Parang bawat oras na lumipas ay may dagdag na timbang na isinabit sa mga balikat ko.
Nang humupa ang dagsa ng tao at wala na akong kailangang habulin na order, saka lamang bumawi ang katawan ko sa lahat ng pagod na ipinagpaliban ko. Nanlalambot ang mga binti ko, masakit ang likod ko, at kahit ang simpleng paghinga ko lang, pakiramdam ko’y nangangailangan pa rin ng dagdag na lakas.
Unti-unti nang nabawasan ang ingay sa function hall. Ang mga mesa na kanina lamang ay puno ng tao ay isa-isang nababakante habang ang mga event staff ay nagsisimula nang magligpit ng mga gamit.
Samantala, kami naman ni Serene ay naiwan upang ayusin ang coffee station.
“Kung makakita pa ako ng paper cup na may laman na kape, baka umiyak na ako,” reklamo ko habang isinasalansan ang mga natitirang supplies.
“Hindi na drama ‘to,” sagot naman ni Serene. “Kapag may nagtanong pa sa’kin ng isa pang kape, baka mahiga na lang ako rito sa sahig at magpanggap na display.”
“Grabe ang pagod natin. Pakiramdam ko ilang taon ang nadagdag sa edad ko ngayong araw.”
“Mas masahol pa.” Napatawa siya. “Alam mo kung ano ang muntik ko na palang makalimutan?”
Napatingin ako sa kanya habang inilalagay ang natitirang sleeves ng paper cups sa isang kahon.
“Ano?”
Ibinaba niya ang tray na hawak at saka napakurap na para bang may bigla siyang naalala.
“Birthday nga pala ni Mars.”
Bahagya akong napahinto sa pagsasara ng kahon.
“Ngayon?”
“Yes.”
Napabuntong-hininga ako at bahagyang ipinatong ang noo ko sa ibabaw ng kahon.
“Pwede bang bukas na lang siya mag-birthday?”
Natigilan si Serene bago malakas na tumawa.
“Baliw ka ba?”
Napatuwid ako at inunat ang likod na kanina pa nakayuko sa pagbubuhat ng mga kahon.
“Pagod na ako.”
“Obvious naman!” natatawang sabi niya habang itinuturo ang magulo kong buhok, “Mukha ka nang zombie.”
“Exactly. Kaya sabihin mo na kaya sa kanya. Baka naman pumayag.”
Nagkrus siya ng mga braso at tinaasan ako ng kilay.
“Maria, birthday ang ililipat mo. Hindi class schedule.”
Napailing ako habang inaayos ang tape sa gilid ng kahon.
“Worth a try.”
“Good luck. Basta ikaw magsasabi.”
“Bigla akong nahiya.”
Mas lalo siyang natawa habang itinutulak ang trolley na puno ng gamit.
“Mukhang mahaba pa ang gabi.” bulong ko sa aking sarili.
Kabababa lang namin ng huling kahon sa stock room ng café nang biglang umalingawngaw ang ringtone ng cellphone ko.
Pagtingin ko sa screen, agad akong napangiwi.
Mars.
Kakasagot ko pa lamang ng tawag nang sumabog ang boses niya mula sa speaker.
“NASAAN NA KAYO?!”
Napailag agad ako at inilayo ang cellphone sa aking tenga.
Katabi ko lang din si Serene na kasalukuyang nagtatanggal ng apron at halos mabilaukan sa pagtawa nang makita ang ekspresyon ko.
“Buhay pa naman kami,” sagot ko.
“Maria, halos isang oras ko na kayong hinihintay!”
Napabuntong-hininga ako habang isinasandal ang balikat sa pader.
“Katatapos lang namin sa event. Nagligpit pa kami ng buong coffee station.” Paliwanag ko.
“Hindi excuse ang trabaho. Five minutes o magpapadala ako ng taxi.”
Napatingin ako kay Serene na kasalukuyang nagre-retouch naman ngayon ng lipstick gamit ang maliit na salamin na inilabas niya mula sa kanyang bag. Matapos ang buong araw na pagtayo sa event, mukhang determinado siyang magmukhang presentable bago humarap sa kahit sino.
“Sabihin mo nga sa ‘kin na nagbibiro lang sya.”
“Too late,” sagot niya.
“Ano'ng too late?”
“May taxi nang naghihintay sa labas.”
Napapikit na lang ako.
“Finally,” sabi niya habang sinusuri ang sarili sa salamin. “Mukha na ulit akong tao.”
Ibinaba niya ang salamin at ngumisi.
Bigla namang natahimik si Mars sa kabilang linya. Habang hinihintay ko ang sagot niya, inilapag ko muna ang huling stack ng paper cups sa loob ng kahon at itinulak iyon sa gilid ng counter. Sa tabi ko, abala naman si Serene sa pag-aayos ng personal nyang mga gamit sa bag.
“At iyon lang talaga sasabihin ninyo?” tanong ni Mars pagkaraan ng ilang segundo.
Napakunot-noo ako.
“Ano pala dapat?”
“Wala man lang kayong nakakalimutan?”
Napatingin ako kay Serene.
Napatingin din siya sa akin habang hawak pa rin ang maliit niyang compact mirror.
At sa paraan ng pagtitig namin sa isa’t isa, sabay naming naalala.
“Oh.”
“Happy birthday!” sabay naming bati.
Natahimik ulit sa kabilang linya.
“Wow.”
“Sorry naman,” sabi ko habang isinasara ang takip ng isang kahon.
“Unbelievable talaga kayo.”
Napatawa si Serene at ibinalik ang salamin sa kanyang bag.
“Hindi namin nakalimutan, promise!”
“Talaga ba?”
“Naalala talaga namin.”
“After ko kayong tawagan,” patay-malisyang sagot niya.
Napangiwi ako.
“Technicality na lang ’yon.”
“Hindi technicality ang birthday ko.”
“By the way,” singit ko, “pwede bang idagdag muna sa utang ang regalo? Medyo kapos ang budget ng working students ngayong buwan.”
Habang palabas kami ng shop at papunta sa naghihintay na taxi sa tapat, muling natahimik si Mars sa kabilang linya.
Binuksan ni Serene ang salaming pinto ng café habang ako naman ay abalang isinusuot ang bag sa balikat.
“Maria.”
“Hm?” sagot ko habang naglalakad papunta sa taxi.
“Birthday ko na nga, ginawa mo pa akong lending company.”
Napatawa nang malakas si Serene at napailing habang inuunat ang kanyang buhok na bahagyang nagulo.
“Ang kapal n’yo talaga!”
“Honesty is the best policy.” Depensa ko at saka binuksan ang pinto ng taxi.
“Fine. Pero may interes na ‘yan.”
“Pupunta na nga kami, may penalty fee pa?”
“Of course.”
“Grabe ka!”
Mas lalo siyang tumawa.
“Bilisan n’yo na!”
Sumakay ako sa likurang upuan habang si Serene naman ay sumunod sa tabi ko.
“Oo na, oo na. Nakasakay na nga kami. Relax ka lang diyan, birthday boy.”
“Birthday queen,” agad niyang pagtatama.
Napatawa si Serene sa tabi ko.
“Ito na naman tayo.”
“Respect the title,” sabi ni Mars na parang offended. “Hindi ko inalagaan ang drag queen image ko para tawagin n’yo akong birthday boy.”
“Sorry, Your Majesty,” sagot ko.
“Much better.”
Isinandig ko ang ulo sa sandalan ng upuan at napapikit sandali.
“Happy birthday ulit.”
“Late na, pero tatanggapin ko na rin,” dagdag pa ni Mars. “Kita na lang tayo mamaya, mga bakla.”
“Drama mo talaga,” natatawang sagot ni Serene.
At bago pa kami makasagot, siya na mismo ang nagbaba ng tawag.
Napailing na lamang ako habang ibinabalik ang cellphone sa aking bulsa.
Sa kasamaang-palad, pareho naming alam ni Serene na wala na kaming kawala.
Kapag may naisip si Mars, ginagawa niya talaga.
At ngayong birthday pa niya?
Mas lalong imposible siyang kontrahin.