KABANATA 2

1641 Words
Kabanata 2: Pagkikita LORAINNE A. ANGELES’ POV ILANG buntong-hininga na ang pinakawalan ko at masikip pa rin ang aking dibdib. May kung ano sa akin ang gustong umiyak. Ang umiyak sa lungkot at hinagpis. Sapagkat ngayong araw ay ililibing na ang mga magulang ko. Masyado pang maaga para iwanan na lamang nila ako ng mag-isa. Pero ano nga ba ang magagawa ko kung ito na ang oras nila? Kasalukuyang nasa ibang bansa sina Mama at Papa, dahil sa business trip ng aking ama at sinamahan lang naman siya ni Mama. Ngunit nang pauwi na sila ay saka pa bumagsak ang sasakyang himpapawid. Plane crashed. Excited pa naman akong makabalik sila dahil na rin sa huling pag-uusap naming tatlo. Halos hindi na nga ako makatulog pa sa kahihintay sa kanila pero ito lang pala ang mangyayari kinabukasan. Ang malaman kong wala na ang pinakamamahal kong ina at ama. Masakit talaga ang paglisan nilang dalawa. Dahil hindi ko ito pinaghandaan. Ang akala ko nga ay matagal pa bago nila ako iiwanan. Muli akong humugot nang malalim na hininga at napatingin sa paligid. Purong naka-itim na kasuotan ang mga taong dumalo sa paglibing nina Mama at Papa. Makikita sa mga mukha nila ang lungkot, awa at pakikiramay sa akin. Sumasabay ang masamang panahon, madilim ang ulap at nagbabadya na ang malakas na ulan. Malamig ang simoy ng hangin at sinasayaw nito ang dahon ng mga punong kahoy. Maririnig ko ang pag-iyak ng mga kasambahay namin na napamahal sa aming pamilya pero ako ay nanatiling blangko ang ekspresyon at hindi umiyak. Hindi ako nagpakita ng kahit na ano’ng lungkot at paghati. Kahit sa loob-loob ko ay sobra-sobra ng nadudurog ang puso ko. Masakit nga ang mawala sila, dahil magigising ka na lang isang umaga ay hindi mo na masisilayan pa ang mga taong mahalaga sa ’yo at ang pinakamamahal mo. Ganito pala talaga ang pakiramdam ng mawalan ka ng minamahal sa buhay. Ngunit wala tayong magagawa kundi ang tanggapin ang kapalaran na ibinigay sa kanila. Na hanggang dito na lamang sila. Hindi ako nakakibo nang makita ko ang unti-unting pagbaba ng puting kabaong. Punong-puno na ito ng mga bulaklak. “Señorita Lorainne?” tawag sa akin ni Ate Lessa. Siya ang personal kong kasambahay, pero madali lang naman ang trabaho niya. Ang alagaan lang ako. Sampung taon ang agwat namin sa isa’t isa. “Ayos ka lang ba?” tanong niya. “Hindi ka magiging maayos kapag ganito ang sitwasyon mo, Ate Lessa. Oo, matatanggap mo balang araw pero dadaan ka muna sa lungkot, hirap at pighati. Ngunit pasasaan ba’t makakaya mo pa rin harapin ang bukas na hindi mo na kapiling pa ang mga magulang mo. Ganito ang buhay natin, Ate. Punong-puno ng surpresa,” saad ko at napangiti ng mapait. Mayaman ang pamilya namin. May mga lupain kami sa probinsya at isang shop naman ang pinagkaabalahan ko rito sa Manila. Pero nag-aaral pa naman ako at nasa third year college na. Mas pinili ko ang kurso na sa tingin ko ay magagamit ko sa isang bagay balang araw. “Señorita?” muling tawag niya sa akin. “Mauna ka nang umuwi, Ate Lessa.” “Ngunit Señorita? Nagbabadya na po ang malakas na ulan. Saan pa kayo pupunta?” nag-aalalang tanong niya. Binalingan ko siya at ngumiti ng tipid. “Tara na,” sambit ko at nakahinga siya nang maluwag. Dahil sasama na nga ako at hindi na ako magpapaiwan pa rito. Hinanda niya agad ang payong namin at saka kami nagsimulang maglakad at ’saktong nasa tapat na kami ng sasakyan namin ng may isang lalaking lumapit sa aming direksyon. May hawak din siyang payong dahil nagsisimula na ngang umaambon. “Sino ka?” tanong ni Ate Lessa sa lalaki. “Ako po si Atty. Franklin, Señorita Lorainne. Paumanhin po kung ngayon ko na kayo aabalahin pa gayong kalilibing lamang ng mga magulang mo. Ngunit habilin po sa akin ni Sir Angeles ay huwag ipagpaliban ang last will niya,” sambit niya. “Pero, Attorney. Puwede ninyo naman pong kausapin bukas ang señorita namin,” sabi ni Ate Lessa sa kanila. “Kasama ko po kasi ang isang taong pinagkakatiwalaan ng iyong ama, Señorita,” giit pa nito at huminga ako nang malalim. “Kung ganoon ho. Sumunod na lamang po kayo sa amin at sa mansion na lang tayong mag-uusap,” sabi ko na tinanguan na niya saka kami tuluyang sumakay sa kotse. Napatingin ako sa labas ng bintana dahil nakikita ko na ang pagdilim ng paligid dahil tuluyan nang bumagsak ang ulan na sobrang lakas pa. Nakikita ko rin ang isang Hummer na sasakyan na nakasunod sa amin. Alam ko na sasakyan iyon ni Attorney Franklin. Pero ang ipinagtataka ko lang ay bakit kaya ganyan ang sasakyan niya? Ganyang klaseng sasakyan na kaya ang gusto ng mga lalaking kaedad niya? Sa kalagitnaan ng aming biyahe ay bigla na lamang tumirik ang sasakyan at nauntog pa ang ulo ko sa windshield. Marahan kong hinimas-himas ito. Hindi naman siya masakit pero ganito tayong mga tao, na kailangan pang hawakan at himasin ang isang bagay na hindi naman talaga masakit, ’di ba? “Mang Nelo? Ano po ba ang nangyayari?” tanong ni Ate Lessa at napaayos ako nang upo. “Lessa, paumanhin Señorita. Tumaas na lamang ho kasi bigla ang baha rito at nahihirapan po ang sasakyan natin na makadaan,” problemadong sabi niya. Sa ganito pang sitwasyon kami susuwertehin? “Ano po ang gagawin natin para makaalis na tayo agad?” mahinahon na tanong ko. “May ibang daan naman po ngunit matatagalan tayo at alam kong pagod na ho kayo. Pero matagal bago gagana ulit itong kotse dahil napasukan yata ng tubig baha.” Sasagot na lamang sana ako nang may kumatok sa bintana ni Mang Nelo. Binuksan niya ang pintuan kahit na malakas ang ulan. Hindi ko narinig ang usapan nilang dalawa. Ngunit mayamaya lang ay natapos naman na sila. “Señorita, puwede ho raw kayo lumipat ng sasakyan kay Attorney Franklin para hindi na po kayo maghintay pa ng matagal dito.” Napatingin ako sa Hummer na nakahinto sa likuran namin. “Kasama ho ba kayo?” tanong ko. “Ikaw na lamang ang lumipat, Señorita. Dadaan na lang po kami sa iba.” Si Ate Lessa ang sumagot. Pagod na ako at hindi na ako nagprotesta pa. Binuksan ko ang pintuan sa side ko at buntong-hininga na naman ang pinakawalan ko. Napatingin ako sa itim kong sapatos na may two inches ang taas nito. Nasasayangan ako na mabasa lang ito ng tubig baha. “Naku po, Señorita. Totoong mataas na nga ang baha,” saad naman ni Ate Lessa. “Bababa po ako upang kargahin kayo,” pagpresenta niya ngunit pinigilan ko na siya. “Dito ka na lamang, Ate Lessa. Ako na lang ang bababa,” ani ko. “Pero Señorita...” Kinumpas ko ang aking kamay para manahimik na siya. Ibinigay na lamang niya sa akin ang payong. Ngunit bago pa lamang ako makababa ay may isang matangkad na lalaki ang huminto sa nakabukas na pintuan ng aming sasakyan. Nakasuot siya ng itim na raincoat at may suot din siyang rubber boots. Pilit kong tinitingnan ang mukha niya dahil basang-basa na rin ito ng ulan pero natatabunan iyon ng sumbrero ng raincoat at may hibla pa ng buhok. Nakita ko rin ang matangos niyang ilong. Madilim pa naman kaya hindi ko makikita ang buong mukha niya. Pero ramdam na ramdam ko ang lamig sa mga mata niya habang nakatitig din siya sa akin. Tumikhim siya at naglahad ng kamay. Tiningnan ko iyon at napakalaki ng kanyang palad na mukhang kayang sakupin ang dalawa kong palad. Personal driver din ba kaya siya ni Attorney Franklin? O isang bodyguard? Dahil ang laki rin kasi ng pangangatawan niya. “Sino ka?” dalawang salitang tumakas sa aking bibig. Muli siyang tumikhim at bumuntong-hininga. “Sige na po, Señorita. Bumaba na kayo dahil nababasa na rin ho kayo ng ulan,” sabi ni Ate Lessa na parang pinagkakatiwalaan niya rin ang lalaking ito. Kinuha nito ang payong at siya mismo ang nagbukas saka niya ibinigay sa akin. Tumayo ang balahibo ko nang dumampi pa ang mahaba niyang daliri sa kamay ko. Hindi ko naman inaasahan ang gagawin niya pero binuhat niya ako ng walang kahirap-hirap. Mabilis naman ang mga kamay ko para ayusin ang payong at nang hindi kami mababasa ng malakas na ulan. Pumulupot ang kaliwang braso ko sa leeg niya, samantalang nakahawak sa payong ang isa kong kamay. Ang mga braso niya ay nakaikot din sa aking likuran at ang isa pa ay nasa ilalim ng mga binti ko. He cleared out his throat again at napatingin naman ako sa adams apple niya na nagtaas-baba. Kumunot ang noo ko. Napahigpit ang yakap ko sa leeg niya dahil inayos niya ang pagbuhat sa akin. Napasandal tuloy ako sa matigas niyang dibdib at naririnig ko ang mabilis na t***k nito. Ang sarap pakinggan, mukhang mas maganda pa siya kaysa sa mga musikang naririnig ko. Bakit naman kaya nagandahan ako sa heartbeat ng isang tao at lalaki pa? Nagsimula siyang maglakad at alam kong mahirap kapag may baha pero sa tangkad at sa laki niyang tao ay hindi man lang siya nahirapan. Lumapit na kami sa nakaparadang hummer sa gilid ng kalsada at nakabukas na nga ang pintuan nito. Maingat niya akong ibinaba sa kotse. Hindi naman naulanan ang ulo ko dahil ang binti ko lang. Tinanggal niya ang payong sa kamay ko at isinara niya ito saka niya ibinigay ulit sa akin. Umikot na siya sa driver’s seat at sa pagsakay niya ay roon ko lang nakita ang maamo niyang mukha. Nagtagpo ang aming mga mata at sa hindi ko malaman na dahilan ay bigla na lamang bumilis ang t***k ng puso ko. Napatutop ako sa aking dibdib dahil tila lalabas na ang puso ko sa lakas nang kabog nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD