2 - Devonne "Family problem"

2028 Words
Second birthday ng ikalawang anak ni Kuya Dexter na si Denise kaya pupunta kami sa bahay nila ngayon. Nag-rent na lang ako ng van para komportable kami sa biyahe at magkasya kami dahil kasama namin ang pamilya ni Tita Minerva. Si Tita Minerva ay bunso na kapatid ni Papa at kapitbahay lang namin kaya lagi kaming magkakasama. Tatlo lang naman sila magkakapatid si Tito Jojo naman ay ikalawa sa kanila magkakapatid pero sa ibang lugar siya nakatira. Sa tuwing may okasyon sa bahay ni Kuya ay ganito ang ginagawa namin. Mabuti na lang at sumakto sa day-off ko kaya hindi ko na kailangan makipag-palit ng off kay Carmela. Excited na si Papa na makita ang mga apo niya dahil hindi naman kami madalas na makabisita sa mga ito. Hindi naman kasi basta makauwi ang mga ito sa probinsya dahil laging busy sa trabaho si Kuya Dexter at Ate Celine. Nakakausap at nakikita naman namin ang mga bata through video call at tuwang-tuwa na si Papa sa ganoon. Masaya na siya kahit makita lang niya ang mga ito. Simple lang naman kasi ang kaligayahan ni Papa ang makita na healthy at masaya ang mga tao sa paligid niya ay okay na siya. Pagkalipas ng ilang oras ay papasok na kami sa gate ng subdivision kung saan ay nakatira sina Kuya. Masipag si Kuya Dexter at Ate Celine sa trabaho kaya naman hindi nakakapagtaka na nakapag-ipon agad ang mga ito para makapag-pundar ng sariling bahay. Madaling na promote si Kuya sa company kung saan siya nagtatrabaho dahil sa magandang performance niya at ganoon din naman si Ate Celine. Pagtigil nang sasakyan sa tapat ng bahay nila ay agad kaming lumabas at nakita namin ang dalawang bata patakbo papunta sa gate. "Papa Lolo! Tita ganda!" sigaw ni Denver na katabi ang kapatid niya na hawak ng yaya habang nasa gate at napangiti kami ni Papa. Nag-mano ang dalawa kay Papa at hinalikan naman niya ang dalawang bata sa pisngi saka yinakap. Kinuha ko si Denise kay Yaya Paula at hinawakan naman ni Denver ang kamay ng Lolo niya. Mabait na bata si Denver at sobrang lambing kaya naman giliw na giliw si Papa sa kanya. Si Denise naman ay bibong-bibo at makulit pero malambing din naman. Inalalayan ko si Papa na maglakad papasok ng bahay. Sina Tita Minerva naman ay kasunod namin at bitbit ang mga dala namin na regalo pati na rin ilang kakanin galing sa probinsya. Sa tuwing bumisita kami ay hindi pwedeng hindi kami magdadala ng pasalubong para sa mga ito. "Pa, ang aga naman po ninyo," nakangiti na sabi ni Ate Celine pagkatapos niya mag-mano kay Papa at nakipag-beso naman ako sa kanya. "Hay naku Ate, kahapon pa nga niya gusto pumunta rito kaso may pasok ako. Ang sabi ko pwede naman siya mauna sa akin kaso ayaw niya magbiyahe na mag-isa," natatawa na sabi ko habang nakatingin ako sa pamangkin ko. "Ang ganda talaga ng Baby namin kamukhang kamukha ni - Sinadya ko na bitinin ang susunod na sasabihin ko. Tiningnan ko si Denver at kinindatan ko siya. "Tita ganda!" sigaw ni Denver saka tumalon talon at tumawa naman si Papa. Umupo na si Papa at tinabihan naman siya ni Denver. Natawa ako dahil mukhang seryoso ang pinag-uusapan ng dalawa. Sabik na sabik siya sa mga apo niya kaya naman kapag nagkaroon ng ganitong pagkakataon ay sinusulit talaga niya ang oras na kausap ang mga ito. Nag-mano si Ate Celine kay Tita Minerva at Tita Randy pagpasok ng dalawa sa bahay. Nag-mano naman ang dalawang anak ni Tita Minerva kay Ate Celine. "Ate, nasaan po pala si Kuya?" tanong ko habang tumitingin ako sa paligid. "May binili lang siya pero pabalik na rin siya," sagot niya. "Marami bang bisita ang Princess namin?" tanong ko habang nakatingin sa pamangkin ko. "Marami rin Deb, kaya nga nagpa-cater na lang kami ng Kuya mo kasi hindi ko na kaya mag-luto para sa ganoon karaming guests," sagot niya at tumango-tango ako. Isang real estate agent si Ate Celine at isang