“Paano ba iyan? Natalo kita. Celebrate tayo sa pagkapanalo ko.” Narito lamang ako sa rooftop at patuloy na tinatanong ang sarili kung bakit nga ba ay natalo ako? Hindi ko pa rin magawang tanggapin ang lahat. Biglaan na lamang tumunog ang pintuan at napaharap ako sa dumating. Pinagsisihan ko ang aking nagawa dahil iniluwa nito ang taong tumalo sa akin.
“Paano ka kaya nanalo no?” Nag-iwas ako ng tingin habang hinihipan ang mumunting buhok sa aking mukha. Sa sobrang lamig ng hangin ay nararamdaman ko ang bawat hampas nito sa aking buong katawan. Kaya rin paborito ko ang lugar na ito. Pampalamig mula sa nag-iinit na kakaharapin, matapos ang mga nangyari.
“Tanggap mo na bang nanalo ako sa puso mo?”
“Ano?!” malakas ang pagkakabigkas ko ng salita. Masyado akong nabingi o baka tama o mali lang talaga ang pagkakarinig ko. Alam kong tama ako palagi, pero iba kapag siya. Magaling siyang bumaliktad ng salita.
“Wala iyon. Ang sabi ko, i-celebrate natin ang pagkapanalo ko.” Kita muna? Wala raw siyang sinabi. Ganito siya kagaling mambaliktad. Bagay na naging dahilan kaya niya ako natalo. Natalo nga niya ba talaga ako o baka naman…
“Magkano ginastos mo para manalo? Siguro, nag-vote buying ka, `no?” Tinaasan ko siya ng kilay. ‘’BINGO! That is a violation. Pwede kitang isumbong kay Sir Quimada.” Kailangan ko siyang mahuli. Kailangang lumabas mismo sa bibig niya na nilaro niya lang ang nasabing halalan.
“Bakit ba hindi mo matanggap na nanalo ako laban sa iyo? Gusto mo yatang halikan kita ulit para magising ka sa katotohanan e," pang-aasar niya, na lalong nagpaputok sa butsi ko.
“Bahala ka nga sa buhay mo. Tapos na ang eleksyon. Huwag na huwag ka nang magpapakita pa sa akin! Doon ka. Sumama ka sa mga supporters mong bobo at bastos!” Iniwan ko siya at tumakbo na ako pababa mula sa roof top. Siguro, kailangan ko nang mag-isip ng idadahilan kina mom at dad kung bakit hindi ako nanalo? Hays!
Habang sumasakay ako at nagmamaneho ang aming personal driver, sinalpak ko ang headset at pinagana ito. Napapangiti ako at napapakanta sa bawat indayog ng bawat kanta. Hanggang sa matigilan ako sa kantang nagpasakit sa aking tenga. Ang kantang katono ng campaign song ni Mike Khael Jam. Muli ko na namang naalala kung paano at bakit hindi ako nanalo…
*******
“Pinagsama-sama ko kayong lahat na tumatakbo para makahanap kayo ng inyong mga kapartido sa gagawin ninyong party. Batid kong nakapagsumite na si Jam Bie, ang tumatakbo sa pagkapangulo ng kanyang mga napusuang myembro sa kanyang partido. Kaya lahat ng natitirang tumatakbo na walang kapartido ay mapupunta kay Mike Khael Jam, ang tumatakbong pangulo ng kalabang partido.” Nanlaki ang aking mga mata buhat sa inanunsyo ni President Galleme.
Sa pagkakaalam ko ay wala akong makakalaban sa pwestong aking tinatakbuhan. Agad akong napatitig sa taong tumayo at pinalibutan ng mga kandidatong hindi ko napili. Teka nga, e paanong makakatakbo siya gayong puro cutting class lang naman ang pinaggagawa niya? Hindi siya kasama sa first section.
“Hayaan mo na. Wala namang panama sa iyo ang lalaking iyan. Mapapahiya lang iyan sa mga baby warriors niya.” Tumayo si JM sa harapan ko upang hindi ko matingnan ang kabilang partido.
“Hindi naman sa ganoon. Ang akin lang. Bakit hindi ko man lang nalamang may mapangahas palang lalaban sa akin? Tapos, taga-ibang section pa. Hindi ba nag-background check sina Sir Quimada si President Galleme? Palagi iyang nasa kanto, nagbabasag ulo. Palagi iyang nagka-cutting class, kahit may exam, ang bobo nga niyan e, hirap makakuha ng 85 na grado.”
Bakit ko nga ba alam? Syempre, ex siya ni Jeany. Second year kami, noong masilayan ko ang kanyang marka, dahil ipinakita ni Jeany. Pinagalitan ko itong lalaking ito, sinuntok nang marahan para magising sa katotohanan. Saka, iniwan. Naging sanhi iyon upang tuluyan nang iwan ni Jeany ang lalaking iyon. Akala ko nga, umalis na ang lalaking ito sa eskwelahan e. Kasi, hindi ko naman na siya nakikita. O, baka hindi ko lang din siya nagagawang mapansin kasi matapos ko sa classroom ay pupunta ako sa canteen, pupuntang library para mag-advance reading, `saka palang ako uuwi. Aral lang nang aral. Hindi dapat makampante dahil baka magalit si Daddy.
“Miss Jam. HIndi ko alam kung saan mo nakuha ang mga maling balitang iyan. Pero, itong si Mr. Jam. Tukayo pala kayo. Alam mo naman ang requirements upang makatakbo hindi ba? Tiningnan namin ang mga grado ni Mr. Jam at talagang sumang-ayon naman ang mga grado niya sa mga hinihiling namin. Hindi rin siya nagka-cutting class. Infact, matataas nga ang grado niya, e. Asahan mong magiging kaklase ninyo siya sa susunod na taon.” Paanong sa isang iglap lang e, nagbago ang isang tao? Isang taon palang ang nagdaan matapos ang hiwalayan ay biglaan na lamang siyang naging matalino? Baka naman nag-che-cheating lang?
Sa bagay, ganoon naman kadalasan ang mga ginagawa ng mga bobong nasa lower section. Huwag na huwag nilang sasabihing nauntog siya tapos paggising niya, tumalino na siya at naging matino? Pero, hindi. Bastos pa rin ang tabas ng dila niya. Hambog pa. Impossible.
“Okay lang po. Pasensya na po sa mga sinabi ko. Natatakot lang naman ako na baka mapunta sa walang alam ang lahat,” mahinahon kong saad sa kanya.
“Huwag na huwag kang mag-aalala. Hindi ba nga VP kita. Syempre, ikaw ang pambato ko, no.” Bigla akong napangiti sa mga sinabi niya. Tama nga naman siya. Bakit nga ba ako mag-aalala e, mananalo naman ako.
Lagayan na ng mga poster ng mga tumatakbong kandidato. Tatlong araw din kaming abala upang ligawan ang bawat estudyante na kami ang iboto. Sa tuwing dumadaan ako sa may canteen ay nakangiti pa rin ako habang kumakaway sa bawat estudyanteng dumadaan. Bawat nakalalapit sa akin ay binibigyan ko ng flyer.
“Iboto ninyo ako, ha!” Halos mapanis na sa mukha ko ang bawat ngiti. Kailangan ko itong gawin. Dapat huwag pakampante.
“S’yempre naman. Ano ba ang tinatakbuhan mo?” Aba e. Pakitingnan naman sa papel na ibinigay ko? Bobo ka ba? Itinuro ko na lamang ang papel.
“Ay. Ikaw pala ang kalaban ni Kuya. Pasensya na.” Parang biglang gusto kong sabunutan ang babaeng iyon. Mabuti na lang at umalis din siya agad. Kung hindi baka pag-uwi niya ay baldado na siya at hindi na makalakad.
Napuno ng hiyawan ang buong canteen kaya agaran akong napaharap sa may papasok dito. Nandito na naman pala siya. Parang gusto ko na lang umalis bigla.
“Nakita ninyo iyon? Kinindatan niya ako. Ang pogi talaga ng susunod na SSG President.”
“Girl, hindi ikaw iyon. Ako iyong kinindatan niya. Ang sexy ko kasi. My Loves, here I come!”
“Gaga! Huminahon nga kayong dalawa. Baka marinig tayo. Nandiyan iyong kalaban niya.”
Lakasan pa ninyo. Ang sarap itapon ang iniinom kong juice sa pagmumukha ninyong tatlo. Ang lalandi lang pakinggan. Porket pogi iboboto na nila? Hays…
Tumayo na ako. Ayaw kong marinig ang mga boses ng mga babaeng mukhang palakang isinisigaw ang pangalan ng lalaking iyon. Ako na lang ang lalayo.
“Jam!” Imbis na umalis ay agaran akong lumapit kay Sir Quimada na nakaupo sa isang mesa. Siyempre, tinawag niya ako e. Pero, sa pagmamadali kong makalapit sa kanya ay nagkabungguan kami ng kalaban ko sa pagiging SSG President.
“Sir!” Magkasabay kaming nagsalita na humarap kay Sir Quimada. Bakit nandito siya, ako naman ang tinatawag ni Sir?
“Bakit nandito ka? Ako iyong tinatawag ni Sir. Bakit Jam ka ba?” Biglang bumilog ang mga mata ko habang nakatingin sa kanyang mga matang nakatutok lang din sa akin. Hindi ko alam pero kusa na lang akong nakapagsalita nang hindi nag-iisip. Oo nga naman, nakalimutan ko na naman. May Jam din pala ang pangalan niya.
“Oy. Bakit parang nahihiya ka?” HIndi kasi ako makatingin kay Sir Quimada at lalong lalo na sa lalaking katabi ko. Kitang-kita ko kasi kung paano nagpipigil silang dalawang tumawa dahil sa sinabi ko. Hanggang sa sabay na silang humahalakhak.
“Pasensya na. Sige. Aalis na lang ako. Hindi pala ako ang tinatawag. Jam nga pala ang pangalan mo.” Hindi ko na sila tiningnan at naglakad na ako papalayo.
“Jam!” Hindi na ako lumingon kahit tumatawag si Sir Quimada. Malay ko ba kung hindi na naman ako ang tinatawag.
“Tukayo, tawag ka ni Sir.” Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa akin, pero dahan-dahan akong humarap sa kanila. Imbis na kay Sir ay napatitig ako kay Mike Khael Jam. Tila isang hipnotismo ang ginawa niya kaya tuluyan akong lumapit sa kanilang dalawa.
“Ikaw nga ang tinatawag ko, Miss Villacorta!” napalingon na lamang ako bigla kay Sir Quimada dahil sa turan niya.
“Ako naman pala ang tinatawag e. Bye, Khael!” pagpapaalis ko sa kanya.
“Huwag ka nang umalis, Jam este Mr. Briones. Ang totoo niyan, kayong dalawa talaga ang ipinatawag ko. Magkakaroon kayo ng debate. Sa debate na iyon, malalaman ng mga estudyante kung sino talaga ang iboboto nila. Kaya, inaasahan kong magiging maganda ang magiging debate ninyong dalawa. Bukas na bukas, gagawin ang debate. Kaya, walang a-absent sa inyong dalawa. Maliwanag?”
“Maliwanag, Sir!” magkasabay na naman kaming nagsalita.
Umalis din bigla si Sir Quimada.
Tinitigan ko nang masama itong si Kael. Pwede na siguro iyong Kael na lang, ‘no? Magsasayang pa ako ng laway sa pagbigkas ng sobrang habang pangalan. E, sa isang tao lang naman. Bakit kaya ganito na kadalasan ang ibinibigay na pangalan? Hindi ba naisip ng mga magulang kung paano kaming mga anak naging apektado sa sobrang haba ng isinusulat na pangalan namin? Mabuti sana kung lahat ng bata, sobrang talino na tulad ko. Kaso, hindi e. Iyong iba ang bobo talaga.
“Gusto mo?” Ikinaway niya sa akin ang hawak niyang ube cake. Paborito ko iyon pero kailangan kong humindi.
“Ayaw ko nga, baka may lason pa iyan. Lason na lang ang paraan para matalo mo ako. Malay ko ba kung naiisip mo na, para lang sa posisyon,” saad ko ‘saka tumalikod.
“Hoy. Tukayo. Alam mo, maganda ka sana kaso ang sungit.” Nilakasan niya ang kanyang boses para tumingin sa aming dalawa ang bawat tao na nasa canteen.
Ang lakas talaga ng loob ng lalaking ito na pahiyain ako. Gustong-gusto niya yatang magalit ako para makita ng bawat estudyante rito, at para wala na silang ibang choice kundi iboto ang chickboy na ito. Kailangan na hindi ako magpaapi.
“Alam mo, gwapo ka sana e. Kaso ang playboy mo. Manloloko ka na nga. Adik ka pa!” Pasensyahan talaga kami. Gusto kong huwag nang magsalita pa pero hindi napigilan ng bibig ko. Bahala na sila. Tutal, kapag nalaman ng mga estudyante na ito kung anong klase ang kalaban ko, manghihinayang sila at wala na silang ibang iboboto pa kundi ako. Wala ng iba pa. Sobrang bobo naman ng mga estudyante kung iboboto pa nila ang taong manloloko na, adik pa at playboy pa.
Nakangiti na lamang akong umalis mula sa pang-iinis ko sa kanya. Inaaasahan kong susundan niya ako at hihirit pa. Pero, hindi na. Suko na siya. Wala na talaga siyang panama sa akin. Paano na lang kaya kung magdedebate na kami? Baka dahil sa hiya ay biglaan na lamang siyang maihi at bumaba sa stage.
“Hi! Iboto ninyo ako ha? Hindi ako manloloko. Hindi ako adik. Hindi rin ako mapaglaro tulad ng iba diyan. Lalong lalo na, hindi ko ginagamit ang mukha ko para lang manalo. Villacorta for SSG President.” Sumabat na lamang ako bigla mula sa anim na estudyanteng magkakaibigan.
“Sorry, kaso may iba na kaming napupusuan e. Alam mo, crush naman kita e. Lagi nga kitang pinagmamasdan sa malayuan. Kaso, kahit crush kita, hindi pa rin iyon sapat para iboto kita.” Anong klaseng tao ba ito? Sobrang tapang a? Seryoso ba siya sa sinasabi niya? Ang honest naman niya. Sa sobrang honest niya parang gusto ko nang basagin ang pagmumukha niya. Pasalamat talaga siya at lalaki siya, kung hindi baka kwenelyuhan ko na siya at pinagbababasag ang mukha.
“Okay lang. Magkano ba bigay niya sa iyo?” Masisi ba nila ako? Masyadong obvious ang mga galawan. Para bang lahat na lang ng tao na nilalapitan ko ay biglang ayaw na sa akin, Hindi ko nga alam kung ano ang mga nagawa kong mali e? Wala akong ginagawang mali, ibig sabihin may ginagawang mali ang kalaban ko? Very easy.
“Anong bigayan?”
“Pera ba? Pagkain? Yosi?”
“Walang ganiyan. Utang na loob. Iyong taong kalaban mo, kahit adik iyon. Kahit mapaglaro iyon sa babae, kahit sinasabi mong manloloko iyon. Atleast iyong taong iyon, nagpapakatotoo iyon. Tropa ko iyon. Siya iyong dumamay sa akin noong nawala ako sa sarili at ninais na lamang na huminto ng pag-aaral. Pero, dumating siya. Isa siyang anghel na binaba ng langit. Kahit ganoon iyon may puso iyon. Kaya huwag na huwag mo siyang ihalintulad sa iyo!” Bigla akong nasemento sa mga sandaling ito. Masyadong madrama ang kuwento ng lalaking iyon/ Parang gusto ko na lang yata sityang yakapin at i-cheer up.
“Jameslehr, halika na. Hayaan mo na iyan!” Narinig ko na lamang ang mga kaibigan nito na tinatawag siya dahil biglaan na lamang tumunog ang bell. Paalala upang muli na namang magsipasukan para sa susunod na subject.
Jameslehr pala ang pangalan niya. Siguro hahayaan ko na lamang siya. Kailangan kong tanggapin na hindi lahat ng tao na gusto kong iboto ako ay boboto sa akin. Mas mananaig pa rin sa puso ng iba, ang pagsuporta sa taong nakatulong sa kanila kaysa sa taong mas deserving sa posisyon.
“Marites!” tinawag ko ang isa sa aking mga kaklase na tumatakbo sa halalan. Alam kong may galit siya sa akin, matapos hindi ko siya pinilii sa line up ko. Masisi niya ba ako? Siguro naman, babaliwalain niya na lamang ito kasi, alam niyang mas malapit sa akin si JM kaysa sa kanya?
“Jam, bakit?” peke ang ngiting tanong niya sa akin. Alam kong lumalapit lamang siya sa akin na napipilitan.
“Bukas na bukas din. Mangyayari ang debate. Kahit nasa ibang line up ka. Aasahan ko pa rin ang boto mo, ha?” Siguro naman may utak itong si Marites. Hindi niya iboboto iyong taong hindi rin naman niya kakilala. Magkakasama na kami mula first year. Siguro naman kilalang-kilala na niya ako. At alam niyang deserving akong manalo.
“Malalaman ko pa bukas. Galingan mo, ha! Alam kong magaling ka, pero huwag kang pakampante kay Mike Kael Jam. Balita ko magaling daw iyon sa debate.” Sa mga sinabi niya ay parang gusto ko siyang ingudngod sa pader. Bahala na nga…
“Bie, Huwag kang mag-alala. Mananalo ka. Mananalo ang team natin.” Pinilit ko na lamang ngumiti at tuluyan nang umupo sa upuan.
-
Nabalik na lamang ako sa katinuan na dinudungaw ang selpon kong tumutunog. Tumatawag pala si JM at baka nag-aalala na naman iyon dahil sa pagkatalo ko. Hindi ko na lamang siya sinagot. Sa halip ay tuluyan kong pinatay ang aking selpon.