Chapter Two

3164 Words
“SO, BAKIT ayaw mong sumali sa mga activities at magpakuha ng video? Camera shy ka?” kaswal na tanong ni Troy kay Faith habang hinihintay nilang dumating ang order nila. Pagkatapos makapagpahinga ng isang oras sa kanyang hotel room ay bumaba si Faith para mag-lunch kasama si Tere at iba pang winners. Nang magkita-kita sila sa harap ng restaurant, saka niya nalaman na may masama palang water activities and tour ng mga kalapit na isla ang napanalunang vacation trip. Akala kasi niya ay free airfare at food and hotel accommodation lang ang coverage ng napanalunan and that she could do whatever she wanted to do in that place. Iyon pala, may itinerary at schedule silang kailangang sundin. Hindi kasi niya binasa ang mechanics at terms and condition ng contest na nakasulat sa likod ng coupon na ibinigay sa kanya ng cashier ng Triple Play nang bumili siya ng running shoes. Basta na lang niyang sinulatan ang coupon at inihulog sa drop box. Hindi rin niya inasahan na mananalo siya lalo na at isa lang ang entry niya. The activities and tour were actually fine with her. Pero ang kuhanan siya ng video at pictures habang nag-a-activity sila ang hindi niya mapapayagan. Ipa-publish kasi iyon sa magazines at broadsheets, at ipalalabas din sa isang TV show na sponsored ng Triple Play. Kapag nagkataon ay malalaman ng mga magulang niya ang ginawang pagtakas.           “Hindi naman. Hindi lang kasi alam ng parents ko na nandito ako ngayon sa Palawan. Tumakas lang ako,” kagat-labing pag-amin ni Faith. Tulad ng inaasahan na, hindi siya pinayagan ng mga magulang nang magpaalam siya. Minsan na kasi niyang nasira ang pagtitiwala ng mga ito. Bawal siyang magpaligaw at magka-boyfriend hangga’t hindi pa siya ganap na doktor. Her parents wanted her to be a plastic surgeon like them. Pero nilabag niya ang utos ng mga magulang. Lingid sa kaalaman ng kanyang mga magulang, noong first year college siya ay nagkaboyfriend na siya- si Lloyd Vera. Kaedad at naging kaklase niya  si Lloyd sa UST. Lloyd was handsome, rich and very nice kaya hindi niya  natanggihan nang manligaw sa kanya. Crush din naman niya ang lalaki. Tulad niya ay pangarap din nitong maging isang doktor. Pagkatapos ng apat na buwang panliligaw ay sinagot niya si Lloyd. They had a secret relationship for a year. Sa UST rin kasi nag-aaral ang karamihan sa mga pinsan niya at hindi pa niya ka-vibes. Siguradong magsusumbong ang mga ito sa mga magulang niya kapag nalaman ang tungkol kay Lloyd. Pero nang sumunod na taon ay hindi na nila naitago pa ang relasyon nila. Nahuli siya ng kanyang papa na inihahatid ni Lloyd kaya hindi siya nakapag-deny sa estado ng kanilang relasyon. Nagalit nang gusto ang kanyang papa at nagbanta na patitigilin siya sa pag-aaral kung hindi niya hihiwalayan si Lloyd. Sinunod niya ang utos ng kanyang papa at hiniwalayan si Lloyd. But since then, her parents became very strict. Hindi na siya basta nakakapunta sa kung saan-saan kung walang approval ng mga ito.           Faith just wanted to unwind and Palawan was one of beautiful places in the world she wanted to visit for a long time. Nagkataon pang naka-schedule na umuwi sa Pilipinas si Lorraine para magbakasyon kaya nagkasundo silang i-redeem pa rin ang napanalunan niya kahit hindi siya pinayagan ng mga magulang. Nagkataon ding parehong may seminar sa Thailand ang kanyang mga magulang at dalawang linggong mamalagi roon kaya naging madali sa kanya ang pag-alis. Kahapon pa nakaalis ang mga magulang niya. Makabalik na siya bago pa man makabalik ang mga ito. Tiwala naman siya na pagtatakpan siya ni Manang Pacing - mayordoma nila at halos nagpalaki sa kanya - kung sakaling hanapin siya ng mga magulang kapag tumawag ang mga ito. Kakampi niya si Manang Pacing at spoiled siya sa matanda.           Amused na tinitigan siya ni Troy. “Really? You know what? Never ko pang hindi ipinaalam sa parents ko kung saan ako pupunta kapag nag-a out of town ako."           “Mabait ka sigurong anak."           “Oo,” walang gatol na sabi nito. “Madalas mo ba ‘yong ginagawa? Ang umalis nang hindi nagpapaalam?”           “Uhm… medyo.”  “Really? Pero sa tingin ko naman, mabait kang anak.”           Nagkibit-balikat si Faith. “Nanghihinayang lang kasi ako sa trip na ‘to kaya sinamantala kong umalis habang nasa seminar sila. Kaso, biglang hindi na available ‘yong best friend ko kaya nag-iisa na lang ako.”            “How about your siblings, cousins or other friends? Dapat sila na lang ang isinama mo.”           “Only child ako at hindi ko naman ka-vibes ang mga pinsan ko.”           “I see. Gaano ka naman katagal dito?” “Four days and three nights. Bakit mo madaling napakiusapan si Tere? Do you know someone from the company?” curious na tanong niya. Sa di-kalayuan ay natatanaw pa niya si Tere  na kumukuha ng pagkain sa buffet inihanda malapit  sa beach para sa grupo nila.           “Actually, isa sa mga may-ari ng Triple Play ang Kuya Ethan ko at endorser din nila ako kaya malakas ako sa kanila.”           Faith suddenly remembered, based on what she had read when she Googled the famous resort, that the Escobar family owned the place. “Your family own this resort and E stands for Escobar?” pagkumpirma niya.           “Yes and yes,” parang bale-walang sagot ni Troy. “May mga papeles akong kailangang pirmahan kaya ako nandito. Saka para magbakasyon na rin." Tumango-tango si Faith. “Hindi mo kamukha ang kuya mo,” tukoy niya sa sikat na actor at TV host.           “Sabi nga nila. If you know Trisha Escobar, my eldest sibling, sila ng daddy ko ang kamukha ko.”           Of course, she knew Trisha Escobar. Isa ang babae sa mga chefs ng isang cooking show na regular niyang pinapanood dahil mahilig siyang magluto. Sandali niyang inalala ang hitsura ng babae. “Yes. You’re right,” pagsang-ayon niya. Base sa hugis ng mukha ni Troy ay kamukha nga nito ang celebrity chef.           Ilang sandali pa ay dumating na ang order nila. Kaagad natakam si Faith nang mai-serve ang crabs, shrimps at squids. Paborito kasi niya ang seafoods. May kasama rin iyong sinigang na baboy, enseladang manga, four cups of plain rice at buko juice. Nagpatuloy ang pag-uusap nila habang maganang kumakain. Hindi uso kay Faith ang diet dahil mabilis ang metabolism ng kanyang katawan at regular siyang tumatakbo sa loob ng village nila. Mukhang ganoon din ang kasalo niya.   Hinayaan niyang magkuwento si Troy tungkol sa sarili nito. Tyrone Earl Jason Escobar ang buong pangalan nito at tulad niya ay single din ito. Bunso ang lalaki sa tatlong magkakapatid at mas matanda siya rito nang isang taon. Twenty-one years old ito at graduating sa kursong Management Engineering sa Ateneo De Manila University. Bukod sa maging isang successful businessman, ultimate dream ni Troy ang maging professional basketball player na hindi malayong matupad dahil kilala itong magaling na basketball player.  Sumikat ang lalaki dahil sa pagbibigay-karangan nito sa Ateneo pagkatapos na ilang beses mag-champion ang Ateneo Blue Eagles sa UAAP at hindi dahil anak at kapatid ito ng mga kilalang personalidad sa bansa. “So, Faith, what do you do? Nag-aaral ka pa rin ba o working na?” tanong naman ni Troy. “Graduate na ako and I’ve passed the medical technology licensure exam months ago.” “Wow! Congrats!” Ngumiti siya. “Thanks.” “Saang university ka gumraduate? May plano ka bang mag-pursue ng Medicine?” “UST. Yes. Actually, hinihintay ko na lang ‘yong result ng entrance exam sa mga in-aplay-an kong medical school.” “I see. May mga kaibigan akong medical students. ‘Yong iba dito nag-aaral sa Philippines, ‘yong isa sa Oregon.” “Sa Portland ba?” “Oo.” “Medical student din sa Portland ang best friend ko.” “Talaga? Baka pareho lang sila ng university na pinapasukan ng kaibigan ko. Kaya lang, hindi ko natandaan kung saang medical school siya nag-aaral.” “Hindi siguro. Marami rin kasing magagandang university sa Portland.” “Siguro nga.” Pagkatapos nilang kumain ay inilibot siya ni Troy sa paligid ng Club E Resort. Nakarating din sila sa tinutuluyan nitong cottage at sa lagoon na may iba’t-ibang species ng mga ibon, butterflies at malalaking harmless lizards nasa gawing likuran ng hotel. Dahil hindi naman peak season at may-kamahalan din ang resort, kakaunti lang ang bakasyunista. Nagyaya rin si Troy na mag-swimming sila pero tumanggi siya. “Ano’ng plano mo bukas?” tanong nito nang maghihiwalay na sila sa harap ng hotel. Alas-kuwatro na noon ng hapon.             “Magsu-swimming ako at magbabasa ng libro.” Nagkalat ang mga hammocks sa beach. Nai-imagine na ni Faith ang sarili na nakahiga sa mga hommock at nagbabasa ng baong  medical fiction novel.           “Hmm… mamamasyal ako sa Puerto bukas. Sama ka na lang sa akin.” Kaagad siyang na-excite sa narinig. “Talaga, ipapasyal mo ako ro'n?” Plano talaga niyang mamasyal sa Puerto Princesa bago bumalik sa Maynila. Mag-i-inquire na nga sana siya sa reception ng puwedeng sakyan sa pagpunta roon pagpasok niya sa hotel.             “Oo. Kung may tiwala ka sa akin.”  “Mukhang harmless ka naman. Sige, sasama na ako sa ‘yo.” Sa ilang oras nilang pagkakasama ay naging gentleman si Troy.Naramdaman niyang mabait at mapagkakatiwalaan ito kaya mabilis niyang nakapalagayan ng loob. Masarap din itong kausap. Pakiramdam nga  niya ay matagal na silang magkakilala.           “Cool. Let’s meet here at six in the morning?”           “Okay.”           “See you tomorrow, Faith,” nakangiting paalam ni Troy at umalis na.           Nagpatuloy naman si Faith sa pagpasok sa loob ng hotel.     AYON kay Troy, apat na oras ang biyahe mula sa Club E Resort sa Puerto Prinsesa. Mula sa resort ay sumakay sila sa isang van na pag-aari ng ama ng binata at mismong si Troy ang nag-drive. Kabisado na raw ng binata ang buong lalawigan dahil mula pa pagkabata ay doon na ito namamalagi kapag bakasyon. Maayos ang kalsada kaya maganda ang biyahe nila. Enjoy na enjoy si Faith nadaraanan nilang magandang view ng dagat na paminsan-minsang lumilitaw. Nadaanan din nila ang malaking plantation ng palm tree. From time to time ay humihinto sila para mag-picture taking at bumibili ng mga prutas sa nadaanang fruit vendor sa gilid ng kalsada. Kung ano-anong topic ang napag-usapan nila at paminsan-minsang nagtatawanan habang nasa biyahe sila.           Pagdating sa Puerto Princesa, dumiretso kaagad sila sa Sabang kung saan matatagpuan ang Underground River na matagal nang gustong makita ni Faith. The Underground River was a UNESCO world heritage site at ilang beses na niyang napanood sa mga travel shows at documentaries ang kagandahan ng lugar. Pero sa pagkadismaya niya ay pansamantalang isinara pala iyon at prine-preserve dahil isa iyon sa mga nominado sa New Seven Wonders of Nature.           “May next time pa naman,” pakonsuwelong sabi ni Troy habang pabalik na sila sa sasakyan. “Malay mo, sa susunod na punta natin dito ay kasama na ang Underground River sa New Seven Wonders of Nature. ‘Di ba mas maganda ‘yon?” As if meron pang next time na makakasama niya ito roon. Gayunman, tinanguhan at nginitian niya si Troy. Dumiretso sila sa Ugong Rock na nasa Sabang din. Ayon kay Troy, isa ang lugar sa madalas na pinupuntahan dahil mahilig din ito sa extreme sports. Game na pumasok sila sa kuweba at umakyat sa mga bato kasama ng ibang mga turista para makarating sa tuktok ng Ugong Rock. Nang makarating doon ay nag-zip line sila pababa. Masayang-masaya si Faith. First time niyang mag-zip line at hindi niya akalain na ganoon pala iyon ka-exciting.           Nag-late lunch sila sa isa sa mga restaurant along Sabang beach. First time ni Faith na kumain ng adobo at kalderatang kambing - at hindi niya akalain na masasarapan siya. Sandaling nilibot din nila ang lugar at muling nag-picture taking. Pagkatapos ay sumakay na sila sa sasakyan at isa-isang pinuntahan ang mga tourist destination sa city proper.           “Okay lang ba kung dito na lang tayo magpalipas ng gabi?” tanong ni Troy habang pabalik na sila sa sasakyan matapos nilang mag-merienda ng masarap at sikat na hopia sa Baker’s Hill.             Nakita ni Faith ang pagod na nakalarawan sa mukha ni Troy. Siya man ay pagod na rin sa maghapong pamamasyal. They both needed a rest. Hindi biro ang apat na oras na magiging biyahe nila pabalik sa Club E.           “Okay,” pagsang-ayon niya. Good thing dala niya ang lahat ng mga gamit niya. Wala siyang magiging problema sa pamalit na damit.           Nagcheck-in sila sa isang inn malapit sa plaza.           “I want to bring you to one of my favorite places here tonight,” sabi ni Troy nang nasa tapat na sila ng magiging kuwarto niya. Magkatabi ang mga kuwarto nila.           “Saan naman tayo pupunta?”           “Basta, you're going to love the place. Katukin kita ng seven PM?”           “All right.”           Pagpasok sa kuwarto ay mabilis na nag-shower si Faith. Pagkatapos ay nahiga na siya para sandaling magpahinga para mag-ipon ng lakas para sa muli nilang pamamasyal ni Troy.   EKSAKSTONG alas-siyete ng gabi nang sunduin ni Troy si Faith sa kuwarto nito. Naka-bullcap ang binata at tulad niya ay nakasuot din ito ng walking shorts at T-shirt. Pareho rin silang naka-tsinelas lang.           Sandali silang naghapunan sa paboritong restaurant ni Troy bago nagpunta sa destinasyon nila. Kaagad na excite si Faith nang malamang magpa-firefly watching sila sa Iwahig River. Alam niya kung gaano kaganda ang lugar. Napanood niya nang i-feature iyon sa isang late night TV show. Proyekto ng isa sa mga foundation ng isang TV network ang Iwahig Firefly Watching katuwang ang city government.            Mahigit kalahating oras din ang biyahe nila papunta sa Iwahig River.  Pagdating sa Iwahig Firefly Watching ay bahagyang nag-alala si Faith na hindi na sila maa-accommodate nang makitang maraming tao sa waiting area.           “Don’t worry, kanina pa ako nagpa-reserve ng slot natin sa isang kaibigan ko na staff nitong place,” nakangiting sabi ni Troy habang papunta sila sa registration area.            Napangiti si Faith. She noticed Troy was an organized person, which she liked most about a person. Napaaga pa sila ng dating. Ilang minuto pa bago ang slot nila kaya nag-picture taking muna sila. At tulad sa mga lugar na pinuntahan nila kanina, may mga turista rin na nagpa-picture kay Troy - bagay na nakasanayan na niya.           “Troy, girlfriend mo?” tanong ng isang babae na nagpa-picture sa binata.           “Yup. Bagay ba kami?” pabirong sabi ni Troy at inakbayan pa siya.           “Bagay na bagay,” sagot ng babae.           Napangiti na lang si Faith sa sinabi ng babae. Mula pa kasi kanina habang namamasyal sila ay iyon na ang isinasagot ni Troy sa mga nagtatanong. “You know what? Bukod sa pamilya ko at mga childhood friends ko, ngayon lang uli ako naging ganito kakomportable sa isang babae,” sabi ni Troy habang nakaupo sila sa isa sa mga bench sa waiting area at hinihintay na tawagin ang numero nila. Kompara sa kanya na si Lorraine lang ang itinuturing na pinakamalapit na kaibigan, ayon sa kuwento ni Troy ay marami itong kaibigan. Kabilang daw ang binata sa isang malaking barkada na binubuo ng mga anak ng mga kaibigan ng mga magulang nito.  Nakakunot ang noong bahagyang humarap si Faith sa katabing binata. “Uli?”           “The last time I got close to a woman like this was with my ex-girlfriend. But we broke up years ago.”           Naging interesado si Faith sa narinig. “Bakit naman kayo nag-break?”           “Sumunod kasi siya sa pamilya niya sa Italy kaya nakipaghiwalay siya sa akin. Since then hindi pa uli ako nagkaka-girlfriend.”           “You just let her go? Hindi n’yo sinubukan ang long-distance relationship?”           Umiling si Troy at matipid na ngumiti.           “Magaan din ang loob ko sa ‘yo,” pag-amin ni Faith. And out of the blue, she found herself telling him things that she never told to anyone else except Lorraine. Pakiramdam kasi niya ay safe ang mga sikreto niya kay Troy. Ikinuwento niya rito ang tungkol kay Lloyd.           “Basta na lang pumayag ang ex mo na maghiwalay kayo nang mahuli kayo ng papa mo?” nakakunot ang noong putol ni Troy nang nasa kalagitnaan na siya ng pagkukuwento.           “Hindi naman. He tried not to lose me. Kinulit niya ako nang kinulit na ipagpatuloy pa rin ang relasyon namin kahit patago. Because I loved him, hindi ko rin siya natiis. Nagpatuloy ang secret relationship namin. Pero no'ng third year na kami, kinailangan ni Lloyd na mag-tranafer sa Davao dahil lumipat na doon ang family niya. Pero nagpatuloy pa rin ang relasyon namin. We had a long-distance relationship for almost two years. Almost every month, pinupuntahan niya ako  at tuwing monthsary at anniversary namin ay dinadalaw niya ako para makapag-celebrate kami.”           “Ang plano namin, sa oras na maka-graduate kami sa premed course namin ay ipaaalam na namin sa parents ko ang tungkol sa relasyon namin. At kung sakaling hindi pa rin nila tanggapin ang relasyon namin, sasama na ako kay Lloyd sa Davao.”            “Bakit naman kayo nag-break?”           Mapait na ngumiti si Faith at inalala ang nangyari noon. Graduating na siya nang isang araw ay maisipan niyang dalawin at sorpresahin ang kanyang boyfriend. Sinamantala niya ang pagkakataon na nasa abroad ang mga magulang para um-attend sa isang seminar. Pero siya ang nasorpresa sa natuklasan. Mag-iisang taon na pa lang may asawa si Lloyd. Pinakasalan ng lalaku ang kaklase nito pagkatapos mabuntis. “I’m so sorry, Faith. Hindi ko kasi alam kung paano sasabihin sa ‘yo kaya naglihim ako sa ‘yo,” hiyang-hiyang sabi ni Lloyd. “Ang hirap kasi ng relasyon natin kaya hindi ko naiwasang tumingin sa iba. I’m sorry hindi na kita nahintay.”  Gumuho ang lahat ng pangarap ni Faith para sa kanila ni Lloyd. Matagal din bago niya natanggap ang kinahinatnan ng kanilang relasyon.           Hinawakan at pinisil ni Troy ang kanyang kamay bilang pagsuporta pagkatapos niyang magkuwento.           “Do you still love him?”           “I don’t know,” honest na sagot niya. Pagkatapos niyang mabigo kay Lloyd ay may mga nanligaw pa sa kanya pero parang  hirap na siyang magtiwala at magmahal uli kaya kaagad na tinatapat ang mga manliligaw. Bukod doon,  nagdesisyon siya na sa pagkakataong iyon ay matatapos muna siya ng pag-aaral bago muling makipagrelasyon.            “You’re going to forget him. I’ll help you to forget him,” sinserong sabi ni Troy habang nakatitig sa kanyang mga mata.           Biglang na-conscious si Faith sa paraan ng pagtitig ni Troy sa kanya. Nag-iwas siya ng tingin. Itatanong sana niya kung ano ang ibig nitong sabihin pero hinila na siya nito patayo. Tinawag na kasi ang kanilang mga numero.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD