"Hindi ka pwedeng makipagkita sa kanila!" bulyaw ni mama sa cellphone habang magka-videocall kami.
"Ma, babalik din ako agad. Saglit lang naman eh" sagot ko upang pakalmahin siya. Hindi ko maintindihan kung bakit ganoon na lamang ang reaksyon niya ng magpaalam akong pupunta sa salon. "Magpapagupit lang ako, then uuwi na. Promise. Tsaka kailangan ko namang mag-ayos bago man lang ako bumalik diyan sa Subic." narinig kong bumuntong hininga ito. "Anak, diba napag-usapan na nating hindi ka na muna babalik dito. Ilang buwan nalang hinihintay ko, palipad na ako ng Dubai. Sinong makakasama mo rito? Magtiis ka nalang muna diyan. Ang mahalaga hindi ka nila ginugutom d'yan." tanging pagtango na lamang ang nagawa ko. Maayos naman ang kalagayan ko rito, ngunit hindi ako sanay sa dami ng gawain kaya ako nagrereklamo.
"Kristel, sinasabi ko sa'yo umuwi ka agad. Iwasan mong makadaupang-palad yung mga kamag-anak mo sa side ng papa mo. Ingat ka. I love you, anak." Natahimik ako sa narinig ko. Prominenteng pamilya ang kinabibilangan ng papa ko. Isa ang mga Cardenas sa pinakamayamang pamilya rito sa San Antonio. Pamilya sila ng mga politicians at businessmen at talaga namang kahit saan ka lumingon ay ari-arian nila ang natatanaw. Hindi ko man aminin ay nakararamdam ako ng panghihinayang, sapagkat napakalayo ng antas ng pamumuhay ko ngayon kumpara sa poder ng aking ama.
---
"Kuya, saan po may pinakamalapit na salon dito?" Tanong ko sa tricycle driver nang payagan ako nina lola. "May alam po akong sikat na salon,ma'am. Doon po nagtatrabaho yung misis ko, kaya lang ay may kamahalan." Agad naman akong pumayag na dalhin ako roon. Nang marating namin ang salon na tinutukoy ni manong ay saglit akong natigilan. Syempre! Napakatanga ko naman upang kalimutan. Aling salon pa ba ang mas sikat kaysa sa salon na ipinundar ng papa ko, para sa mama ko? Malamang ay ito na nga iyon. Marami ang hooked sa romantic na kwento ng salon na ito kaya naman dinadayo ng madla. Nanlamig naman ako sa kaisipang magkikita kami ng mga kamag-anak ko sa father's side.
"Kuya, balik na pala ako. Hindi ko na po pala gustong magpagupit." Mahina kong saad sa driver. "Hon, may customer ka rito. Papagupit daw si ma'am." pagkausap nito sa babaeng marahil ay asawa niya. "Ma'am, andito na po tayo. Baba na po." Nakita kong inutusan pa niyang alalayan ako ng kaniyang misis kaya nahihiya at napipilitan akong bumaba.
"Ay hindi. Okay na po ako. Babalik nalang po ako sa susunod. Sumama po kasi ang pakiramdam ko " agaran kong saad habang nanginginig, sapagkat nakikinita ko na ang nalolokang reaksyon ni mama kapag nalaman niyang dito ako nagpunta. Patawarin nawa ako ng aking ina. "Sayang naman ma'am. 50% off pa man din kami ngayon dahil dumating po yung may-ari." May-ari? Legally, sa amin pa rin ang salon na 'yan kaya sinong may-ari angbtinutukoy niya?
Pasakay na ako ng tricycle nang marinig kong may tumawag sa aking pangalan. "Kristel? ikaw ba 'yan?" Napapikit na lamang ako sa nerbyos at dali-daling sumiksik sa dulong parte ng tricycle. "Teka miss, Kristel, ikaw nga!" tahimik akong napamura nang bumungad sa akin ang pinsan kong si Kristoff. "Bumaba ka nga diyan. Halika rito. Kailan ka pa dumating, ha?" Mangiyak-iyak kong tinignan si manong driver nang tuluyan akong tangayin ng pinsan ko. Patay ako sa mama ko!