PROLOGUE
Twenty years ago.
“Ate, natatakot ako,” humihikbing sabi ng kapatid kong si Sabina. Nakatago kami sa lumang aparador sa bodega. Natatabunan kami ng mga lumang basahan.
“Huwag kang maingay,” bulong ko sa kanya. Naririnig namin na nagmamakaawa si mama sa mga taong pumasok sa bahay namin. HInahanap nila si papa.
“Maawa kayo. Wala na ang asawa ko dito. Limang buwan na si’yang hindi umuuwi sa amin,” nagmamakaawa si mama sa mga taong nasa labas. Napapikit ako nang marinig ko ang sampal kay mama. Tinakpan ko ang bibig ng kapatid ko na limang taong gulang pa lamang.
Sa edad kong 9, alam ko na ang kasalanan sa amin ng aming ama. Iniwan niya kami at binenta ang kabuhayang minana ni mama sa mga magulang nito. Alam kong adik si papa at sinisingil siya ng mga taong pinagkakautangan niya ngayon.
“Nasaan ang mga anak mo? Sila na lang ang kukunin naming kabayaran sa pagkakautang ang asawa mo?” Narinig kong sinabi ng mga tao sa labas. Tinakpan ko pa lalo ang bibig ni Sabina.
Nagdasal akong huwag sana kaming marinig.
Papalapit na nang papalapit ang yabang ng mga masasamang tao. Binuksan nila ang bodega. Hinanap kaming magkapatid. HIndi ko na marinig si mama, kahit hikbi niya hindi ko na marinig.
“Nasaan ang mga anak mo?” sigaw ng isang lalaki sa labas.
“Binenta na sila ng asawa ko. Pinaampon na sila. Ako na lang ang nandito. Kuhanin niyo na lahat ng mga gamit na pwede ninyong pakinabangan,” narinig ko si mama na humihikbi. Sinusubukan niya kaming iligtas.
“Pancho, halika na. Wala kang mapapala d’yan sa bodega!” sigaw ng lalaki sa labas.
Halos hindi kami huminga ni Sabina sa kaba nang bumukas ang pintuan ng bodega.
“Samantha? Sabina?” tawag ni mama. Halos madurog ang puso ko nang makita ko ang duguang mukha ni mama. Niyakap niya kami.
“Kailangan nating umalis na dito,” umiiyak na sabi ni mama.
Mula sa araw na ito, ipapakulong ko lahat ng masasamang tao.