Kabanata 1

832 Words
“Saan ka pupunta?” tanong ni Papa nang lumabas ako mula sa ʼking kwarto. Problema nito? Pupunta lang akong banyo, eh. Tinapunan ko siya nang masamang tingin. “Tatae. Sasama ka?” “Kapag ba sinabi kong oo, papayag ka ba?” sagot niya habang taas-baba ang kilay at nakangisi pa. “Pwede, pero sisiguraduhin kong mamamatay ka sa baho.” Hindi ko na siya hinintay pang sumagot at pumasok na ako sa banyo. Wala ako sa mood makipagwalanghiyaan sa kanya. Kagigising ko lang, eh. Pagkatapos kong magbawas ay naligo na ako para pumasok sa eskwelahan. Siguro naman tatanggapin pa nila ako kahit isang linggo na ang nakakalipas nang magsimula ang unang pasukan. Magdadala lang naman ako ng birth certificate at ibang requirements, eh. Medyo na-curious talaga ako roon sa Rosario Academy na ‘yun pero baka naman Christian school ‘yun o kaya naman Religious school? Takte. Hindi imposibleng ganoon na nga kasi ‘Rosario’, eh. Kingina. Baka wala pang isang oras kick out na ako o mas malala, masunog ako sa school na ‘yun kasi makasalanan akong tao. Sayang ang kagwapuhan ko kapag nagkataon. Bahala na nga! “Oh? San ka pupunta?” tanong na naman niya matapos kong makapagbihis at lumabas sa aking kwarto. “Bakit ba tanong ka nang tanong?” “Masama ba?” “Oo. Masama” Umupo na ako at nagsimulang kumain. Dadamihan ko na ang kain ko baka mapasabak ako sa suntukan sa school na ‘yun. Kapag talaga napatalsik ako sa school na ‘yun, hindi na talaga ako papasok at magtatrabaho na lang. “Seryoso, saan ka pupunta?” “Sa school.” Nagulat ako ng napatayo si Papa at hinampas ang kaniyang kamay sa lamesa. Tumilapon tuloy ‘yung ilang piraso ng tinapay at tumumba rin ‘yung tasa ko ng Milo. Naikuyom ko ang kamao ko at tiningnan siya nang masama. Anoʼng karapatan niya para itapon ang pinakamamahal kong Milo?! Mas mahal ko pa ‘tong Milo kaysa sa araw na ʼto! “Anak ng tinapa naman! Ano baʼng problema? Natapon tuloy ʼyung Milo ko!” Tumayo ako at kinwelyuhan siya. Nasagi ko ʼyung lamesa at natapon rin ʼyung kape niya. “Tingnan mo ang ginawa mo sa kape ko!” Hinawakan din niya ako sa kwelyo. “Bakit ba hinampas mo ang lamesa? Ano baʼng trip mo, hukluban?” sigaw ko sa kanya with matching talsik-talsik pa ng laway at ilang piraso ng tinapay na kinain ko kanina papunta sa mukha. “Hindi lang talaga ako makapaniwala na may tatanggap pa palang eskwelahan sa ʼyo!” “Hindi ko kasalanang naging gwapo ako!” Bigla naman siyang natigilan sa sinabi ko. “Anong connect?” Biniwatan na niya ang kwelyo ko kaya binitawan ko na rin ang kanya. “Wala. I-connect mo na lang.” Ganito talaga kaming mag-usa ni Papa. Minsan nagagalit na ʼyung kapitbahay namin dahil palagi kaming nagsisigawan. Hindi naman sa hindi ko siya nirerespeto. Para lang talaga kaming barkada kung magturingan. Kahit naman may saltik ʼto madalas, mahalaga siya sa ʼkin. s**t, ang cheesy. “Siguro walang gwapo sa school na ‘yon at nilapitan nila ako para mag-enrol doon. Alam mo namang sobrang gwapo ko, madaming magkakandarapa makuha lang ako.” Wagas akong tumawa habang nakahawak sa ʼking baywang. Natigil naman ako sa pagtawa nang tumawa si Papa habang binibilog ʼyung diyaryo at buong lakas niyang inihampas ito sa ʼking ulo. “Ano na naman bang problema?!” sigaw ko habang hawak ang aking ulo. “Masyado kang mayabang!” Masama siyang tumingin sa ʼkin. “Ano baʼng pangalan ng school na papasukan mo?” Kumuha ako ng bagong Milo at nagtimpla. Hindi talaga ako mabubuhay ng walang Milo. The best din ‘to kapag pinapapak. Tumingin ako sa kanya habang hinahalo ʼyung Milo na nilagay sa mainit na tubig. “Rosario Academy.” Dumukot ako sa aking bulsa at kinuha ʼyung flyer. “Ito nga ʼyung flyer na ibinigay sa ʼkin.” Iniabot ko sa kanya ang flyer pero matagal muna nita itong tinitigan bago dahan-dahang kinuha mula sa kamay ko. Anong problema? Para siyang nakakita ng multo. Nanginginig pa ang kamay niya. Pinapasma ba siya? “M-mabuti naman at may nahanap ka pang eskwelahan.” Iniiwas niya ang kanyang tingin. “Siguro ito na ang tamang oras.” pabulong na sabi niya pero nagawa ko pa ring marinig. “Tamang oras para saan?” Dumaan sa mata niya ang pagkabigla at pagpapanic pero bumalik na ulit sa normal na expression niya. Weirdo talaga ng hukluban na ʼto. “Ibig kong sabihin, tamang oras na para pumasok ka na! Baka mahuli ka na sa klase mo.” Tumayo na siya at umakyat sa hagdan. Nagkibit-balikat na lang ako. Kinuha ko ang susi ng motor at pinaharurot na ito papunta sa bago kong school.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD