Kabanata 1: Paglisan
DENBRILL ARKUN BRILLIANTES’ POV
NAPATINGIN ako sa itaas ng aming mansion nang mapansin ko na nakabukas ang bintana ng silid namin ng asawa ko. Sumasayaw ang puting kurtina sapagkat nililipad ito ng hangin.
Wala sa sariling napatingin ako sa kalangitan. Maganda ang tanawin dahil palubog na ang araw ngunit hindi ko pa rin iyon nagustuhan. Dahil sa kabang nararamdaman ko.
Malalaki ang bawat hakbang ko upang makapasok sa loob ng mansion namin pero nakita ko ang magandang pulang rosas ng asawa ko sa hardin. Nilapitan ko iyon at napansin ko na ito ang rosas na kay hirap mamulaklak kung kaya’t pinitas ko ito kahit na alam ko rin na magagalit si Lorainne. Nakapagtataka lang na walang tinik ang mga ito.
Nadatnan ko naman sa may sala namin ang aking bunsong anak na si Godfrey. Nakatutok siya sa laptop niya. Napatingin siya sa gawi ko at nagmamadaling tumayo para salubungin ako. Hinawakan niya ang kamay ko upang magmano.
“Dad, magpapaalam po sana ako,” sambit niya at napasulyap ako sa bagahe niya na nasa sahig.
“Bakit sa akin ka magpapaalam? Doon ka sa Mommy mo,” naiiling na sabi ko pero inilingan niya rin ako.
“Eh, Dad. Tapos na po akong nagpaalam kay Mommy. Nasa kuwarto po ninyo siya. Kanina pa ho siya nakatingin sa bintana at alam ko na kayo ang hinihintay niya,” sabi niya at bumilis ang t***k ng aking puso.
Mataman kong tinitigan ang mukha ng anak ko at hinaplos ko ang ulo niya. Mas matangkad sa akin ang bunso naming anak pero siya ang kusang yumuko upang maabot ko ang kanyang ulo.
“Son, dito ka na muna sa mansion natin,” mahinang saad ko at alam kong nakita niya ang pagdaan ng lungkot sa mukha ko.
“Why, Dad?” naguguluhan na tanong niya.
“Ang Mommy mo. Hindi na siya magtatagal pa. Iiwan na niya ako,” sambit ko at umawang ang labi niya sa gulat. Alam na niya kung ano ang ibig sabihin ng mga katagang iyon.
“D-Dad... Bakit po... Bakit hindi na lang po natin ipagamot sa ibang bansa si Mommy?” tanong niya na halos pumiyok pa ang boses niya. Tinapik ko siya sa kanyang balikat at ngumiti.
“Alam mong mahina na ang katawan ng iyong ina at ang puso niya. Dito ka na muna, anak,” sabi ko lang at iniwan ko siya sa sala na may luha ng tumutulo sa pisngi niya.
Pinihit ko pabukas ang pinto ng kuwarto namin at sa una ay hindi ako napansin ng maganda kong asawa. Hindi nga ako nagkamali sa hinala ko na nasa tapat na naman siya ng bintana kung saan ay ipinasadya kong ilagay roon ang sofa bed upang hindi siya mayamot sa kahihintay sa akin mula sa trabaho ko pero simula nang naging ganito siya ay pinili ko na muna ang mag-leave sa kompanya para samahan siya sa kahuli-hulihang buhay niya.
Itinago ko ang pulang rosas sa likuran ko at napansin niya lang ang pagdating ko nang marinig niya ang mga yabag ng sapatos ko.
“Ang Don Brill ko,” nakangiting sambit niya sa pangalan ko. Kung dati ay siya lang ang tumatawag niyan sa akin na Don Brill. Siya ang bukod tangi na nagbigay ng ganyang pangalan.
Lumipas man ang mahabang panahon ay nakikita ko pa rin ang kagandahang taglay ng pinakamamahal kong asawa. Siya pa rin talaga ang babaeng pinakamaganda na nakita ko sa tanang buhay ko.
“Hindi naman talaga ako isang don, mahal. Mas maganda pa rin naman na tawagin mo akong Engineer. Pero dahil nagmula sa iyo ang pangalan kong iyon ay sinabihan ko na ang mga taong kakilala ko na tawagin nila ako ng ganoon. Dahil gusto ko...maaalala kita palagi kahit na... i-iiwan mo na ako,” sambit ko at nabasag lang ang aking boses.
“Mahal, hindi naman kita iiwan,” tanggi niya ngunit nag-init pa rin ang sulok ng mga mata ko.
Dahil may pakiramdam ako... May pakiramdam ako na ngayon na niya ako iiwan. Makakaya ko nga ba siyang bitawan na lamang?
“H-Hindi nga ba? Naghahanda ka na yata, eh,” saad ko at ibinigay ko sa kanya ang bagay na tinatago ko. Ang isang tangkay ng rosas.
“Napakaganda naman nito, Don Brill. Pinitas mo na naman ang mga bulaklak ko sa hardin, ’no?” tanong niya.
“Mas maganda ka pa kaysa sa rosas na iyan at oo pinitas ko nga iyan,” sagot ko at mahina ang kanyang pagtawa. Sapat na para lumambot lalo ang puso ko. Sa kanya lang ang pinakamagandang tawa na narinig ko. Maliban sa tawa ng aming mga anak at apo.
“Don Brill, alalahanin mo na walang panghabang-buhay ang isang bagay at lahat tayo ay may kinalalagyan. Mahal ko, huwag mong isipin na iiwan kita. Ako’y...mawawala man sa piling mo ay hindi naman ako mawawala sa puso’t isipan mo. Palagi pa rin akong mananatili sa tabi mo,” paliwanag niya pero kusang bumagsak ang mga luha ko at umaalog pati ang mga balikat ko. Naramdaman ko ang paghaplos niya roon. “Mahal...”
“A-Ako dapat ang mauuna, Lorainne... Ako dapat iyon bago ka, mahal ko...” umiiyak na saad ko.
Ni minsan ay hindi ko talaga naisip na siya ang mauuna kaysa sa akin. Dahil ako iyon dapat. Dapat ako ang mauuna at hindi siya. Sapagkat hindi ko kayang mawala siya nga ganito na lamang. Hindi ba puwedeng sabay na lang kami?
Mahigpit niya akong niyakap na parang ito na rin ang huling mayayakap ko siya nang ganito. Isa ito sa hahanap-hanapin ko.
“If I could stop every ticking of time I would. It hurts to let you go suddenly. But promise I’ll live as long as you said. I’m coming after you. Your love for me is priceless so take my heart too, my love... You’re the only woman I’ll love, even in the afterlife or our next life. I love you so much, Lorainne Angeles-Brilliantes, the mother and granddaughter of my children. You are free not because I set you free, you are free because your heart wants. Muli tayong magkikita, mahal ko...” mahabang sambit ko at narinig ko ang paghinga niya nang malalim.
“Mahal na mahal na mahal kita, Don Brill...” Kitang-kita ko kung paano tumulo ang mga luha niya. “I love you, Denbrill Arkun Brilliantes...” Sa mga katagang huli niyang sinambit ang mas nagpaiyak sa akin.
Sa sobrang tuwa ng puso ko ngunit may sakit at lungkot, pero nangingibabaw man ang sakit ay mas pinili ko na lamang ang saya dahil sa kahuli-hulihang pagkakataon ng kanyang buhay ay ako pa rin ang mahal niya. Ako pa rin ang sinabihan niya ng mahiwagang salitang iyon.
Iyon man ang huling beses ko na maririnig ang boses niya at ang pagsabing mahal niya ako ay naging sapat na iyon sa akin kahit na tuluyan na niya akong iniwan.
Umalingawngaw sa apat na sulok ng aming silid ang boses kong umiiyak at naghihinagpis. Sa pintuan na iyon ay nakita ko ang pagbagsak ng anak ko sa sahig habang pigil na pigil pa rin niya ang pag-iyak. Sa pagkumpas ng isang kamay ko ay dahan-dahan siyang tumayo at lumapit sa amin.
Pumuwesto siya sa likuran ng kanyang ina at parang isang bata na sumiksik sa leeg nito habang umiiyak pa rin siya.
“M-Mommy...”
Iyon naman ang nadatnan ng aking mga anak at tila napakabigat pa sa kanila ang humakbang para lang lumapit sa amin. Hinayaan ko sila na yakapin ang walang buhay nilang ina at umiyak sa mga bisig nito.
Tinuruan ko sila kung paano itago ang totoong emosyon at magseryoso sa buhay nila pero hindi sa puntong ito na parang bumalik lang sila mula sa pagkabata. Inilabas nila ang totoong saloobin at ipinakita ang kahinaan.
May kirot sa puso ko at pero nandoon pa rin ang saya sapagkat alam ko na hindi na makararamdam pa ng sakit ang pinakamamahal kong babae, ang aking asawa.
Malayang-malaya na siya, kahit napakasakit pa rin ang paglisan niya sa amin ng ganito. Kahit pinaghandaan ko na ay hindi ko pa rin talaga mapigilan ang hindi masaktan at maiyak ng sobra-sobra.
Sino nga ba ang hindi masasaktan kapag nawala sa ’yo ang isang taong mahal na mahal mo? Sino ang hindi maiiyak kapag ang mahal mo na pinagkukuhanan mo ng lakas ay siyang mawawala rin?
Ngunit ganoon pa man ay pinili ko na rin ang tanggapin ito. Dahil alam ko na muli naman kaming magkikita, hindi man sa panahon na ito at sa mundong ito.
Napatingin ako sa labas. Kasamang lumisan ang asawa ko sa papalubog na araw. Nawala man ang kalahati ng buhay ko ay naiwan naman ang mga bunga ng pagmamahalan namin.
Kasamang pagtulo ng mga luha ko at sa pagpikit ng aking mga mata ay bumalik ako sa alaala, kung saan unang nagtagpo ang aming landas ni Lorainne.
Ang babaeng hindi ko man masasabi na una kong minahal ay siya pa rin naman ang lahat-lahat sa akin. Ang buhay ko...
Ako si Denbrill Arkun Brilliantes, na mas kilalang Don Brill na palayaw na ibinigay sa akin ng asawa ko. Sa edad na animnapu’t apat ay lumisan si Lorainne, ngunit hindi ibig sabihin no’n ay tuluyan nang magtatapos ang aming pag-iibigan. Dahil alam ko naman na magpapatuloy pa ito habangbuhay.