Buong akala niya, pagpasok ng mansyon ay matatahimik na ang kalooban niya. Buong akala niya ay nakaalis na si Priea, ngunit nagkamali siya nang maabutan ito sa malaking sala ng mansyon. Prente itong nakaupo roon, animoy isang prinsesa. Nakapaskil sa mukha nito ang saya. Tumatawa ito habang magiliw na kinakausap ang kanyang asawa.
Napalunok siya. Lihim niyang pinagmamasdan ang dalawa. Tama nga sina Doray at Sonia. Wala siyang panama sa dating kasintahan ng kanyang asawa. Mayaman, maganda, higit sa lahat, edukada at may pinag-aralan. Maipagmamalaki nga naman ito ni Donya Octavia kung ito ang naging asawa ni Arkin. Hindi mahihiya ang donya na iharap ito sa mga sosyal na kaibigan at mga kasosyo sa negosyo.
Kaya sa kabilang banda, hindi rin niya masisi si Donya Octavia kung mas gusto nito si Priea kumpara sa kanya na mangmang, no read no write pa. Hindi nga naman siya maipagmamalaki ng pamilya Delavega dahil sa pagiging walang pinag-aralan niya.
Dahil sa mga negatibong iniisip ay unti-unting bumigat ang kanyang nararamdaman. Bigla ring bumalik sa isipan niya ang mga narinig na sinabi ni Doray.
“Ano nga ba ang nakita at nagustuhan sa kanya ni Arkin, gayong wala siyang maipagmamalaki? Isang anak-mahirap. Ni hindi nga niya kayang isulat nang maayos ang kanyang pangalan. Bakit nga ba siya ang pinili nitong pakasalan? Sapat na bang dahilan ang pagmamahal na sinasabi nito kaya siya ang piniling makasama sa buhay? Paano na lang kung mawala ang pagmamahal na iyon? Paano na siya?”
Marami siyang katanungan, ngunit wala siyang makuhang sagot.
Malalim siyang napabuga ng hangin, akmang pagtalikod ang gagawin niya nang makita siya ni Arkin. Agad itong tumayo mula sa pagkakaupo at mabilis siyang nilapitan. Hindi nakaligtas sa kanya kung paano umirap at sumimangot si Priea. Mukhang hindi nito nagustuhan ang ginawang paglapit sa kanya ni Arkin.
“Babe, halika,” nakangiting aya nito sa kanya.
“Pakainin mo muna iyang asawa mo bago mo ihalubilo kay Priea. Baka mamaya, sa gutom niyan, eh kahit mga simpleng tanong ni Priea ay hindi niyan masagot dahil walang laman ang—”
“Ma, puwede ba?”
Pigil-hiningang putol ni Arkin sa matandang donya, na napataas pa ang kilay dahil sa pagpigil dito ni Arkin sa iba pa nitong sasabihin.
Napayuko siya sa sinabing iyon ng mayabang at matapobreng biyenan. Oo, aminado siyang walang pinag-aralan. Pero hindi naman siya ganoon katanga upang hindi maintindihan ang ibig nitong sabihin. Harap-harapan ang panghahamak sa kanya ni Donya Octavia.
“S-sige na, Arkin, bumalik ka na doon. T-tama si m-mama.”
Malalim na bumuga at napahilot sa sariling sentido ang kanyang asawa. Kita niya kung paano nagpipigil ng inis si Arkin para sa ina nito.
“Elaina, kung para sa’yo tama iyon, sa akin hindi. Hindi tama na sabihin iyon ni Mama sa’yo.”
“At anong gusto mong sabihin ko? Gusto mong purihin ko iyang asawa mo? Tanga lamang ang pupuri diyan. Look, kahit bihisan mo pa iyan ng mamahalin at magagandang damit, mukha pa rin iyang pobre at mangmang.”
“Ma, puwede, kahit ngayon lang, igalang n’yo ang asawa ko.”
Ani Arkin, sabay tingin sa ina na nangungunsensya. Ngunit wala namang konsensya ang matapobreng ina nito. Bagkus, taas-noo itong tumingin sa kanya, inirapan siya, at saka lumakad palapit kay Priea.
Sunod-sunod na pagbuga ng mainit na hangin ang ginawa ni Arkin. Halos mamula ang mukha nito, at alam niyang dahil iyon sa pagpipigil ng galit para sa ina. Kinuha nito ang magkabilang kamay niya at masuyo iyong hinaplos.
“S-sige na. Bumalik ka na doon. Naghihintay ang bisita.”
“I’m sorry sa mga inasal ni Mama. Alam ko na—”
“Okay lang. Masasanay din ako. Sige na, bumalik ka na doon. Nakakahiya sa bisita mo.”
“Are you sure? Okay ka lang?”
“Oo naman. Sige na. Tsaka kakain na rin ako. Nagugutom na rin kasi ako.”
Pagdadahilan niya iyon upang hindi na siya kulitin pa ng asawa. Sa sinabi niya ay wala na itong nagawa pa. Malalim itong bumuga ng hangin. Kinabig siya nito at marahan na hinagkan ang kanyang noo.
“Kumain ka na, then akyat ka na sa atin kwarto. Magpahinga ka, kasi later may gagawin tayo. Mapapagod ka,” pilyong bulong nito sa kanya.
Kaya naman ay nanlaki ang kanyang mga mata at natapik sa balikat ang asawa.
“Ayan ka na naman eh, puro ka kapilyuhan. Bumalik ka na doon,” taboy niya sa asawa habang pigil ang ngiti sa labi.
Bago ito tuluyang bumalik sa sala ay ginawaran siya nito ng halik sa labi.
Siya naman ay tumungo sa dining area. Naabutan niya roon ang mga kasambahay at si Manang Erma. Kapwa kumakain na ang mga ito. Agad na tumayo si Manang Erma at akmang kukuha ng plato, ngunit mabilis niya itong pinigilan.
“Ako na po, Manang. Bumalik na kayo sa pagkain n’yo.”
Saad niya. Matapos kumuha ng kanyang plato ay sumandok na siya ng kanin. Ngunit natigilan siya nang makita na wala nang nakahain na ulam sa mesa. Bago pa man siya kumuha ng kanin ay kita niya kung paano kinuha ang lahat ni Doray at Sonia na akala mo’y mga mauubusan ng pagkain.
Binalewala na lamang niya iyon. Kahit sa pagkain ay ramdam niya na ayaw siyang kasabay ng dalawang kasambahay. Kaya naman tumungo siya sa kusina upang kumuha ng sariling ulam.
Ngunit napabuntong-hininga na lamang siya nang wala na kahit anong natira roon. Kumuha na lamang siya ng itlog at pinirito iyon. Matapos maluto ang kanyang ulam ay muli siyang bumalik sa dining area at nagsimulang kumain.
Kunot-noong tumingin sa kanya sina Arlene at Manang Erma nang makita ang kanyang ulam.
“Bakit itlog ang ulam mo, Elaina?” tanong ni Arlene.
“Oo nga. Ayaw mo ba nung ulam na niluto namin?” dagdag ni Manang Erma.
Habang sina Doray at Sonia naman ay lihim na napangisi.
Ngumiti siya at saka matigas na umiling.
“Hindi naman po sa ayaw, eh ubos na ho kasi ang ulam kaya itong itlog na lang ang niluto ko.”
Ani niya, sabay tingin ng makahulugan kay Doray at Sonia. Ngunit parang walang pakialam ang dalawang kasambahay. Napairap pa si Sonia sa kawalan habang si Doray naman ay tuloy-tuloy lang sa pagkain.
Tumayo si Manang Erma at pumunta sa kusina upang tingnan ang lutuan roon. Maya-maya pa ay bumalik ito, kumakamot sa ulo.
“Sonia, Doray, hindi ba’t sabi ko sa inyo na tirhan ninyo ng ulam si Elaina? Alam naman ninyo na—”
“Ay, Manang, pasensya na. Kasi ba naman akala namin kumain na ’yan, eh. ’Di ba, Arlene, tinawag mo iyan kanina? Kaya buong akala namin kumain na ’yan.”
Putol at mataray na katwiran ni Doray, sabay padabog na tumayo.
“’Di ba sinabi ko naman sa inyo na hindi pa kumakain si Elaina? Sana man lang tinirhan ninyo. Tapos yung ulam na narito sa mesa, kinain n’yo pa rin,” singhal ni Arlene.
“Abay, kasalanan ba namin kung hindi agad iyan dumulog sa hapag kanina? Tinawag mo, hindi agad lumapit. Nag-iinarte pa kasi.”
Saad nito at padabog na kinuha ang plato.
“Hoy, Doray! Anong sinabi mo? Huwag kang ganyan. Mahiya ka naman sa pinagsasabi mo. Baka nakakalimutan mo kung sino iyang sinasabihan mong nag-iinarte. Asawa ni Senyorito Arkin iyan. Si Senyorito Arkin na nagpapakain sa atin. Si Senyorito Arkin na amo natin. Kaya amo na rin natin si Elaina at dapat igalang. Hindi iyong kung magsalita ka ay parang si Donya Octavia ka na rin. Ayusin n’yong dalawa ang ugali at pakikitungo n’yo kay Elaina, dahil kapag nalaman ni Senyorito Arkin ang masamang trato n’yo sa kanya, sa tingin n’yo ba ay magugustuhan ni Arkin iyon?”
Mariing saad ni Manang Erma na bahagyang tumaas ang boses.
Walang imik at padabog na tinalikuran ni Doray si Manang Erma.Napailing na lamang ang matandang mayordoma sa inasal ni Doray.
Maging ang mga kasama niya sa bahay ay ayaw sa kanya. Ganoon ba talaga kapag wala kang pinag-aralan? Puwede ka na lang bastusin at maliitin?