PROLOGUE

2283 Words
Voldova Castle, Wallachia, Romania, 1982. Alas-dose ng hatinggabi. Lalong pinagbuti ni Silvero Gualtieri ang pagtatago habang pinapanood ang isang naka-black mask na lalaki na buong giting na nakikipaghamok sa isang grupo ng mga tinaguriang Direct Demonic Origin Vampire sa pamumuno ni Faramundo Voldova. Malakas ang kutob niya na ang lalaking ito ay walang iba kundi ang sikat na vampire slayer na si Blackfire kung ang pagbabatayan ay ang itsura at estilo sa pakikipaglaban. Isa lamang si Silvero sa mga bilanggong Mystical Origin Vampire sa loob nang nakasusulasok at mabahong kastilyong ito na pagmamay-ari ni Faramundo Voldova. Ilang daang taon nang tila impiyerno ang buhay nila dahil sa kasakiman at kasamaan ni Faramundo. Nais nitong maging kaisa ng mga Demonic Vampire ang angkan nila sa paghahasik ng lagim sa buong Wallachia ngunit mahigpit nila itong tinanggihan, dahilan upang pahirapan at unti-unti silang ubusin nito. They had been living in hell for hundred of years, until a group of Filipino archaeologists who came to Romania turned into vampire slayers and vowed to eradicate all of them from this country. At ang pagdating ng grupong ito ngayong gabi sa pamumuno ng lalaking tinatawag nilang Blackfire dahil sa suot nitong maskarang itim ay mistulang hudyat ng nalalapit nilang paglaya mula sa kalupitan ng mga malulupit na bampira. Katulad ng mga Mystical Vampire, ang mga Demonic Vampire na tinaguriang pinakamataas na uri ng mga bampira ay nagtataglay ng kahinaan kapag nasikatan ng araw, nasabuyan ng banal na tubig, nakakita ng krus, at nasugatan ng patalim na gawa sa pilak. Ngunit salungat sa paniniwala ng iba, hindi basta-basta namamatay ang mga Demonic Vampire gamit ang mga nabanggit. Nasusugatan o nanghihina lamang ang mga ito kapag ginamitan ng mga bagay na iyon pero nananatili pa ring buhay. Pagkatapos uminom ng dugo ng tao, muling nananauli ang lakas at kapangyarihan ng mga ito. At lalong dumarami ang mga bampirang ito na tinaguriang hell demons. Sapat upang masupil ang angkan nilang biktima lamang ng isang kabuktutan. Silang mga Mystical Origin Vampire na naging bampira lamang dahil sa isang sumpa ng isang diyosa na si Hecate ay walang kakayahang lupigin ang malulupit na lahing ito ni Faramundo Voldova. Ayon sa kasaysayan, isinumpa ni Hecate ang mga ninuno nila nang tumanggi ang mga ito na yakapin ang vampirism sa kanilang village. Nagpasalin-salin ang sumpa sa kanilang angkan at hindi nila alam kung paano puputulin iyon sa loob ng mahigit na anim na daang taon. Oo. Mahigit limang daang taon na silang nagdurusa dahil sa kasamaan ni Hecate. Natatandaan niyang fifteenth century pa nang ipinataw ng diyosa ng mga bampira ang sumpa sa kanilang angkan. Dahil dito ay halos naging imortal silang lahat maliban na lang kung masusugatan nang matindi mula sa isang digmaan. Ngunit aaminin niya sampu ng kaniyang mga kasamahan, lahat sila ay hindi masaya. Ang uri nila ay nagkakasya lamang sa pag-inom ng dugo ng mga hayop maliban lang sa kanya, at may dahilan kung bakit niya ginagawa iyon. Sa dugo ng hayop nanggagaling ang kanilang lakas at mahabang buhay. Katulad ng mga Demonic Vampire, nagtataglay rin sila ng pambihirang lakas at liksi, kakayahang makapang-hipnotismo, malakas na pakiramdam pero hindi sila masasama. Ang totoo ay isinusumpa nila ang tila sakit na ito na dumapo sa lahat ng miyembro ng kanilang angkan. When would it finally end? That they didn’t know. The coming of these Filipino vampire slayers was a blessing sa dahilang sa loob ng maikling panahon ay marami na ring Demonic Vampires ang namatay sa tulong ng mahiwagang espada ni Hecate na sa kung ano’ng dahilan ay napasakamay ng pinuno ng grupo na si Blackfire, ang Ragnor. Masusing pinag-aralan ni Silvero ang mga galaw ni Blackfire. Kalkulado ang mga kilos nito. Halatang nagsanay ito sa pakikipaglaban gamit ang iba’t ibang uri ng martial arts. Wala itong atake na sinasayang. Lahat ay tumatama sa mga sumusugod na kalaban. At iisang bahagi ng katawan ng kalaban ang puntirya nito. Ang leeg. Bawat bampirang tamaan ng espada ay agad gumugulong ang ulo sa sahig. At halos mapasigaw siya sa tuwa nang makitang humiwalay ang ulo ni Faramundo mula sa leeg nang mahagip ito nang iwinasiwas na espada ni Blackfire. Gumulong ang ulo sa paanan niya, dilat ang mga mata. Galit na dinuran niya ito sa mukha. Iyon lang at mabilis na niyang iniwan ang tagpong iyon. Kailangan niyang makabalik agad sa kinaroroonan ng kanyang mga kalahi para sa kaniyang ibabalita. Mabilis siyang bumaba sa basement ng kastilyo. Makipot, matarik, at paikot-ikot ang hagdan pababa at tanging mga sulo lamang na nakabaon sa mga pader ang nagsilbi niyang tanglaw. Ngunit kabisado na niya ang daan papunta roon. Siya lamang ang nag-iisang Mystical Vampire na nakagagawa noon dahil sa pagpapanggap niya na kaisa siya sa mga buktot na gawain nina Faramundo. Kailangan niyang gawin iyon upang manatiling buhay alang-alang sa kanyang mga kalahi na pinahihirapan at unti-unting pinapatay ng palalong bampira. Kung alam lang ng mga ito kung gaano niya pinandidirihan ang pag-inom ng dugo ng tao upang makumbinsi si Faramundo na isa na siyang ganap na Demonic Vampire. “Ano’ng balita, Silvero?” pabulong na tanong ng isang matandang lalaking bampira. Inilapit pa nito ang mukha sa pagitan ng bakal na rehas. “Tila may kaguluhang nagaganap sa itaas? “Ssshh,” saway ni Silvero sa mga bampirang nagsisimulang magkagulo dahil sa pagdating niya. Bawat isa ay umaasa na may dala siyang magandang balita. “May maganda at masamang balita para sa ating lahat. Maganda dahil inuubos ng grupo ni Blackfire sa itaas ang mga kampon ni Faramundo. Masama dahil kapag nakita tayo ng mga vampire slayer na iyon, malamang ay patayin din tayo dahil wala silang pinapatawad basta bampira.” “Hindi tayo masamang bampira,” katuwiran ng kausap ni Silvero. “Ni minsan ay hindi pa tayo pumatay ng tao para sa dugo ng mga ito.” “Sabihin mo iyan sa kanila, Serafino, nang hindi nakalabas ang pangil mo,” angil ni Silvero. Napatiim-bagang si Serafino. “Hindi mangyayari sa atin ito kung hindi tayo pinabayaan ng hunghang na si Dameon Montazr.” “Serafino!” saway ni Silvero. “Baka nakakalimutan mo na ang tinatawag mong hunghang ay walang iba kungdi ang Grand Commander ng Mystical Vampire Coven. Ang pagtawag sa kanya sa ano mang pangalan ay isang paglapastangan.” “Grand Commander?” Gumuhit ang mapait na ngiti sa mga labi ni Serafino. “Kung ganoon ay nasaan siya ngayon? Tumakas na siya. Tinakasan niya ang kanyang tungkulin bilang tagapagtanggol ng ating angkan dahil lamang sa isang babae. Kung talagang may malasakit siya ay lilitaw siya upang hanguin tayo sa nakasusulasok na impiyernong ito.” “Hindi natin alam kung ano ba talaga ang nangyari sa kanya matapos niyang subukang pumunta sa Underworld,” mahinahong sabi ni Silvero. Bahagyang nabawasan ang inis niya kay Serafino nang maunawaan niya ang pinanggagalingan ng inis nito sa kanyang matalik na kaibigan na si Dameon. “Alam kong kung nagtagumpay siya sa kanyang misyon at buhay pa, hindi niya tayo matitiis sa ganitong kalagayan.” “Gutom na gutom na kami, Silvero,” singit ng isang matandang babae. “Ilang araw nang walang rasyon na dugo ng hayop sa kulungang ito. Kung makakaharap namin at maaamoy ang mga vampire slayer na iyan, siguradong mahihirapan kaming itago ang aming mga pangil.” “Tama, Silvero,” sabi ng isang makisig at matipunong lalaki. Nakisingit ito sa mga bampirang nagsisiksikan sa harap niya. Si Duncan Dmitru ito, ang pinagpipitagang guru sa kanilang village. “Pati mga bata ay nanghihina na. Hindi ka pa rin ba makagagawa ng paraan upang makatakas tayo?” “Oo nga. Gutom na gutom na kami at hirap na hirap na,” halos iisang taong nagsigawan ang iba pang bilanggong bampira. Agad na lumambot ang puso ni Silvero dahil sa hinaing ng kanyang mga kalahi. “Pasensiya na, mga kasama. Ang tanging magagawa ko sa ngayon ay palabasin kayo mula sa mga kulungang iyan dahil sa walang bantay. Pero hindi pa tayo puwedeng lumabas ng kastilyo hangga’t hindi pa tapos ang labanan sa itaas. Ipagdasal ninyong sana’y maubos ang mga kampon ni Faramundo at umalis agad sina Blackfire upang hindi tayo makita rito.” Pagkasabi noon ay mabilis na binuksan ni Silvero ang mga pad lock gamit ang susi na kinuha niya mula sa bantay ng kulungan nang mapatay ito sa labanan kanina. Pagkabukas ng mga kulungan ay tuwang-tuwa nagsilabasan mula rito ang may limampung bampira. Ilan lamang ang mga ito sa daan-daang Mystical Vampires sa buong Wallachia na nagdurusa dahil sa isang sumpa. Sayang. Kung naging kasinglakas lamang sila ng mga Demonic Vampire, hindi sila magtitiis sa nakasusulasok na bilangguang iyon. Pero dahil sa limitado lamang ang kakayahan nila bilang mga dating mortal, wala silang nagawa kungdi magtiis sa di makatarungang kaparusahan na ipinataw sa kanila nsng malupit na si Faramundo. Isang magandang babae ang agad na sumugod at yumakap kay Silvero. “Papa,” sabi nito na humahagulhol. “Patay na si mama, papa. Namatay siya sa sakit at sa gutom.” Nagsikip ang dibdib ni Silvero sa narinig. Ginantihan niya ng yakap ang anak. “Marahil ay iyon ang kanyang kapalaran, Astrid. Sa ngayon ang tangi nating magagawa ay tulungang mailigtas ang mga nabubuhay pa. Nasaan siya?” Sinamahan siya ni Astrid at ng ilang bampira sa sulok ng isang kulungan. Nakita niya ang nakahimlay na kabiyak. Maputla at payat ito, tanda ng hirap na pinagdaanan. Ilang minutong itinangis niya ang hindi makatarungang pagpanaw ng asawa. Nakiisa ang lahat ng bampirang naroroon sa kanyang pagluluksa. “Hanggang kailan pa tayo mananatili sa impiyernong ito, papa?” luhaang tanong ni Astrid. Napabuntong-hininga siya. Maging siya ay hindi rin alam ang kasagutan sa tanong na iyon ni Astrid. “Hindi ko alam, anak. Sa ngayon ay kailangan nating maghintay na matapos ang labanan sa itaas. ” Walang ingay na tinungo ng mga lalaki ang puno ng hagdan. Bawat isa ay nakahanda sa napipintong labanan. Agad na lumapit sa mga ito si Silvero upang magbigay ng babala. “Mga kasama, alalahanin ninyong hindi tayo pumapatay ng tao upang mabuhay. Ngunit kung manganganib tayo sa kamay ng mga vampire slayer na iyan ay mapipilitan tayong ipagtanggol ang ating mga sarili.” “Maaasahan mo, Silvero,” mahinang tugon ni Serafino. “Huwag sanang ipahintulot ng langit na makita tayo rito ni Blackfire,” buntong-hininga ni Propesor Duncan. Napailing siya. “Ikinalulungkot ko na sabihing wala tayong laban sa kanila. Kung ang mga Demonic Vampire nga ay walang nagawa, tayo pa kaya?” “Ano’ng ibig mong sabihin, Silvero?” maang na tanong ni Serafino. “Taglay ni Blackfire ang makapangyarihang espada na kayang pumatay sa bawat bampira ano pa man ang uri nito.” Napanganga si Serafino sa narinig. “Ang Ragnor? Ang maalamat na espada ni Hecate? Paano iyon napasakamay ng dayuhang iyon?” “Nakalimutan mo na ba, Serafino?” singit ni Duncan. “Ayon sa ating pananaliksik, si Blackfire ay isang Filipino archaeologist na nakapag-asawa ng isang middle class dito sa Wallachia. Minalas na nabiktima ng mga Demonic Vampire ang kanyang asawa at anak at dahil doon ay isinumpa niyang lilipulin ang lahat ng bampira sa lugar na ito, kasama na tayo. Bilang isang archaeologist, alam niya ang kuwento nang maalamat na Ragnor bilang nag-iisang sandata na nilikha ni Hecate upang gamiting pamuksa sa mga pasaway na bampira. Kung paanong napunta sa kanya ito ay iyon ang hindi natin alam.” Sumingit na rin sa usapan ang hindi nakatiis na si Athan Danilov, isa sa mga commander ng mga mandirigmang Mystical Vampire. Katulad ni Duncan ay makisig at matipuno rin ito. Bakas sa itsura at kilos nito ang pagiging isang mandirigma. “Maaaring hinanap niya talaga ito upang gamiting pamuksa sa lahat ng bampira. Ang hindi niya alam, maraming uri ng bampira sa lugar na ito. Ang Demonic Vampires na kinabibilangan nina Faramundo ang pinakamataas na uri at siyang pumapatay ng tao upang inumin ang dugo para pagkunan ng kanilang lakas at imortalidad. Ikalawa ay ang mga Nosferatu na nahawahan ng kanilang virus. Ikatlo ay tayong mga Mystical Vampire na nagkaganito lamang dahil sa isang sumpa. Ang ikaapat ay ang Human Vampire. At ito ay walang iba kundi ang…ang isisilang ni Astrid.” Makahulugang sumulyap si Athan sa nagulat na si Astrid. Napatingin din dito ang iba pang bampira. Nahihiyang napatungo ang babae. Hindi makapaniwala si Silvero sa narinig. “Nagbunga ang pagmamahalan ninyo ni Armand, Astrid?” “Patawarin mo ako, papa. Mahal ko si Armand,” nakatungo pa ring sagot ni Astrid. Humihikbi na ito. “Nauunawaan ko, anak. Pero alam natin na si Armand Mondragon ay kabilang sa grupo ni Blackfire na tumutugis sa ating uri,” mahinahong sabi niya. “Mahal niya ako, papa. At nangako siya na hindi idadamay ang ating angkan.” “At pinaniwalaan mo iyon?” Bahagyang tumaas ang boses niya. “Papa, alam niyang nagdadalantao ako. Hindi niya ilalagay sa panganib ang bunga ng aming pagmamahalan.” Lalong napalakas ang paghikbi ni Astrid dahil sa pang-uusig niya. “Sabihin mo uli iyan kapag nakaharap na natin siya.” May pangamba sa tinig ni Silvero nang muling nagsalita. Biglang naudlot ang usapan nila nang maramdamang tila may bumababa sa hagdan. Agad humanda ang mga lalaki sa pangunguna ni Duncan Dmitri at Athan Danilov. Ang mga babae at mga bata naman ay agad nagsiksikan sa isang sulok. Bawat isa ay umuusal ng panalangin. Halos katumbas ng isang daang taon ang kanilang ipinaghintay. Hindi sila humihinga sa pag-aabang kung ano’ng grupo ang padating. Ang mga Demonic Vampire ba o ang mga Vampire Slayer? Alin man sa dalawang grupo ay siguradong nagbabadya ng panganib sa kanilang lahat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD