Kabanata 3: t***k ng puso
SALAMAT sa tulong ng ilaw na nagmumula sa kanyang hummer at nakita ko ang perpektong mukha niya. Dahil na rin sa nabasa siya ng ulan kanina ay basa na rin ang kanyang buhok pero maganda pa ring tingnan iyon dahil natabunan no’n ang kanyang noo na umabot pa sa mga mata niya pero makikita mo pa rin ang mga mata.
Makapal ang kilay niya, malamlam ang malamig niyang mga mata at matangos ang ilong niya. Ang panga niya na tila napakaperpekto ang paghulma nito. Namumula ang mga labi niya.
May malapad na balikat siya at halata talaga ang pagiging matangkad niya. Tunay na makisig siyang tao at napakaguwapo niya rin. Marami na akong nakita na mga lalaking may hitsura ngunit mas nangingibabaw yata ang kaguwapuhan niyang taglay.
Bumibilis pa rin ang t***k ng puso ko at may kung ano rin akong nararamdaman sa loob ng aking tiyan.
“Staring is rude, Miss,” sambit niya at ang lamig pala ng boses niya. Nag-iwas ako nang tingin sa kanya at tumutok na lamang ako sa katapat naming sasakyan na paunti-unti na palang umaandar.
Kumunot ang noo ko dahil diretso na ang usad nito. Akala ko ba ay dadaan pa sila sa ibang direksyon? Ngunit bakit yata dire-diretso na ang pagmamaneho nila?
Nang may naalala rin ako ay napatingin ako sa backseat. “Señorita Lorainne.” Nakahinga ako nang maluwag nang makita ko si Attorney Franklin na nakaupo sa backseat.
Hindi ko kasi matatagalan ang atmosphere sa loob ng sasakyan kapag alam kong may kasama akong estranghero.
“Pasensiya na sa maliit na aberya,” tanging nasabi ko na lamang dahil nakikisakay pa ako sa kanila.
“Walang anuman, Señorita,” sambit niya.
“Miss, fastened your seatbelt,” mahinahon na utos sa akin ng lalaking katabi ko, na nasa driver’s seat. I cleared out my throat at ikakabit ko na sana ang seatbelt sa katawan ko nang nahirapan pa ako. Kumunot ang noo ko. Magkaiba kaya ang seatbelt sa hummer at sa simpleng sasakyan lamang?
Narinig ko na naman ang pagtikhim ng lalaki at namanhid na ang batok ko nang humilig siya sa akin para lamang ikabit sa akin ang seatbelt. Halos hindi na ako huminga dahil sa lapit niya sa akin. Tila napako na nga rin ako mula sa aking kinauupuan pero nang nanuot sa aking ilong ang matapang na pabango niya ay napabuga ako ng hangin sa bibig.
Naramdaman ko na natigilan din siya dahil ’saktong tumama naman iyon sa leeg niya. Mariin akong napapikit at kinagat ko ang pang-ibabang labi ko na halos magdugo pa.
Humiwalay rin siya pagkatapos. Hindi na siya kumibo pa at tuluyan na rin niyang pinaandar ang sasakyan. Pagdating namin sa mansion ay inuna kong tanggalin ang seatbelt. Malaki ang pasasalamat ko na nagawa ko namang tanggalin iyon. Huminga pa ako nang malalim.
Nauna nang bumaba si Attorney Franklin at ang lalaking kasama niya, na baka driver niya lang?
Bababa na rin sana ako nang huminto na sa tapat ko ang lalaki. Napatitig na naman ako sa guwapo niyang mukha. Inilahad niya ang palad niya na katulad ng ginawa niya kanina sa akin. Siya talaga ang tipong lalaki na hindi magdadalawang isip na maglahad ng kamay upang tumulong sa kapwa. Ganoong tipo ng tao ang gusto ko sa lahat.
Tinanggap ko na iyon at naramdaman ko na naman ang kuryente na dumadaloy mula sa kamay niya at patungo sa akin. Masyadong mataas ang kanyang sasakyan at problema ko talaga ang pagbaba. Halos umawang naman ang labi ko ng muli kong naramdaman ang braso niyang nasa baywang ko na nakaikot para buhatin niya ako pababa.
Naalala ko na hindi pala ako nakapagpasalamat sa kanya kanina.
“Salamat,” tipid kong sambit nang maapakan ko na ang lupa. Sumalubong agad sa akin si Ate Lessa na may hawak na puting bimpo. Ibinigay niya iyon sa akin pero sa halip na gamitin ay nilapitan ko ang lalaki na nagtatanggal na ng rubber boots niya. “Heto, gamitin mo muna ang bimpo. Attorney Franklin. Maaari po kayong pumasok muna sa loob. Magpapahanda po ako ng kape para sa inyo.”
“Salamat, Señorita,” nakangiting sabi niya. Hinintay ko na muna ang lalaki para kunin na niya ang bimpo sa akin.
Nang natapos siya sa paghubad ng rubber boots niya at raincoat ay tinupi pa niya ang pantalon niya pataas ng tuhod niya. Tumayo na siya at tinitigan pa ang mukha ko bago bumaba ang kanyang mga mata sa hawak kong bimpo na kanina pa naghihintay na kunin niya ito.
“Maligo ka muna sa itaas at magpapahanda ako ng kuwarto,” sabi ko. Una niyang pinunasan ang mukha niya pero hindi tinanggal ang titig sa akin. Hindi ko nakakayanan iyon dahil ang lalim masyado at parang malulunod pa ako.
Nang nagsimula na akong maglakad papasok ay naramdaman ko ang pagsunod niya. Napalingon ako sa kanya at nakabalot na sa kanya ang puting bimpo. Bumaba naman ang aking mga mata sa paa niya na wala ng panyapak.
“Okay lang,” sabi niya sa marahan na boses pa rin ngunit nandoon pa rin naman ang lamig sa kanyang boses. Nahulaan niya siguro ang paraan nang pagtitig ko kasi wala man lang siyang suot na kahit na ano.
Makikita pa naman doon ang kutis niya, maputi ito at mamula-mula. Mukhang hindi siya isang driver lang pero ang mga braso niya ay tila sumisigaw ang kanyang mga ugat. Ang ganda ngang tingnan.
Umakyat kami sa itaas dahil nakita ko sa baba ang pag-asikaso ni Ate Lessa kay Attorney Franklin. Dahil sa iba nga ang tingin ko at eksaktong paakyat pa ako sa hagdanan ay muntik na akong mahulog dahil hindi umabot ang pagyakap ko sa isang baytang.
Malakas pa akong napatili. “Señorita Lorainne!” pasigaw na sambit nila sa pangalan ko nang makita nila ang sitwasyon ko.
Ipinikit ko na nga ang mga mata ko at handa na akong magpagulong-gulong pero may malakas na puwersa ang sumalo sa akin—ang ibig kong sabihin ay may sumalo sa akin mula sa likuran. Napasandal ako sa matigas niyang dibdib at kanang braso niya ay nasa baywang ko na naman. Napakapit agad ako sa braso niya, hinawakan ko nga iyon kahit nasa likod ko pa.
Ang isang kamay niya ay kumukuha ng balanse sa handle ng hagdan para hindi kami tuluyan mahulog. Ang lakas nang kabog sa dibdib ko dahil akala ko ay katapusan ko na talaga kanina. Hinanda ko pa naman ang sarili ko sa pagbagsak ko.
Natigilan pa ako dahil sa naririnig kong malakas na kabog sa likod ko. Bumuka ang bibig ko para sana magsalita ngunit pinangko na niya ako. Napakapit na ako sa kanyang leeg. Hindi na ako nakapagprotesta pa.
“Saan ba ang kuwartong pupuntahan natin?” kaswal na tanong niya. Ang adams apple niya talaga ang tinititigan ko bago ko ibinaling sa unahan namin kasi baka mahalata niya ang ginawa ko.
“Sa pintuan na iyan. Guest room namin,” sagot ko.
“Where is your room, then?” tanong pa niya. Napatingin ako sa pintuan ko na may berdeng bulaklak na gawa lang sa papel. Itinuro ko lamang iyon at hindi na ako nagtanong pa nang tinungo namin iyon.
Ako ang nagpihit nito pabukas at saka kami pumasok sa loob. Maingat pa niya akong ibinaba sa kama ko. Lumuhod pa siya sa harapan ko at hayon na naman ang malakas na kabog sa dibdib ko.
“Sandali lamang. Ano ang gagawin mo?” nalilitong tanong ko dahil tinanggal niya ang suot kong itim na sapatos na may takong.
Hindi siya umimik at dinala niya lang ang talampakan ko sa hita niya. Nahihiya pa ako dahil may suot akong puting medyas. Baka mamaya niyan ay may maamoy siya na hindi maganda roon.
Tinanggal niya lang iyon at marahan niyang minasahe na nagbigay sa akin ng kiliti. Ang laki ng palad niya. Nararamdaman ko ang gaspang at init no’n.
“Does it hurt?” he asked me. Umiling ako. Ang isang paa ko naman ang binigyan niya ng pansin.
“Ayos lang. H-Hindi naman ako nasaktan,” nauutal na saad ko naman.
“Next time. Mag-ingat ka na. Hindi ka dapat mapahamak dahil isisilang mo pa ang magiging panganay nating anak.” Hindi ko alam kung totoo ba ang narinig ko at hindi lang ako nagkamali. Pero mukhang iba nga ang sinabi niya dahil tumayo naman siya agad at saka niya ako iniwan sa loob ng aking kuwarto.
Ilang segundo pa akong natulala bago ko naisipan na kumuha ng damit para sa kanya. Mabilis kong pinilig ang ulo ko at tumayo na rin ako.
Gentleman pala ang driver ni Attorney Franklin.
Mabigat sa loob ko ang magtungo sa silid ng mga magulang ko dahil naaalala ko lang sila. Kaya hindi rin naman ako nagtagal pa roon. Kumuha lang ako sa mga damit na hindi pa nagagamit ng aking ama.
Nagtungo ako sa guest room namin at kumatok muna bago ko ito binuksan pero napahinto ako nang makita ko ang hubad niyang likuran—I mean iyong bahagi ng kanyang katawan lang naman ang nakita ko dahil nakatapis siya ng bimpo.
“Pasok.” Grabe, paano niya kaya nagagawang magsalita sa marahan na boses talaga katulad na lamang nito?
“Kunin mo na lamang ang iyong damit. Huwag kang mag-alala, hindi pa ito nagagamit ng aking ama,” saad ko at hindi ko na siya sinulyapan pa. Dahil baka kung ano pa ang makikita ko na hindi ko magugustuhan.
Kinuha naman niya iyon. “Thank you,” sabi niya at mabilis na akong umalis doon. Bumalik ako sa kuwarto ko na may kakaibang t***k sa puso ko.
Nagpalit lamang ako ng damit ko dahil may bisita pa akong naghihintay sa akin sa baba. Nasa hagdanan na naman ang lalaki na mukhang naghihintay sa akin? O baka ako lang itong assuming? Pinilig ko na lamang ulit ang ulo ko at nagpatuloy na sa pagbaba. Sinadya kong bagalan ang paglalakad ko upang hindi ko siya maabutan kaya nang mapansin niya iyon ay nauna na nga siyang bumaba.
Bakit ganito ang t***k ng puso ko? Parang hindi ako mapakali, ah. May kung ano akong nararamdaman na hindi ko maipaliwanag.