Ito na ang araw na aking pinaka hihintay. Ang araw kung kailan kailangan ko nang umalis sa tahanan ni Alana sapagkat kinakailakangan ko nang gumawa ng hakbang upang malaman ko ang katotohanan tungkol sa aking sarili – hakbang na makapagsasabi sa akin ng mga ala-alang aking nakalimutan.
Naalala ko pa ang aming pinag-usapan noong una kong kinausap si Alana tungkol ditto. Naalala ko pa noong araw na ‘yon kung kailan dinala niya ako sa tabing ilog na iyon dahil sinabi niyang makatutulong iyon sa akin upang makapag-isip nang maayos, upang matanggal ko ang kaguluhan sa aking isipan, ngunit iba ang aking ginawa at tila ba nasaktan ko siya nang sabihin ko ang mga katagang iyon nang walang pag-aalinalangan.
“Nais ko nang umalis sa iyong tahanan. Nais kong malaman ang katotohanan tungkol sa nangyari sa akin, at naisip ko na baka ito ang magiging sagot upang malaman ko talaga ang totoo.”
Ang mga katagang iyon ang naging dahilan upang makita ko ang ekspresiyon sa kaniyang mukha na ayaw na ayaw kong nakikita sa kaniya. Ang lungkot sa kaniyang mga mata pati na rin ang mapait na ngiti sa kaniyang mga labi na tila ba inaasahan na niya ito – ngunit hindi pa rin iyon sapat upang makapaghanda siya sa sakit na alam niyang mararamdaman sa oras na sabihin ko ang mga katagang iyon.
“Ganoon ba?” sabi niya sa akin, ngunit alam ko na may kakaiba sa tinig ng kaniyang boses nang sambitin niya ang dalawang salitang iyon – alam ko na hindi lamang sa imahinasyon ko na narinig kong tila ba pinipigilan niya ang pagtulo ng kaniyang mga luha nang dahil sa sinabi ko.
Ngunit kahit na sa gayon pa man, kahit na alam kong nasasaktan siya sa aking desisyon na umalis sa kaniyang tabi, hindi pa rin magbabago ang aking desisyon na umalis.
Hindi pa rin magbabago ang aking nasa isipan na kailangan kong maglakbay upang hanapin ang aking nawawalang ala-ala. Hindi pa rin magbabago na kailangan ko itong gawin kahit na ang sagot sa lahat ng katanungan sa aking isipan ay nasa harapan ko lamang.
Hindi ko na lamang inisip iyon, sapagkat alam ko na rin namang hindi siya magsasalita kaya naman mas pinili ko na lamang na sagutin ang kaniyang katanungan at ipaliwanag sa kaniya nang mabuti kung bakit kailangan ko itong gawin, kahit na alam kong alam na niya kung bakit napagdesisyunan ang bagay na ito.
Alam kong nahinuha na niya kung bakit kailangan kong gawin ang bagay na ito. Alam kong may ideya na siya kung bakit napagdesisyunan kong umalis sa kaniyang tahanan kahit na napaka-buti ng kaniyang pagtanggap sa akin.
“Naisip ko na baka ito na ang maging sagot upang malaman ko ang katotohanan sa aking katauhan,” pagpapaliwanag ko sa kaniya, bago ako muling naglakad patungo sa direksiyon na hindi ko rin alam kung saan.
Naramdaman ko rin ang pagsunod niya sa akin na para bang nais niyang marinig nang maayos ang aking sasabihin, kaya naman binagalan ko ang aking paglalakad upang maka-sabay siya sa aking bawat paghakbang.
“Naisip ko na baka mas makabubuti sa akin kung iikutin ko ang mundong ito upang malaman ang katotohanan tungkol sa aking sarili,” sambit ko pa sa kaniya, bago ako tumingin sa kaniya upang makita ang kaniyang ginagawa, ngunit tila ba nagsisi ako dahil hindi ko gusto ang aking nakita sa kaniyang mga mata.
May lungkot pa rin sa kaniyang mga mata, ngunit tila ba mas malala ito ngayon dahil tila ba iiyak na siya anumang oras magmula ngayon. Tila ba may kumirot sa aking puso habang pinagmamasdan ko ang ekspresiyon sa kaniyang mukha. Tila ba pinipiga ang aking puso dahil hindi ko makayang makita siyang ganoon.
“Iyon ay kung ayos lamang sa iyo na gawin ko ang bagay na iyon,” dagdag ko pa dahil hindi ko talaga makayang makita na may ganoong tingin siya sa kaniyang mga mata. “Dahil kung hindi naman, ay ayos lamang sa akin dahil alam ko kung gaano mo ako inalagaan habang ang aking sugat ay naghihilom.”
Tumingin siya sa akin, bago niya sinabing, “Hindi ka pa rin talaga nagbabago,” na tila ba may nais siyang ipunto tungkol sa akin – na nakapagpa-kunot ng aking noo sapagkat hindi ko mawari ang nais niyang ipahiwatig.
Umiwas siya ng tingin sa akin na para bang hindi niya gusto na makikita ko ang ekspresiyon sa kaniyang mukha, ngunit tila ba ginawa niya rin iyon upang pakalmahin ang kaniyang sarili – upang hindi siya makapagsabi sa akin nang kahit na ano na alam niyang may kaugnayan sa kaniyang nalalaman na nais niyang ilihim sa akin.
Mukhang hindi na rin niya itutuloy pa ang kaniyang sinasabi kani-kanina lamang dahil mas pinili na lamang niya na tumahimik sa aking tabi habang patuloy kaming naglalakad patungo sa kung saan man.
Patuloy lamang kami sa paglalakad nang tahimik at wala ni isa sa amin ang nagsasalita, kaya naman inakala ko na magiging ganoon lamang kami hanggang sa mapagdesisyunan na niya na kami ay bumalik na sa kaniyang tahanan.
Akala ko ay magiging ganoon lamang kami hanggang sa makabalik kami sa lugar kung nasaan kami kanina, ngunit tila ba nagkamali ulit ako sapagkat narinig ko siyang napa-buntong hininga na para bang naisip na niya kung ano ang dapat niyang sabihin sa akin.
“Nais mo ba talagang umalis sa aking tahanan?” tanong niya sa akin sa mababang boses na tila ba natatakot siyang lumabas ang emosyon na kaniyang pinaka tatago sa akin.
Tumigil muli ako sa paglalakad, bago ko inilapat ang aking kamay sa kaniyang buhok na tila ba nais ko siyang pakalmahin – tila ba nais kong pagaanin ang kaniyang loob – kahit na hindi ko alam kung bakit iyon ang bagay na aking ginawa na para bang normal lamang sa akin na gawin ang bagay na iyon sa kaniya – para bang hindi na ito bago sa aming dalawa, na mas lalong ikinagulo ng aking isipan.
“Nais ko lamang malaman ang totoo.” Nginitian ko siya upang pagaanin pa lalo ang kaniyang loob, ngunit nakikita ko na pinipigilan lamang niya ang kaniyang sarili na ipakita ang tunay na emosyon na nararamdaman niya nang mga oras na ‘yon. “At kagaya ng sinabi ko kanina lamang, naisip ko na baka ito ang maging susi upang maalala ko na ang aking nakaraan.”
Tumingin siya sa aking mga mata, at sa pagkakataong ito, hindi ko mawari kung anong emosyon ang nakikita ko sa kaniyang mukha. Hindi ko mahinuha ang kaniyang iniisip, kaya naman hinintay ko na lamang siya na magsalita habang patuloy pa rin ang pagdampi ng aking kamay sa kaniyang mahabang buhok.
Ilang minuto pa niya akong pinagmasdan. Ilang minuto pa kaming nasa ganoong posisyon, bago ko makita ang unti-unting pagsilay ng ngiti sa kaniyang mga labi – isang ngiti na kailanman ay hindi ko inaasahang makita sa kaniyang mukha, isang ngiti na para bang nagpapahiwatig na ako ay kaniyang pakakawalan upang upang magawa ko ang aking kagustuhan.
“Kung iyan ang iyong gusto,” sabi niya sa akin, habang nakita ko ang pagpatak ng isang butil ng luha mula sa kaniyang mata ngunit nagawa pa rin niyang ibigay sa akin ang mga ngiti na iyon – ngiting kailanman ay alam kong hindi ko malilimutan. “Sa tingin ko naman ay makakaya mo nang gawin iyon dahil naghilom na ang iyong sugat, kaya naman hindi kita pipigilan sa iyong nais na gawin.”
Nakita ko na para bang napipilitan siya sa kaniyang sinasabi, ngunit bago pa man ako makapagsalita nang tungkol doon, humakbang na siya papalayo mula sa akin at tumalikod na tila ba hindi na niya nais na makita ang aking mukha. Tila ba alam niyang hindi niya mapipigilan ang kaniyang sarili kung hindi niya gagawin ang bagay na iyon.
“Sa tingin ko ay kailangan na nating umuwi,” sabi niya sa akin paglipas ng ilang minuto na tinititigan ko lamang siya. Lumingon siya nang saglit sa aking direksiyon bago niya ako binigyan ng ngiti bago niya sinabing, “Sabihin mo na lamang sa akin kung kailan ka aalis upang makapaghanda ako sa araw na iyon.”
Matapos niyang sabihin iyon sa akin, tuluyan na siyang naglakad papunta sa kaniyang tahanan, kaya naman ganoon na rin ang aking ginawa kahit na may gusto pa akong sabihin sa kaniya.
Hindi na lamang ako nagsalita at nagpatuloy sa pagsunod sa kaniya noong araw na ‘yon at magpasa-hanggang ngayon, naguguluhan pa rin ako sa mga nararamdaman ko sa tuwing kasama ko siya.
Naguguluhan pa rin ako at hindi ko mahinuha kung bakit ako nagkakaganito, ngunit hindi ko na lamang iyon pinansin sapagkat naisip ko na baka kaakibat lamang iyon ng mga ala-ala kong hindi ko pa rin maalala hanggang sa ngayon.
Naisip ko na malalaman ko rin ang dahilan sa oras na makahanap ako ng paraan upang maalala ko na ang lahat ng nangyari sa aking nakaraan, kaya naman hindi ko na rin siya kinausap nang tungkol doon.
Mas pinili ko na lamang ang pag-aralan ang mapa na nakita ko sa kaniyang tahanan upang malaman ko kung saan ako maaaring pumunta. Mas pinili ko na lamang ang pagtuunan ng pansin ang aking pag-alis sapagkat alam ko na hindi ito magiging madali.
Hanggang sa araw na ito, ang araw kung kailan ako aalis sa kaniyang tahanan, may mga bagay pa rin akong pinaghahandaan ngunit naisip ko na mas makabubuting pag-isipan ko na lamang iyon habang ako ay naglalakbay sa mundong ito kaysa naman mas maguluhan pa ako habang nandito pa ako sa tahanan ni Alana.
“Nasaan nga pala si Alana ngayon?” tanong ko sa aking sarili sapagkat ngayon ko lang napagtanto na siya ay hindi ko pa nakikita magmula kaninag umaga – na nakapagtataka sapagkat lagi siyang naririyan sa tuwing hahanapin ko siya.
Nang isipin ko ang bagay na iyon, umikot ako sa kabuuan ng kaniyang tahanan upang malaman ko kung nasaan siya, ngunit kahit na ako ay lumabas na upang tignan kung nasa bayan ba siya, wala siya sa kahit saan.
Hindi ko siya makita, na nakapagpa-lungkot sa akin sapagkat ito ang huling oras na maaari ko siyang makita bago ako maglakbay sa mundong ito upang malaman ko ang totoo.
Hindi ko mapigilan ang pagkadismaya ko sapagkat tila ba hindi ko rin siya makikita sa huling pagkakataon, dahil alam ko na na matagal pa bago ko siya muling makita. Alam ko na hindi magiging madali sa akin ang paghahanap ng katotohanan, kaya naman nais ko talaga siyang kausapin ngayong araw din.
Mamaya na ang aking paglisan sa bayan na ito. Plano ko nang pumunta sa tabing bayan upang maghanap ng kung ano mang makapagtuturo sa akin ng katotohanang nais kong malaman, kaya naman gusto ko nang makausap si Alana ngayon dahil alam ko nang magiging abla na ako mamaya.
Alam ko na hindi ko na maaasikaso ang bagay na ito, at maaaring makaligtaan ko pa ito kung hindi ko pa gagawin ngayon. Alam ko na maaaring hindi ko na siya makausap mamaya, ngunit kahit na ano pa ang aking gawin, hindi ko talaga siya makita sa kahit na anong parte ng kaniyang tahanan.
Umikot muli ako sa pangalawang pagkakataon, ngunit hindi ko talaga siya makita sa kahit saan. Tinanaw ko pa nga ang bahayan na malapit sa kaniyang tahanan, ngunit hindi ko pa rin siya makita kahit na ano ang aking gawin – hindi ko pa rin mawari kung saan siya nagpunta kahit na alam na niyang ngayong araw ako aalis.
Nais ko nang magpaalam sa kaniya at mangako na siya ay aking babalikan pagkatapos kong malaman ang lahat, ngunit tila ba hindi naaayon sa akin ang tadhana dahil wala siya sa loob, o kahit sa labas, ng kaniyang tahanan.
Gusto ko pa muling hanapin siya, ngunit kailangan ko pang titigan muli ang mapa na hiniling kong akin na lamang sa kaniya – na agad naman niyang sinang-ayunan sapagkat alam niya na kakailanganin ko talaga iyon.
Nais ko pa sanang hanapin kung saan siyang lugar na naroroon, ngunit alam ko na kailangan ko na talagang maghanda sa aking gagawing paglalakbay kaya naman mas minabuti ko na lamang ang maghanda para sa aking gagawin at napagpasiyahan ko rin na hintayin na lamang siya sa kaniyang pagbabalik.
Napagpasiyahan ko na lamang na maghintay sa kaniya, kahit na wala akong ka-ide-ideya kung saan siya nagpunta sa araw na ito – hindi ko mawari kung saan niya kailangang magpunta sa araw mismo kung kailan kailangan ko nang umalis.
Muli na naman akong napa-buntong hininga bago ko itinuon ang lahat ng aking atensiyon sa pagtingin sa mapa na aking hawak-hawak. Itinuon ko na lamang ang aking isip sa pagkakabisa ng mga daan na maaari kong tahakin sa oras na kailangan ko nang maglakbay.
Hindi ko alam kung ilang oras akong ganoon. Hindi ko alam kung hanggang kailan ako nakatingin sa mapang iyon, ngunit nakita ko na lamang na ang araw ay mataas na sa langit – isang indikasyon na kailangan ko nang umalis upang marating ko ang bayan na malapit lamang dito bago pa man magtakipsilim.
Napa-buntong hininga na lamang akong muli bago ko inilagay sa aking lalagyan ang mapa na kanina ko pa hawak-hawak, bago ako tumayo upang hanaping muli si Alana upang makapagpaalam sa kaniya.
Akala ko sa pagkakataon na ito ay makikita ko siya at kami ay mapag-uusap sa huling pagkakataon, ngunit tila ba nagkamali muli ako sapagkat hindi ko pa rin siya makita sa kahit saan. Hindi ko pa rin siya makita kahit na ano pa ang gawin kong hanap, at hindi ko mapigilan ang malungkot dahil nais ko talaga siyang makausap ngayon.
Muli akong bumalik sa loob ng kaniyang tahanan upang kuhanin ang aking mga gamit, sapagkat alam ko na kailangan ko nang umalis, ngunit hindi ko pa rin mapigilan ang aking sarili na mapalingon sa bawat parte ng kaniyang bahay – umaasa na siya ay aking makikita upang ako ay makapagpaalam na sa kaniya – ngunit tila ba nag-iisa talaga ako sa loob noon dahil napaka-tahimik ng kabuuan ng kaniyang tahanan, na muling nakapagpa-buntong hininga sa akin.
Naglakad-lakad pa ako sa loob ng kaniyang tahanan habang pinagmamasdan ang bawat sulok noon sapagkat alam kong naging parte na rin ito ng aking buhay – alam ko na isa ito sa mga lugar na nasa puso ko na sapagkat ito ang lugar na aking nagisnan matapos ang pangyayari na hanggang sa ngayon ay hindi ko pa rin matandaan.
Patuloy lamang ako sa pagtingin sa lugar na naging pamilyar na sa akin, at nang mapagpasiyahan ko nang kailangan ko na talagang umalis, muli akong bumalik sa lugar na kinauupuan ko kanina na para bang may hinihintay ako – na para bang hindi pa rin ako sumusuko at naghihintay pa rin sa kaniya.
Nais ko pa rin siyang makausap. Nais ko pa ring magpaalam sa kaniya, ngunit tila ba malabo na iyong mangyari sapagkat kahit na ano pa ang gawin kong hintay sa kaniya, hindi pa rin siya dumarating – kahit na ano pa ang aking gawin, hindi ko pa rin siya makita kung saan man siya nagpunta.
Muli pa akong naghintay nang ilan pang mga minuto, bago ko napagpasiyahan na kailangan ko na talagang umalis. Kailangan ko nang lisanin ang lugar na ito, kahit na wala pa siya sapagkat alam ko nang magiging delikado kung mas patatagalin ko pa itong paglalakbay na aking gagawin.
“Kailangan ko nang umalis, Alana,” sambit ko sa taong wala naman sa aking harapan, bago ako muling bumuntong hininga at inayos ang lahat ng kagamitan na aking dadalhin sa aking paglalakbay. “Ngunit nangangako ako na ako ay babalik sa oras na maalala na ko na ang lahat – sa oras na maalala na kita.”
Isang beses pa akong muling tumingin sa kabuuan ng kaniyang tahanan, bago ako lumabas ng lugar na iyon upang masimulan ko na ang paglalakad sa bayan na karatig lamang ng lugar na ito.
Unti-unti akong naglalakad patungo sa direksiyon ng bayan na iyon na nakita ko ayon sa mapa. Banayad ang aking paglalakad na para bang may hinihintay ako – na para bang kahit na ilang oras na akong naghintay sa kaniya, hindi pa rin ako sumusuko at hinihintay ko pa rin siya.
Ilang beses pa akong naglakad nang ganoon lamang, hanggang sa makarating na ako sa dulo ng bayan na iyon. Muli akong lumingon upang tignan kung wala nga ba talaga siya, at nang mapatunayan kong hindi na nga siya darating, pinilit ko na ang aking sarili na talikuran ang bayan na iyon habang ipinapangako ko sa aking sarili na siya ay aking babalikan sa oras na malaman ko na ang katotohanan sa likod ng aking mga nawalang ala-ala.
“Ipinapangako ko na ikaw ay aking muling babalikan, Alana,” sambit ko pa sa hangin sa pangalawang pagkakataon na para bang natatakot ako na hindi ko matutupad iyon – na para bang hanggang sa ngayon, ako pa rin ay nalulumbay dahil alam ko na wala talaga siya sa araw ng aking paglisan.
Muli akong naglakad patungo sa bayan na balak kong puntahan, ngunit napatigil ako nang may marinig akong pamilyar na boses sa aking likuran. Napatigil ako sa aking paglalakad na para bang sinisigurado ko na hindi ko lamang iyon imahinasyon at iyon ay ang katotohanan.
“Ambrose!” Narinig kong muli ang kaniyang tinig – ang tinig ni Alana, na nakapagpa-lingon muli sa akin at doon ko nakita na siya ay tumatakbo papalapit sa akin na para bang nagagalak na ako ay kaniyang naabutan sa lugar na ito.
“Alana.” Lumapit ako sa kaniya, at doon ko nakita ang ngiti sa kaniyang mga labi na para bang nasisiyahan siya na ako ay kaniyang naabutan at hindi pa nahuli ang lahat.
“May nais akong sabihin sa iyo,” sabi niya sa akin, na nakakuha ng buong atensiyon ko at mukhang nakita niya iyon sapagkat siya ay ngumiti sa akin bago niya sinabing, “Nais kong sumama sa iyong paglalakbay.”