“Si Priea lang ang nababagay sa anak ko, at hindi ang hampas-lupang mangmang na iyon!”
Kinaumagahan, pinatawag ni Donya Octavia si Arkin. Unti-unti nang nalalaman ng mga kasosyo nila sa negosyo ang kahangalang ginawa ng anak niya, at alam niya kung ano ang magiging resulta noon. Magiging katatawanan sila sa mga ka-negosyo nila, pag-uusapan sila ng mga tao, pagtatawanan sila — at iyon ang hindi niya hahayaan.
“Pinatatawag n’yo raw ako, Mama?”
tanong ni Arkin habang marahang lumapit sa kanyang ina.
Tahasang tinitigan siya ni Donya Octavia, puno ng lamig at galit ang mga mata.
“Arkin, kumakalat na ang kahangalan mo. Alam mo bang pinagtatawanan tayo ng mga kasosyo mo? Sa tingin mo, sino ang may gustong makipag-negosyo sa anak kong nakipag-isang dibdib sa isang babaeng mangmang?”
“Mama, mahal ko si Elaina,at wala akong pakialam sa kanila."
mahina ngunit matatag na sagot ni Arkin.
“Pagmamahal?Nasisiraan kana ba talaga ng bait?"
halos matawa si Donya Octavia sa narinig. “Pagmamahal ang dahilan mo? Sa babaeng hindi marunong bumasa at sumulat? Sa babaeng walang alam, walang pinagaralan, at walang maipagmamalaki?Anong nagustuhan mo sa babaeng iyon,Arkin?Ano na lamang ang magiging kahihinatnan ng mga magiging anak mo?Lalo na pagdating sa negosyo,baka maging kagaya lamang din ng Elaina na iyong ang mga magiging apo ko."
Napayuko si Arkin. Ramdam niya ang bigat ng bawat salitang binibitawan ng ina. Ngunit sa kabila ng lahat, alam niyang hindi niya kayang talikuran si Elaina.Gusto niya itong matulungan upang hindi na maliitin pa ng mga taong nakapaligid sa kanya,lalo na ang kanyang pamilya.
“Mama, kahit anong sabihin n’yo, hindi ko siya iiwan. Siya ang pinili ko, at kahit ano pa ang sabihin ng mundo, siya pa rin ang asawa ko.Isa pa,hinding hindi mangyayari ang mga sinasabi ninyo,dahil ngayon pa lamang ay tuturuan ko na si Elaina,upang hindi nyo na siya patuloy na malait pa.”
Muli ay natahimik si Donya Octavia, hindi na nga yata niya mapapagbago pa ang isip nang anak.Ngunit sa likod ng katahimikang iyon ay namuo ang isang mapanganib na plano — ang tuluyang paghiwalayin si Arkin at ang babaeng hindi niya matanggap.Hindi ang kagaya ni Elaina ang sisira sa magandang reputasyon at pagtingin nang mga tao sa kanila.
Samantala masayang masaya naman si Elaina ng makita ang mga school supplies na binili para sa kanya ni Arkin.
“P-para sa akin ang lahat ng ito?”
Hindi makapaniwalang tanong ni Elaina sa asawang si Arkin habang nakatingin sa iba’t ibang klase ng school supplies. Nai-excite siya sa mga maaaring magawa roon.
Nakangiting tumango sa kanya ang asawa.
“Yes. Para sa’yo ang lahat ng iyan, Mahal.”
Nakangiting sagot ni Arkin sa asawa. Masayang nilapitan ni Elaina ang mga kagamitang pang-eskwela. Inisa-isa niya iyong hawakan. Kahit hindi man sabihin sa kanya ni Arkin, alam niyang mamahalin ang mga kagamitang binili nito para sa kanya.
Hindi man siya marunong bumasa, ngunit kahit paano ay marunong siyang tumingin sa kalidad ng mga gamit.
“Nagustuhan mo ba, Mahal?”
Malambing na tanong sa kanya ni Arkin.
Nakangiti siyang tumango sa asawa. Para siyang isang paslit na nabilhan ng laruan ng magulang. Sobrang saya niya dahil unti-unting natutupad ang mga pangarap niya.
Kinuha niya ang isang lapis at notebook. Excited siyang masulatan iyon. Ngunit agad din niya iyong binitawan at biglang nalungkot. Nakalimutan niya, ni kahit ang pagguhit at pagsulat ng pangalan niya ay hindi niya alam. Malalim siyang napabuntong-hininga.
“Why— I mean, bakit?”
Tanong agad sa kanya ni Arkin nang makita nito ang paglulumbay sa kanyang mukha. Pilit siyang ngumiti sa asawa at napailing.
“Sa sobrang saya ko sa mga gamit na ’to, nakalimutan ko na hindi nga pala ako marunong sumulat. Ni pangalan ko, hindi ko maisulat,”
ani niya sa asawa, na bakas sa mukha ang pagkadismaya sa sarili.
Ngumiti sa kanya si Arkin at masuyong hinawakan ang kanyang kamay.
"That's not a problem, Elaina. I'm here to teach you."
“Huh?”
“Ang sabi ko, hindi iyon problema. Naririto ako upang turuan ka.”
Napaawang ang kanyang labi. Hindi siya makapaniwala sa sinabi ng asawa. Bigla niyang niyakap si Arkin dahil sa labis na saya.
“T-talaga? Tuturuan mo ako?”
“Oo naman. Wala kang dapat isipin ngayon kundi ang mga gusto mong gawin diyan sa mga bagong school supply mo.”
“Maraming salamat, Arkin. Sa wakas, matutupad ko na ang pangarap kong matutong sumulat at bumasa.”
Nakangiting saad ni Elaina sa kanya. Masuyo siyang hinawakan sa kamay ng asawa. Kitang-kita niya kung gaano ito kasaya.
“Palagi lang akong naririto, Elaina, upang tulungan ka sa mga bagay na gusto mong matutunan. At pinapangako ko sa’yo, lahat ng mga nais mo—matutupad ang lahat ng mga iyon.”
Saad sa kanya ni Arkin at kinuha nito ang isang long pad paper at isang lapis. Iyon muna ang ipagamit niya kay Elaina dahil hindi pa naman ito marunong sumulat. Saka na lamang niya ito pagagamitin ng notebook at ballpen kapag marunong na itong magsulat.
Agad niyang pinaupo si Elaina sa kanyang tabi. Sa umpisa ay isinulat muna niya ang buong pangalan ni Elaina:
“ELAINA HERNANDEZ DELAVEGA.”
Sa hindi niya malamang dahilan, napangiti siya nang mabasa ang apelyido nito. “Delavega.” Kay sarap bigkasin niyon.
“Here, babe. I-practice mong isulat ang buo mong pangalan.”
Tahimik lang si Elaina habang nakatingin sa papel. Halatang kinakabahan. Kinuha niya ang lapis at dahan-dahang sinubukang iguhit ang unang letra ng kanyang pangalan. Ngunit bago pa man siya makagawa ng isang tuwid na linya, ay agad na napangiwi.
“Ay, bakit parang ang pangit?”
reklamo niya at napasimangot.
Napangiti si Arkin sa reaksyon ng asawa. Lumapit siya nang bahagya, halos dumikit ang kanyang mukha sa balikat nito. Ramdam ni Elaina ang init ng hininga ng asawa sa gilid ng kanyang pisngi kaya lalong tumindi ang kabog ng kanyang dibdib.
“Relax lang, mahal,” bulong ni Arkin, sabay hawak sa kamay ni Elaina.
“Ganito, oh. Dahan-dahan lang. Huwag mong pipigilan ang galaw ng kamay mo.”
Marahan niyang ginabayan ang kamay nito habang sinusulat nila ang letrang E.
Ngunit sa tuwing dumidikit ang kanilang mga balat, pakiramdam ni Elaina ay lumalakas ang kabog ng kanyang puso.
“Ganyan… very good.”
nakangiting saad ni Arkin nang makabuo sila ng maayos na letra.
“Arkin… ang hirap pala nito,”
mahina at may halong tawa ang sabi ni Elaina habang muling sinusubukang isulat ang sumunod na letra.
“Para akong bata.”
“Hindi mahalaga kung parang bata ka. Ang mahalaga, natututo ka,”
malambing na sagot ni Arkin, habang hindi inaalis ang kamay na nakapatong sa kamay ng asawa.
Pagkaraan ng ilang sandali, napuno ng mga letra ng pangalan ni Elaina ang papel. Medyo tabingi, medyo sablay, ngunit bawat letra ay punô ng pag-asa at pagmamahal.
“Tingnan mo oh…”
tuwa niyang sabi habang ipinapakita kay Arkin ang papel.
“Nasulat ko na rin ang pangalan ko! Kahit medyo pangit…”
“Hindi pangit, Elaina.”
Nakangiti si Arkin habang nakatingin sa kanya.
“Sa’kin, ‘yan ang pinakamagandang sulat na nakita ko.”
Saglit silang nagkatitigan. Walang salita, ngunit sapat na ang ngiti at titig ni Arkin para maramdaman ni Elaina na tunay siyang mahalaga rito.
At sa sandaling iyon, pakiramdam niya ay wala na siyang ibang pangarap kundi ang manatili sa piling ng lalaking iyon — habang tinuturuan siya, hindi lang ng mga letra, kundi ng tunay na kahulugan ng pag-ibig.
Muli ay nag-umpisa si Elaina na sumulat sa isa pang bakanteng papel. Isang letra na lamang ang kailangan upang matapos ang buo niyang pangalan, nang sunod-sunod na pagkatok ang nagpatigil sa ginagawa nila ni Arkin.Hindi pa man nakakasagot ang asawa niya upang papasukin ang kumakatok na iyon, ay bumukas na ang pinto ng office library ng asawa. Ang masaya at masigla niyang mukha kani-kanina lamang ay napalitan ng takot nang makita ang madilim at galit na mukha ni Donya Octavia.