Pilit kong tinitignan kung totoo ba ang aking nakikita. Muntik ko pa ngang hindi mapigilan ang aking sarili na pumikit-pikit sapagkat hindi ko talaga inaasahan na may makikita ko ang ganitong pangyayari sa gitna ng napaka-gulong bayan – hindi ko inaasahan na makakakita ako nang ganitong bagay sa lugar na ito.
Sa gitna ng kaguluhang ito. Sa gitna ng napakaraming pangyayari sa bayan na ito, hindi ko inaasahan na makakakita ako ng isang taong nagpapasaya sa mga tao gamit ang kaniyang mahika. Hindi ko inaasahan na makakakita ako nang ganito sapagkat nakatatak pa rin sa aking isipan ang mga sinabi ni Alana kani-kanina lamang.
Nakatatak pa rin sa aking isipan na wala na talagang makikita pang katahimikan sa bayan na katulad nito nang dahil sa kaguluhan na dinulot ng araw na iyon, ngunit habang ako ay nakatingin sa nangyayari sa aking harapan ngayon, nasisigurado ko na tila ba nagkamali siya nang sabihin niya ang bagay na iyon.
“Halika na!” sigaw ng taong nasa gitna ng mga mamamayan ng bayan na ito na nagkumpulan nang makita ng mga ito ang kaniyang ginagawa. “Pagmasdan ang mahikang aking taglay!” Muling naghiyawan ang mga tao nang bigla na lamang may lumabas na iba’t-ibang makukulay na ilaw mula sa kaniyang mga kamay.
“Hindi ko akalain na may makikita akong ganitong bagay sa bayan na ito,” sambit ni Alana na agad ko namang sinang-ayunan sapagkat hindi ko rin inaasahan na may ganitong pangyayari akong makikita sa lugar na ito.
Ang akala ko kasi ay puro kaguluhan na lamang ang aking makikita, sapagkat iyon ang sinabi ni Alana sa akin kanina. Hindi rin nakatulong na puro pag-aaway ang mga nakikita ko magmula noong pumasok ako sa bayan na ito, kaya naman sobrang laki ng gulat ko na makita ko na sa gitna ng napakaraming pangyayari sa lugar na ito, may isang tao ang nagpapakitang gilas sa mga mamamayan ng bayan na ito na para bang hindi niya iniinda ang mga nangyayari sa kaniyang paligid.
Patuloy lamang siya sa pagpapakitang gilas gamit ang kaniyang angking mahika, at tila ba ginagawa niya iyon upang malimutan ng mga taong nakapaligid sa kaniya ang mga nangyayari sa kaniyang lugar – na tila ba ginagawa niya iyon upang maibsan ng mga ito ang mga problema na alam kong kinahaharap nila nang dahil sa kaguluhang hindi pa rin nawawala hanggang sa ngayon.
“Atin siyang lapitan, Alana,” sabi ko kay Alana at nauna nang lumapit sa lalaking iyon na patuloy pa rin ang pagpapakitang gilas sa mga taong nakapaligid sa kaniya.
“Sandali lamang, Ambrose!” narinig kong sigaw ni Alana, bago ito tumakbo upang maabutan ako. Naramdaman ko rin ang paghawak niya sa aking braso na para bang pinipigilan niya ako sa aking balak na gawin. “Paano kung mapahamak tayo kapag lumapit tayo sa mga taong iyan?”
Lumingon ako sa kaniya at nakita ko ang labis na pag-aalala sa kaniyang mukha, na naging dahilan upang mapa-buntong hininga ako sapagkat alam ko na na sasabihin niya na mas makabubuti kung hindi na lamang kami magialam at maghanap na lamang kami ng lugar na maaari naming matirahan habang naririto kami sa lugar na ito.
“Halika na. Malapit nang magtakipsilim, Ambrose.” Pilit niya akong hinihila papalayo sa lugar na iyon, ngunit hindi ko siya hinayaang gawin iyon habang patuloy lamang ako sa paglalakad papalapit sa taong iyon. “Magiging delikado sa atin kung mananatili tayo sa labas at siguradong wala na tayong makikitang maaari nating tirahan kung mananatili tayo rito!”
“Nais kong makita ang kaniyang ginagawa,” iyon na lamang ang aking nasagot sa kaniya sapagkat nais ko talagang makita kung ano ang kayang gawin ng taong nasa harapan namin ngayon.
Nais kong makita kung ano pa ang makakaya niyang gawin, sapagkat may kung ano sa lalaking iyon na nakakuha ng aking atensiyon. May kung ano sa lalaking iyon na aking nakita at para bang may hinahanap ako sa lalaking iyon na alam kong makakaya nitong gawin, ngunit hindi ko rin naman alam kung ano ang bagay na hinahanap ko mula sa taong iyon – hindi ko rin mawari kung bakit ako nagkakaganito kahit na alam kong hindi nalalayo sa sinasabi ni Alana ang maaaring mangyari sa amin.
Hindi lingid sa aking kaalaman na maaari kaming mapahamak kung hindi pa kami makahahanap ng maaari naming matuluyan sa lugar na ito. Alam ko na sa bawat oras na naririto lamang kami sa lugar na ito, mas lalong lumalapit ang kapahamakan na kinakatakot ni Alana na mangyari, ngunit alam ko rin na kapag hindi ko nakita ang bagay na hinahanap ko sa lalaking patuloy pa rin na nagpapakitang gilas sa mga taong nasa paligid niya, alam ko na hindi mananahimik ang aking isipan.
Alam ko na patuloy ko lamang hahanapin ang bagay na nais kong makita rito, kahit na hindi ko talaga alam kung ano iyon. Alam ko na hindi ako mananahimik hanggang sa hindi ko nakikita ang mga nakakaya nitong gawin, sapagkat tila ba may tumutulak sa akin na makita ko ang lahat ng maaari nitong magawa gamit ang mahikang taglay nito.
“Ambrose!”
Pilit akong pinipigilan ni Alana na makalapit sa nangyayari sa aming harapan, ngunit hindi ako nagpapapigil at patuloy lamang ako sa paglapit. Patuloy kong ginagawa ang bagay na iyon, hanggang sa wala na siyang nagawa pa sapagkat tuluyan na kaming nakarating sa kinaroroonan ng lalaking iyon.
Hindi na siya nakaimik pa at pinagmasdan na lamang ang lalaking patuloy na nagpapakitang gilas sa harapan nang napakaraming tao, at alam ko na nangyari lamang iyon sapagkat napakagaling naman talaga ng lalaking iyon.
Patuloy siyang lumilikha ng mga makukulay na mga ilaw gamit ang kaniyang mga mahika, at pagkalipas lamang ng ilan pang mga minuto, may mga bagay na nabubuo gamit ang mahika na taglay nito.
Narinig ko ang pagkamangha ng mga tao sa paligid namin, at hindi nakatakas sa aking pandinig kung paano hindi napagilan ni Alana ang kaniyang pagkamangha sa mga nakikita niya sa lalaking iyon.
Tuluyan na akong napangiti pa nang dahil doon at pinili ko na lamang na patuloy na panoorin ang lalaking iyon na patuloy pa rin sa paggamit ng kaniyang mga mahika na para bang wala lamang iyon sa kaniya.
Nakikita ko rin sa mga mata at ngiti ng lalaki na iyon na siya ay labis na nasisiyahan sa kaniyang ginagawa. Nakikita ko na labis ang kaniyang saya habang patuloy na lumilikha ng kung ano-anong mga bagay na gamit lamang ang kaniyang angking mahika – gamit lamang ang kaniyang angking galing.
Muling nagpalakpakan ang mga tao sa paligid namin nang bigla na lamang may lumabas na tila ba mahiwagang ibon gamit ang mahika nito at iyon ay nagpaikot-ikot sa paligid ng mga taong patuloy na lumalapit sa kaniyang kinaroroonan.
Nagpalakpakan pa nga ang mga ito nang makita nila na bigla na lamang bumilis ang paglipad ng ibon na iyon hanggang sa mapunta iyon sa kinaroroonan namin ni Alana. Naghiyawan muli ang mga tao sa lugar na iyon na para bang nasisiyahan sila sa ibon na malapit na akong atakihin.
Naramdaman ko ang paghawak ni Alana sa aking braso na para bang naghahanda na siya sa kung ano mang maaaring mangyari sa aming dalawa, ngunit bago pa man tuluyan nga kaming atakihin ng ibon na iyon, bigla na lamang iyon tumigil at nagliwanag bago lumabas ang napakaraming paru-paro sa paligid ng ibon na iyon.
Muling narinig ang pagkamangha ng mga tao sa lugar na iyon, at hindi ko rin mapigilan ang aking sarili na mapangiti na para bang nasisiyahan ako sa nangyari. Naririnig ko ang palakpakan sa buong lugar, habang pinanonood namin kung paano lumipad sa kalangitan ang mga paru-paro na iyon hanggang sa tuluyan na iyong nawala.
“Ako si Demetrius!” Muli kaming napatingin sa lalaking may kagagawan ng lahat ng bagay na iyon, na ngayon ay nagpakilala sa ngalan na Demetrius. “At ito ang aking mahika.” May iba’t-ibang ilaw na naman na lumabas mula sa palad ng lalaking iyon, bago nagpalakpakan ang lahat.
Naririnig ko ang papuri ng mga taong nakapaligid sa lalaking iyon, at siya naman ay siyang-siya sa mga bagay na naririnig niya mula sa mga mamamayan ng lugar na iyon. Patuloy lamang ang mga ito sa pagbibigay ng papuri sa mga ginawa ng lalaking iyon, hanggang sa unti-unti nang nagsi-alisan ang mga ito na para bang naalala lamang nila na may iba pa silang gagawin bukod sa panonood sa lalaking nagngangalang Demetrius.
Nakita ko kung paano niya ipinalibot ang kaniyang tingin sa mga taong kani-kanina lamang ay pinanonood ang kaniyang mga kayang gawin, bago iyon tumigil sa akin na para bang nakuha ko ang kaniyang atensiyon sa kadahilanang hindi ko rin mawari kung ano.
“Halika na, Ambrose,” sambit ni Alana sa akin, bago niya hinila ang aking braso, ngunit hindi ako gumalaw sa aking kinatatayuan habang patuloy ko pa ring pinagmamasdan ang taong iyon na nagpakilalang si Demetrius.
Mukhang napagtanto rin ni Alana na hindi ko pa nais na umalis sapagkat narinig ko kung paano siya malakas na napa-buntong hininga bago niya sinabing, “Kailangan na na’ting humanap ng matutuluyan sapagkat malapit nang sumapit ang kadiliman!”
Naririnig ko ang inis sa bawat salitang binibitawan ni Alana, ngunit hindi pa rin ako gumalaw at hindi ko siya pinansin habang patuloy lamang ako sa pagtitig sa lalaking hindi rin inaalis ang tingin sa akin na para bang inoobserbahan niya ako – na para bang pinag-aaralan namin ang bawat isa.
“Demetrius ang iyon ngalan, tama ba?” biglang tanong ko sa kaniya na naging dahilan upang humigpit ang hawak ni Alana sa aking brason na para bang pinipigilan niya ako sa nais kong gawin – na hindi ko naman hinayaang mangyari sapagkat nais kong makilala pa ang lalaking nasa harapan ko ngayon.
“Ambrose!”
Sa hindi ko malamang dahilan, nais kong makilala ang lalaking nasa harapan ko ngayon. Hindi ko mawari kung bakit may ganito ako biglang naiisip, ngunit nais kong mas makilala pa ang lalaking ito na nagngangalang Demetrius.
“Oo. Ako si Demetrius.” Mayroong pagka-yabang sa pagkakasabi niya ng mga katagang iyon, ngunit hindi ako nainis o nagalit. Ang totoo nga n’an, sa hindi ko malamang kadahilanan, may ngiti sa aking mga labi habang pinakikinggan ko ang kaniyang mga sinasabi. “Ako ang pilit na bumabago sa bayan na ito.”
“Ambrose!” narinig ko na namang sabi sa akin ni Alana, at ngayon ay may talim ang kaniyang boses na para bang hindi na niya nagugustuhan pa ang aking ginagawa, ngunit kagaya nga ng aking sinabi kanina, hindi ako nagpapigil sa kaniya sapagkat nais ko pa ring makilala ang lalaking nasa harapan ko ngayon. “Baka ikapahamak pa natin kung patuloy pa tayong mananatili sa lugar na ito!”
Muli kong hindi pinansin si Alana at patuloy lamang ako sa pakikipag-usap kay Demetrius kahit na alam ko nang nagagalit na si Alana sa akin nang dahil sa aking ginagawa. Pinagpatuloy ko pa ang pakikipag-usap sa kaniya na para bang walang mali roon, kahit na alam kong hindi malayong mapahamak nga kaming dalawa ni Alana nang dahil sa aking mga pinaggagagawa.
“Maaari ba kitang makausap, Demetrius?” tanong ko sa kaniya, at mas lalo ko pang naramdaman ang paghigpit nang pagkakahawak ni Alana sa akin na para bang nais niyang sabihin sa akin na hindi magandang gawin ang bagay na katatanong ko pa lamang kay Demetrius – ngunit hindi na niya ako kailangan pang pangaralan sapagkat alam ko na hindi talaga magandang makipag-usap sa taong hindi namin lubusang kilala.
Alam ko na hindi maganda ang mga hakbang na aking ginagawa, ngunit tila ba may tumutulak talaga sa akin na gawin iyon. Tila ba may bagay na tumutulak sa akin at nagsasabing kausapin ko ang taong ito na para bang may kailangan akong malaman dito – na para bang may malaki itong koneksiyon sa mga bagay na aking hinahanap.
“Kung nais mo talagang makipag-usap sa akin…” Para bang napapaisip siya nang sabihin niya ang mga bagay na iyon, ngunit pagkalipas lamang ng ilan pang mga minuto, nagkibit-balikat na lamang ito at sinabing, “Bakit hindi?” bago ito napatingin kay Alana, na ngayon ko lamang napansin na may seryosong ekspresiyon sa kaniyang mukha. “Ngunit tila ba hindi gusto ng iyong kasama ang nais mong gawin.”
Muli akong tumingin kay Alana, at nakita ko na hindi na siya nakatingin sa akin. Nakatitig na lamang siya sa lalaking nasa harapan namin ngayon nang may kakaibang emosyon sa kaniyang mukha na hindi ko maipaliwanag kung ano iyon.
Tila ba inoobserbahan niya ang bawat galaw ng lalaking nasa harapan namin ngayon. Tila ba sinusukat niya ang tama at mali sa mga sinambit ko kanina, pati na rin ang mga kinikilos ng lalaki na nasa aming harapan ngayon, bago siya bumuntong hininga at tumingin sa aking mga mata.
“Nais mo ba talagang makausap ang lalaking iyon?” tanong ni Alana sa akin sa mababang boses, kaya naman agad akong tumango at sumeryoso ang aking mukha sapagkat nais kong ipakita sa kaniya na totoong nais ko na makausap si Demetrius kahit na ano pa man ang mangayri.
“May kung ano sa kaniya na nais kong malaman.” Bumulong ako kay Alana na para bang hindi ko nais na marinig ni Demetrius ang aming pinag-uusapan. “At saka, nais ko pa siyang makilala nang dahil sa hindi ko rin malamang kadahilanan.”
Palihim akong sumilip sa kinaroroonan ni Demetrius at nakikita ko na nakatitig lamang siya sa aming dalawa ni Alana na para bang hindi niya alintana kahit na alam niyang pinag-uusapan namin siya – kahit na alam niyang ginagawa namin ito sapagkat hindi namin gusto na marinig niya ang kahit na ano pa mang sinasabi naming dalawa ni Alana.
Muling napa-buntong hininga si Alana, bago niya iwinasiwas ang kaniyang mga kamay na para bang wala na siyang pakialam kahit na ano pa mang gawin ko, bago siya nagsalita sa boses na alam kong rinig na rinig ni Demetrius.
“Kung iyan ang iyong gusto, sa tingin ko ay ayos lamang sa akin na makipag-usap tayong dalawa sa kaniya,” sabi niya sa boses na para bang may pinagbabantaan siya, at hindi ko na kailangan pang mag-isip sapagkat alam ko na para kay Demetrius ang pagbabanta na iyon. “Basta huwag ka lamang magsisisi sa huli kung may mangyari mang hindi maganda.”
Tila ba hindi alintana ni Demetrius ang mga sinabi ni Alana sa akin sapagkat naroroon pa rin ang ngiti sa mga labi nito, habang nagkibit balikat pa siya na para bang hindi siya natatakot sa pagbabanta nito – na para bang wala siyang pakialam sa mga sinasabi ni Alan sa akin kahit na alam kong maaari talaga siyang makapanakit kung hindi ko siya mapipigilan.
“Kung sa gayon ay sa tingin ko sa tahanan ko na lamang tayo mag-usap,” sabi ni Demetrius sa aming dalawa ni Alana, bago ito naglakad papalayo na para bang nais nitong sumunod kami sa kaniya, ngunit nang maramdaman niya na hindi kami gumalaw sa aming kinaroonan, muli siyang tumigil at lumingon sa aming dalawa. “Malapit nang sumapit ang gabi at nasisiguro kong hindi niyo magugustuhan ang inyong makikita sa lugar na ito sa oras na dumilim na ang paligid.”
Nang dahil sa kaniyang mga sinabi, parehas kaming nagkatinginan ni Alana sa isa’t-isa sapagkat alam na namin na mas mapapahamak pa kami kung mas lalo naming patatagalin ang pananatili namin sa lugar na ito.
“At saka, mahihirapan na kayong makahanap ng matutuluyan sa lugar na ito kaya naman kung nais niyo rin, maaari rin kayong tumuloy muna sa aking tahanan.” Muli siyang naglakad papunta siguro sa lugar kung nasaan ang kaniyang tahanan, at kami naman ni Alana ay naiwan sa lugar na iyon na pinag-iisipan ang kaniyang mga sinabi.
Makalipas ang ilan pang mga minuto, bumuntong hininga na lamang ako at nagsabing, “Halika na, Alana, at tayo ay sumunod na kay Demetrius.”
“Ngunit, Ambrose.”
Agad akong lumingon kay Alana nang may determinasyon sa aking mukha. “Nais ko talaga siyang makausap, Alana.”
Pinakatitigan ako ni Alana nang ilan pang mga segundo, bago siya huminga nang malalim bago siya tumango at sinabing, “Kung iyan talaga ang iyong desisyon, sa tingin ko naman ay ayos lamang sa akin iyon.” Nauna na siyang maglakad, bago niya sinambit sa akin ang mga salitang nag-udyok sa akin upang kausapin talaga si Demetrius. “Halika na, Amborse, at kilala pa natin nang mas mabuti si Demetrius.”