“My goodness, Arkin! Naririto ka lang pala,”
ani Donya Octavia na halata sa boses ang pagkadismaya. Hindi nakaligtas kay Elaina ang mapanuri at matalim na tingin sa kanya ng donya. Lalo pang lumukot ang mukha ni Donya Octavia nang makita kung ano ang ginagawa nila ni Arkin. Tila hindi nito nagustuhan iyon.
“Yes, Ma. Tinuturuan ko si Elaina—”
“Kailan ka pa naging tutor, Arkin?”
putol ni Donya Octavia sa iba pang sasabihin ni Arkin. Matalim nitong tinitigan ang long pad at lapis na nasa ibabaw ng table. Napayuko si Elaina. Alam niya na hindi nagustuhan ni Donya Octavia ang ginagawa nilang pagtuturo. At ramdam niya ang malaking pagka-ayaw sa kanya ng matapobreng biyenan.
“Ma, kailangan kong tulungan si Elaina. Kailangan niyang matutong—”
“Nahihibang ka na ba talaga, ha? Bakit nagtatyaga kang turuan ang babaeng ‘yan? Nag-aaksaya ka lamang ng oras at panahon para turuan ang mangmang na ‘yan!”
ani Donya Octavia, sabay bigay ng masamang tingin sa kanya.
Muli ay napayuko si Elaina. Hindi niya kayang salubungin ang galit at mapanglait na tingin ng donya para sa kanya.
“Ma, can you please stop,” ani Arkin at napahilot sa sariling sentido. Hindi niya nagustuhan ang sinabi ng ina tungkol kay Elaina.
“At bakit? Pawang mga katotohanan lamang ang mga sinasabi ko. Hindi ka namin pinag-aral ng ama mo para lamang maging isang tagaturo ng babaeng ‘yan! Look, Arkin, bakit hindi mo pag-isipan ang mga sinasabi namin ng papa mo sa’yo!”
“Heto na naman ba tayo, Ma? Ilang beses ko bang sasabihin sa inyo, si Elaina ang pinakasalan ko, kaya obligasyon ko na siya ngayon.”
Malalim na bumuntong-hininga ang matandang donya. Nasa mukha nito ang hindi pagsuko.
“’Wag kang maging tanga, Arkin. Baka magsisi ka kapag ipinagpatuloy mo ‘yang kahangalan mo!” galit na saad nito kay Arkin, sabay labas ng opisina ng kanyang asawa.
Nahihiya na tumingin siya kay Arkin. Alam niya na siya ang dahilan kung bakit hindi magkasundo ang mag-ina ngayon.
P-pasensya na… dahil sa akin hindi kayo magkasundo ng iyong ina.”
Sunod-sunod na pag-iling ang naging tugon ni Arkin kay Elaina. Alam nito na nagi-guilty ang asawa, ngunit wala itong kasalanan. Lalo na at si Arkin naman ang may gustong turuan si Elaina.
“No. Wala kang kasalanan. Ako dapat ang humingi sa’yo ng sorry, Elaina. Alam ko—hindi mo man sabihin—nahihirapan ka sa mundo ko. Don’t worry, magiging maayos din kami ni Mama. Ako ang bahala sa’yo, mahal. Ako na rin ang bahala kay Mama. Ang gusto ko, ang alalahanin mo ay kung paano ka mas matuto pang magsulat, okay?”
Nakangiting saad nito sa kanya ni Arkin at muling kinuha ang long pad paper at inabot iyon sa kanya. Kahit paano ay gumaan ang nararamdaman niya. Nakangiti na tumango siya sa asawa.
Ilang minuto pa lamang ang lumipas nang mapansin niya ang sunod-sunod na pagtunog ng cellphone ng kanyang asawa. Agad na dinampot ni Arkin ang CP nito.Maya-maya pa ay nakita niya kung paano nangunot ng malalim ang noo ni Arkin. Napabuga pa ito ng hangin. Hindi niya alam kung ano ba ang nabasa sa cellphone nito, ngunit sigurado siya na tila isa iyong problema. Hindi siya nakatiis kaya naman agad niyang nilapitan ang asawa.
“M-may problema ba?”
Kinakabahan niyang tanong sa asawa. Umiling ito at ngumiti sa kanya.
“Wala, mahal. Pero kailangan ko muna pumunta ng opisina ngayon. M-may emergency lang akong aayusin doon, okay?”
“Ganoon ba, sige. Ako na lang ang magpapatuloy nito.”
Nakangiting saad ni Elaina sa asawa, kahit ang totoo ay malungkot siya sa pag-alis ng asawa. Kahit nawalan siya ng gana sa pagsusulat ay ipinagpatuloy pa rin niya iyon. Hanggang sa napuno niya ang isang long pad paper. Hindi siya makapaniwala na natapos niya iyon. Mas lalo siyang hindi makapaniwala na kaya na niyang sumulat. Hindi man perpekto, pero ang importante ay nagagawa na niyang isulat ang pangalan niya.
Sa kabilang banda, halos magkumahog si Arkin patungo sa opisina. Agad siyang sinalubong ng assistant niyang si Cooper.
“Sir, nasa conference room po ang lahat ng ka-sosyo ninyo ngayon.”
Salubong sa kanya ni Cooper, nasa mukha nito ang labis na pag-aalala. Tanging pagtango na lamang ang nagawa niyang sagot sa assistant at dumiretso sa conference room. At totoo nga ang sinabi ni Cooper, naroroon nga ang lahat ng mga ka-sosyo niya sa negosyo.
“Anong nangyayari rito?”
Halos dumagundong sa loob ng conference room ang kanyang boses. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari.
“I’m sorry, Mr. Delavega, pero magba-back out ako sa negosyo mo. May mas importante akong dapat unahin kaysa rito.”
“Me too. May financial problem na kinakaharap ang pamilya ko ngayon, Mr. Delavega.”
“We’re sorry, Mr. Delavega. Magba-back out na rin kami ng partner ko.”
Ani ng mga ka-sosyo niya sa negosyo at saka lumabas sa conference room. Lihim namang nakangisi si Priea na mula sa salamin ay kita niya kung paano mamroblema si Arkin dahil sa biglaang pag-back out ng mga ka-sosyo nito.
“Very effective ang ginawa mo, Tita.”
Ani Priea na hindi maitago ang saya sa mukha. Tumaas ang kilay ni Donya Octavia.
“I told you, iha, hindi ako makakapayag na tuluyang mapunta ang anak ko sa babaeng mangmang na iyon. Kung kinakailangan, lahat ng ka-sosyo ni Arkin ay mag-back out upang muling lumapit siya sa’yo, ay gagawin ko.”
Halos pumalakpak si Priea dahil sa narinig sa donya. Buti na lamang at kampi pa rin ang donya sa kanya.
“So what’s next, Tita?”
“What’s next? Kailangan maging busy ni Arkin. Kailangan niyang mawalan ng oras para kay Elaina. Nawalan ang mga ka-sosyo niya, tulad ng dati, ikaw ang hahanap ng next investor niya. At gagawin mo iyon sa labas ng bansa.At doon,gawin mo ang lahat upang magkabalikan kayong dalawa. Priea,iha,alam mo na ang ibig kong sabihin. Malaki na ang naging pagsasakrispisyo ko,maging ang kumpanya ng mga Delavega ay isinakripisyo ko upang muli kayong magkabalikan na dalawa."
ani donya Octavia. Hindi nito nanaisin na ang mangmang na si Elaina ang tuluyan makasama ng kanyang anak. Hinding hindi niya matatanggap ang babae na yun kaylanman.