Senior Accountant naman si Kuya Dexter. Hindi man natupad ni Kuya ang pangako niya na pag-aralin ako pero malaki ang naitulong niya dahil siya na ang sumasagot sa lahat ng mga kailangan ni Papa. Pati na rin ang ibang gastusin sa bahay ay siya na rin ang nagbayad kaya nakapag-ipon na ako. Mabait at maunawain si Ate Celine kaya hindi issue sa kanya kung bakit nagbibigay sa amin si Kuya ng pera. Madali ko rin siya naka-close dahil sa ugali niya at hindi siya mahirap pakisamahan. This year ay plano ko na mag-enroll para matapos ko na ang Business Management course ko. Nasa Second year na ako nang tumigil at gusto ko iyon matapos. Isa kasi iyon sa pangarap ko ang makapagtapos at makaakyat ng stage. "Buti nga Ate may time ka pa na mag-set up kahit sobrang busy ka sa work mo," sabi ko at napatingin sa akin si Ate Celine. "Hindi ba nasabi sa iyo ng Kuya mo?" nagtataka na tanong niya sa akin at salubong ang kilay ko nakatingin sa kanya. "Tungkol po saan, Ate?" naguguluhan na tanong ko sa kanya at huminga siya nang malalim. "Celine!" tawag sa pangalan niya kaya natigilan siya. Napalingon kami sa may pinto kung saan ay nakatayo si Kuya. "Ano ka ba naman Kuya? Birthday ng anak mo pero layas ka nang layas," biro ko sa kanya. Nagtaka ako dahil seryoso ang mukha ni Kuya at napatingin naman ako kay Ate Celine. Nakita ko na tiningnan nang masama ni Ate Celine si Kuya kaya lalo ako naguguluhan. Ngayon ako kumbinsido na may hindi tama sa dalawa dahil madalas ay sobrang sweet ng dalawa. Iyon ang kinaiinggitan ko sa dalawa dahil kahit matagal na sila ay parang hindi nagbabago ang pagtingin nila sa isa't isa. "Nandiyan na ang ibang mga bisita. Dumating na rin ang clown at magician," pilit ang ngiti na sabi ni Kuya. Lumapit si Kuya kay Papa para mag-mano at hinalikan naman niya ako sa ulo. Palapit pa lang si Kuya kay Ate Celine pero agad siya umiwas at naglakad na palabas. Inakay naman ni Papa si Denver palabas ng kusina kaya kami lang ni Kuya ang naiwan. "Kuya, okay lang po ba kayo ni Ate? May problema po ba? At saka bakit ganyan Kuya ang itsura mo? May sakit ka po ba?" nag-aalala na tanong ko sa kanya habang kalong ko pa rin si Denise na kasalukuyang tulog na. Nanghihina na umupo si Kuya sa upuan saka huminga nang malalim. Ngayon ko lang siya nakita na ganoon at sigurado ako na may problema talaga sila ni Ate Celine. Naalarma ako dahil ibang iba ang itsura niya ngayon malaki ang pinagbago ng katawan niya, matamlay at malungkot din ang mga mata niya. Ilang sandali lang at yumuko naman siya. Hindi ko kaya na tingnan siya sa ganoon na kalagayan at nag-aalala na talaga ako para sa kanya. Nilapitan ko siya at tinapik ko siya sa balikat. "Okay ka lang, Kuya?" puno ng pag-aalala na tanong ko sa kanya. Huminga muna siya ng malalim saka tumingin sa akin at ngumiti ng pilit. Kinuha niya mula sa akin si Denise at tinitigan ang mukha ng bata. Pagkalipas ng ilang sandali ay pumasok si Ate Celine. "Mag-umpisa na ang party," sabi niya sa akin at kinuha ang bata kay Kuya. Lumabas na ang mag-ina at kasunod naman kami ni Kuya. Marami ng tao sa bakuran at nakahanda na ang cake na may kandila. Maririnig din ang masayang tugtog ng Happy birthday. Unicorn ang theme ng party ni Denise. Pagkatapos hipan ang candle ay nagpalakpakan na ang lahat ng bisita. Nagpa-picture muna ang mag-anak at kita ko sa ekspresyon ng mukha ni Ate napipilitan lang siya. Napatingin siya sa akin at ngumiti siya para itago ang nararamdaman niya. "Ano kaya ang nangyari sa kanila? Ano kaya ang problema nila?" tanong ko sa sarili ko habang nagpa-picture kami. Kumain na ang mga bisita at tuwang-tuwa ang mga bata dahil sa magician nagpe-perform. Tumingin ako sa paligid katabi ni Papa si Denver at karga naman ni Tita Minerva si Denise. Hindi ko makita sa paligid ang mag-asawa at nagtaka ako kung nasaan sila. Nagpaalam ako