, ngunit laking gulat ko na lamang nang makita ko kung gaano kagulo ang buong bayan kung saan naninirahan si Alana.
Kahit saan ako tumingin ay nagkakagulo ang mga tao, na para bang hindi nila alam ang salitang payapa. Nakikita ko kung paano sila mag-agawan ng mga pagkain na tila ba hindi sapat ang mga tinda nila rito sa kanilang pamilihan. Mapa-bata man o matanda, walang pinipiling kahit sinuman habang patuloy silang nag-aagawan sa mga tinapay na sa tingin ko ay ipinamigay na lamang ng isang nagtitinda rito sa pamilihan.
Sa kabilang dako naman, nakikita ko kung paanong nakaupo lamang ang mga kalalakihan at nag-iinuman na tila ba walang kaguluhan na nangyayari sa kanilang paligid. Patuloy lamang din ang pagtawa nila na tila ba siyang-siya sila sa kanilang pinag-uusapan habang ang mga taong nasa paligid nila ay patuloy na lumalaban para sa kanilang buhay.
Naririnig ko rin ang pag-iyak ng ilan sa kanila na para bang tuluyan na lamang silang nawalan ng pag-asa – na tila ba alam na nilang wala na talagang magbabago sa lugar na ito, sa lugar kung saan akala ko ay napaka-payapa sapagkat iyon ang bagay na aking nakikita sa tuwing tatanawin ko ang kabuuan ng bayan na ito.
Parang may pumiga sa aking puso habang patuloy lamang ako sa paglalakad patungo sa lugar na hindi ko rin mawari kung saan, sapagkat nakikita ko sa aking bawat paghakbang ang kaguluhan na nangyayari sa bawat sulok ng bayan na ito. Nakikita ko ang paghihirap na dinadanas ng bawat tao rito, sa isang dahilan na wala rin akong kaalam-alam sapagkat inaakala ko na magiging kalmado ako kapag ginawa ko ang bagay na ito.
Akala ko ay magiging maayos ang aking pag-iisip at mawawala ang aking mga alalahanin kapag ako ay lumabas ng kaniyang tahanan, ngunit tila ba kabaligtaran noon ang nangyari sapagkat nakaramdam ako ng kakaibang sakit habang patuloy akong tumitingin sa nangyayari sa lugar na ito.
Nais kong umiwas ng tingin upang hindi ko na makita pa ang mga nangyayari, ngunit kahit na gawin ko pa ang bagay na iyon, alam ko na makikita at makikita ko pa rin ang nangyayari sa lugar na ito sapagkat kahit saan ako tumingin, may iba’t-ibang klase ng pangyayari ang aking nakikita.
Kahit saan mapabaling ang aking tingin, may kaguluhan na patuloy pa ring nangyayari na tila ba hindi talaga nila alam ang salitang payapa. Kahit saan ako mapatingin, nakikita ko kung paano nila sinusubukang mabuhay kahit na alam nilang ito rin ang makikita nila sa araw-araw.
Hindi ko alam kung itutuloy ko pa ba ang aking paglalakad kahit na alam kong ang bigat-bigat na ng aking dibdib nang dahil sa aking nakikita. Hindi ko alam kung makakaya ko pa bang ipagpatuloy ito sapagkat tila ba nasasaktan ako sa aking mga nakikita, ngunit bago pa man ako makapagdesisyon para sa aking sarili, narinig ko na may tumawag sa aking ngalan.
Mabilis akong napatingin sa taong iyon, at hindi na ako nagulat pa nang makita ko na si Alana iyon na ngayon ay may pag-aalala na naman sa kaniyang mukha habang nakatingin sa akin. Lumapit pa nga ito sa akin na para bang hindi siya makapaniwala na ako ay nasa labas ng kaniyang tahanan.
“Ano ang ginagawa mo rito?” tanong niya sa akin nang may labis na pagtataka sa kaniyang boses na para bang hindi niya mawari kung bakit ako nasa parte ng lugar na ito, kahit na hindi nanman ako pamilyar sa bayan na ito.
“Nais ko sanang makapag-isip-isip,” sabi ko sa kaniya at hindi ko na itinago pa ang katotohanan kung bakit ko napagdesisyonan na lumabas ng kaniyang tahanan. Muli na naman akong napatingin sa mga nangyayari sa bawat sulok ng bayan na ito, na naging dahilan upang ako ay mapa-buntong hiningang muli. “Nais ko sanang tanggalin ang kaguluhan sa aking isipan ngunit…”
“Ngunit hindi mo inaasahan na ganito ang iyong magigisnan sa iyong paglabas ng aking tahanan,” pagtatapos niya sa aking dapat sasabihin, na naging dahilan upang tumango at muling napabuntong hininga.
Muli siyang napangiti nang malaman niyang tama ang kaniyang nahinuha, ngunit mabilis rin niya iyong nabura at napalitan nang masayang kislap sa kaniyang mga mata – ang unang beses na nakita ko ang ganoong ekpresiyon sa kaniyang mukha sapagkat lagi na lamang may kaakibat na lungkot sa kaniyang mga mata sa tuwing kami ay magkikita.
“May alam akong lugar kung saan walang gulo ang nangyayari,” sabi niya sa akin na nakakuha ng aking atensiyon, at mukhang nakita rin niya na naging interesado ako sa kaniyang sinabi sapagkat nakita ko kung paano mas lumapad ang kaniyang ngiti. “Halika ay sasamahan kita sa lugar na iyon.”
Hindi na ako nagtanong pang muli nang makita kong nauna na siyang maglakad kaysa sa akin, at mas pinili ko na lamang na sundan siya nang tahimik habang may maliit na ngiti sa aking labi sapagkat nakikita ko talaga na nasisiyahan siya na makapupunta siya sa lugar na kaniyang sinasabi.
Akala ko ay mananatili siyang tahimik habang kami ay naglalakad patungo sa lugar na kaniyang tinutukoy, ngunit nagkamali pala ako sapagkat narinig ko siyang magsalita na tila ba siyang-siya talaga siya sa lugar na iyon.
“Pinupuntahan ko lamang ang lugar na ito sa tuwing alam ko na gulong-gulo na ang aking isipan,” sabi niya sa akin, na muling nakakuha ng aking atensiyon at napagdesisyunan ko na pakinggan ang kaniyang sinasabi. “At sa tingin ko ay makatutulong ito sa iyon ngayon.”
Nakita ko ang pagbabago ng ngiti sa kaniyang labi, na tila ba alam niya ang mga bagay na aking iniisip. Tila ba alam niya na iyon ay may kaugnayan sa kaniya, na naging dahilan upang mas itikom ko pa ang aking bibig upang hindi ako makapagsabi ng mga salitang alam kong makasasakit lamang sa kaniya.
Hindi na rin siya nagsalita matapos ‘yon at naglakad na lamang siya sa aking tabi habang tinutunton naming ang lugar na kaniyang sinasabi. Ilang minuto rin kaming ganoon lamang, hanggang sa marating namin ang lugar na kaniyang tinutukoy.
“Naririto na tayo,” sabi niya pa sa akin, habang ako naman ay ipinalibot ang tingin sa lugar na kaniyang sinasabi kani-kanina lamang.
Isa iyong ilog na napapalibutan ng iba’t-ibang bulaklak at mga ligaw na d**o. Makikita rin ang papalubog na araw na mas lalong napagpaganda sa lugar na ito.
Hindi ko maiwasang mamangha sapagkat hindi ko inaasahan na sa gitna ng bayan na puno ng gulo at kahit saan ka man tumingin ay napakaraming kaguluhan ang nangyayaro, ay mayroon pa rin itong angking gandang natatago. Tila ba isa itong paraiso sa gitna ng lugar na puno ng kaguluhan.
“Napakaganda ng lugar na ito,” hindi ko mapigilang sabihin ang katagang iyon sapagkat namamangha talaga akong makita na may lugar na katulad nito sa loob ng bayan na puno ng kaguluhan. “Para bang nasa iba akong lugar.”
Tumingin ako kay Alana at doon ko lamang napansin na siya ay nakatingin na sa akin nang may masayang ngiti sa kaniyang mga labi na para bang labis siyang nagagalak na ako ay natuwa sa lugar na ito.
Inanyayahan pa niya ako na samahan siya sa paglalakad sa tabing-ilog na iyon, na agad ko namang sinang-ayunan sapagkat nais ko pang makita ang lugar na iyon – at habang kami ay patuloy na naglalakad sa kahabaan ng ilog na iyon, doon ko lamang naalala ang aking iniisip nitong mga nakaraang araw.
Tinignan ko muli si Alana, habang inaalala ko ang aking desisyon na alam kong kinakailangan kong gawin upang malaman ko ang katotohanan sa likod ng aking mga nakalimutang ala-ala.
Mukhang napansin din niya ang aking mga titig, dahil lumingon siya sa aking direksiyon nang may nagtatanong na tingin, ngunit kahit na ganoon na ang nangyari, hindi pa rin ako umiwas ng tingin at patuloy ko pa rin siyang tinitigan na para bang pinag-iisipan ko pa ang aking mga sasabihin sa kaniya.
“May nais ka bang sabihin sa akin?” tanong niya sa akin nang siya ay tumigil sa paglalakad, kaya naman ginawa ko rin ang bagay na iyon habang patuloy pa rin akong nakatitig sa kaniya.
“Sa katunayan, may nais akong ipagtapat sa iyo,” sabi ko sa kaniya nang may seryosong tono sa aking boses.
Nakita ko kung paano siya natigilan nang dahil doon, ngunit mabilis din niya iyong tinago na para bang wala lang iyon sa kaniya – ngunit alam ko na kinabahan siya dahil sa tono ng aking boses.
“Ano iyon?” tanong niya sa akin, at hindi na niya naitago pa ang takot sa kaniyang boses na tila ba kinakabahan siya sa aking sasabihin sa kaniya.
Hindi ko nilihis ang aking tingin sa kaniyang mga mata, bago ko sinabing, “Nais ko nang umalis sa iyong tahanan. Nais kong malaman ang katotohanan tungkol sa nangyari sa akin, at naisip ko na baka ito ang magiging sagot upang malaman ko talaga ang totoo.”