kay Papa na pupunta lang muna ako sa banyo saglit. Pumasok na ako sa bahay at habang papalapit na ako sa banyo ay may narinig ako nagtatalo mula sa likod ng bahay. Familiar sa akin ang boses ng dalawa kaya naglakad pa ako papalapit sa kanila. "Bakit hindi mo sa kanila sinabi? Nahihiya ka? Nahihiya ka na ipaalam sa kanila? Dexter, hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maintindihan kung paano tayo humantong sa ganito? Ano na ang gagawin natin? Hirap na hirap na ako at hindi ko alam kung hanggang saan pa aabot ang katinuan ko," umiiyak na sigaw ni Ate Celine. "Ano ang sinasabi ni Ate na kailangan namin malaman? Bakit galit na galit siya kay Kuya? May malalang sakit ba si Kuya?" tanong ko sa sarili ko. Wala akong matandaan na senyales na may problema sila ng huling pagkikita namin last two weeks. Sa pagkakatanda ko ay okay na okay silang dalawa. Last two weeks ay sinamahan ko silang dalawa na mamili sa Divisoria ng mga kailangan para sa birthday ni Denise. "Cel, gumagawa naman ako ng paraan. Maniwala ka ginagawa ko ang lahat para maging maayos ang lahat. Alam kong nagkamali ako pero hindi ko na maibabalik ang nakaraan dahil nangyari na iyon. Kung alam mo lang sobrang nagsisisi ako sa mga ginawa ko. Please Cel, huwag mo na ipaalam sa kanila kasi ayaw kong pati sila ay mamoblema pa lalo na si Papa. Alam natin pareho na hindi siya pwedeng ma-stress dahil makakasama iyon sa kanya," nagmamakaawa na sabi ni Kuya. Ganoon ba kalaki ang problema nila para hindi naman dapat malaman. Kung may kinalaman ito sa kanilang dalawa ay dapat namin malaman para matulungan namin sila. Laging sinasabi sa amin ni Papa na sa oras ng problema ang pamilya ang dapat unang lapitan. "Bakit po hindi namin pwede malaman? Ano ba talaga ang problema po ninyo?" naguguluhan na tanong ko at sabay napatingin sa akin ang dalawa na kasalukuyan na magkayakap. "May iba kang babae, Kuya?" galit na tanong ko at agad naman umiling si Kuya Dexter. "May malala kang sakit at may tanong na ang buhay mo?" tanong ko at sabay sila na umiling. "So, ano nga po ang problema ninyo? Bakit hindi po namin pwedeng malaman?" tanong ko at tumingin ako kay Ate Celine. "Debbie, mas mabuti pa na huwag mo na malaman. Problema namin ito ng Ate mo kaya dapat ay kami ang umayos nito," sagot ni Kuya at napatingin naman ako sa kanya. "Pero pamilya mo kami Kuya at gusto ka namin tulungan lalo na ngayon na kailangan mo kami. Katulad po ng laging sinasabi ni Papa, pamilya ang una mong lapitan sa oras na kailangan mo ng tulong. Kung ano man ang pinagdadaanan ninyo ay nandito kami para damayan po kayo," sabi ko habang tinitingnan ko ang dalawa. "Kalimutan mo na lang ang mga narinig mo rito. Please lang Debbie, huwag mo nang mabanggit ang mga ito kay Papa dahil alam natin na makakasama lang sa kanya ang mag-isip. Mas mabuti pa kung wala kayong alam. Hayaan mo na lang kami ng Ate mo na umayos ng problema namin," pakiusap ni Kuya ng akto na magsasalita pa ako. "Ate," pakiusap ko kay Ate Celine pero yumuko siya at pinahid ang luha niya. Naglakad na si Kuya papasok ng bahay at tinapik niya ako sa balikat nang malampasan niya ako. Tumingin ulit ako kay Ate Celine nagbabakasakali na magsasalita na siya pero malungkot na tumango lang siya. Gusto ko sana malaman ang problema nila dahil ayaw kong makita sila na ganoon pero kailangan ko irespeto ang sinabi ni Kuya. Wala akong karapatan na manghimasok sa problema nila kung ayaw nila. Hindi ko pwedeng ipilit ang gusto ko kahit pa ng gusto ko lang tumulong. Masakit para sa akin ang magwalang bahala kahit na alam kong may problema silang dalawa. Panalangin ko na lang sana ay malampasan nila kung ano man ang pinagdadaanan nila ngayon. Ang tangging magagawa ko na lang ay ang magdasal at ipasa-Diyos ko ang lahat ng nangyayari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD